Views

Navarro's Possession (Chapters 36 - 40)

Ameiry Savar
0



Trigger Warning


Navarro's Possession contains scenes that are not suitable for very young readers and sensitive readers. If you have trauma or can't read stories with dark themes, kindly stop reading this story. This story contains abuse, raped, murder, and foul words. 

Chapter 36


Halos malula ako noong makita ko ang magarang yate na nakaparada sa may daraungan. Mukha na nga iyong barko pero hindi naman malaki. Nakababa ang bukana niyon at may nakikita akong ilang mga pumapasok na taong nakasuot ng magarang mga damit. May mga nakita pa akong media at photographer sa bukana na kinukuhaan ang mga pumapasok. Malapit ng magdapit-hapon kaya unti-unti nang napapansin ang kumikinang na mga ilaw na nagmumula sa yate.

“Jane!”

Napatingin ako sa may gilid ko noong may tumawag sa akin. Si Rodrigo na malapad ang mga ngiti. Naglakad siya papalapit sa akin. Agad niyang ipinulupot ang mga kamay sa baywang ko at hinalikan ako sa labi.

“You’re… Dashing, Jane,” aniya habang manghang-maha na nakatingin ako sa akin. Sa unang pagkakataon ay nag-init ang mga pisngi ko dahil sa puri niya sa akin. Ngayon ko lang din kasi nakita na walang pagnanasa kung tingnan ako ni Rodrigo.

“S-Salamat,” mahinang tugon ko.

“Come on? Gusto ka nang makilala ng mga kaalyado ko.”

Tumango ako. Kumapit ako sa braso ni Rodrigo at naglakad na papasok ng yate. Agad na may humarap sa amin at kinuhaan kami ng picture. Para akong naging artista dahil nakasisilaw na mga ilaw. Narinig ko pa na mayroong nagbalita na papasok na raw kami sa loob ng venue. Hindi ko maiwasang kabahan dahil sa dami ng mga taong nakatingin sa amin. Hindi pa rin ako sanay pero pilit kong kinalma ang sarili.

Dumaan kami sa gilid ng cabin dahil nasa likod pala kami banda. Noong makita ko na kung saan ang pagdadausan ay mas lalo akong namangha. Ngayon lang ako nakakita nang ganito kagandang sasakyang pandagat. Madalas ay sa mga palabas lang sa telebisyon ko ito napapanood. Sa gilid ng yate ay may nakapalibot na couch at may bar counter sa gilid. Nakikita ko roon ang dalawang bartender na gumagawa ng inumin ng mga bisita. Mayroon na roong mga bisita na nag-uusap-usap habang may hawak-hawak na wine glass. Agad na nagtayuan ang mga ito noong mapansin kami. Tumawa si Rodrigo.

“Everyone! You can sit down.”

Nagulat ako noong may lumapit sa amin at biglang hinawakan ang kamay ko. Hinalikan ng lalake ang likod ng palad ko at nginitian ako. Nakaramdam ako ng pagkailang kaya agad kong binawi ang kamay ko. Humigpit din kasi bigla ang hawak ni Rodrigo sa baywang ko kaya napangiwi ako nang kaunti.

“You’re lucky, Gov. Your wife is gorgeous!” puri nito sa akin. “I’m Nick, by the way. Kaalyado ni Gov sa pulitika.”

Tumikhim si Rodrigo. “I know. So, you can back off now, Nick,” ani Rodrigo na may himig ng pagbabanta.

Tumawa si Nick. “Easy! I’m just being nice to your wife.”

Humigpit ang kapit ko sa pouch ko at tumungo. Ayaw ko itong kausapin dahil baka sa akin na naman ibunton ni Rodrigo ang selos niya. Noong isang beses kasi na pumunta kami sa isang party ay muntik nang mapaaway si Rodrigo dahil may kumausap sa akin.

“I’m just making it clear.”

“Jane!”

Muli akong nag-angat ng ulo. Nakita ko si sir Navarro na papalapit sa akin. May kasama siyang babae na may katandaan na rin pero maganda pa rin. Nakita kong umalis na si Nick sa harapan namin.

“Sir.”

“Ano ka ba? I told you to call me uncle, right? Asawa ka ng pamangkin ko.”

Bigla akong nakaramdam ng hiya. “Sorry po. Hindi ako sanay.”

“You know what? Come here, Jane.” Nagulat ako noong hinatak ako ng kasamang babae ni sir Navarro. “I am your auntie Cathy. I’m the wife of Clarixto,” nakangiting sabi niya. “Matagal na sana kitang gustong makilala kaso I am in LA. We have business there.”

Napatitig ako sa kaniya. “Nice meeting you po.”

“Naku! Ganda mo talaga. Okay, boys. Doon muna kami, ha? Ako na ang magpapakilala kay Jane, Rodrigo.”

“Sige, Auntie. Please take care of my wife. She’s my life.”

“Sus! I’ve never seen you romantic. It’s weird.”

Tumawa si Clarixto. “Weird, right? Natuluyan na ata ‘tong pamangkin mo.”

“Ano ka ba, Clarixto?” saway ni auntie Cathy. “Halika na, Jane. For sure maa-out of place ka lang sa dalawang ‘yan.”

Matipid akong ngumiti at nagpahila na kay auntie Cathy. Naupo kami sa couch katabi ng ilang babaeng may magagara ding mga kasuotan. Sa aking hula ay mga asawa sila ng mga lalakeng kausap ngayon ni Rodrigo. Agad nila akong kinausap at nagpakilala kami sa isa’t isa. Ang ilan sa kanila ay pamilyar na ako pero may ibang hindi ko pa nakikilala.

“Miss, lasing ka na po.”

Napatingin ako sa bar counter noong may narinig akong magsalita. Malapit kami sa bar counter kaya hindi ko maiwasang marinig ang pag-uusap nila,

“I am okay, Jonash! Ano ka ba?”

“Narito ka bilang representative ng daddy mo. H’wag ka namang magpakalasing.”

“Shut up, Jonash! Baka nakakalilimutan mo kung sino ako? I am Francheska Mendoza! So, fuck off!”

Napangiwi ako noong sumigaw na ang dalaga. Umiling ang binatang kasama nito at bigla na lamang binuhat ang dalaga. Agad na nagsisigaw ang dalaga at pilit na kumawala mula rito. Lumapit pa muna sila kay Rodrigo bago naglakad pababa ng yate.

