Views

Surviving The Apocalypse (Chapters 26 to 32)

Ameiry Savar
0

 




Chapter 26


"Alam niyo... siguro ay dapat hindi na tayo tumulo sa Malabag," ani Peter.

Napatingin sila Ellie dito. Naghahanda na sana sila palabas ng malaking bahay upang pumunta sa kanilang sunod na destinasyon.


"Bakit naman? Ano'ng problema sa Malabag?" tanong ni Jack.

Napailing si Kim. "Taga Malabag siya."

Nag-iwas ng tingin si Peter. Sa kaniyang isipan ay maling desisyon na magpunta sila roon.

"Hindi niyo ako naiintindihan. Magulo na ang buong lugar. Nagkalat ang mga zombie. Gusto niyo bang mapahamak din?" paliwanag nito.

Naningkit ang mga mata ni Ellie.

"Kung ayaw niyong pumunta. Hindi ko kayo pipilitin, Kuya. Pupuntahan ko ang kapatid ko," giit ni Ellie.




Isinukbit na niya ang bag sa balikat at naglakad na palabas ng bahay habang hawak-hawak si El. Sumunod naman agad sa kanila si Sarah. Hindi naman siya nanghihingi tulong sa mga ito. Hahanapin niya ang kapatid ng sila lang.




"Wow! Tingnan mo ang ginawa mo sa bata, Peter!" naiiling na sabi ni Kim.




Napabuga ng hangin si Jack. Sumunod na sila kay Ellie na malapit na sa gate.




"Ellie! Sandali lang!" tawag ni Jack.




Tumigil si Ellie sa paglalakad. Humarap siya kay Jack.




"Kuya Jack. Alam ko naman na ayaw mo sa amin. Nandito na tayo sa labas. Ako na po ang nagsasabi, hindi niyo kami obligasyon. Kaya naming pumunta mag-isa sa Manila Port. Kahit kila Tito Gabriel," mariing sabi ni Ellie.




Nagsalubong ang mga kilay ni Jack.




"At sa tingin mo ba hahayaan ka namin na umalis kayo? Nag-iisip ka ba, bata?!"




Naiikot ni Ellie ang mga mata. Nakita na niya sila Peter na palabas na rin ng bahay.




"I'm done with all of your whinings! From the very start, hindi ko kayo inobliga na tulungan kami. Kaya kung ayaw niyo, h'wag! I don't need your help! I can save--"




"Stop it, Ellie!" si Mikaela na ang nagsalita. Lumapit siya rito at biglang niyakap.




Natahimik naman si Ellie. Nalito siya bigla sa ginawa ni Mikaela.




"You're scared. It's okay. Pero h'wag kang mag-alala. Kahit na ano pa ang isipin mo. We will help you."




Unti-unting nangilid ang mga luha ni Ellie.




It was true. Takot na takot siya. Bukod doon ay napapagod na rin siya. Sa murang edad niya ay tila ba sa kaniya bumagsak lahat ang obligasyon na hindi naman dapat. Isa pa, nag-aalala pa siya para sa kaniyang mga magulang.




"Come on. Puntahan na natin sila Emman," ani pa Mikaela.




Pinahid ni Ellie ang mga luha. Bahagyang gumaan ang kaniyang pakiramdam.




Lahat sila ay lumabas na ng bahay. Wala nang nagreklamo at nag-ingay pa.




Tahimik na ulit ang buong paligid. Sa mga bahay ay naroon ang mga zombie na naging estatwa ulit.




Nasa unahan si Jack. Hawak-hawak niya si El. Nakasunod sa kanila sina Ellie, Sarah, at Mikaela. Nahuhuli sina Peter at Kim. Binaybay nila ang kalsada ng subdivision palabas.




Hindi nalalayo ang Baranggay Malabag sa subdivision. Kung noon na gagamit ng tricycle ay iikot pa ito mula sa entrance. Pero dahil nasa likod lang naman iyon ay kanila na lang tatahakin ang malawak na palayan. Si Peter na rin ang nagsabi na mas mabilis sa daanan na iyon.




Bumuga ng hangin si Peter.




"Sorry," ani nito. "Gusto ko naman kayong tulungan. Kaso... halos wala kasing natira sa mga kabaranggay ko," malungkot na sabi nito.




Hindi umimik si Ellie. Narinig naman niya ang sinabi ni Peter. Hindi lang niya alam kung ano ang isasagot dito. Pare-parehas lang naman ang nangyayari sa kanila.




"Okay," iyon na lang ang sinabi ni Ellie.




Tiningnan ni Kim si Peter. "Umaasa ka pa rin ba, Peter?"




Nangunot ang noo ni Peter. "Saan?"




"Ikaw. Sa tingin mo ba buhay pa si Jane?"




Natahimik muli si Peter. Si Jane ay ang kaniyang nobya na nakatira din sa Malabag. Noong magkagulo ay balak sana nilang magkita dahil anniversary nila. Sinubukan naman niyang puntahan ito sa kanila, ngunit wala ng tao roon. Nagkalat na rin ang mga gamit at dugo sa paligid. Hanggang sa nakatakas siya sa baranggay nila at napadpad na sa kampo.




"Hindi ko alam. Sa sitwasyon natin ngayon."




"Ako... hindi na ako umaasa," ani Kim. "Walang natira sa pamilya ko. Lahat sila ay nakain ng mga nilalang na 'yon."




Nangilid ang mga luha ni Kim. Tinapik ni Peter ang balikat ng dalaga.




"H'wag kang mag-alala. Tayo-tayo na lang ang magtulungan mula ngayon."




Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa marating nila ang baranggay. Dumaan sila sa rice field kung saan tirik ang araw. Nasa may gilid sila dumaan.




Humigpit ang hawak ni Jack sa kamay ni El.



"Maging handa kayo," ani nito.


Agad na kinuha ni Ellie ang monitor ng tracker at tiningnan kung nasaan ang pulang dot. Naroon pa rin iyon sa Malabag, pero malapit na sila.


"Nasaan ito?" tanong ni Ellie.


Lumapit si Peter kay Ellie at tiningnan ang monitor.



"Nasa Love Village sila," ani Peter. "Malapit lang ito. Makalabas lang tayo dito sa Purok tres."



"Then, let's go there."




Chapter 27


Hindi nagtagal ay nakarating sila sa Love Village. Isa iyong maliit na subdivision sa loob ng baranggay Malabag. Maging doon ay nakalusot ang mga zombie.

