Views

Surviving the Apocalypse (Chapters 11 to 15)

Ameiry Savar
0

 


Chapter 11


Kahit papaano ay nakapag-adjust agad sila Ellie sa camp. Nagkaroon ng mga kalaro sina El at Emman. Habang si Ellie ay hindi pa rin maiwasang mag-alala.

Hanggang ngayon kasi ay wala pa rin siyang balita sa kung ano na ang nangyari sa kaniyang mga magulang. Ilang beses na niya sinubukan na tawagan ang cellphone nila ngunit wala pa rin. Paminsan-minsan ay nako-contact niya ito. Pero madalas ay wala.


Sa ikatlong palapag sila na nakatoka at sa iisang kwarto lang. Iyon kasi ang gusto ni Ellie. At isa pa, hindi pumayag din si Angel na lumayo siya sa mga bata. Pakiramdam nila ay naging obligasyon na niya ang mga ito.


Si Angel ay madalas na tumutulong sa kusina. Sa tuwing kainan ay naroon ito ang nagga-guide sa mga survivor. Ganoon na rin si Ellie dahil wala naman siyang ibang magawa roon. Si El naman ay may kung ano-anong kinakalikot. Likas dito ang pagiging malikhain. Sa edad nito ay kaya na nitong gumawa ng simpleng robot or program. Habang si Emman ay patuloy pa rin sa pagiging bata.


Noong araw na iyon ay katatapos lang nila Ellie na mag-almusal. Tutulong na sana siya maghugas noong biglang may pumasok na isang survivor sa kusina at pinatawag sila.

"Mayroong meeting ngayon sa quadrangle. Kailangan daw tayo makausap ni Mang Rey," ani nito.




Agad na naghugas ng kamay ang isang kasama ni Ellie sa paghuhugas. Si Sarah, isa ring dalagita na kaedad niya. Hindi ito nakatira sa subsdivision. Nakita lamang ito nila Mang Rey noon na tumatakas mula sa zombie na humahabol dito.




"Halika na, Ellie. Mukhang may i-announce si Mang Rey," ani Sarah.

Nangunot ang noo ni Ellie.




"Palagi ba may gano'n dito?"




“Hindi naman. May importante lang ata na siya na sasabihin kaya lahat tayo ipinatawag,” tugon niya.




Tumango si Ellie. Naghugas na rin siya ng kamay at nagpunas sa malinis na towel na naroon. Pagkatapos ay lumabas na sila ng building at nagpunta sa quadrangle.




Agad na hinanap ni Ellie sila Angel. Nakita niya ang mga ito sa may unahan kaya doon siya pumunta.




“Come on, Sarah. Doon tayo,” ani Ellie.




Nagpunta sila roon at naupo sa tabi ni Angel. Sa kanan nito ay naroon sila El.




“Ano’ng mayroon, Ate?” tanog ni Ellie pagkaupo sa tabi nito.




“I’m not sure yet,” tugon lang ni Angel.




Lumingon si Ellie sa kanilang likuran. Doon lamang niya napansin na marami na pala ang mga survivor na nakatira sa kampo. Sa bawat araw kasi ay may ilang mga survivor na naliligaw sa kanilang subdivision.




Naghahanap ng ligtas na kanlungan. Malayo sa mga nilalang na gutom sa hilaw na karne.




Sa unahan ay naroon si Mang Rey. Nakaupo siya sa tapat ng pahabang lamesa, katabi ang ilan sa mga pinagkakatiwalaan niyang mga tao.




Tumayo ito at inilibot ang paningin sa paligid. Napatango-tango siya noong makita na kompleto na ang mga survivor na naroon.




"Kumusta ang pananatili niyo rito sa kampo?" tanong ni Mang Rey.




"Maayos naman, Mang Rey!" tugon ng isa mula sa gitna. "Maraming salamat sa pagpapatuloy mo sa amin dito!"




Napatango-tango si Ellie. Kahit siya ay malaki ang pasasalamat niya na napunta siya rito. Mabuti na lang at pinilit siya noon ni Angel.




Ngumiti si Mang Rey.


"Sa ngayon, nakikita niyo naman na dumarami na tayo rito. At araw-araw ay ginagawa namin ang lahat na maging ligtas tayong lahat. Pero dahil sa pagdami natin, dumarami na rin ang mga pangangailangan natin. Kailangan namin ng inyong tulong."