“Don’t mind her,” ani auntie Cathy. Napatingin ako sa kaniya. “It’s Francheska. Matteo’s spoiled only daughter.”

“Matteo Mendoza?”

Iwinagayway ni auntie ang kamay niya. “They are the biggest criminal in the Philippines.”

Namilog ang mga mata ko. Kriminal? Eh bakit narito? Sumeryoso rin ang mukha ni auntie na para bang nananakot. Tapos bigla siyang tumawa at marahang hinampas ang hita ko.

“It’s a joke! Ano ka ba? Kasosyo sila ng asawa mo sa ibang negosyo nila. So, it’s okay. Sadyang may reputasyon lang ang anak niya sa mga nakakikilala sa kanila.”

Napatango-tango ako. Mukha ngang kakaiba ang dalagang iyon. Itinuon ko na lang ang pansin ko sa ibang bagay. Ilang sandali pa ay umandar na ang yate. Medyo dumami na ang mga kasama namin pero hindi naman puno ang buong sasakyan. May kaunting program na naganap at nagbigay ng speech si Rodrigo. Wala siyang ibang sinabi kundi pagpapasalamat sa pagsuporta sa kaniya at sa negosyong binubuo nila. Sa tingin niya talaga ay makatutulong ang resort na kanilang binubo. Eh isang kumunidad ang nawalan ng tahanan dahil sa ginawa nila. Hindi ko maiwasang mandiri sa kanilang lahat dahil parang natutuwa pa sila sa nangyari. Pero kinailangan kong ngumiti dahil tinawag niya pa ako at pinakilala sa mga tao.

Pagkatapos ng speech ay nagkaroon ng kaunting salo-salo. May mga sumayaw na sa gitna ng slow dance at iyong iba ay nag-uusap pa rin.

“Rodrigo, magbabanyo lang ako,” bulong ko kay Rodrigo. Tiningnan niya ako.

“Gusto mo bang samahan na kita?”

Umiling ako. “Kaya ko na.”

“Sige.”

Tumayo na ako mula sa pagkakaupo ko at naglakad papunta sa cabin. Hindi rin nagtagal at nakita ko ang banyo pero hindi ako pumasok doon. Huminga ako nang malalim at hinanap ang kusina. Napangiti ako noong makita ko na walang tao sa kusina noong pumunta ako roon. Hindi rin naman kasi kailangang magluto pa dahil nakahanda na sa loob ang mga pagkain. Agad akong pumasok doon at binuksan ang mga gas. Napaubo pa ako dahil sa tindi ng amoy niyon. Pagkatapos ay naghanap ako ng lighter. Agad din naman akong nakakita sa mga drawer na naroon. Pagkatapos ay lumabas ako at nagpunta sa gilid ng yate pero bigla akong natigilan.

“Miss. Ano’ng ginagawa mo rito?”

Nanlaki ang mga mata ko noong may nakita akong lalakeng nakasuot ng itim na damit. Agad kong itinago ang lighter sa likuran ko at kabadong tiningnan siya.

“A-Ahh. Wala po,” kabadong sabi ko. Naging malikot ang mga mata ko. Panay ang tingin ko sa kusina at sa lalakeng nakakita sa akin. Mabubulilyaso pa ata ang plano ko! Ngumisi ang lalake at tumingin sa kusina.

“Amoy gas. Ano’ng balak mong gawin?”

“Ha? W-Wala naman akong na aamoy.”

Mahinang tumawa ang lalake. “H’wag kang mag-alala. Tiningnan ko lang kung magagawa mo nang maayos ang plano.”

Nagulat ako noong naglabas siya ng lighter. “Sino ka?” tanong ko. Imbes na sumagot ang lalake ay naglabas ito ng baril. Agad akong binundol ng kaba at napaatras. “Ano ‘to?! Sino ka?!”

“Sabi ni sir. Good job, daw. Ako na tatapos ng trabaho mo.”

Napanganga ako. “Hindi kasama ‘to sa napag-usapan namin ni sir Navarro!” galit na sabi ko. Mga walang-hiya talaga sila! Napatingin ako sa gilid ko. Medyo malayo na kami sa daungan at napaka dilim na ng paligid. Tanging ang ilaw na lang sa yate ang nagpapaliwanag sa dagat. Muli kong tiningnan ang lalake.

“Please! Aalis ako. Hindi na ako magpapakita sa mga Navarro. Hindi na niya kailangan pang gawin ‘to!” naluluhang pakiusap ko. Mga hayop sila! Parehas silang magtiyuhin!

Umiling ang lalake. “Sorry, Miss. Trabaho lang.”

Nanlaki ang mga mata ko. Parang biglang bumagal ang paligid ko. Bago pa niya ako matamaan ng baril ay nagpatihulog ako agad sa dagat. Bago ako tuluyang bumagsak sa tubig ay nakarinig ako ng malakas na pagsabog mula sa yate. Nakaramdam ako ng kirot sa balikat ko ngunit hindi ko na iyon na inda pa dahil nagdilim na ang paningin ko.


















Chapter 37

A few days ago

Hindi mapakali si Jane habang naghihintay na makitang umalis ang nakaparadang kotse ni Rodrigo sa tapat ng mansyon. Panay ang lakad niya sa loob ng kaniyang silid. Ilang sandali pa ang kaniyang hinintay bago siya naglakad palabas ng kwarto upang tingnan kung nakaalis na ba ang asawa. Tumigil siya noong nasa tapat na siya ng silid nito. Bahagyang inilapat ni Jane ang kaniyang tainga sa pinto at pinakiramdaman ang asawa. Noong wala siyang narinig ay pumasok siya roon at hinanap ito. Wala na ang binata.

Napangiti si Jane. Nagmamadali siyang lumabas ulit at bumaba sa hagdan. Hindi na nga niya nakita pa ang sasakyan ni Rodrigo kaya hinanap na niya si Clarixto, ang tiyuhin ni Rodrigo. Nakita niya ito sa study room ni Rodrigo.

“Sir Navarro,” tawag ni Jane sa matanda.

Napatigil naman si Clarixto sa pag-aayos ng gamit at tumingin kay Jane. “Oh, Jane. Do you need something?”