Nagkalat sa paligid ang mga kalat mula sa mga gamit man o sa putol na katawan ng kung mga tao. Ang mga talsik ng dugo ay nangingitim na sa kalsada at mga pader ng bahay.


Lubos na karimarimarim ang tanawin.


Humigpit ang hawak ni Ellie sa kaniyang katana. Tanging iyon lang ang dala niyang sandata at ang handgun na nasa tagiliran niya. Wala na silang oras para kumuha pa ng mga sandata kagabi sa headquarters dahil sa nangyaring kaguluhan.


"Nasaan sila?" tanong ni Jack. Mahina ang boses nito. Hawak din nito sa kamay si El na panay ang lunok habang nakatingin sa paligid.


Kinuha ulit ni Ellie ang monitor at tiningnan iyon. Nangunot ang noo niya noong makitang nasa kabilang block lang ang mga ito.


"They're near. Nasa kabila lang sila. Ikatlong bahay mula sa kanto."


"Okay. Maging maingat tayo sa ating paglalakad."


Nagpatuloy sila sa kanilang paglalakbay.


Lahat ng nakikita nilang mga bahay ay bukas na ang mga pinto at gate. Kita rin nila mula sa bintana na ang mga zombie na nakahangad ulit sa kisame.


"Kuya, look at them. May iba sa kanila na gumagalaw," ani El. Napansin niya kasi sa isang bahay na may iilang zombie na panay ang kilos. Para itong hindi mapakali sa isang tabi. Hindi ito tao, dahil sa paligid nito ay may mga nakatayong zombie.


Hindi ito pinansin ni Jack at tumingin lang sa unahan.


"H'wag ka nang tumingin sa kanila, Bata. Deretso lang sa paglalakad."


Natatakot man ay sinunod ni El ang sabi ni Jack. Mas sumiksik pa siya sa tabi nito. Paliko na sana sila noong biglang napatigil si Jack sa paghakbang.


"What's wrong, Kuya--"


Hindi naituloy ni Ellie ang itatanong. Sa unahan kasi nila ay may mga nilalang na nakatayo sa gitna ng kalsada. Sa gitna ng araw.


"P-Paanong nandiyan sila? Hindi ba dapat nasa loob sila ng mga bahay?" nag-aalalang tanong ni Kim. Napalapit na rin ito kay Peter.


"W-What should we do, Kuya Jack?" tanong ni Ellie.


Naikuyom ni Jack ang kamao. Kahit siya naman ay hindi alam kung ano ba ang dapat nilang gawin.


"They are not moving," ani El. Tumingin siya sa loob ng mga bahay. "Pero iyong mga nasa loob ay gumagalaw. Some of them."


Tumingin doon sila Ellie. At mayroon nga silang nakitang mga zombie na kumikilos.


"Pero bakit ganito? Hindi ba dapat..." Napahikbi si Sarah. "Diyos ko! Paano na tayo?"


"Shh!" saway ni Ellie. Napataas kasi ang boses ni Sarah.


"Kumilos tayo ng maingat. Hindi naman sila gumagalaw. Baka naabutan sila ng araw sa gitna ng kalsada. Hindi ba kapag ganoon ay wala silang lakas?" ani Jack.


"Come on. H'wag na lang tayo maingay," ani naman Mikaela.


Kinarga ni Jack si El. Nauna pa rin siya sa paglalakad. Pero tumabi na rin sa kanila si Mikaela na may hawak ng kutsilyo. Kumuha ito kanina sa bahay na natulugan nila kagabi ng armas.


Naging maingat ang kanilang bawat hakbang. Para silang may tinatapakang bubog sa sahig na anumang oras na lakasan nila ang paghakbang ay mabububog sila. Paunti-unti hanggang sa makaliko sila. Ngunit pagdating doon ay panibagong problema ang kanilang kita.


"Putangina!" ani Jack. "Balik!"


Sa kabilang block ay nagkalat ang mas marami pang zombie na nakatayo sa gitna ng kalsada. Hindi lang sila basta nakatayo, kundi naglalakad din ng mabagal. At noong marinig sila ay agad na kumilos papunta sa kanilang dereksyon.


Nagmamadaling tumakbo palabas sila Ellie. Mas lalo pa silang nataranta noong makita na may iilan pang zombie na lumalabas din mula sa bahay.


Pero paano? Ang alam nila ay dapat hindi sila nakakakilos. Dapat walang ganoon. Dapat malaya sila tuwing umaga. Pero mukhang kahit umaga ay ang mga nilalang na iyon ang maghahari.


Paano na sila ngayon?


Chapter 28


Pakiramdam ni Ellie ay pinaglalaruan sila ng tadhana.

Noong unang mangyari ang kaguluhan sa mundo ay hindi naman kayang lumabas tuwing may araw ang mga zombie. Ngunit ngayon ay nagagawa na ng iba na manghabol sa kanila. Ngayon maging ang umaga ay hawak na nila.


"Bilisan niyo!" sigaw ni Jack.


Tumakbo sila palabas ng Love Village. Pero dahil sa pagkalito ay nagkahiwa-hiwalay na naman sila. Sina Jack at El ay kumanan. Sina Ellie, Mikaela, at Sarah ay napatakbo sa gitnang kalsada, babalik sana sila upang sumunod kila Jack pero papalapit na sa kanila ang mga zombie na humahabol sa kanila. Habang sina Peter at Kim naman ay napunta sa kanan.


"Diyos ko! Ayaw ko pang mamatay! Peter!" umiiyak na sabi ni Kim.


Mahigpit ang hawak ni Peter sa braso ni Kim. Halos hilain na niya ito.


"Hindi tayo mamamatay! Bilisan mong tumakbo!" ani Peter.


Nagpatuloy sila sa pagtakbo palayo sa mga humahabol sa kanila. Mayroon ding tumatakbo na mga zombie palabas mula sa mga establisyimentong kanilang nadadaanan.


Umiiyak na si Kim dahil sa matinding takot. Sinubukan niyang sumabay sa mga hakbang ni Peter. Halos makandadapa na rin siya sa pagmamadaling tumakbo palayo.


"Doon!"


Lumiko sila sa isang maliit na bahay. Hindi na nila naisip pa kung may laman ba iyon. Agad silang pumasok sa loob at isinara ang pinto. Ini-lock ni Peter ang pinto saka lumayo roon.


Hingal na hingal silang dalawa na napasalampak sa sahig habang hindi inaalis ang mga tingin sa pinto na hinahampas na ng mga zombie na humabol sa kanila.