Natahimik ang buong paligid. Kahit si Ellie ay nakatutok lamang sa unahan.

"Ito ay boluntaryo lamang. Pero kailangan namin ng tulong sa pagkuha ng mga pagkain sa labas ng subdivision. Halos lahat ng bahay dito ay napasok na namin. Kaya kailangan na nating lumabas upang makakuha ng mas marami."


Muli ay nagkaroon ng kuro-kuro.


"Hindi ba delikado ang paglabas, Mang Rey?" tanong ng isa.


"Paano kung kainin kami ng mga nilalang na iyon?" segunda ng isa.

"Paano kung mamatay kami?! Nangako kayo sa amin na ililigtas niyo kami!" giit naman ng isa.

Itinaas ni Mang Rey ang kamay. Bakas sa mukha nito ang bahagyang pagkagulat dahil sa naging reaksyon ng iba nilang mga kasama.

"Kagaya ng sabi ko ay boluntaryo lamang ito. Hindi namin pipilitin ang lahat na sumama. Lalo na ang mga matatanda, babae, at mga bata. Ang kailangan namin ay ang mga lalaki. Malakas at matalas ang isipan. Mga taong makatutulong sa amin."

"Oo nga! Kung duwag kayo ay h'wag na kayong sumama!" biglang sabat ni Jack. Halata sa mukha nito ang inis dahil sa mga nagsalita kanina.

Tiningnan ito ni Mang Rey. "Jack," mahinang tawag niya rito. May himig ng pagsaway.


Nag-iwas naman agad ng tingin si Jack.


"'Yan kasi," bulong ni Lucy na katabi nito.


Tumikhim si Mang Rey. "Kagaya ng sabi ko, kailangan namin ng tulong. Mamayang gabi ay wala na tayong kakainin. Balak namin puntahan ang malapit na mini-store diyan sa may labas ng subdivision. Kailangan namin ng lima pang kasama. At iba pa na maiiwan para magbantay dito sa kampo."


Natahimik na naman ang buong paligid. Ni wala manlang tumingin sa unahan. Para bang mga estyudante na natatakot na matawag ng guro nila sa recitation.


Hindi maiwasang mainis ni Ellie sa mga ito. Hindi ba dapat ang matatanda, lalo na ang mga lalaki ang tumutulong. Pero bakit ngayon ay parang mga naumid ang mga dila ng mga ito?


Napailing si Ellie. Hindi siya nagdalawang isip noong itinaas niya ang kamay at tumayo.


"Ako. I will join you, Mang Rey."




Chapter 12


Muli ay natahimik ang paligid. Lahat ng mga mata ay nakatutok kay Ellie na matapang na nakatingin sa harapan.

Bahagyang nangunot ang noo ni Mang Rey. Ngunit bago pa siya makapagsalita ay naunahan siya ni Jack.


"Pwede ba, Bata? Usapang matatanda ito!" galit na sabi ni Jack. "Ito na nga ba ang sinasabi ko. Dapat ay hindi na natin sinama ang mga bata!"


Mabilis naman na hinawakan ni Angel ang braso ni Ellie. Hinila niya ito paupo.


"What are you doing, Ellie? Ano'ng sasama?"


Tumingin si Ellie kay Angel.


"No one is volunteering, Ate. I volunteer," deretso sabi ni Ellie.


Napakurap-kurap si Angel. Kitang-kita niya ang determinasyon sa mga mata ng bata.


"But-"


"Ellie, Hija. Pasensya na. Pero hindi ka namin pwedeng isama," ani Mang Rey. "Kailangan namin ng tulong, oo. Pero doon sa mga matatanda na."


Hindi napigilan ni Ellie na mapangisi.


"But no one is volunteering. Nakikita niyo po ba sila? Lahat sila ay umiiwas ng tingin."


Napalunok si Mang Rey. Kahit papaano ay hindi niya maiwasan kundi ang sumang-ayon kay Ellie. Kita siya sa mukha ng mga kasama nila ang takot. May iba na tahimik lang, at wala namang sinasabi.


Muling hinawakan ni Angel ang kamay ni Ellie.


"Ellie, please. It's dangerous out there! H'wag ka na makulit. Hindi kita papayaga," ani Angel.


Umiling si Ellie.


"No, Ate. You know I have skills. I can fight them."