Isinara ni Jane ang pinto ng kwarto at naglakad palapit sa matanda. “Ahm. Sir–”

“Uncle.”

Alanganing ngumiti si Jane kay Clarixto. “U-Uncle.” Tumihim siya. “Gusto po sanang marinig kung paano niyo ako matutulungan.”

Nangunot ang noo ni Clarixto. Binitawan niya ang bag at tiningnan ang dalaga. “Matutulungan saan?”

Napalunok si Jane. Wala na siyang pagpipilian pa. Kung kailangan niya ng tulong ni Clarixto ay tatanggapin niya ito para lang makatakas sa kaniyang asawa. Deretsong tiningnan ni Jane si Clarixto sa mga mata.

“Tulungan niyo po akong makatakas kay Rodrigo.”

Huminga nang malalim si Clarixto. “Are you sure?”

Tumango si Jane. Determinado na siyang makaalis. “Opo. Hindi ko na kayang magtagal pa sa bahay na ito. Hindi ako dapat narito.”

“Okay. What do I get in return?”

Natigilan si Jane. Nakita niyang umarko ang labi ni Clarixto kaya bigla siyang kinabahan. Napaatras siya nang kaunti. “A-Ano po ang ibig mong sabihin?”

Napansin naman ni Clarixto ang takot sa ekspresyon ng dalaga. Bigla siyang natawa noong maisip niya ang posibleng iniisip nito. “Kalma, hija. What I mean, kung tutulungan kitang makaalis dito. Maipapangako mo bang hindi ka na ulit makikita ng pamangkin ko?”

Mabilis na tumango si Jane. “Opo! Ipinapangako ko!”

Napangisi si Clarixto. “Good. Then let’s plan it.”





Present time.


“Yes. That’s a great idea,” nakangiting tugon ni Rodrigo. Panay ang tingin niya cabin kung saan pumasok si Jane. Ilang minuto na kasi ang nakalipas pero hindi pa rin ito umaalis.

“If you will allow us for this new building, Gov. You won’t regret it,” puno ng kompyansang sabi ng kausap nitong negosyante.

Uminom sa alak na hawak niya si Clarixto at tinitigan ang pamangkin. Halata na sa mukha nito na hindi ito mapakali. Tiningnan ni Clarixto ang isa niyang tauhan na nakatayo sa gilid ng yate at naghihintay ng kaniyang senyas. Tinanungan niya ito at agad naman itong naglakad papunta sa cabin.

“Is there any problem, Rod?” tanong ni Clarixto.

Tiningnan ni Rodrigo si Clarixto. “Nothing. But Jane is not coming.”

“Ano ka ba? Nasa banyo lang asawa mo. It’s not like she can run from here,” biro ni Clarixto. Nagtawanan naman ang mga kaharap nilang lalake.

“Mukhang mahal na mahal ni Gov ang asawa niya.”

“Hindi ko siya masisisi. Kung ako rin naman may gano’n kagandang asawa. Talagang mababaliw ako sa kaniya,” pabirong sabi rin ni Nick.

Nangunot ang noo ni Rodrigo. “What do you mean?” seryosong tanong niya. Hindi niya gusto ang tabas ng dila ng binatang ito.

“Well, you know it.”

Tiningnan nang masama ni Rodrigo si Nick. Naikuyom na lamang niya ang kaniyang mga kamao at kinalma ang sarili. Hindi siya pwedeng magwala sa sarili niyang party.

“I think I should check her.”

“Rodrigo. She’s just in the comfort room. Alam mo naman ang mga babae,” pigil ni Clarixto sa pamangkin. Hinawakan niya pa ang braso nito.

“Baka kung ano na ang nangyari sa kaniya.”

“Ano ka ba? Palabas na ‘yon.”

Umiling si Rodrigo. Tinanggal niya ang kamay ng tiyuhin at naglakad na papunta sa cabin. Nakasalubong pa niya ang auntie niya na papunta sa uncle niya. Ngunit hindi pa man siya nakakalapit sa cabin ay bigla na lamang may sumabog na malakas mula roon. Sa sobrang bilis ng pangyayari ay hindi na nalaman ni Rodrigo. Natumba siya at biglang nawalan ng malay.

Nagising si Rodrigo na masakit ang buong katawan. Agad siyang napaupo habang naghahabol ng hininga. Nakita niyang nasa daungan na siya at nakahiga sa may strecher. Nakita niya ang mga bisita niyang dumadaing sa sakit at nakahiga rin. Nagkalat ang mga media at mga ambulansya. Mayroong mga life boat at jetski sa dagat na may mga sakay na rescuer.

“Rodrigo! You’re awake!” nag-aalalang sabi ni Clarixto. Tiningnan siya ni Rodrigo.

“Where’s my wife?” tanong ni Rodrigo. Nagpalinga-linga siya sa paligid pero hindi niya makita si Jane. Bumaba na siya sa hinihigaan niya.

“Where are you going?”

“My wife! Where is Jane?!” sigaw na ni Rodrigo. Bigla kasi siyang nakaramdam ng kaba dahil hindi niya makita ang asawa.

“Rod–”

“Uncle? Where is she?”

“I’m sorry. Isa siya sa mga pinaghahanap pa ngayon. Hindi pa rin siya nakikita.”

“What?!” gulat na tanong ni Rodrigo at umiling-iling. “Where’s their captain? Call him!”

“Rod. Mahiga ka mun–”

“I said call him! I want to see my wife now! Hanapin niyo si Jane!”

Napabuntonghininga si Clarixto at tumango. “Okay. I will talk to them. Magpahinga ka muna. Dadalhin ka na rin sa ospital.”

“No! Hindi ako aalis dito. Kailangan kong makita si Jane.”

Sa unang pagkakataon ay nakaramdam nang matinding takot si Rodrigo. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niyang takot at pag-aalala. Natataranta siya dahil hindi niya makita ang asawa. Hindi niya ata kakayanin kung hindi niya ito makita.

Ngunit lumipas ang isang gabi ay hindi pa rin nakita ang katawan ni Jane.

“What? Hindi pa rin siya nakikita?” tanong ni Rodrigo sa pinuno ng mga rescuer. “Are you doing your job? Walang titigl hanggat hindi nakikita ang asawa ko!”