Napaiyak si Kim. "P-Paano na tayo? Mamamtay na ba tayo?"


Naikuyom ni Peter. Ilang buwan na niya pilit na lumalaban sa mga zombie. Kaya hindi siya makakapayag na mamatay ngayon.


Tumayong muli si Peter noong makabawi siya ng paghinga. Hindi sila pwedeng manatili roon dahil ano mang oras ay maaring masira ang pinto.


"Doon tayo sa taas," ani Peter.


Inalalayan niyang tumayo si Kim. Magkahawak kamay silang umakyat sa nakita nilang hagdan sa gilid. Kumuha pa muna ng kahoy na nakita niya sa sahig bago sila tuluyang umakyat.


Maingat ang kanilang mga kilos habang naglalakad papunta sa ibabaw. Sa itaas ay may mga silid, pero hindi na nila inabala pa ang sarili na silipin iyon. Mas kailangan nilang makaalis sa lugar na iyon.


Pagdating nila sa likod na parte sa itaas ay may terrace pa roon. Napangiti si Peter noong makitang malapit lang ang bintana ng kabilang bahay.


"Kailangan nating makatawid sa kabila," ani Peter.


Binitawan niya si Kim at muling pumasok sa loob. Maingat niyang tiningnan ang malapit na silid sa kanila. Kukuhain na sana niya ang pinto noong may mapansin siyang nakatayo sa gilid. Napaatras pa siya at agad naitutok ang hawak na kahoy dito.


"P-Please..."


Napakurap-kurap si Peter. Tinitigan niyang maigi ang babaeng nakatayo.


"J-Jane?"


---


Team Ellie, Sarah, and Mikaela


"Shit! Napahiwalay tayo!" ani Mikaela.


"We need to get back!" giit naman ni Ellie.


"Tumakas muna tayo, Ellie!" turan naman ni Sarah.


Lalong nanlumo si Ellie sa kanilang sitwasyon. Kanina lang ay pupuntahan na sana nila ang kapatid niya. Magkakasama-sama na sana sila ulit. Pero ngayon ay nagkahiwa-hiwalay ulit sila.


"Fuck!" inis na sabi ni Ellie.


Nagpatuloy sila pagtakbo palayo sa mga zombie. Lumingon pa si Ellie saglit sa mga humahabol sa kanila. At noong makita na mabagal ang pagtakbo ng mga ito at iilan lang ay bigla siyang tumigil. Muntik naman madapa si Sarah dahil nakahawak ito sa kamay niya. Si Mikaela naman ay nakalayo na ng bahagya bago mapansin na tumigil ang dalawang kasama.


"Ellie, ano ba?! Kailangan na nating tumakas!" sigaw ni Sarah.


Nakalapit na si Mikaela sa kanila.


"What are you two doing? Kailangan nating makalayo!"


Umiling si Ellie.


"Look at them."


Naiinis man ay tumingin sila Mikaela sa mga zombie.


Mabagal ang pagtakbo ng mga ito na para bang nahihirapan pa. Bukod doon ay hindi bababa sa sampu ang humahabol sa kanila.


"We can fight them."


Napamaang si Sarah. "Nababaliw ka na ba, Ellie?! Paano kung makagat nila tayo?!"


"Don't be ridiculous, Ellie. Napahiwalay na tayo kila Jack! Kailangan pa nating hanapin ang kapatid mong isa! We don't have time fighting them!"


"Then we will not. Hindi ba marunong ka mag-drive, Ate?"


Nangunot na ang noo ni Mikaela. Hindi na rin maalis ang pagkairita sa mukha nito dahil sa pagmamadali.


"Yes."


"May sasakyan doon. We can use it."


Tumingin silang tatlo sa kanan. Nalito pa nang kaunti si Mikaela habang nakatitig doon. Hanggang sa naunawaan na niya ang ibig nitong sabihin.


"You're right. Pwede ba natin mapuntahan sila Jack!"


Tumakbo palapit doon si Mikaela. Malinis ang kotse at walang zombie na lamang. Pagtingin niya sa manibela ay naroon din ang susi at nakakabit pa. Puno din ang gas. At base sa unang tingin niya ay nagana iyon.


"Come on! Pumasok na kayo!"


Nagmamadaling pumasok sila Ellie sa kotse. Si Ellie ay pumwesto sa unahan sa tabi ni Mikaela. Habang si Sarah naman ay likod naupo. Binuhay na ni Mikaela ang sasakyan. Nabuhayan din siya ng loob noong umandar iyon.


Napangiti si Mikaela. "Bring it on, Zombies!"

Chapter 29


"J-Jane?" hindi makapaniwalang tawag ni Peter sa babaeng nasa gilid.

Nangunot ang noo nito at tinitigan si Peter. Biglang namilog ang mga mata nito.


"Peter!"


Mabilis na lumapit si Jane kay Peter at niyakap ito nang mahigpit. Napahagulhol ito. Akala kasi nito ay mamamatay na siyang hindi manlang nakikita ang nobyo.


"Ang tagal kitang hinanap! Ang tagal kitang hinintay! Akala ko wala ka na, Peter!"


Napalunok si Peter.


"S-Sorry. Akala ko rin wala ka na. Sinubukan kitang hanapin. Pumunta ako sa inyo pero wala ka roon."


Lalong napaiyak si Jane.


"W-Wala na sila, Peter. Naging zombie na rin sila Mama!"


Tinapik-tapik ni Peter ang likod ng nobya.


"Shh. Sorry. Andito na ako. Magiging magkasama na tayo ulit."


Hindi mapigilan ni Peter na mapaluha rin dahil sa pagtatagpo nilang magkasintahan. Ang akala niya talaaga noon ay wala na ito. Mabuti na lang talaga at bumalik sila sa Malabag.


Nagtataka naman na sumilip si Kim sa kwarto. Ilang minuto na kasi ang lumipas pero hindi pa rin bumabalik si Peter. Nagulat pa siya noong makitang may kayakap ito.


"Peter? Sino 'yan?" tanong ni Kim.


Kumalas si Peter mula kay Jane. Nakangiting tumingin ang binata kay Kim.


"Kim, si Jane. Buhay si Jane!" masayang sabi ni Peter.


Natigilan si Kim. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon sa sinabi ni Peter. Masaya siyang malaman na buhay pala ang nobya nito. Pero dahil nasa delikadong sitwasyon sila ay hindi niya magawang magdiwang para dito.