"Pero hindi ito kagaya ng sports! Totoo ito, Ellie. Kapag masugatan ka ay maari kang--" Sandaling tumigil si Angel. Hindi niya maituloy ang sasabihin dahil nasa tabi lang nila sila El. "Please. Don't do this."


Pero hindi nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Ellie.


Gusto niya pa ring sumama.


"Fine. I'll join too," ani ng isang babae. Galing ito sa likurang banda ng quadrangle. Naglakad ito papunta sa unahan.


Si Mikaela, isang dalagang napadpad sa subdivision. Dati itong racer. Maalam ito sa iba't ibang klase ng mga sasakyan.


"I can drive you wherever you go," dagdag pa nito. Tumingin ito kay Ellie at bahagyang ngumiti.


Napatango si Mang Rey. "Okay. Salamat. Sino pa?"


Biglang may nag-unat ng kamay mula sa gitna. Isang binata na tila ba ay bagong gising pa lamang. Malaki ang bulas ng katawan nito at matangkad.


Ito ay si Clarence. Isang pulis na kakadestino lang sa kaniyang trabaho.


Nangunot ang noo nito at napatingin sa paligid noong makita na nakatingin sa kaniya ang lahat.


"Ano?" tanong niya.


Bumuga ng hangin si Mang Rey.


"Sasama ka ba?"


Nalilito pa rin si Clarence. Hindi kasi nito narinig ang paliwanag ni Mang Rey kanina. Tumango na lamang ito dahil sa pakiramdam na parang bigla siyang napunta sa hot seat.


"S-Sige. Sasama ako."


"I'll join too," ani ng isang baritonong boses. Nakaupo rin ito sa unahan, sa hilera nila Ellie.


Tiningnan ito ni Ellie. Malaki rin ang bulas ng matikas nitong katawan. Matangkad. Gwapo. At malakas ang dating. Presensya pa lang nito ay tila ba may sinabi na iyon.


Ito ay Gabriel, isang sundalo. Nagbabakasyon lamang sana ito, pero biglang nangyari ang kaguluhan. Dito ito nakatira sa subdivision.


"Salamat sa inyo. Kailangan na lang namin ng dalawa pa," ani Mang Rey.


Muling nagtaas ng kamay si Ellie.


"Mang Rey! Kaya ko po sumama! Marunong akong humawak ng baril!" giit niya.


Nahihirapang tumingin si Mang Rey kay Ellie.


"Hija--"


"Please, Mang Rey. Hindi naman dahil bata pa ako ay wala akong maitutulong sa inyo. I'm a sharp shooter! Alam iyon ni Ate Angel!"


Hindi naman lingid sa kaalaman ng matanda ang tungkol sa kakayahan ni Ellie. Kilala niya ang ama nito. At alam niya na tinuturuan ang dalagita. Pero nag-aalala lang kasi talaga siya para sa kaligtasan nito.


Napailing si Angel. "Fine. Kung sasama ka talaga at makulit ka. Sasama ako."


Gulat na tiningnan ni Ellie si Angel. "But, Ate--"


"No more buts, Ellie. Sasama ako o mananatili tayong parehas dito sa kampo," maawtoridad na sabi nito.


"Pwede ba, bata? H'wag ka na ngang dumagdag sa sakit ng ulo!" galit na sabi ni Jack. "Magiging pabigat ka lang sa amin e!"


Pinagkrus ni Ellie ang mga braso.


"Oh, yeah? You can wait and see. Tingnan natin kung sino ang mas magiging pabigat sa ating dalawa," puno ng kompyansang sabi ni Ellie.


Namilog ang mga mata ni Jack. "Aba't--"


Itinaas ni Mang Rey ang kamay.


"Tama na, Jack. Kilala ko si Ellie, at nagsasabi naman siya ng totoo," ani nito. Tumingin ito kay Ellie. "Anak, sana ay mapanindigan mo itong gusto mo. Ayaw kitang sumama dahil prayoridad ko pa rin ang kaligtasan niyo. Pero... kapag naroon na tayo. Hindi ko maipapangako na maililigtas ka pa rin namin."


Ngumiti lang si Ellie.


"Don't worry, Mang Rey. Hindi ako magiging pabigat sa inyo. I can save my own self."

Chapter 13


Hindi mawala-wala ang mga ngiti ni Ellie habang nag-aayos. Bakas sa mukha nito ang pagkasabik dahil isa siya sa lalabas ng kampo. Hindi lang sa kampo kundi sa labas din ng subdivision.