“Rod. Please relax,” naluluhang sabi ni Cathy.

“No, Auntie,” ani Rod. Nanlilisik ang mga mata na tiningnan niya ang lalakeng kausap. “Find her. Wala akong pakealam kung hindi na kayo umalis sa dagat na ‘yan. I will pay you millions just find my wife, alive! Or else I will kill you all!” banta ni Rodrigo.

Alanganing tumango naman ang rescuer. “Masusunod, Gov.”

“Rod.” Hinagod ni Cathy ang likod ng pamangkin. Hindi niya maiwasang mahabang sa sitwasyon nito. Mula pa kagabi ay hindi ito umaalis sa daungan at naghihintay kay Jane. “We will see her. Don’t worry.”

Umiling-iling si Rod. “I-I need to see her, Auntie. I-I don’t know… Hindi ko kaya,” naluluhang sabi ni Rodrigo. Naupo siya sa kama at sinapo ang mukha. Naramdaman niyang nag-init ang kaniyang mga mata.

“Don’t worry.”

Huminga nang malalim si Rodrigo at tumango. Where are you, Jane? Please come back.

Lumipas ang isang araw. Hanggang sa inabot na ng isang linggo. Hindi pa rin nawalan ng pag-asa si Rodrigo. Ngunit kahit na ano ang gawin niya. Kahit siya na mismo ang nagpunta at hinanap ang asawa ay wala. Bigo siyang makita kahit ang bangkay manlang ng kaniyang asawa.

Umiiyak na umiiling si Rodrigo habang nakatingin sa dagat. “T-This is not true. You are lying!”

“Sorry, Gov. Magdadalawang linggo na po tayong naghahanap kay Ma’am pero wala pa rin. Kahit sa mga karatig na isla ay tiningnan na namin pero wala pa rin ho. Walang napabalitang may nakita sila kahit bangka–”

Biglang kinuwelyuhan ni Rodrigo ang rescuer. Agad na humawak sa kaniyang braso si Clarixto.

“Are you saying she’s dead?!”

“Rodrigo, relax!”

“No! Hindi siya patay! Hindi patay si Jane! Find her!” galit na galit na sigaw ni Rodrigo at marahas na binitawan ang lalake. Natumba ito at agad na naghabol ng paghinga.

“Rodrigo. You need to listen to them. Kailangan mo nang tanggapin.”

“No!” Humagulhol si Rodrigo. Sinapo niya ang kaniyang dibdib dahil hindi niya makayanan ang kirot na kaniyang nararamdaman. Alam naman niya ang ibig iparating ng lahat. Wala na si Jane. Pero hindi niya ito tatanggapin hanggat hindi niya nakikita ang bangkay nito.

You’re not dead, Jane. You will come back to me!






Chapter 38


Dala-dala ang timba na paglalagyan ng nahuling mga isda ng kaniyang ama. Ang batang si Moymoy ay nagmamadaling naglalakad papunta sa kanilang bangka. Lumalalim na kasi ang gabi ngunit hindi pa rin sila nakakapag-asikaso para sa kanilang paglaot. Ngayon ang unang gabi na sasama siya sa paglaot ng kaniyang ama kaya mababakas ang pagkasabik sa kaniyang mukha.
“Sana marami kaming huli!” masayang sabi ni Moymoy. Tumingin siya sa langit. Natatakpan ng ulap ang buwan. Saktong-sakto dahil bulag ang mga isda ngayon at mukhang makakarami sila ng huli. Lalo siyang nasabik kaya inayos na niya ang dala-dala niyang mga gamit.

Pagkatapos ni Moymoy ay napatingin siya sa karagatan. Nangunot ang noo niya noong may natanaw niyang kumikintab na bagay mula sa dagat. Papalapit iyon sa dalampasigan at mukhang inaanot. Kinuha niya ang flashlight at naglakad papunta sa dulo ng bangka nila kung saan nakalutang na ang bangka. Mariin niyang sinipat ang bagay na iyon hanggang mapagtanto niyang tao ang kaniyang tinititigan.

Napasigaw nang malakas si Moymoy. Nagmamadali siyang bumaba ng bangka at halos liparin na ang kanilang kubo.

“‘Nay! ‘Tay! May patay!” nahihintakutang balita ni Moymoy sa kaniyang ama at ina.

Nangunot ang noo ni Badong, ang tatay ni Moymoy. Isa siyang mangingisda. “Ano? Patay?”

Huminga nang malalim si Moymoy. Malakas ang kabog ng dibdib niya dahil sa takot na siya ay nakakita nga ng patay. “M-May patay sa dagat! Naroon sa dagat!”

“Ano’ng patay? May nagtapon na naman ata ng hayop sa dagat. Hindi talaga sila natututo,” ani Loring. Ang ina ni Moymoy. Inihahanda niya ang iba pang dadalhin ng kaniyang mag-ama sa laot habang ang asawa naman niya ay nagkakape sa tapat ng kanilang kubo.

Mabilis na umiling si Moymoy. “Hindi, ‘nay! Patay na tao!”

Nagkatinginan ang mag-asawa. Agad na tumayo si Badong at nagmamadaling pinuntahan ang sinasabi ng anak. Ganoon din ang ginawa ni Loring na labis na ang kaba. Ito ang unang pagkakataon na may napadpad na bangkay sa kanilang isla kung sakali.

“Nasaan?” tanong ni Badong.

Itinuro ni Moymoy ang dagat. “Ayon! Iyong kumikinang, ‘tay!”

Inilawan ni Badong ang dagat. Noong makita niya ang tinutukoy ng anak ay sumuong siya sa dagat kahit na malamig ang tubig. Nakita niya ang isang babaeng may magarang kasuotan. Doon niya nakita na ang makintab na bagay pa lang nagmumula rito ay galing sa kwintas nito. Nakatihaya ang babae. Hinawakan na ni Badong ang braso nito at hinila hanggang sa dalampasigan.

“Mahabaging Diyos! Buhay ba siya?!” nahihintakutang tanong ni Loring.

Inilapit ni Badong ang kaniyang palad sa tapat ng ilong nito. “Oo. Humihinga siya.”

“‘Tay! May dugo oh.” Itinuro ni Moymoy ang kaliwang balikat nito.

Napailing si Badong. “Tulungan niyo ako. Dalhin natin siya sa bahay.”