"G-Ganoon ba? Pero... kailangan na nating umalis, Peter."


Tumango si Peter.


"Oo. Halika, Jane. Doon ka muna sa terrace. Kailangan kong gumawa ng hagdan para makatawid tayo sa kabila."


Tumango si Jane. Lumakad na sila palabas ng kwarto at bumalik sa terrace. Pinasandig ni Peter si Jane sa tabi. Habang si Kim naman ay tahimik na gumilid lang din.


"Dito muna kayo."


Muling bumalik si Peter sa kwarto upang kuhain ang pinto niyon.


Tinitigan ni Kim si Jane. Napansin niya agad na nakahawak ito sa tagiliran nito. Bahagya rin itong nakangiwi na tila ba nasasaktan.


"Ayos ka lang ba? May sugat ka ba?" tanong ni Kim.


Tumingin si Jane dito. "T-Tumama kasi ako kahapon sa lamesa habang tumatakas sa mga zombie. Hanggang ngayon ay masakit."


Itinaas nito ang dulo ng t-shirt. Napansin agad ni Kim ang kulay ube na parte sa tagiliran nito. Lumapit si Kim dito at sinipat iyon.


"May pasa."


"M-Magkasama kayo ni Peter. Matagal na ba kayo magkasama?"


"Ha? Ahm, medyo. Nagkakilala kami sa isang kampo diyan sa malapit na subdivision."


Napabuga ng hangin si Jane. Mayroon pa lang safe place para sa mga kagaya niya. Pero dahil sa takot ay hindi siya umalis sa baranggay nila magmula noong mangyari ang kaguluhan. Nagpalipat-lipat siya ng mga establisyimento hanggang sa mapadpad dito at muling makita ang nobyo.


"Masaya ako at naging ligtas siya."


"Kailangan nating maging masaya sa bawat araw na ligtas tayo."


Ilang sandali pa ay dumating na si Peter. Bitbit na nito ang pinto ng silid. Ibinalagbag niya iyon sa may terrace hanggang sa maabot ng dulo niyon ang nakabukas na bintana sa kabilang kwarto.


"Sakto!" ani Peter. "Sige na! Kailangan na nating makalabas dito!"


Unang umakyat si Kim sa ginawang tulay. Nanginginig pa ang mga tuhod at braso niya habang umaakyat. Medyo mataas kasi ang ibaba. Bukod doon ay napansin niyang may ilang zombie sa 'di kalayuan sa ibaba. Hindi naman kumikilos ang mga iyon, pero dahil nasa lilim ang parte na iyon ay siguradong magiging ang mga ito kung sakali na mahulog sila.


Ligtas na nakatawid si Kim. Natatakot may ay chineck niya ang kwarto na napasukan niya. Walang laman iyon. Mabilis niyang sinara ang pinto ng silid na iyon at muling bumalik sa bintana.


"Tawid na kayo!" ani Kim.


"Sige na, Jane. Ikaw naman," ani Peter. Hinawakan niya ang kamay ng nobya. Hinila na niya ito paakyat ngunit hindi ito kumilos. "Jane?"


Marahang umiling si Jane. Maluha-luha ang mga mata nito.


"Hindi pwede."


"Ha? Ano'ng hindi pwede? Kailangan nating tumawid, Jane. Baka masira na ang pinto sa baba. Marami ang humahabol sa amin kanina!" giit ni Peter.


Napahikbi na si Jane. Bigla siyang yumakap kay Peter.


"M-Masaya ako, Peter. Masaya ako na nakita kita ulit. Sapat na iyon sa akin."


Biglang nalito si Peter. Kumalas siya mula sa pagkakayakap ng nobya.


"Jane--"


"May kagat ako," putol ni Jane sa sasabihin ni Peter. Walang alinlangang hinubad nito ang suot na t-shirt at tumalikod kay Peter.


Napamaang si Peter noong makita ang malaking kagat sa may balikat nito.


"T-Teka... hindi---"


Muling humarap si Jane dito. Sinapo niya ang mukha nito.


"Umalis ka na. Kailangan niyong makaalis dito ng ligtas."


Napailing-iling si Peter. Pigil na pigil siyang mapaiyak pero tumulo din iyon. Kakakita lang niya ulit sa nobya. Hindi siya makapaniwala na ito naman ang sitwasyon nila ngayon.


Sa kabila naman ay nasapo ni Kim ang bibig habang hindi makapaniwala sa kaniyang narinig. Maging siya ay nakaramdam ng kirot dahil sa nalamang balita. Kaya pala parang nanghihina si Jane habang pinagmamasdan niya kanina.


"Sige na, Peter! Tumawid ka na! Umalis na kayo rito!"


Umiling-iling si Peter.


"Hindi, Jane! Kakakita ko lang ulit sa 'yo! Hindi kita iiwan!"


Niyakap ni Peter si Jane nang mahigpit. Pilit naman na itinulak ni Jane si Peter.


"Please! Ayaw kong mapahamak ka rin! Nagmamakaawa ako sa 'yo, Peter! Tumawid ka!"


"No! Hindi ako aalis! Hindi kita iiwan!"


Muling kumalas si Peter kay Jane. Hinawakan nito ang ginawang tulay at tinabig hanggang sa mahulog ito.


"Ano'ng ginawa mo?!" galit nang tanong ni Jane.


Kahit si Kim ay napanganga noong makita iyon.


"Peter!" tawag ni Kim.


Tumingin si Peter kay Kim.


"P-Pasensya na, Kim. Hindi na kita masasamahan. Hindi ko iiwan si Jane. Sorry. Hanapin mo sila ulit. Please... save yourself."


Nasapo ni Kim ang bibig. Nangilid ang kaniyang mga luha.


"P-Pero..."


"Sige na, Kim! Umalis ka na!" sigaw ni Peter.


Hindi naman nakakilos si Kim sa kaniyang pwesto. Sa likuran nila Peter ay natanaw na niya ang mga zombie na papalapit sa kanila. Parang biglang tumahimik ang paligid. Wala siyang nagawa kundi mapamaang sa kaniyang nasaksihan.


Kahit na anong pakiusap ni Jane kay Peter ay hindi ito umalis. Sa huling pagkakataon ay niyakap at hinalikan niya si Jane. Alam niya na kapag makagat ng nilalang ay katapusan na rin dahil nga sa mahahawa na sa mga ito. Kaya wala siyang balak na iwanang muli ang nobya.


