Sinampal niya ako dahil hindi ko raw binigay ang upuan ko sa kaniya, kaya ito ang ginawa ko.
Gentleman naman ako. May respeto sa kahit sino, lalo na sa mga babae. Pero noong araw na iyon ay sadyang pagod lang ako. Halos gumagapang na nga lang ako papunta sa terminal ng bus makauwi lang.
Rush hour. Pauwi ang halos lahat ng mga trabahante. Syempre, punuan ang mga bus.
Sakto pagpasok ko ay may mga bakante pa kaya naupo ako agad. Isang oras din byahe pauwi sa amin dahil sa traffic kaya makakaidlip sana ako. No’ng pumara ulit ang bus at nagpasukan ang bagong mga pasahero.
Paidlip na sana ako no’ng makarinig ako ng mga buntonghininga at inis na boses.
“Grabe! Wala na talagang mga gentleman ngayon, ‘oh? Nakita na ngang may babaeng nakatayo sa harapan niya pero hindi manlang makaramdam!”
Hindi ko pinansin kahit na malapit sa akin iyong boses. Baka naman kasi iyong nasa likuran ko ang sinasabihan. Isa pa, pagod na pagod talaga ako ngayon.
“Wala talagang pakiramdam, oh?! Ang kapal ng mukha!”
Hindi ko pa rin pinansin. Piniit ko pa rin na makatulog kahit na nakakarindi na ang boses nung babae. Hanggang sa—
PAK!
Nagising ang buong diwa ko no’ng biglang may dumapong kung ano sa pisngi ko. Pagdilat ko ay sinampal na pala ako ng babaeng kanina pa dumadada.
“Ano’ng problema mo?! Bakit mo ako sinampal?!” tanong ko.
Sinamaan lang niya ako ng tingin. “Wala ka kasing pakiramda! Nakita mong may babae sa harapan mo tapos hindi ka manlang naggi-give way! Napaka-ungentleman mo!”
Naaawang ang bibig ko. Ako pala iyong sinasabihan niya kanina pa.
Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. Okay naman siya. Hindi naman siya mukhang buntis. Kumpleto naman ang parte ng katawan niya.
“Hindi ka naman ata PWD, Miss?”
“Kaiangan ko pa bang maging lumpo para lang pabigyan mong umupo? Babae ako! Hindi pa ba sapat iyon?!”
“Hindi! Dahil pare-parehas lang naman ata tayong pagod dito pero ikaw lang ang demanding. Kita mo nga may ilang mga babae rin na nakatayo pero hindi nag-demand. Iyon si Ate o? Mukhang kabuwanan na! Nag-demand ba?”
“Wow! Bakla ka, ‘no? Nakikipagtalo ka pa talaga sa akin? Tumabi ka na nga lang diyan at ako ang uupo!” demand pa nito.
Hindi ako nagpatinag. Naupo lang ako sa pwesto ko. At no’ng sinubukan niya akong hilain ay tinulak ko siya. Siguro dala na rin ng sobrang pagod at inis ko ay napatulan ko na talaga siya.
Iyong ibang mga pasahero, imbes na tulungan iyong babae na plumakda sa sahig ay napangiti at iling na lang. Iyong katabi ko nga ay tinapik pa ako sa balikat na para bang sinasabi na okay lang ang ginawa ko.
Tumayo ako at tinawag ko si Ate na buntis at siya ang pinaupo ko. Tiningnan ko pa ulit mula ulo hanggang paa ang babaeng patayo pa lang mula sa pagka-dive.
“Sa susunod, Miss. Bago ka mag-demand ng upuan. Linisin mo muna ‘yang bunganga mo. Sumisingaw kasi ang baho bawat reklamo mo.”
Kitang-kita ko ang pamumula ng mukha niya sa hiya. May ilan na nagtawanan. Ako? Pumwesto ako sa unahan.
Sobrang pagod ako pero parang biglang nawala dahil sa kaniya.
Mapagbigay naman ako lalo na sa mga babae. Pero sa mga kagaya niya? Hindi na lang. Talagang makakapatol ako lalo na’t pagod ako.