Alam niyang hindi magiging madali ang kanilang misyon, pero handa siya.


Isang itim na long sleeve na hapit sa kaniyang katawan ang kaniyang sinuot. Jogging pants na nakuha niya mula sa stocks dito rin sa kampo. At ang kaniyang puting sneekers ang naging get-up niya ngayong araw. Ini-ponytail niya rin ang mahabang buhok at nagsuot ng sumbrelo.


Handa na siya para sa kanilang paglabas.


Napapailing naman si Angel habang pinagmamasdan ang dalagita. Kung siya lang ang masusunod ay hindi siya papayag na umalis sila sa kampo.


"Are you really sure about this, Ellie? Kapag lumabas na tayo rito ay wala na tayong ibang magiging kakampi kundi ang isa't isa na lamang," ani Angel.


Nagsuot lang siya ng simpleng pink na blouse at pantalon. Hinayaan na niyang nakalugay ang buhok. Nagsumbrelo na rin siya para kahit papaano ay may pantakip sa kaniyang ulo.


Nilingon ni Ellie si Angel.


"Yes, Ate. I'm sure. Hindi naman pwedeng wala rin tayong gawin. Kailangan din nating tumulong."


Bumuga ng hangin si Angel.


"Tumutulong naman tayo sa kanila, Ellie."


"But it was not enough. Sige na, Ate. I can take care of myself."


Napailing si Angel. Sa kaniyang loob ay hindi pa rin siya sang-ayon sa gusto nito. Pero ano pa nga ba ang magagawa niya? Kung tutuosin naman ay mas magaling naman talaga sa kaniya si Ellie, lalo na pagdating sa paghawak ng armas.


"Lalabas ba talaga kayo, Ate Ellie? Paano naman po kami?" nag-aalalang tanong ni El. Nakaupo siya sa kama at pinanonood ang mga ate niyang maghanda.


"Yes, El. You need to stay here with Emman," tugon ni Ellie.


"Pero paano po kami? Paano kung hindi na kayo makabalik?"


Lumapit agad si Angel kay El.


"Don't say that, El. Babalik kami ng ate mo. Na kay Lucy si Emman. Habang wala kami ay siya muna ang titingin sa inyo. You can stay here if you want. Pero h'wag kang lalabas ng bulding, ha?" paalala ni Angel.


Malungkot na tumango si El.


"I'm scared, Ate. What if--"


"Ssh... Don't think of negative things, El. Babalik kami ng ate mo. I promise that."


Tumango na lamang si El. Kahit na ang totoo ay natatakot pa rin siya. Ito rin kasi ang sinabi ng Mommy nila noon. Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin sila bumabalik.


Lumabas na sila Ellie at nagpunta sa headquarters kung nasaan na ang iba nilang mga kasama. Naroon ang karamihan ng armas na naipon nila na dala ng mga survivor.


"Halika na kayo. Kumuha kayo isa-isa ng mga armas na kailangan niyo," ani Mang Rey.


"Do we really need to get one?" tanong ni Mikaela. "Akala ko ba tulog sila tuwing umaga?"


"Oo. Proteksyon na rin para sa bawat isa. Hindi natin alam ang maaring mangyari sa labas. Kailangan ay handa tayo."


"Fine."


Isa-isang kumuha ang mga ito.


Pinili ni Mikaela ang isang hand gun, ganoon din si Clarence na hindi maipinta ang mukha.


"Kailangan ko ba talagang sumama sa labas?" tanong nito. "Pwede bang magpaiwan na lang ako?"


Napangisi ng mapanudyo si Mikaela.


"Kung naduduwag ka. Pwede naman."


Nagsalubong ang mga kilay ni Clarence.


"What? Hindi ako naduduwag!"


Nagkibit ng balikat si Mikaela.


"Sabi mo 'yan. Okay."


Tila naman ay nainsulto si Clarence. Inis na kinuha niya ang isang baby armalite na nakita niya sa tabi.


"Sasama ako!" giit nito.


Ngumisi lang si Mikaela at lumabas na ng building.


Si Gabriel naman ay nilapitan ang isang rifle. Kumuha na rin ito ng magazine. Sa tabi nito ay sumulpot si Ellie na kanina pa nakatitig sa sniper gun.


"Can I take this?" tanong ni Ellie. Halos maging bituin na ang mga mata nito sa pagkamangha.