"Mahal na mahal kita, Jane. Hindi kita iiwan. Dito lang ako sa tabi mo."


Napahagulhol na si Jane. Bigla siyang nagsisi na nakita niyang muli ito. Edi sana ay mabubuhay pa ito. Pero kahit papaano ay masaya siya. Dahil sa huling pagkakataon ng kanilang buhay ay pinagbigyan sila ng tadhana na magkitang mulia.


Yumakap din si Jane kay Peter.


"Mahal na mahal kita, Peter. Mahala na mahal."


Ipinikit nila ang mga mata. Sa isang saglit ay tila ba nawala ang lahat ng ingay. Tanging yakap lamang nilang dalawa ang importante.


Ang kanilang pagmamahalan na kahit sa huling sandali ay kanilang mararamdaman.


Napahagulhol na lamang si Kim noong makita na nakalapit na ang mga zombie at walang pakundangan na niyakap din ang dalawa at kinagat. Nanghihinang napaupo siya sa sahig.


Paano na siya ngayon?

Chapter 30


Panay ang mura ni Jack habang tumatakbo palayo sa mga zombie. Si El naman ay sumubsob sa balikat nito at impit na umiiyak.

"Putangina! Bilisan niyo tumakbo!" sigaw ni Jack.


Hindi niya alam kung ilang ilang metro na siya tumatakbo. Pero noong makaramdam na siya nang pagbigat ng kaniyang mga paa ay bahagya siyang bumagal at lumingon sa kanilang likuran.


Napatigil siya noong makita na wala sila Ellie. May humahabol sa kanila pero tatlong zombie lang. Mabagal ang pagtakbo ng mga ito kaya malayo pa rin ang mga ito sa kanila.


"Shit!"


Nag-angat ng ulo si El at tumingin din sa likuran.


"W-Where's my sister?" tanong ni El.


Ibinaba ni Jack si El. Nasapo niya bigla ang ulo at muling nagmura.


"Kuya Jack! Nasaan po sila Ate Ellie?!" tanong ulit ni El. Bahagya na ring lumakas ang pag-iyak nito.


"Hindi ko alam!" tugon ni Jack.


Lalong napaiyak si El. "Ate Ellie! Ang ate ko!"


Dahil sa ginawa ni El ay may mga zombie na gumalaw mula sa mga establisyimento na malapit sa kanila. Sa takot na maaring kagaya ng mga humahabol sa kanila ang mga iyon ay agad na nahablot ni Jack si El at tatakbo na sanang muli. Ngunit wala namang nakalagpas sa arawan kaya tumigil siyang muli.


"Tumigil ka nga muna, Bata!" ani Jack. Muli niyang ibinaba si El.


"Pero ang ate ko, Kuya Jack! Paano na ang ate ko?!"


"Tangina talaga!"


Napalunok siya noong makita na malapit na sa kanila ang tatlong zombie na humahabol sa kanila. Nagpalinga-linga siya sa paligid. Noong may makita siyang pala sa 'di kalayuan sa kanila ay mabilis niya iyong kinuha. Saka gigil na lumapit sa tatlong zombie.


"Mga putangina kayo!" sigaw ni Jack.


Napatakip ng tainga si El noong marinig ang mga pag-angil ng mga zombie sa paligid. Umupo siya at umiiyak.


Habang si Jack naman ay nagpatuloy sa pagsugod sa mga zombie. Isa-isa niyang hinampas sa ulo at katawan ang mga ito. Iyong tinamaan sa katawan ay nakatayo pa. Kaya muling binalikan iyon ni Jack at gigil na gigil na pinaghahampas sa ulo.


"Mga hayop! Mga aso! Putangina!" sigaw pa rin ni Jack.


Paulit-ulit niya iyong ginawa hanggang sa halos madurog na ang ulo ng huling zombie na pinatay niya. Hingal na hingal siya noong matapos siya. Sumalampak siya sa tabi ng zombie at saka huminga nang malalim. Hindi niya pinansin ang ilang talsik ng dugo sa mukha't katawan.


Tiningnan niya si El. Nakaupo ito at kayuko habang nakatakip ang mga kamay sa tainga. Napabuga siya ng hangin noong mapansin na umiiyak din ito.


Bigla siyang nakaramdam ng awa para sa bata. Ang bata pa nito pero nararanasan na itong pangyayari. Kung bakit a kasi nangyari pa ito? Alam niya siguradong takot na takot ito. Lalo na ngayon at napahiwalay sa mga kapatid nito.


Oo. Hindi siya sang-ayon noon na ihatid ang mga ito sa mga magulang nila. Pero dahil lang iyon sa naaalala niya ang pamilya sa mga ito. Pamilya niya na hindi nakaligtas sa mga nilalang ng dilim.


Tumayo na si Jack at lumapit kay El.


"Halika na. Balikan natin sila."


Nag-angat bigla ng ulo si El.


"Talaga po?"


"Oo," malumanay na sabi niya. "Tumayo ka na riyan."


Tumayo si El at muling kumapit sa kamay ni Jack. Lumakad sila pabalik sa direksyon kung saan sila nagmula. Kinuha rin ni El ang sarili niyang monitor tracker at chineck iyon.


"T-Teka kuya Jack."


"Ano?"


Tumigil si El sa paglalakad at pinakita ang cellphone kay Jack.


Nangunot ang noo ng lalaki. Ang isang dot ay gumagalaw at mukhang papunta sa kanilang direksyon. Ilang sandali nga lang sa unahan ay may nakita silang tumatakbo papalapit sa kanila.


"Teka..."


"Emman!"


----


Walang pag-aalinlangan na sinagasaan nila Ellie ang mga zombie na nasa unahan nila. Napapasigaw pa ang dalawang bata habang lumalagabog ang labas ng sasakyan. Habang si Mikaela ay nakangisi habang hawak-hawak ang manibela. Parang biglang bumalik ang excitement sa kaniyang puso sa pagmamaneho.


"Kumapit kayo nang mahigpit!" ani Mikaela.


Si Sarah ay panay ang pag-antanda habang mahigpit na nakakapit sa handle. Si Ellie naman ay determinadong nakatingin sa unahan.


Sandaling tumigil si Mikaela noong marating na nila ang entrance ng Love Village.


"Saan ba sila pumunta?" tanong ni Mikaela. Panay ang tingin nito sa kaliwa at kanan.


Natigilan si Ellie. Bigla niyang nakalimutan kung saan ba niya nakitang sumuot sila Jack kanina dahil sa pagmamadali.


