Akala ng inggitera kong bestfriend ay naka-jackpot siya noong inagaw niya ang boyfriend ko. Pero hindi niya alam ay…
Maraming nagsasabi na ang swerte ko raw sa boyfriend kong si Miguel.
Gwapo. Macho. Mapera.
Bukod doon ay sweet at gentle pa ito. Madalas niya rin akong i-spoil.
A woman’s dream, ika nga.
Lahat ng mga iyon ay pino-post niya sa social media. Pero ang hindi alam ng lahat ay iba ang nangyayari.
Kabaliktaran ng mga iyon ang totoong nangyayari.
Sweet at gently lang si Miguel kapag sa harap ng maraming tao. Pero kapag kaming dalawa na lang? Halos hindi na niya ako pansinin.
Puro na lang siya cellphone at games.
Noong una kinakaya ko pa. Iniisip ko na baka wala lang sa mood. Pero dumating na rin sa point na sa tuwing may date kami ay ako na ang nagbabayad.
Yes, noong una ay naghahati kami. Ayaw ko naman kasi iasa ang lahat sa kaniya dahil mag-boyfriend at girlfriend pa lang naman kami.
Then bigla ay sinabi niya na nagkaproblema raw sa bahay nila. At dahil na rin sa awa at pagmamahal ko sa kaniya ay pinatuloy ko siya sa apartment ko.
Kaso ang nakakaloka, doon ko mas nakilala ang tunay niyang ugali.
Wala na nga siyang trabaho. Hindi ko pa siya maasahan sa gawaing-bahay. Kapag sinasabi ko na tumulong naman dahil pagod ako galing sa trabaho ay bigla akong babanatan na depress daw siya.
Sinubukan ko talagang tiisin dahil mahal ko naman siya. He was sweet.
Pero ang pinakanagpagigil sa akin ay noong magawa niya pang mag-cheat sa akin.
Si Nicka. Best friend ko siya. Sa buong relasyon namin ay nakasubaybay siya sa amin.
Alam ko na maraming magtataka kung bakit walang ideya si Nicka sa totoong sitwasyon namin ni Miguel.
Si Nicka kasi iyong tipo ng kaibigan na hindi mapagkakatiwalaan. Nasanay na lang din ako siguro sa ugali niya kaya sa tagal ng panahon ay magkaibigan pa rin kami. Siguro ay nagtiwala lang din ako na hindi niya ako maiisipang traydurin.
But I was wrong.
Napansin ko na lang bigla ang pagbabago ni Miguel.
Noong una na sweet siya sa labas ay nagbagong bigla. Mas lalong halos hindi na niya ako pinapansin. Pagdating sa bahay ay nakakulong lang siya sa kwarto at may ka-chat. Nakikita ko kasi minsan kapag napapadaan ako sa gilid niya.
I confronted him. Pero sabi niya lang ay si Nicka lang daw iyon at may tinatanong.
Well, ako naman si Tanga. Naniwala.
Malayo kasi si Nicka sa amin. Nasa NCR kami, habang siya ay nasa Cavite. Hindi naman sobrang layo, yes. Pero someone na hindi naman araw-araw makakatagpo.
Kaya nagtiwala pa rin ako.
Hanggang sa aksidente kong mabuksan ang account ni Miguel.
Doon ko nakita ang palitan nila ng messages.
At ang mga gaga, halos kalahating taon na pala akong iniiputan sa ulo.
Sa galit ko ay agad kong kinompronta si Miguel. Talagang nagwala ako.
Wala na nga siyang ambag sa buhay ko. Palamunin ko na nga. Tapos nagawa pa akong lokohin? Aba ay nakakababae naman talaga!
Pero mas nagalit pa siya. Ako pa raw ang hindi niya na matiis ang ugali. Puro na lang daw ako utos. Puro sermon.
Edi pinapili ko siya. Kung si Nicka o ako ba. Of course. Pinili niya ang hitad kong best friend, na ngayon ay hindi na.
Kinompronta ko rin si Nicka. Pero proud pa ang loka.
Sinadya raw nitong landiin si Miguel dahil hindi ko raw deserve ang boyfriend ko. Imbes na mahalin ko raw ng totoo ay ako pa raw ang nagmamalaki.
Nakikita niya raw sa social media kung gaano ako mahalin ni Miguel at sinasayang ko raw lahat ng iyon.
Natawa ako kasi kulang na nga lang ay hugasan ko ang pwet no’n. Kaya yes. Hindi ko nga talaga siya deserve!
Sa sobrang inggitera niya ay wala siyang ideya na halos maging nanay na ako ng lalakeng ‘yan.
Kaya ayon, ibinigay ko ang gusto niya.
Sa araw din na ‘yon ay pinalayas ko si Miguel sa bahay ko.
As in, itinapon ko ang mga damit niya sa labas ng bahay. Nagdadabog pa ang gaga noong kinuha niya ang mga iyon.
Noong mawala siya sa buhay ko ay biglang gumaan ang lahat. Para akong nabunutan ng malaking tinik sa lalamunan.
Nakapag-ipon ako ulit. Nakakagala na ako ulit. Nabibili ko na ulit ang mga gusto ko.
Habang sila Nicka at Miguel? Ayon.
Noong una ay nakita ko ang mga happy post ni Nicka sa social media. Kilig na kilig pa siya sa mga regalo nito. Pero wala pang tatlong buwan ay nakita ko na ang mga shared post niya about sa mga lalakeng hindi marunong maagtrato ng tama sa mga girlfriend o asawa nila.
Nagpo-post na rin ito nang mahabang rant kay Miguel. Nambabae raw ito. Tamad. Tapos ngayon ay buntis na siya.
Nalaman ko pa na sinaktan ni Miguel si Nicka.
Umabot pa nga sa punto na chinat ako ni Nicka. Inaway pa niya ako dahil puro daw pala fake ang pinapakita ko sa social media. Ni hindi ko manlang daw sinabi sa kaniya.
Like, duh? Bakit ka kasi nagpapaniwala sa social media?
Ayon. Binlock ko na lang siya matapos kong sabihin na deserve na deserve niya si Miguel. At good luck sa pinagbubuntis niya.
Sa ngayon ay wala na akong balita sa kanila. Ewan ko kung tiniis pa ni Nicka ang makasama si Miguel. Pero naka-receive kasi ako ng message galing kay Miguel kagabi lang. Nakikiusap kung pwede raw mag-usap kami ulit.
Haha! No! Never. Never na akong babalik sa lalakeng kagaya niya.
I deserve better.
Kaya shout sa best friend kong inggitera diyan. Kalmahan naman. Kasi baka iyong akala mong blessing na nakuha mo lang naman sa agaw. Iyon pa ang maging kasawian mo.
Salamat na lang din at hindi ako nabuntis no’n.