Sa tuwing aaral sila ng kaniyang Daddy ay ito ang gamit niya. Mabigat. Pero saktong-sakto iyon para sa kaniya.


Ngumisi si Jack. "Bata, parang mas malaki pa nga 'yan sa 'yo. Dito ka na lang sa pistol," nag-iinsultong sabi nito.


Naningkit ang mga mata ni Ellie.


"I know how to use this!" giit niya.


"Tantanan mo na ang bata, Jack," saway ni Mang Rey.


Pumalatak lang si Jack. Kumuha na rin ito ng armas na gagamitin.


"Sige na, Ellie. Kuhain mo na iyan kung 'yan ang gusto mo. Kaya mo bang gamitin iyan?" tanong ni Mang Rey.


"Yes, Mang Rey."


"Okay. Ipagkakatiwala ko 'yan sa 'yo. Pero kakaunti lang ang bala niyan. Nakita lang kasi namin iyan sa isa sa mga bahay dito."


Ngumiti agad si Ellie. Kinuha niya ang sniper gun na nakalagay pa sa lagayan niyon.


Habang si Angel naman ay piniling kuhain na lang ang katana na nakita niya sa tabi. Wala siyang ideya sa paggamit ng mga baril kaya iyon na lamang ang gagamitin niya.


Hindi maiwasang mamangha ni Gabriel habang pinagmamasdan si Ellie. Hindi niya alam kung bakit tila ba ay pamilyar ito sa kaniya. May kung ano sa loob niya bigla na gusto niya itong iligtas.


Pagkatapos nilang kumuha ng armas ay lumabas na sa sila ng headquarters. Doon sa may gate ay muling tinipon ni Mang Rey ang mga kasama niya.


"Ang mini-store sa labas ng subdivision ang pupuntahan natin," ani Mang Rey. "Kaka-check lang namin niyon kahapon. Puno pa iyon ng mga pagkain. Kapag makuha natin ang lahat ng laman niyon ay magiging sapat iyon para sa atin ng isang buwan. Kakailanganin din natin ng sasakyan. Kaya habang naroon tayo ay kukuha na rin tayo niyon."


Huminga ng malalim ang matanda.


"Hindi natin sigurado kung may laman ang mini store. Kaya ako ang nakikiusap sa inyo. Maging maingat kayo. Hanggat maari ay h'wag kayong lalayo sa grupo. Naiintindihan niyo ba?"


"Yes, Mang Rey!"


Tumango si Mang Rey. "Kaawaan nawa tayo ng Diyos."


Hindi na sila nagtagal pa. Sumakay na sila sa minivan. Si Jack ang nagmaneho.


Tahimik lang si Ellie sa kanilang byahe. Hindi niya alam kung ano ang maaring mangyari. Pero sisiguraduhin niya na makakauwi sila ng ligtas.

Chapter 14



Hindi maiwasang manibago ni Ellie noong makita ang highway sa labas ng subdivision nila.

Dati kasi ay puno iyon ng sasakyan. Mga taong nagmamadali papunta sa kanilang paroroonan. Mga estyudante na excited lamang na pumasok eskwelahan.


Mga normal na bagay na dati ay hindi naman binibigyan ng pansin ni Ellie.


Ngayon ay magulo na ang lahat. Nagkalat ang basura sa paligid. Ang mga sasakyan ay hindi nakaparada sa kung saan-saan. May nakita pa si Ellie na magkapatong na sasakyan.


Ang loob ng mga establisyimento ay gulo-gulo na. Nagkalat din sa paligid ang natuyong mga dugo mula sa nangyaring kaguluhan. Hindi rin nakawala sa paningin niya ang ilang parte ng katawan sa kalsada. O 'di kaya naman ay mga bangkay.


Napalunok si Ellie at biglang bumilis ang pagtibok ng puso. Nakaramdam siya nang kaunting takot, pero hindi siya pwedeng umatras.


"Are you okay, Ellie?" tanong ni Angel.


Tumabi ito sa kaniya. Pinilit naman na ngumiti ni Ellie.


"Yes, Ate."


Tumingin siya sa tapat ng ministore na kanilang papasukin. Kita niya mula sa salamin na bintana niyon na magulo na rin ang loob. Ang mga paninda na dati ay maayos na nakasalansan sa rack ay nagkalat na. Mayroon pa ngang ilang rack na natumba.


"Gabriel at Clarence. Kayo muna ang pumasok sa loob," ani Mang Rey. "Ellie, pumwesto ka sa loob ng van. Alam mo na ang gagawin mo."