"I... I'm not sure, Ate," tugon ni Ellie.


"Sa kanan?" patanong na sagot ni Sarah. "Nakalimutan ko rin!"


Huminga nang malalim si Mikaela. Kahit siya ay nakalimutan din kung saan nagpunta ang mga ito. Pinihit na lamang niya pakanan ang manibela at binabay ang kalsada roon. Mabuti na lang at wala masyadong mga sasakyan sa gitna kaya napapaandar nila iyon nang walang kahirap-hirap. Kapag may zombie silang nakikita sa daan aya kanila iyong binubunggo.


"Mali ata tayo, Ate. Kanina pa tayo sa kalsadang ito pero wala naman sila Kuya Jack," ani Ellie. Ilang minuto na kasi silang nagbabyahe pero hindi pa rin nila nakikita ang dalawa. O kahit sila Peter.


"Baka nasa loob sila ng mga bahay," ani Sarah.


Biglang pinindot ni Mikaela ang busina.


"Ate! Ano'ng ginagawa mo?! Maririnig tayo ng mga zombie!" natatarantang sabi ni Sarah.


"We can't find them kung magtatanungan lang tayo."


Nagpatuloy sa pagpindot ng busina si Mikaela. Mayroon nang mga zombie na lumabas ng mga establisyimento. Kahit iyong mga hindi makalabas ay nagsigisingan at pilit na inabot ang kung ano. Hindi naman nag-alinlangan si Mikaela na bunggoin ang mga nakakalapit sa kanila.


Nagdere-deretso silang muli habang mainam na tinitingnan kung lalabas sila Jack sa isa sa mga establisyimento.


"Tulong! Tulong!"


Napatingin sa labas si Ellie noong marinig ang boses.


"Wait."


"What?"


"Narinig niyo ba iyon?"


Natahimik ang tatlo sa loob ng kotse. Tumigil si Mikaela sa pagbusina at nakiramdam.


"Tulong!"


"Iyon! You heard that?" tanong ni Ellie.


"Oo nga. Where is she?"


Muling pinaandar ni Kim ang sasakyan. Hanggang sa makita nila sa isang building ang isang babae na kumakaway mula sa bintana.


"Teka. Si Ate Kim ba 'yon?" si Sarah.


"Tulong!" sigaw ni Kim.


"We need to help her!" ani Ellie.


"Pero paano?" tanong ulit ni Mikaela.


Tumingin si Ellie sa labas. Walang sumusugod sa kanila. Pero sa may lilim ay mayroon pa ring mga zombie na kumakawag-kawag. Binuksan ni Ellie ang pinto at akmang bababa pero pinigilan siya ni Mikaela.


"What are you doing? Pupunta ka roon?"


Tiningnan ni Ellie si Mikaela.


"We need to save her, Ate! Hindi natin siya pwedeng iwanan!"


"Teka, 'di ba magkasama sila ni Kuya Peter?" tanong ni Sarah.


Napatingin si Ellie kay Sarah. Napanganga siya noong maisip kung ano ang maaaring nangyari kay Peter.


"M-Mas lalong kailangan natin siyang iligtas, Ate Mikaela."


Napabuga ng hangin si Mikaela.


"Fine. Pero dito lang kayong dalawa."


"What? Hindi pwede! Iligtas natin sila parehas!" giit ni Ellie.


"I can't risk both of you, Ellie. H'wag ka nang makulit."


Hindi na hinintay pa ni Mikaela ang sasabihin ni Ellie at bumaba ng sasakyan. Tumingin siya sa direksyon ni Kim. Napangiti agad si Kim noong makita siya.


"Mikaela! Tulungan niyo ako! Diyos ko! Please!" sigaw ni Kim.

Chapter 31


Hindi pumayag si Ellie na hindi tulungan si Mikaela na iligtas si Kim. Ang nangyari ay naiwan sila sa kotse pero buhay ang makina niyon. Paulit-ulit silang bumusina hanggang sa mapunta sa side nila ang mga zombie.

Noong nagtipon na sa gilid ang mga nilalang ay saka naman pumasok sa loob si Mikaela. Binaybay niya ang eskinita papunta sa building kung nasaan si Kim.


Kabago naman si Kim na naghintay sa silid. Hindi pa rin siya nakaalis doon, pero nasa may bintana na siya na nakaharap sa kalsada kaya nakita niya sila Ellie. Hindi kasi niya maiwasang masaktan sa tuwing nakikita niya ang katawan nila Peter na magkayakap na wala ng buhay sa kabilang building.


Noong makita ni Kim na papasok na si Mikaela ay lumapit siya sa may pinto. Sinubukan niya iyong buksan muli. Hindi siya nakalabas kanina dahil may nakita siyang zombie na nakatayo sa pasilyo. Pagsilip niya ay wala na ang zombie roon. Kaya nagkaroon na siya ng lakas ng loob na lumabas ng silid.


Dahan-dahan na binaybay ni Kim ang pasilyo hanggang marating niya ang hadgan. Hindi pa rin niya makita ang pinto kaya bumaba na siya ng hagdan.


Napakislot siya noong may marinig siyang parang may pinupukpok sa ibaba. Gano'n na lamang ang takot niya noong makita ang isang zombie sa may pinto na binubunggo ang katawan sa pinto. Dahil nakasara iyon ay hindi ito makalabas.


"Ano na ang gagawin ko?" bulong ni Kim.


Napalunok siya at pilit na kinontrol ang sarili. Naghanap siya ng armas sa paligid. May nakita siyang kahoy sa ibaba ng hagdan.


Huminga siya nang malalim saka pinagpatuloy ang pagbaba. Ngunit dahil nagkalat ang basura sa paligid ay hindi niya namalayang may natapakan pala siyang plastic bottle. Naglikha iyon ng ingay.


Nanlamig ang buong katawan ni Kim. Pagtingin niya sa zombie ay tumigil na ito sa pagkilos. Halos mapigil na niya ang paghinga noong unti-unti itong lumingon sa kaniya.


Napatili na si Kim at nagmamadaling tumakbo paakyat ng hagdan. Pero dahil sa pagmamadali ay natumba pa siya at muntik nang mangudngod. Pagtingin niya muli sa ibaba ay nasa may hagdan na rin ang zombie. Natumba rin ito noong papakyat sa hagdan kaya kagaya niya ay nakahiga rin ito padapa sa hagdan.


