Muntik nang mapatay ng tito ang tatay ko nang dahil lang sa lupa. Pero ang ending ay…
Hindi naman kami mayaman, pero hindi rin mahirap. Sabihin natin mayroon kaming hindi gano’n kalaking lupa sa probinsya na pinagkukuhaan namin nang pagkain.
Magbubukid talaga kasi sila Lolo. Dahil sa lupa nila ay nabuhay nila ang lima nilang mga anak. Tatlo ang nakapagtapos sa pag-aaral. Habang ang dalawa ay hanggang high school lang.
Si papa ang isa sa dalawang iyon.
Bunso kasing anak si Papa at malayo rin ang agwat ng edad sa pang apat nila. Mas pinili na lang kasi ni Papa na tulungan si Lolo sa lupa nila dahil nga humihina na ang katawan nito. Kaya ending, si Papa talaga ang humawak ng mga mula nila sa probinsya. Dito na nga rin kami lumaki at nagkaisip.
Habang ang iba namang mga kapatid ni Papa ay sa Luzon na piniling manirahan.
Sina Papa at Mama na rin ang nakasama nina Lolo’t lola. Kahit hanggang sa mamatay ang mga ito ay sila o kami na ang nag-asikaso.Sila Tito? Panay ang bisita lang. Palagi man sila nagpapadala ng pera kila Lolo, pero wala talaga silang presensya.
Tapos ito na, namatay na si Lolo. Ang ibang kapatid ni Papa ay okay lang kung si Papa pa rin ang patuloy na mamahala ng mga lupa nila. Bukod kasi sa may mga kaya na naman sila ay hindi raw talaga nila kayang manirahan sa probinsya. Nasa syudad na raw kasi talaga ang buhay nila. Pero itong si Tito Jude, iba ang gusto.
Noong una ay um-okay siya. Pero katagalan ay nagde-demand na. Sa tuwing may anihan o kopra ay gusto niya may parte din siya. Wala namang problema kay Papa, nagbibigay naman siya rito. Kaso ang gusto nito ay kalahati raw. E hindi naman pwede dahil nga may iba pa namang gastos at binabayaran.
Nagalit si Tito Jude. Hanggang sa ginusto na lang nito na ibenta ang mga lupa at paghati-hatian ang pera. Mariing tumutol si Papa dahil nga iyon ang bilin ni Lolo sa kaniya. Ang h’wag na h’wag ibebenta ang mga lupa nila dahil iyon lang ang maipapamana nila.
Iyon ang kayamanan nila.
Ang ibang mga kapatid ay payag sa gusto ni Papa. Kaya walang nagawa si Tito Jude. Galit na galit na naman ito syempre. Sumugod pa nga sa amin at sinigawan si Papa. Halos bugbugin na nito si Papa. Mabuti na lang at mga lalake kaming mga anak ni Papa kaya nagawa namin siyang ipagtanggol.
Hindi nito tinantanan si Papa. Kahit na ilang beses na itong kinausap ng panganay nila at ibang mga kapatid. Matigas daw ang ulo nito. Umabot pa nga sa punto na muntik na nitong map4t4y si Papa.
Nagulat kaming lahat no’n. Fiesta kasi sa probinsya kaya nag-uwian ang ibang mga kapatid ni Papa. Syempre, isa na roon si Tito Jude.
Akala naming lahat ay okay na. Pero itong si Tito Jude, nagkikimkim lang pala ng galit.
Nag-iinuman na sila no’n. Tawang kamustahan. Tapos kwentuhan. Kaming magpipinsan ay nasa loob ng bahay. Nanood ng tv. Sila Papa naman ay nasa harapan at doon nag-iinom ng tuba.
Hanggang sa narinig na lang namin na may nagsisigaw sa labas. Syempre kami, agad kaming lumabas.
Kitang-kita ko si Tito Jude na may hawak ng itak. Nakataas ang kamay nito na pinipigilan ni Tito Ruel. Nakayakap naman sa tiyan nito ang asawa ni Tito Jude. May ilan na rin na kainuman nila na kamag-anak din namin ang umawat kay Tito Jude.
Galit na galit ito. Sinabi na kasalanan ni Papa ang lahat. Nagdadamot daw si Papa dahil nga siansarili nito ang lupa.
Syempre si Papa, ang sabi lang ay pwede naman siyang makinabang din. Pero hindi pwede ang gusto niyang hatiin. Lalong-lalo na ang pagbibenta ng lupa. Dahil iyon ang huling habilin sa kaniya ang kanilang tatay.
Para lang matigil si Tito Jude, naisipan ni Tito Ruel na bayaran na lang si Tito Jude sa parte niya ng lupa. Pinapirma niya pa ito at pina-notarize para wala nang maging habol pa sa lupa.
Tuwang-tuwa si Tito Jude. Isinumpa pa nito na hindi na muling magpapakita sa mga kapatid at h’wag na h’wag daw dadalaw sa burol niya kapag mamatay na siya.
Ang lungkot ni Papa matapos mangyari iyon. Hindi naman daw niya gusto na mangyari iyon. Kaso ano pa nga ba ang magagawa niya? Sadyang kakaiba ang ugali ng kapatid nilang iyon.
Fast forward, natahimik ulit ang buhay namin dahil kay Tito Ruel. Minabuti ni Papa na bayaran na lang din si Tito Ruel sa naibayad nito kay Tito Jude. Pero hindi pumayag si Tito Ruel. Mas kailangan naman daw kasi ito ni Papa.
Habang si Tito Jude? Ayon, noong una wala kaming naging balita. Pero bigla na lang may nag-chat sa akin. Si Mia, pinsan ko, ang bunso ni Tito Jude. Mahina na raw si Tito at nasa ospital. Nagmamakaawa raw ito na gustong makausap si Papa.
Noong una ay ayaw sana naming magkakapatid. Kasi matapos ang ginawa niya kay Papa ay medyo nagkaroon kami ng sama ng loob dito. Tapos isinumpa pa nga nito na hindi na raw sila magkikita-kita.
Pero si Papa? Pumunta pa rin. Kahit na ano raw ang mangyari ay kapatid niya pa rin ito. Kaya ako ang sumama.
Pagdating namin sa ospital ay doon ko nakita ulit si Tito Jude. Sobrang payat na nito at halatang sobrang hina. Humagulhol ito nang makita si Papa. Panay ang hingi ng sorry. Pati kami napaiyak na rin dahil nga sa magkapatid.
Sising-sisi ito sa ginawa nito kay Papa. Pero si papa? Walang ibang sinabi kundi ang okay lang. Walang problema.
Napakabuti na lang din siguro talaga ni Papa. Kaya kahit na ganoon ang ginawa ni Tito ay nagawa pa rin niya magpatawad.
Nabuo ulit ang magkakapatid. Nagkapatawaran. Pero doon na sa burol ni Tito Jude.
Kalungkot lang. Nang dahil sa greed ng isang tao ay nagkawatak-watak sila. Pero sa huli ay nagkapatawaran pa rin.