Tumingin si Ellie kay Mang Rey at tumango.


"You can do it, Ellie," ani Angel.


Bumalik si Ellie sa loob ng van matapos maayos ang baril na kaniyang dala. Medyo mabigat ang sniper gun, pero ayos lang dahil ganoon naman talaga iyon.


Habang sina Gabriel naman at Clarence ay naghanda na rin. Malapit na sila sa ministore pero hindi pa rin sila tumatapak sa lilim. Kahit na medyo tirik na ang araw ay hindi pa rin nila makita nang maayos ang loob. Kaya hindi sila sigurado kung mayroon bang mga zombie roon.


"S-Sir, pwede bang ikaw na lang ang pumasok sa loob?" tanong ni Clarence kay Gabriel. Bago pa lang siya sa pagiging pulis. Oo nga't nag-training siya. Pero hindi naman pakikibaka sa mga zombie ang pinaghandaan niya.


Nangunot ang noo ni Gabriel at tumingin sa binata.


"You're a policeman, right? Walang pulis ang duwag. Paano na lang kung nasa trabaho ka na?" maawtoridad na sabi ni Gabriel.


Hindi naman ito makapaniwala na tila ba ay naduduwag si Clarence. Naiintindihan naman niya ang pinagdadaanan nito. Ngunit bilang may sinumpaang tungkulin sila sa kanilang bansa, dapat lang ay maging matapang at handa sila sa lahat ng bagay.


Napabuga ng hangin si Clarence. Napatingin siya kay Mikaela na nakatayo sa tabi ng minivan. Tinasaan siya nito ng kilay at nginisihan. Agad naman na nagsalubong ang kilay ng binata. Pakiramdam niya kasi ay binubuska siya ni Mikaela.


Muli nitong pinatapang ang hitsura. Hindi siya pwedeng matakot.


Si Jack naman ay nag-check sa paligid ng ministore. Habang si Mang Rey ay naka-standby sa may minivan.


Pumwesto na si Ellie sa loob ng van. Nakapatong sa upuan ang sniper gun. Hawak-hawak niya naman iyon at inalis ang safe mode. Sumilip siya sa rear sight.


Nakita niya agad ang loob ng ministore. Mas malapit, at mas malinaw na iyon para sa kaniya. Napalunok siya agad noong may makita siyang limang zombie na nakatayo sa pinakaloob ng ministore. Nakatingala ang mga ito sa kisame at tila ba ay naging estatwa.


"Wait. May laman," ani Ellie.


Tumingin sa kaniya si Angel. "What?"


"May zombie sa loob."


Agad na lumapit si Angel kay Mang Rey.


"May laman po sa loob, Mang Rey!" balita ni Angel.


Napatingin naman sa kanila sila Gabriel. Sinenyasan ito ni Mang Rey sila Gabriel nang saglit. Tumigil naman ang dalawa at naghintay.


"Go, Ellie. Alam mo na ang dapat mong gawin," ani Angel.


Napangiti si Ellie. "Showtime," bulong niya.


Pinuwesto na niya nang maayos ang sarili. Habang nakasilip pa rin sa rear sight ay kinasana na niya ang baril. Sa isang kalabit, agad na bumagsak ang isang zombie sa loob na tinamaan sa ulo.


Sa 'di kalayuan ay napanganga si Jack. Hindi siya makapaniwala na nagawang paputukin ni Ellie ang baril. Pero muli niyang pinaseryoso ang mukha. Ayaw niyang ipakita kay Ellie na namamangha siya sa ginagawa nito.


Sunod-sunod na pinatamaan ni Ellie ang mga zombie na walang muwang na nasa loob ng ministore. Lahat ng mga iyon ay may tama ng baril sa ulo at bumagsak na rin.


"Ang galing!" ani Clarence. Marahan pa itong napapalakpak dahil sa tuwa.


Si Gabriel naman ay tahimik na ngumiti. 'Very good, Little one.'


Muling chinek ni Ellie ang ministore. Hindi niya makita ang pinakaloob na may nakabukas na pinto. Doon ang storage room ang ministore.


"It's clear. Pero hindi ko makita ang storage area," ani Ellie.


"Kami na ang bahala doon," ani Gabriel.


Sinenyasan na niya si Clarence na maghanda. Naunang pumasok sa loob si Gabriel at agad naman na sumunod sa kaniya si Clarence.