Agad na nagtulong-tulong ang mag-anak na buhatin ang dalaga papunta sa kanilang kubo. Nagising pa ang dalawang pang anak ng mag-asawa noong inihiga nila ito sa papag.

“Lumabas muna kayo. Bibihisan ko muna siya,” ani Loring. “Nene, tulungan mo ako. Kumuha ka ng damit mo. Mukhang magkasing katawan kayo,” utos niya sa pangayan niyang anak. Dalaga na ito at nag-aaral sa kolehiyo.

“Sino siya, ‘Nay? Ang ganda ng suot niya!” namamanghang sabi ni Nene.

“Tumigil ka nga! Kumuha ka na ng damit doon!”

Lumabi si Nene at sinunod na lamang ang ina. Kumuha siya ng t-shirt niya at panjama. Noong muli siyang bumalik sa loob ng silid ay nakakumot na ang dalaga at tinatanggal na ng kaniyang ina ang suot nitong magandang damit.

“Kumuha ka rin ng bulak at mainit na tubig. Mayroon pa ata sa takure. Dalian mo.”

Sinunod ito ni Nene. Kumuha siya ng maliit na planggana at nagsalin ng mainit na tubig doon.

“Ayos na ba siya, ate? Pwede na ba kaming pumasok?” tanong ni Moymoy.

“Hindi pa.”

Muling pumasok sa silid si Nene. Inilapad niya ang dala sa gilid ng papag.

“Tulungan mo akong isuot itong salawal sa kaniya,” ani Loring.

Magkatulong nilang binihisan ang dalaga. Ngunit iniwan muna nila ang ibabaw na parte nito dahil nilinisan ni Loring ang sugat nito. Tinakpan na lamang niya ang dibdib nito ng kumot.

Hindi maiwasang mamangha ni Nene noong makita niya ang mga alahas mula sa dalaga. “Saan ba siya galing, ‘nay? Ang gaganda nito! Mukhang mayaman siya!” ani Nene. Kinuha niya ang singsing at ang bracelet. Isusuot niya sana ito pero bigla siyang sinaway ni Loring.

“Magtigil ka nga! H’wag mong pakealaman ‘yan!”

Lumabi si Nene. Inilapag niya ang mga iyon sa lamesa at kinuha naman ang kwintas. “Ang gaganda, ‘nay. Mukhang mga tunay ang mga ito.” Nangunot ang noo niya noong makita niyang may nakasabit pang kwintas sa kwintas na hawak-hawak niya. Nagulat siya nang makita niya ang susi roon. Hindi iyon malaki at hindi rin maliit. Katamtaman lang ang laki kaya naitago sa isang kwintas. Ngunit kakaiba ang hitsura niyon at hindi kagaya sa normal na mga susi.

“Teka. Tawagin mo ang tatay mo.”

Inilapag ni Nene ang mga alahas at lumabas ng silid. Tinawag niya ang kaniyang ama at magkasabay silang pumasok sa loob.

“Bakit?”

“Tingnan mo. Parang tama ng baril ito.”

Lumapit si Badong sa tabi ni Loring. “Oo nga. Parang andoon pa ang bala sa loob.”

“Kaya mo bang kuhain? Inaapoy rin kasi siya ng lagnat.” Sinapo ni Loring ang noo ng dalaga.

“Dalhin na lang natin siya sa ospital, ‘nay.”

“Malayo ang ospital. Baka hindi na niya kayanin kung dadalhin pa natin siya roon. Tsaka, bala ng baril ito. Ibig sabihin nanganganib ang buhay niya,” ani Loring.

“Baka naman may nangyari lang?”

“Lumabas ka na nga Nene at tingnan mo roon ang mga kapatid mo. Ipatawag mo kay Moymoy iyong anak ni Manang Ising. Hindi ba nurse ang anak niya na galing ibang bansa? Makatutulong siya sa atin.”

“Sige po.”

Lumabas na si Nene at inutusan si Moymoy. Hindi nagtagal ay bumalik ito na kasama na ang isang babae na pupungaypungay pa. Dala niya ang isang maliit na bag. Dumeretso siya sa silid ng mag-anak at nakita ang dalagang walang malay. Agad niyang ginamot ang balikat nito at sa kaniyang kaalaman ay natanggal niya ang maliit na bala mula sa balikat nito.

“Sino ho ba ito?” tanong ng dalaga. Nilalagyan na niya ang bandage ang sugat nito.

“Hindi namin kilala. Nakita namin sa dagat. Akala ko nga patay na,” paliwanag ni Loring.

Tumayo na ito. “Okay na ho siya sa ngayon pero mukhang nilalagnat siya. Mas maigi pa rin siguro kung madadala siya sa ospital para matiknan.”

Tumango si Loring. “Salamat, ineng. Pasensya ka na sa abala.”

“Walang anuman ho.”

Inihatid na ni Loring sa labas ang dalaga. Pagkatapos ay muli siyang bumalik sa silid upang damitan ang dalaga.

“Kawawa naman ang dalagang ito. Ano kaya ang nangyari sa kaniya?” na aawang sabi ni Loring.

“Ano ang balak mo ngayon, Mahal?” tanong ni Badong.

“Hintayin natin siyang magising. Masama kasi ang pakiramdam ko tungkol sa kaniya. Mukhang may hindi magandang nangyari sa dalagang ito.”










Chapter 39

Three years later

“This is ridiculous, Rodrigo! Una mong inalis ang mga pasugalan natin. Tapos gusto mong isunod ang planta?!” galit na galit na tanong ni Clarixto sa pamangkin. Maaga pa lang ay sinugod na niya ito sa mansyon dahil nalaman niyang ipinapasara naman ng binata ng planta ng drugs nila. Nag-aalala siya dahil halos lahat ng mga pinagkakakitaan nila ay inaalis na nito. “Gusto mo bang maghirap tayo?!”

Huminga nang malalim si Rodrigo. Walang pakealam na kumagat siya sa hotdog na kaniyang almusal ngayon.

“Sit down, Uncle. Let’s eat.”

“Rodrigo!”

Bumuntonghininga na si Rodrigo at binitawan ang kubyertos na hawak niya. Seryosong tiningnan niya ang tiyuhin. “Ano ba ang gusto mo?”