"Ahh! Lumayo ka sa akin!" sigaw ni Kim.


Sa labas ay napamaang si Mikaela. Narinig niya ang malakas na sigaw ni Kim.


"Fuck!"


Nagmadali nang lumakad papalapit sa building kung nasaan si Kim. Sinipa niya ang pinto upang tuluyan iyong masira. Papasok na sana siya noong biglang may dumamba sa kaniyang zombie na lalake. Agad niyang naiharang ang hawak na kahoy sa may leeg nito noong matumba ito sa sahig at pinatungan siya.


"Get away from me!" sigaw ni Mikaela. "Kim! Where are you?!"


Sa loob ay nasa tuktok na ng hagdan si Kim. Nanginginig pa rin ito sa takot kahit wala na ang zombie na umaabot sa kaniya kanina. Naririnig niya si Mikaela na tumatawag sa kaniya pero muli ay parang siyang na estatwa dahil sa takot.


"N-No. Please!"


Nahagulhol si Kim.


"Tama na. Please!"


"Kim!" tawag ulit ni Mikaela. Nangangalay na ang kamay niya. Alam niya na kapag hindi pa niya mapigilan ang zombie ay makakain na siya nito. "Kim!" sigaw niyang muli.


Hindi niya alam kung bakit hindi ito lumalabas. Gayong narinig naman niya ang mga sigaw nito. Pero noong maisip niya ang zombie na mula sa loob ay bigla siyang nanlumo.


"Kim! Are you still there?!" tanong ni Mikaela. "Help me! Masakit na ang kamay ko!"


Hindi kumilos si Kim. Nanatili lamang itong umiyak sa tuktok ng hagdan habang yakap-yakap ang sarili.


Nawawalan na ng pag-asa si Mikaela. Lalo pa siyang nataranta noong sa kanan niya doon pa sa papasok na eskinita ay may nakita siyang isang zombie na papalapit sa kaniya.


"Shit!"


Unti-unti na ring ginapangan ng takot si Mikaela. Pakiramdam niya ay katapusan na niya dahil sa nangyari. Gusto lang naman sana niya tumulong, pero heto at siya naman ang napahamak.


"Help me, Kim! Please!"


Gumewang na ang kamay niya dahil sa bigat ng zombie. Pero pinilit pa rin na inangat ni Mikaela ang mga kamay. Nangilid na ang mga luha niya.


"So? This is my end? After everything?" hindi makapaniwalang sabi ni Mikaela.


Hindi niya maiwasang makaramdam ng galit sa mundo. Malapit na sana siyang makilala bilang racer, pero dahil sa nangyaring apocalypse ay hindi iyon natuloy. Kung alam lang sana niya na mangyayari ito ay matagal na sana niyang inumpisahan ang pangarap.


"Fuck!" sigaw ni Mikaela. "This is not my end!"


Tinulak niya nang ubod ng lakas ang zombie kahit nanginginig na ang mga kamay. Noong tuluyan niya itong matulak paalis sa ibabaw niya ay agad siyang tumayo at tumakbo palabas ng eskinita. Hindi na niya nasilip pa si Kim sa loob kaya hindi niya nalaman na buhay pa pala ito.


Napamura pa siyang muli noong makita na may ilang mga zombie na ang pabalik sa kanila.


Nagmamadali tumakbo papunta sa arawan kaya hindi na siya nahabol. Hingal na hingal na napaupo sa sahig si Mikaela. Para nang tinatambol ang kaniyang dibdib dahil sa matinding takot sa nangyari.


Nakita naman ni Ellie si Mikaela.


"Ate!" tawag ni Ellie.


Tumingin muli si Mikaela kay Ellie. Huminga siya nang malalim saka muling tumayo. Pupunta na sana siya sa kotse noong muli siyang mapatingin sa eskinita.


Nakita niya si Kim na papalabas mula sa buildin.


"Kim?"


"Mikaela!"


Biglang nalito si Mikaela. Kanina pa niya tinatawag ang dalaga pero hindi ito nasagot. Ngayon ay papalait na ang mga zombie. Kapag balikan niya pa ito ay mapapahamak na siya lalo. At matapos ang nangyari kanina sa kaniya ay bigla siyang natakot para sa sarili.


Napalunok si Mikaela. Tiningnan niya si Kim na papalapit na sa kaniya. Pero bago pa man niya ito masenyasan ay lumiko na rin ang ilang mga zombie na narinig ang sigaw niya.


Napatigil sa pagtakbo si Kim. Si Mikaeala naman ay tiningnan lang siya. Kitang-kita niya ang takot sa mga mata ni Kim. Nguunit ano pa nga ba ang magagawa niya?


Wala na.


Walang ibang pinagpilian si Kim kundi ang muling bumalik sa building na pinanggalingan niya. Muli siyang umakyat papunta sa silid at isinara iyon.


Sa loob ay napahagulhol siya.


Unti-unting umakyat ang dugo niya sa ulo dahil sa inis.


"Bakit hindi niya ako tinulungan?" galit na tanong ni Kim.


Chapter 32


Kanina pa tahimik ang loob ng kotse. Wala manlang kila Ellie ang magawang tanungin si Mikaela kung ano ang nangyari doon. At kung bakit mag-isa lamang itong bumalik.

Nakakalayo na sila noong hindi na napigilan ni Ellie ang sarili.


"What happened, Ate? Nasaan si Ate Kim?"


Humigpit ang hawak ni Mikaela sa manibela. Muli niyang naalala ang hitsura ni Kim. Ang takot at galit sa mukha nito noong papalapit na ang mga zombie dito. Pero ano naman ang magagawa niya? Naipit na sila ng sitwasyon.


Isa pa, ilang beses niya rin itong tinawag ngunit hindi naman ito sumasagot.


"Ate Mikaela!" tawag ulit ni Ellie.


"What?!" inis na tanong ni Mikaela. Nahampas pa nito ang manibela sa inis.


"Nasaan na si Ate Kim? Bakit hindi mo siya kasama bumalik?" tanong ni Ellie. Hindi siya nagpatinag sa nakasimangot na mukha ni Mikaela.


Huminga nang malalim ang dalaga at muling tumingin sa unahan.


"She's... She's gone," pagsisinungaling niya.


Nangunot ang noo ni Ellie.


"Gone? Paanong wala? E nandoon siya sa may kwarto. Hindi mo ba napuntahan?"