Maingat at halos bilang ang kanilang mga kilos. Doon ay parehas nila nagamit ang kanilang training mula sa kanilang mga propesyon. Pigil ang hininga nila, lalo na ni Clarence habang naglalakad sa loob ng ministore.


Dumeretso sila sa storage room. Doon kasi ang may mas maraming mga naka-stock na pagkain. Sandali silang tumigil sa may pader. Tumingin sa paligid si Gabriel. Kinuha niya ang lata na nasa sahig, saka itinapon iyon sa loob.


Agad na nagsumiksik sa tabi si Clarence. Habang si Gabriel ay nakahanda pa rin. Pero sa labas ay nakatutok lang si Ellie.


Biglang may tumunog na mga yabag sa loob. Yabag na tila ba ay may papatakbong palabas mula roon. Humigpit ang hawak ni Gabriel sa hawak na baril. Habang si Clarence ay napaantanda na lamang sa kaba.


Ilang sandali pa ay may isang zombie na lumabas. Pero bago pa man iyon makalagpas ay bigla na lamang iyong bumagsak. Napatingin sa harapan sila Gabriel. Nakita nila si Ellie na nagkakasa ulit.


Napangiti nang malapad si Clarence.


"Ang galing talaga ni Bata!" ani Clarence.


"Sshh!" saway ni Gabriel. Pero sa loob niya ang proud din siya kay Ellie.


Isa. Dalawa. Hanggang sa umabot pa ng walo ang nag-unahang lumabas sa storage room. Pero lahat ng iyon ay hindi na nakalabas pa sa loob. Dahil bago pa man makalusot ang mga iyon ay tumumba na ang mga ito.


"Clear," nakangiting sabi ni Ellie.


Napapalakpak si Angel. "Yey! Ang galing mo talaga, Ellie!"


"Oo nga, Anak! Pasensya ka na kanina. Ako ay nag-alala lang," ani naman ni Mang Rey.


Hindi naman nagsalita si Jack. Napatango-tango lamang ito. Pero natutuwa siya dahil totoo nga na magaling si Ellie.


Si Mikaela naman ay nakangiti lang habang pinapanood ang nangyayari.


Tuluyan ng pumasok ang dalawa sa loob. Sinuyod nila ang maliit na silid at chineck ang bawat sulok.


"All clear," ani Gabriel.


"Clear!" ani Clarence.

Chapter 15


Halos isang truck ang nakuha nila Ellie mula sa ministore. Sasapat na iyon para sa ilang linggo nilang stock sa kampo. Bukod pa ang isa pang truck na nakaparada sa tabi ng establisyimento. Mukhang magdi-deliver sana sa ministore noong mangyari ang kaguluhan.

Lahat ng iyon ay dadalhin nila pabalik sa kampo.


Naghahanda na sila pabalik. Inaayos na lang nila ang kanilang mga dala.


Si Ellie ay tahimik na inayos ang sniper gun sa lagayan nito. Hindi maalis-alis ang mga ngiti niya sa labi. Lumabas muna siya sa minivan upang magtingin-tingin sa paligid.


Nakita niya si Jack na nagchi-check sa isang truck. Lumapit siya rito. Napansin naman agad ng lalaki ang presensya niya.


"Ano?"


Ngumiti si Ellie.


"What? Bawal bang lumapit? Tsaka gusto ko lang tingnan ang laman ng truck," ani Ellie.


Halos maiikot ni Jack ang mga mata. Alam niya ang hihintay ng bata.


"Oo na. Ikaw na magaling sa baril," ani Jack.


Lumabi si Ellie. "Wow? Bakit parang pilit?"


"Pwede ba, bata? Bata ka pa rin. Kaya doon ka na sa van! May ginagawa pa kami dito!" sita ni Jack.


Naiikot ni Ellie ang mga mata.


"Ang sungit talaga!" bulong niya.


Lumayo na siya rito at bahagyang naglakad paderetso. Sinigurado niya na nasa gitna pa rin siya ng kalsada.


"Ellie! Don't go far!" saway ni Angel.


"Yes, Ate! Dito lang ako!"


Nagpatuloy sa paglalakad si Ellie. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari sa kanilang paligid. Iyong dating punong-puno ng buhay na kanilang syudad ay ngayon ay patay na. Sa isang iglap lang ay nagbago ang lahat.


Hindi na nila nakita ang kanilang mga magulang.