Naupo si Clarixto at tinitigan ang pamangkin. “Why are you doing this? Bakit ka nagkakaganito? Dahil pa rin ba ‘to kay Jane?”

“Shut up,” mahinang sabi ni Rodrigo. Biglang nag-iba ang timpla ng kaniyang mukha.

“Patay na siya, Rodrigo! It’s been five freaking years!” galit pa rin na sabi ni Clarixto. “Hinayaan kita na magluksa ng isang taon. Pinabayaan kita. Pero hindi ko matanggap na ganito naman ang ginagawa mo sa atin. Ano’ng sunod mong gagawin, ha? Bababa ka sa pwesto mo bilang gobernador?”

“Kung iyon ang kailangan kong gawin, I will. Just to let Jane see I’m changed,” ani Rod at muling kumain.

“She’s dead, Rodrigo! She is! Tanggapin mo na–”

“I don’t care!” putol ni Rodrigo sa sinasabi ng matanda. Hinampas niya ang lamesa at napatayo. Nanlilisik ang mga matang tinitigan niya ang kaniyang tiyuhin. “Kahit kailan ay hindi ko tatanggapin na patay si Jane! Hanggat hindi ko nakikita ang katawan niya ay hindi ako maniniwalang patay siya!”

Napaatras si Clarixto. “Edi ayusin mo ang sarili mo! Look at yourself! You are miserable!”

Umayos nang tayo si Rodrigo. “I don’t care. Don’t come back here,” aniya at tinalikuran na ang matanda. Narinig pa niyang tinawag siya ni Clarixto ngunit hindi na niya ito nilingon. Ilang taon na ang nakalipas ngunit hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya tumitigil na mahanap ang asawa.

Dumeretso sa kwarto ni Jane si Rodrigo. Mula noong mangyari ang aksidente ay rito na siya natutulog. Nagsalin siya ng alak na nakapatong sa lamesa at tinungga iyon. Pagkatapos ay pabagsak na humiga sa kama. Napatitig siya sa kisame habang kinakalma ang sarili.

Tatlong taon. Lahat ng mga tao ay sinasabihan siyang kalimutan na ang nangyari. Pero para kay Rodrigo ay hindi niya magawa. Hanggang ngayon ay may mga inuupahan pa rin siyang mga tao na naghahanap sa dalaga. Kahit ang mga magulang ni Jane ay pinabantayan niya para lamang masiguro ang pagbabalik ng dalaga. Ngunit wala pa ring balita.

Unti-unting nag-init ang mga mata ni Rodrigo. Napasinghot-singhot siya at bigla na lamang napahagulhol.

“Where are you, Jane?” umiiyak na sabi ni Rodrigo. Halos mabaliw-baliw na siya kakaisip kung nasaan na ang asawa. Tanging ang alak na lamang na iniinom niya ang nagpapatino sa kaniya. Iniisip niya na baka kaya ayaw magpahanap ni Jane dahil sa mga nagawa niya sa dalaga. Kaya mula noon ay pilit niyang binago ang sarili. Unti-unti niyang inalis ang mga iligal na mga negosyo nila. Pinaalis din niya ang kaniyang mga tauhan na nakaronda sa tahanan niya. Muli niyang ininom ang kaniyang mga gamot at hanggat maari ay kinokontrol ang emosyon. Mula paggising niya hanggang sa pagtulog ay nagdadasal siya at humihingi ng tawad sa mga pasakit na binigay niya sa asawa. Pinuntahan niya nga rin ang mga kaibigan nito ngunit itinaboy lamang siya. Maging sa mga magulang ni Jane ay humingi siya ng tawad pero hindi ng mga ito tinatanggap iyon. Nauunawaan naman niya dahil malaki ang kaniyang kasalanan kay Jane.

“Jane… Come back.”

Tumagilid si Rodrigo at lalong napaiyak.

“Just come back. M-Magbabago na ako. Pangako… H-Hindi na kita sasaktan. Hindi kita sasaktan. Parang-awa mo na bumalik ka na! Hindi ko na kaya!”

Naikuyom ni Clarixto ang kaniyang mga palad noong marinig niya ang pagtangis ng pamangkin. Nakasilip siya sa may pinto nito at pinapanood ang binata.

Nawala ka nga sa buhay namin, Jane. Pero pinahina mo naman ang pamangkin ko! Patay ka na pero problema ka pa rin! galit na sabi ni Clarixto sa kaniyang isipan. Tumalikod na siya at naglakad pababa. Hindi siya makapapayag sa ginagawa ng pamangkin. Hindi niya hahayaan na mauwi sa wala ang mga pinaghirapan niya sa pamilyang ito. Hindi niya hahayaang mawala ang kanilang mga negosyo. Kung kailangan niyang pasukin din ang politika ay gagawin niya para lamang manatili ang kanilang kapangyarihan sa probinsya.

Nagmamadaling sumakay si Clarixto sa kotse niya at nagpahatid sa planta nila. Nasa liblib na lugar iyon at malayo sa mga mata ng mga tao. Pagkarating niya roon ay nakita niya ang ilang mga tao na may ibinabaon sa lupa.

“Itigil mo! Stop the car!” utos ni Clarixto. Agad na tumigil ang kotse at bumaba siya roon. Nilapitan niya ang mga tauhan nila. “Ano’ng ginagawa niyo?”

Tumigil ang mga ito sa pagbuhos ng puting bagay na mukhang tawas. “Sir. Sabi ni Gov ay ibaon daw ito sa lupa. Ipinasusunog nga rin niya ang mga ingredients sa loob at makina.”

“Ano?! That bastard. He is insane!” galit na sabi ni Clarixto. Ang isang drum lamang ng produktong ito ay magbibigay sa kanila ng bilyong-bilyong pera kaya hindi siya makapapayag. “Itigil niyo ‘yan! Wala kayong ibabaon o susunugin. Tuloy ang operasyon!”

Nagkatinginan ang mga tauhan. “Pero, sir. Utos po ito ni Gov. Baka kami ang–”

“Tanga ka ba? Gusto mong masaktan?!” galit na tanong ni Clarixto at pinandilatan ang nagsalitang lalake. “Itigil niyo ‘yan kung gusto niyo pang mabuhay!”

