Ginagaya niya lahat nang mayroon ako at mga ginagawa ko. Kaya binigyan ko siya ng leksyon.
I have this friend, tawagin na lang natin siya Kylie.
Si Kylie ay nakilala ko lang sa trabaho ko sa call center. Parehas kaming agent.
Unang araw ko pa lang doon ay siya na ang lumapit sa akin. Nauna lang kasi siya sa akin ng isang araw kaya parehas lang kaming bago sa company.
Okay naman siya. Mabait. Madaling pakisamahan. Kwela rin. Kaso may kakaiba akong napansin sa kaniya.
Noong una ay hindi ko iyon napapansin. Kasi akala ko ay baka talagang trip niya lang din talaga ang mga trip ko.
Sinabi kong mahilig akong mag-stroll tuwing Sunday. Ginagawa na rin niya. Sinabi ko na mahilig ako sa adobo. Mahilig na rin siya. Sinabi ko na paborito ko ang black, favorite na rin niya.
Simpleng mga bagay lang. Pero kataka-taka.
Si Kylie kasi noong una kong makita ay sobrang makulay. Hindi lang ang presensya nito, pero pati ang kasuotan nito. As in, halo-halo ang bright colors. Yellow sa itaas. Red sa ibaba. Orange sa paa.
Hindi maintindihan.
Tapos napansin niya bigla ako. Nagtanong siya kung bakit daw parang lahat ng suot ko ay black, o kaya may black colors. Edi sinabi ko na iyon kasi ang paborito ko. At doon lang ako nagagandanan.
Aba’y kinabukasan halos nagmukhang emo na ang gaga. Mayroon na rin siya ng mga damit na sinusuot ko. Kaya pala panay siya tanong nang tanong sa akin noon kung saan ko nabibili. Kinokopya niya na pala ako.
Panay din siya kwento na nagi-stroll daw sila palagi ng mga pinsan niya at kaibigan. Paulit-ulit niya ring kinukwento iyon sa akin pagkakatapos akong tanungin ano ang ginawa ko no’ng day off namin.
Iyong adobo ay halos araw-araw na rin niyang ulam.
Maraming beses pa iyon na nangyari na hindi na talaga masasabing coincidence lang.
Talagang nangongopya na siya.
Ultimo nga sa brand ng cellphone at collogne na ginagamit ko ay gano’n na rin ang kaniya.
Actually, hindi na lang ako ang nakakapansin no’n. Pati ang mga katrabaho namin. Minsan kasi nalilito sila kapag tinatawag ako. Akala nila ako, pero si Kylie pala.
Pati kasi ipit sa buhok ay kuhang-kuha ng gaga.
One time, sinubukan ko siya para matama ang hinala ko.
Bumili ako ng bagong dress sa online. Pinost ko iyon sa social media at inayos ang setting na siya lang ang talagang makakakita.
Nag-edit din ako ng picture. Iyong buhok ko naging bob-cut. Pero sobrang iksi. Tapos pinakulayan ko ng blue. Alam ko na hindi babagay sa kaniya kasi iba kami ng shape ng mukha.
Ang caption ko pa ay, “New look! Sana bagay!”
As usual, wala pang 5 minutes, naka-like na siya. May comment pang, “bagay sa ‘yo, Sissy.”
Napangiti ako kasi ibig sabihin ay nakita na niya. At nakaabang talaga siya.
Pagdating ko sa company ay natural ang hitsura ko. Walang kulay ang buhok. May kaunting make-up. At suot ang dress na nabili ko online.
Pagkita ko kay Kylie ay halos hindi ko na mapigilan ang tawa. Kagaya nang hinala ko ay maiksi na rin ang buhok niya at kulay blue na. Suot na rin niya ang dress na mayroon ako.
Halata na hindi ito komportable kasi hindi naman bagay dito. Bilugan kasi ang mukha nito. Kaya nagmukha tuloy itong tomboy na tirador ng single mom.
Paglingon niya sa akin ay halatang nagulat siya. Ngumiti lang ako at tahimik na lumapit sa desk ko.
Wala pang three minutes ay lumapit na siya sa akin.
“Bakit mahaba pa rin ang buhok mo, Shane?” tanong niya. “Bakit itim pa rin ang kulay niyan?”
Nangunot ang noo ko. “Huh? Bakit? Ito lang naman ang buhok ko.”
“Hindi ba nagpagupit ka at nagpakulay ng buhok? Nakita ko sa post mo kagabi!"
Kunyari ay napaisip ako. " Ah… ‘yon? Napag-trip-an ko lang ‘yon i-edit kung bagay sa akin. Balak ko kasi magpaiksi ng buhok.”
Kitang-kita ko ang panlulumo sa mga mata ni Kylie. Para siyang binuhusan nang malamig na tubig iyon. Literal na bumagsak ang mga balikat niya.
Pero bumawi rin siya at tiningnan ako nang masama.
“Bakit hindi mo sinabi na edit lang pala ‘yon?! Edi sana hindi na ako nagpagupit at nagpakulay ng buhok!" galit na tanong niya.
Pinigilan ko pa ring matawa. Jusme, kung may makakakita lang sa aking director no’ng oras na iyon ay siguro naging best actress na ako.
"E sino ba kasi nagsabi sa ‘yo na gayahin mo ako? ‘Yan tuloy. Kinakarma ka kasi hilig mong manggaya!” sagot ko.
Naglapitan ang mga katrabaho namin at niloko pa si Kylie. Kaya ang gaga, hindi na nakasagot at umalis. Akala namin ay magsi-CR lang. Iyon pala ay umalis na ng company.
Hindi na rin pumasok si Kylie mula noon dahil sa sobrang hiya. Wala na siyang mukhang maipakita.
Magmula rin noon ay nawalan ako ng balita kay Kylie. Bigla niya kasi akong binlock sa social media. Pero mas nagsabi sa akin na nagpakulay ulit ito ng black. Tapos nagpapahaba na ulit ng buhok.
Ayan kasi. Imbes na hanapin ang sariling hilig ay kailangan pa talagang kumopya sa iba.
Wala namang masama kung parehas ng trip. Pero kapag obvious na panggagaya na ay medyo nakaka-cringe na.
Like, wala ka bang sariling pagkatao at kailangan mo pang kumopya sa iba?
Mabuti na lang talaga at nag-AWOL na siya. Kasi baka magulat na lang ako isang araw ay maging iisa na lang talaga kami.