"Ellie, pwede ba? H'wag nang makulit! Wala na si Kim at wala na tayong magagawa pa roon! Pagdating ko roon ay... nakita ko siya sa may hagdan. May zombie na kumakagat sa kaniya. Nahuli tayo. Siguro... Siguro noong makita tayo ay sinubukan niyang bumaba. Kaso... hindi naman natin alam ang sitwasyon, right? Baka may zombie din sa loob ng bahay na kung nasaan siya. Kaya please? H'wag ka na makulit!" paliwanag ni Mikaela.


Natahimik si Ellie. Hindi niya alam kung bakit parang ayaw niyang maniwala sa sinabi ni Mikaela. Para itong nagsisinungaling. Pero wala naman din siya magagawa. Hindi niya alam ang totoong nangyari.


"Ahm... guys," ani Sarah. "Hindi ba parang... Parang mga tao 'yon?"


Tinuro ni Sarah ang nasa isang bahay na kanilang madadaanan. Nakatanaw ang mga ito sa may bintana. Kumakaway sila. Mayroon pang lumabas mula roon at kumaway din.


"We should stop," ani Ellie.


"No," mariin na sabi ni Mikaela.


"But--"


"Hindi tayo titigil, Ellie!" giit ni Mikaela.


Hindi na ulit niya hahayaang mapahamak sila nang dahil lang sa pagpapakabayani.


Pero noong papalagpas na sana sila ay biglang may tumakbo sa kanilang harapan. Dahil sa gulat ay hindi nakontrol ni Mikaela ang manibela. Nakabig niya pa gilid ang sasakyan at bumunggo sila sa poste.


Dali-daling nilapitan ni Jack ang kotse. Hindi naman niya ginusto ang nangyari. Akala niya kapag pumwesto siya sa harapan ay titigil iyon, peo sa gulat niya ay lumiko ang mga ito at bumunggo sa poste.


"Putangina!" inis na sabi ni Jack.


"Ano'ng nangyari?" tanong naman ni Gabriel.


Nagkita-kita na silang noong papabalik na sana sila Jack sa Love Village upang nahanapin sila Ellie. Naroon nga pala talaga sa loong ng village sila Gabriel. Noong may marinig silang mga tao at nakita ni Gabriel ang tracker ni Emman, doon niya napagtanto na sila Ellie pala ang mga narinig nila.


Noong makita ng mga ito na wala ng zombie sa daan ay sumunod sila. Pero imbes na kompleto nilang makita sila Ellie ay tanging sila Jack lang ang kanilang naabutan. Narinig din nila ang malakas na busina, kaya iiwanan na lang muna sana nila ang iba sa isang bahay upang tingnan ang bumubusina. Pero sumulpot naman ang kotse at heto na ang nangyari.


"Teka. Sila Ellie!" ani Mang Rey. Sumilip siya sa bintana at nakita niya ang tatlo na walang malay.


"Get them out!" nagmamadaling sabi ni Gabriel.


Pinagtulungan nila Gabriel na ilabas sila Ellie sa kotse at dinala muna sa building kung nasaan sila pansamantalang natigil. Isa iyong dating grocery store. Himala na walang zombie sa loob.


"Kumusta sila?" tanong ni Mang Rey.


Lumapit si Lucy upang i-check ang mga sugat nila Ellie.


"Minor wounds lang. Dahil lang siguro sa gulat sa nangyari kaya nawalan sila ng malay."


Bumuga ng hangin si Gabriel. "Okay. At least nakita na natin sila. Pero bakit silang tatlo lang?" tanong niya. "Akala ko ba kasama nila sila Peter?"


Napailing si Jack. "Hindi ko alam. Ang alam ko ay silang lima ang magkakasama."


Napaantanda si Lucy. "Diyos ko... hindi kaya?"


"W-Wala na tayong magagawa pa roon," malungkot na sabi ni Mang Rey. "Mas maigi pa na magpahinga na lang muna tayo rito at iplano ang sunod nating gagawin."


Sumang-ayon sila. Ni-secure na nila ang buong paligid at minabuting ayusin ang kanilang pahingahan. Dahil grocery store ang kanilang napuntahan at puno pa ng pagkain ang loob ay hindi sila nagutom.


Gabi na noong bumalik ang malay ni Ellie. Napabalikwas siya ng upo habang habol ang paghinga. Pagtingin niya sa gilid niya ay unang bumungad sa kaniya si Gabriel.


"T-Tito Gabriel?"


Lumapit si Gabriel kay Ellie.


"Kumusta ang pakiramdam mo?"


"I-Is this real? Nasaan ang mga kapatid ko?"


Sakto naman na bumukas ang silid na kung nasaan silang tatlo natutulog. Pumasok doon si Lucy kasama sina El at Emman.


"Ate Ellie!" sabay na sabi ng dalawa.


Tumayo bigla si Ellie at dali-daling niyakap ang dalawang kapatid.


"Oh my god! El! Emman!"


Napahagulhol si Ellie. Labis-labis ang takot niya dahil akala niya ay nawala na sa kaniya ang mga kapatid. Pero malaki ang pasasalamat niya na muli niyang nayakap ang mga ito.


"How are you? May masakit ba sa inyo?" tanong ni Ellie.


Kumalas siya sa mga ito. Tiningnan ni Ellie si Emman.


"Nasaktan ka ba?"


Marahang umiling si Emman.


"No, Ate. Tito Gabriel took care of me."


Napangiti si Ellie. Muli niyang niyakap ang dalawang kapatid. Pagkatapos ay tumayo siya at lumapit kay Gabriel.


"T-Tito, thank you po. Thank you for keeping my brother safe."


Tinapik ni Gabriel ang balikat ni Ellie. Pero si Ellie ay biglang yumakap sa kaniya. Natigilan pa si Gabriel noong una, pero napangiti siya at tinapik-tapik ang likod ng dalaga.


"Don't worry. Kagaya ng pangako ko ay tutulungan ko kayo. I will keep you all both safe, hanggang sa makasama niyo na ulit ang mga magulang niyo."


Napaiyak lalo si Ellie. Kahit papaano ay masaya na siya at panatag. Ano man ang mangyari sa kanila ay may mga tao pa rin na willing silang tulungan.


Ngayon ay handa na siya sa susunod nilang pagsubok.


Handa na siyang pumunta sa kaniyang mga magulang at muling makasama ang mga ito.


End of Season 1

Post a Comment

0Comments

Post a Comment (0)

#buttons=(Accept !) #days=(20)

Our website uses cookies to enhance your experience. Check Now
Accept !