Nasapo ni Clarixto ang kaniyang ulo noong bahagya siyang makaramdam ng sakit doon. Hindi talaga niya inasahan na gagawin ito ng kaniyang pamangkin. Wala siyang nagawa noong alisin nito ang mga pasugalan nila pero hindi siya makapapayag na maging ang planta ay mawala. Huminga siya nang malalim.

“Bilisan niyo at i-deliver na ang lahat ng ‘yan,” utos pa ni Clarixto. Inayos niya ang sarili at muling naglakad papunta sa kotse. “Let’s go. We need to claim what ours.”




Lumipas ang ilang araw. Ang mga araw ay naging linggo. Hanggang sa naging buwan at umabot ng limang taon. Hindi pa rin nakita ni Rodrigo si Jane pero ang pag-asa niya ay hindi pa rin nawawala. Hanggat walang bangkay ay hindi siya magluluksa. Hindi niya ililibing ang pagmamahal niya para sa asawa.

Muling nakuha ni Clarixto ang mga illegal na negosyo nila gamit ang kanilang pera. Hindi man gusto iyon ni Rodrigo ay hinayaan na lamang niya ang kaniyang tiyuhin. Nag-focus siya mga legal nilang negosyo kagaya ng resort at ang unibersidad. Dahil unti-unti siyang nagbago, kahit masakit pa rin ay nagawa niyang pumasok sa mga bagong negosyo. Nagtayo siya ng mga hotel pa at restaurant. Isinunod niya ang pangalan ng bago nilang negosyo kay Jane. Bumaba na rin siya sa pagiging gobernador at ang tiyuhin niya ang pumalit. Unti-unti ay lumago ang mga bago nilang negosyo. Hanggang sa nagkaroon na sila ng mga branch sa ibang bansa. Ngayon ay nasa Canada siya para sa makipag-usap sa banyagang kasosyo niya para sa itatayong branch doon.

“Thank you, Mister Navarro. We will update you after we think about your proposal.”

Napangiti si Rodrigo. Tumayo siya at nakipagkamay kay Smith. “Thank you, Mister Smith. I assure you, you won’t regret doing business with us.”

“I hope so.”

Nagpaalam na sila sa isa’t isa. Lumabas na si Rodrigo sa restaurant. “Myla. Mauna na kayo. Maglalakad-lakad muna ako rito sa mall.” aniya.

“Copy, sir,” tugon ni Myla. Ang sekretarya ni Rodrigo.

Tumango si Rodrigo. Nag-iba siya ng dereksyon at nagtingin-tingin sa mga naka-display sa loob ng mall. Wala naman kakaiba sa mall dito sa ibang bansa at parehas lang sa Pilipinas. Ngunit palagi niya itong ginagawa sa pag-asang makita ang asawa. Hinihiling niya palagi na makasalubong ito sa wakas at malamang buhay siya.

Napatigil sa paglalakad si Rodrigo noong may tumama sa kaniyang binti. Doon niya napansin ang isang batang lalake na lalong umiyak. Napaupo siya at hinawakan ito sa braso.

“Boy. Are you okay?” nag-aalalang tanong niya. Natigilan siya noong makita niya ang mukha ng bata. Pamilyar sa kaniya ito pero hindi niya maalala kung saan niya nakita. Hindi rin ito mukhang purong taga-Canada dahil mababakas ang pagiging Pinoy sa kaniyang mukha.

“Mommy! I want my mommy!” umiiyak na sabi nito.

“Ha? Are you lost?”

“Mommy!” ani lang nito at lalong humagulhol.

Napabuntonghininga si Rodrigo. Hindi niya alam kung bakit biglang ang gaan ng pakiramdam niya sa bata. “Okay. I will help you find your mommy. Let’s go to the–”

“Renz!” Biglang may humila sa batang hawak ni Rodrigo. “Oh my, God! I’ve been looking for you! Sabi kong h’wag kang bibitaw sa akin!”

Natigilan si Rodrigo. Bigla siyang binundol ng kaba noong makita niya ang babaeng nasa kaniyang harapan. Yakap-yakap na nito ang batang lalakeng tinatawag nitong Renz.

“Mommy! S-Sorry!”

Lalo bumilis ang tibok ng puso ni Rodrigo nang tinawag itong mommy ng bata. Biglang nangilid ang kaniyang mga luha at hindi maialis ang mga mata sa mukha ng babae.

“Don’t do it again, okay? You scared mommy!” naluluhang sabi ng babae. Hinalikan pa nito ang bata at niyakap nang mahigpit. “Thank you for–”

Lumingon ang babae kay Rodrigo pero biglang napatigil ito sa pagsasalita at nanlaki ang mga mata. Naiawang naman ni Rodrigo ang kaniyang bibig at napaluha na.

“J-Jane…”





Chapter 40


 “J-Jane… Buhay ka!” umiiyak na sabi ni Rodrigo. Akma niyang hahawakan ang dalaga ngunit bigla itong tumayo at kinarga ang bata. 

“Thank you,” matipid na tugon ng babae at tumalikod na kay Rodrigo. 

“Wait, Jane! Ako 'to. Ang asawa mo!” Pinigilan ni Rodrigo na umalis ang babae. 

“Let me go!” Pinandilatan ng babae si Rodrigo. “What do you think you're doing?”

Nangunot ang noo ni Rodrigo. Pinahid niya ang mga luha sa kaniyang mga mata. Bigla siyang nagtaka noong makita walang emosyong mga mata ni Jane. Hinding-hindi niya ito makakalimutan. Naging blonde man ang buhok nito at kilalang-kilala niya ito. Mula sa mga titig niya at hugis ng mukha. Si Jane ang nasa harapan niya. Ang asawa niya!

“A-Ako ‘to, Jane. Si Rodrigo!” Hinawakan niyang muli sa braso ang babae pero inalis lang iyon nito.  “Ang tagal-tagal kitang hinanap, Jane. Hindi ako nawalan ng pag-asa.”

“I'm sorry, sir. I think you are mistaken. I don't know who Jane is.”

Lalong nagtaka si Rodrigo. Ibang-iba ang postura ni Jane ngayon. Kapansin-pansin na medyo nagkaroon ito ng laman. Matagal na ang nakalipas pero kitang-kita niya ang pagbabago kay Jane. 

