Views

Binigyan ko ng ultimatum ang asawa kong lasinggero.

Ameiry Savar
0

 




Binigyan ko ng ultimatum ang asawa kong lasinggero.


Nakilala ko si June na mahilig na talagang uminom. Kaya noong una ay hindi ko talaga siya ginusto. 


Pero noong nag-umpisa na siyang manligaw sa akin ay nakita ko naman talaga ang pagbabago niya. 


Unti-unti niyang tinigilan ang alak. Nilayuan na rin niya ang mga barkada niya. 


Mind you, hindi ko siya inutusan. Kaya sino ba naman ako para hindi kiligin at main-love sa lalakeng gano’n, ‘di ba? 


Pero noong mag-umpisa ang aming relasyon ay  may pagbabago. 


Sa totoo lang, hindi naman ako mapagpigil na girlfriend. Kapag nagpapaalam siya ay pinapayagan ko siya. Hanggang sa nagtuloy-tuloy na habang mas tumatagal pa kami. 


Sinubukan kong makipaghiwalay sa kaniya noong tipong hindi ko na talaga siya masaway. Kasi nga pati ako na aapektuhan na sa pagiging lasenggo niya e. Kaso naman, nalaman ko bigla na buntis ako. Kaya mas lalong wala na akong nagawa kundi ang magpakasal sa kaniya. 


For 10 years ay tiniis ko ang sitwasyon kong iyon. 


Dalawa ang naging anak namin. Ginawa ko rin talaga ang lahat na hindi maging sunod-sunod ang mga anak namin dahil sa bisyo nito. 


Okay naman kasi si June. Mabait siya sa akin kapag hindi siya lasing. Sinusunod niya ang mga utos ko. Tinutulungan niya ako sa gawaing bahay at sa pag-aalaga sa mga bata. 


Ang problema lang sa kaniya ay nagiging sobrang makulit kapag nalalasing na. 


As in, talagang hindi ‘yan mapapakali sa bahay namin. Kaya ako naman parang tanga na susunod-sunod sa kaniya. 


May nangyari pa na napainom siya sa kabilang baranggay. Nagulat na lang ako nag-text ang isa sa mga tropa niya nagpapasundo sa baranggay hall. Nakulong na pala sila roon dahil napa-rumble. 


Grabe ang stress ko noong mga panahon na iyon. Wala pa akong isang taon sa ikalawa naming anak. Breastfeed pa kaya wala akong masyadong tulog. 


Tapos heto naman ang magaling kong asawa ay gumawa ng problema. 


Syempre, kinabukasan ay talagang na sermunan ko siya. Sorry lang siya nang sorry sa akin. Nag-promise. Tapos naging sobrang bait sa akin. 


Ganoon kami lagi kapag nagiging dragon na ako sa sobrang stress dahil sa pag-iinom niya. 


Pero ilang araw lang ay heto na naman siya. Same cycle. Same happenings. 


Habang tumatagal ay nasasanay na lang ako. Kapag nakikita kong lasing ang asawa ko ay hinahayaan ko na lang. Tapos tahimik na inaasikaso. 


Pero nakakapagod din pala, ‘no? Lalo na kapag na aapektuhan na rin ang pamilya niyo. 


Bigla kasing nawalan ng trabaho si June no’ng mag-anim na taon ang panganay namin. Tapos hindi pa agad nakahanap ng trabaho. Kaya wala akong choice kundi ang mag-step up. 


Nagtrabaho ako kahit three years old pa lang ang bunso namin.


Habang siya naman ay nasa bahay at suma-side-line sa pagiging driver sa isang app. 


Pero hindi pa rin naman nakakatulong. Paano kasi? Hindi pa rin natigil si June sa bisyo niya. 


Madalas umuuwi ako galing sa trabaho ay magulo pa rin ang bahay at wala pang pagkain. 


Noong una ay naniniwala pa ako. Pero dahil may isip na nga ang panganay namin ay nalalaman ko ang totoo. 


Imbes na magtrabaho ay nakikipag-inuman lang pala ang magaling kong asawa. Pagkatapos ang mga anak namin ay iniiwan niya pala sa byenan ko. 


Syempre kinompronta ko siya agad. Nagwala talaga ako kasi pagod na nga ang katawang lupa ko at isipan. Tapos ito pa ang malalaman ko. 


Hirap na hirap na nga kami sa buhay noon ay nagagawa pa nitong mag-inom. 


As usual, nag-sorry na naman siya at nangako ng walang laman. Pero dahil bweset na talaga ako sa kaniya ay binigyan ko siya ng ultimatum. 


Kailangan niyang manatili sa isang rehabilitation center hanggang mawala ang bisyo niya. Habang kami naman ng mga bata ay uuwi muna sa amin. 


Noong una ay hindi siya pumayag. Hindi naman daw kasi siya adik para magpa-rehab. Pero pinilit ko siya. Dahil iyon na lang kako ang paraan para mabuo pa ang pamilya namin. 


Dahil ako? Pagod na pagod na ako sa kaniya. Kung hindi lang dahil sa mga bata. At kung hindi ko lang iniisip kahit papaano na hindi niya ako sinasaktan ay baka umalis na ako. 


Kaya wala siyang naging choice. Nagpa-rehab siya. Habang kami naman ay bumalik muna sa amin. 


Inabot din ng ilang buwan ang pananatili niya roon. Noong una ay hindi ako nakadalaw. 


Policy kasi ng center iyon. Pero hindi naman nagtagal ay  pinayagan na kami. 


Magta-tatlong buwan pa lang si June sa center pero kitang-kita ko na ang pagbabago sa hitsura niya. Mamula-mula na ang balat nito at hindi na malalim ang mga mata. 


Pero kahit na ganoon ay kailangan pa rin daw niya mag-stay sa center para makasigurado. 


Sa ikalimang buwan niya roon ay pinayagan na siyang umuwi sa amin. 


Wala siyang bukam-bibig kundi ang paghingi ng sorry sa amin. Na talagang magbabago na siya. 


Ako, sa huling pagkakataon ay nagtiwala. Kahit na may doubt pa rin. Kahit na may takot. But thanks God at nanaig ang pagmamahal ko sa kaniya. 


Limang taon ng sober ang asawa ko. Kahit na anong gawin ng mga tropa niyang hanggang ngayon ay lasenggo pa rin ay hindi na siya napipilit ng mga ito. 


Umabot pa nga sa punto na tinawag na si June na under de saya. Pero wala pa rin iyong epekto. 


Mas naging maayos na rin ang pagsasama namin. Mas naging malapit na kami sa isa’t isa. Siya sa mga anak namin. Nakahanap na rin siya ng trabaho na talagang nagbibigay ng suporta sa mga pangangailangan namin. Sobra-sobra pa nga e kaya pinatigil na ako sa pagtatrabaho ng asawa ko. 


Heto na kami ngayon, naghihintay para sa bunso namin. 


Iyong dating nangungupahan ay may sariling bahay na at maliit na negosyo. 


Iyong bahay na puno ng sigawan at pag-aaway dahil sa alak, ngayon ay puno na ng pagmamahalan at pagkakasundo. 


Salamat, Panginoon. Mas pinili kami ng asawa ko. 


Proud ako sa asawa ko. Alam ko na mahirap, pero nagawa niyang magbago. 




Post a Comment

0Comments

Post a Comment (0)

#buttons=(Accept !) #days=(20)

Our website uses cookies to enhance your experience. Check Now
Accept !