Kasalanan iyon ng kumalat na sakit. Iyon ang sabi sa internet. Ang Covid-19. Dahil daw sa vaccine na ginawa ng mga scientist. Imbes na makatulong sa mga tao, nabuo pa raw ang virus. Pero galing iyon sa internet, kaya wala nang nakakaalam kung totoo ba ang mga iyon. Wala na rin kasi ang gobyerno, at halos buong mundo na ang apektado ng nasabing virus.


Tumigil si Ellie sa paglalakad noong nasa tapat na siya ng isang gunshop. Wasak na ang pinto niyon, at mula sa labas ay magulo na ang loob. May nakita pa siyang zombie sa loob, pero iilan lang iyon.


Naalala niya dati ay madalas siyang dalhin doon ng kaniyang ama. Dito rin nagmula ang handgun na ibinigay sa kaniya ng kaniyang ina bago ito umalis. Iniyakan niya iyon sa kaniyang ama noong walong taong gulang pa lang siya. Gustong-gusto niya kasi ang baril, pero dahil hindi pa siya pwede ay ang ama na niya ang bumili.


"If only you were here, Dad. Siguro ay magiging proud ka sa ginawa ko kanina."


Bumuga siya ng hangin.


"Nasaan na kaya kayo ni Mommy, Dad? Bumalik na kayo rito, please. Naghihintay pa rin kami nila El sa inyo," malungkot pa niyang sabi.


Dahil sa lalim ng kaniyang iniisip ay hindi niya namalayan na naabot na pala siya ng lilim. At sa isang establisyimento ay mayroong nagising na zombie. Dahan-dahan iyong naglakad palabas sa kalsada. Wala pa ring muwang si Ellie habang nakatitig sa gunshop.


Iyon ang naabutan ni Angel noong muli siyang mapunta sa pwesto ni Ellie. Nanlaki ang mga mata niya noong makita ang zombie na papalapit kay Ellie.


"Shit! Ellie!" sigaw ni Angel.


Ngunit tila ba ay walang narinig ang dalagita habang nakatitig pa rin sa gunshop.


Napatingin na rin dito ang ilan nilang mga kasama. Lahat ay binitawan ang hawak at napatakbo papalapit kay Ellie.


"Ellie!" sigaw muli ni Angel. "Get away from there!"


Tila naman ay bumalik sa reyalidad si Ellie at sa wakas ay narinig na si Angel. Nilingon niya ito at kumaway pa. Pero nawala ang mga ngiti niya noong makita ang nag-aalalang mukha nito. Napansin din niya ang mga kasama na sumisigaw na rin.


"Umalis ka diyan, Bata!"


"Ellie!"


"Huh?" nalilitong sabi ni Ellie.


Napakurap-kurap siya. Doon lamang niya napansin na nasa lilim na siya. Nanlaki ang mga mata niya at aatras na sana papunta sa araw. Pero narinig niya ang angil na papalapit sa kaniya. Paglingon niya sa kaniyang likuran ay nakita niya ang zombie na ilang hakbang na lang ang layo sa kaniya.


Napaawang ang bibig ni Ellie. Sa isip niya ay gusto niyang gumalaw at tumakbo. Pero dahil sa takot at gulat sa nakitang zombie ay naestatwa siya. Nakatitig lamang siya sa zombie na para bang hinihintay ang paglapit nito.


"Ellie!"


'Is this my end?' tanong ni Ellie sa kaniyang isipan. 'Will I finally see my parents?'


Ipinikit ni Ellie ang mga mata, at hinintay ang matatalas na ngipin ng zombie na kumagat sa kaniya. Ngunit imbes na iyon ang maramdaman niya ay bigla siyang natumba sa sahig. Muntik pang tumama ang ulo niya sa kalsada kung hindi lang niya naramdaman ang isang palad na sumalo roon.


"Ellie!"


Pagmulat niyang muli sa mga mata ay napaawang ang bibig niya sa nasaksihan.


Si Angel ay nakahiga sa kaniyang tabi. Sa ibabaw niya ay nakapatong ang zombie na papalapit sana sa kaniya. Kagat-kagat nito ang leeg ni Angel na agad na may umagos na maraming dugo.


"Ate Angel!"

Post a Comment

0Comments

Post a Comment (0)

#buttons=(Accept !) #days=(20)

Our website uses cookies to enhance your experience. Check Now
Accept !