“W-What happened to you? Nakalimutan mo ba ako?” nagtatakang tanong pa rin ni Rodrigo. Kung tingnan siya ng dalaga ay para bang hindi siya nito nakikilala. Nangunot ang noo ng babae. 

“I don't know you. Okay? Can we leave now?” ani lang ng babae. Hinawakan na nito ang braso ng batang lalake at akmang aalis na. 

“Wait!” pigil ni Rodrigo. Hinawakan niya ang braso ng babae. “Ako nga ito! I am your husband!”

“Ouch! Stop!” biglang sigaw ng babae at itinulak si Rodrigo. “What is your problem?! I said thank you to you, okay? And I don’t have a husband!” 

“Pero Jane–” 

“Stop, mister! You are scaring my son! If you don’t stop this, I will call the police!” banta nito. 

Natigilan si Rodrigo. Biglang nakaramdam ng pagkirot sa kaniyang dibdib si Rodrigo. Hindi siya makapaniwala na parang hindi siya kilala ng dalaga. Gano’n na lang ba kalaki ang pagkamuhi nito sa kaniya? Bakit parang masyado na siyang kinasusuklaman nito? 

Unti-unting binitawan ni Rodrigo ang braso ni Jane. Nakita niya rin kasi ang takot sa ekspresyon ng batang kasama nito. Nagpahid ng luha si Rodrigo at malungkot na tiningnan si Jane. 

“I’m… I-I’m sorry, Jane. Sorry. Pero ako ‘to. Sorry, okay? Alam kong ang dami kong kasalanan sa ‘yo. Pero lahat ng iyon ay pinagsisisihan ko na. Hinding-hindi ako magsasawang humingi ng tawad sa ‘yo, Jane.” 

Hindi sumagot ang dalaga. Bigla lang itong tumalikod sa kaniya at kinarga ang batang umiiyak na rin. Hindi na rin napigilan ni Rodrigo na mapaiyak. Sinapo niya ang kaniyang dibdib at huminga nang malalim. 

Kasalanan ko ‘to, Jane. Patawarin mo ako. Hindi ako titigil hanggat hindi mo ako napapatawad. Naghintay ako nang sobrang tagal para lang makita kita ulit. Ngayon ay hindi na ako papayag na mawala ka pa ulit. Patawarin mo ako! 

Nagmamadaling isinakay ni Jane ang anak sa passenger seat. Nahirapan pa siyang ayusin ang carseat ng anak dahil sa matinding panginginig ng kaniyang mga kamay. Noong makasakay na siya sa driver seat ay doon lang siya medyo nakahinga nang maluwag. Pinagsaklob niya ang kaniyang mga kamay at pilit na kinalma ang mabilis na pagtibok ng kaniyang puso. 

“Fuck. Fuck. Fuck! Siya ‘yon! Paano niya nalaman na narito ako?” mahinang sabi niya. Nangilid na ang mga luha niya at biglang naging balisa. Hindi siya pwedeng magkamali, si Rodrigo Navarro ang nakita niya. Ngunit paano? Paano nito nalaman na narito siya sa ibang bansa? Sunod-sunod nang tumulo ang kaniyang mga luha noong unti-unting bumalik sa kaniyang alaala ang mga nangyari sa kaniya noon. Hindi pwede! Hindi na ako babalik sa impyernong buhay na ‘yo! 

“M-Mommy, are you mad at me?”

Biglang natauhan si Jane noong marinig niya ang malungkot na boses ng anak. Mabilis niyang pinahid ang kaniyang mga luha at pinilit na ngumiti sa anak. 

“Huh? No. I'm sorry. I'm not mad,” malumanay na sabi ni Jane sa anak. Lalong lumabi si Renz at tumungo. 

“Why are you crying? I'm sorry, mommy. I will not do it again!” pakiusap ng bata. 

Biglang nakaramdam ng pagkahabag si Jane para sa anak. Noong namimili kasi sila ay bigla na lamang napalayo sa kaniya ang anak. Ilang minuto niya pa itong hinanap at muntik nang magtawag sa mga guard na naroon kung hindi niya lang ito nakita na may kausap ng lalake. At si Rodrigo nga iyon. Napabuga siya nang hangin. Noong kausap niya ang binata ay hindi niya maiwasang makaramdam ng takot. Sobra siyang nagulat dahil nakita niya ang binata sa ‘di inaasahang pagkakataon. Tapos ang una pa nitong nakita ay ang anak niya. Hindi niya pwedeng malaman ang tungkol kay Renz. 

Umiling si Jane. “N-No, baby. It's okay now. Mommy is just scared because I thought I lost you. You know that mommy loves you so much, right?” Nginitian niya ang anak. Agad naman itong ngumiti rin sa kaniya. 

“I love you too, mommy! I'm sorry!”

Tumango si Jane kay Renz at umayos na nang upo. Medyo mabilis pa rin ang tibok ng kaniyang puso ngunit hindi na nanginginig ang mga kamay niya. Hindi naging madali sa kaniya ang nakaraan pero heto na siya. May magandang buhay sa Canada. Nakatakas siya mula sa kamatayan noon. Hindi niya hahayaang bumalik siya sa impyerno ngayon.

Limang taon. Kung kailangan niyang magtago pa ng sampung taon o habang-buhay ay gagawin niya hindi lang siya muling makita ni Rodrigo. 

“Let’s go. Your mamu is already waiting for us,” ani Jane. Binuhay na niya ang kotse at pinaandar iyon. Pasimple siyang tumutingin sa gilid dahil nag-aalala siyang makita si Rodrigo. Sa inasta nito noong magkita sila ay hindi malabong sumunod ito. 

Pero bakit gano’n? Bakit siya umiiyak? 

Nangunot ang noo ni Jane. 

“Ang tagal-tagal kitang hinanap, Jane. Hindi ako nawalan ng pag-asa.”

Humigpit ang hawak ni Jane sa manibela noong maalala niya ang sinabi ng binata. Ibig sabihin ay hinanap siya ni Rodrigo. 

Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ako tinitigilan! 

Hindi siya papayag. Kung kinakailangan na umalis sila rito ng anak niya ay gagawin niya para lamang makalayo sa binata. 


Chapters 41 to 45




















 

Post a Comment

0Comments

Post a Comment (0)

#buttons=(Accept !) #days=(20)

Our website uses cookies to enhance your experience. Check Now
Accept !