Views

Navarro's Possession (Chapters 56 - 60)

Ameiry Savar
0



Trigger Warning


Navarro's Possession contains scenes that are not suitable for very young readers and sensitive readers. If you have trauma or can't read stories with dark themes, kindly stop reading this story. This story contains abuse, raped, murder, and foul words. 


Chapter 56

“Ang pogi naman ng baby ko!” masayang sabi ni Jane habang hinahaplos ang pisngi ni Renz. Nakasuot ito ng tuxedo na pang bata. Nangingintab din ang buhok nito na pinahiran ng gel. 
“You too, mommy! You are maganda!”
“Ahhw. Thank you, baby!” Pinisil ni Jane ang pisngi ni Renz. “Come on? Punta na tayo sa baba?” 
Inilahad ni Jane ang kamay sa anak at naglakad na sila palabas ng kwarto. Nagdaos ng party si Rodrigo para sa kanilang mag-ina. Ito na rin ang paraan nito para pormal nang ipaalam sa mga tao na siya ay nagbalik na. Ayaw sana ni Jane dahil wala naman siyang balak magtagal dito. Ngunit wala na siyang nagawa dahil inayos na pala lahat ni Rodrigo. Maging ang isusuot nilang mag-ina ay nakahanda na. Nakasuot siya ng pulang long gown na may mahabang slit sa laylayan kaya kita ang maputi niyang hita. Wala rin iyong manggas at ipit na ipit ang kaniyang dibdib. Hindi na siya nagpaayos pa at hinayaan na lang na nakalugay ang buhok. Tuwang-tuwa rin kasi si Renz para sa party na mangyayari. Sa lahat ng mga binabalak ni Rodrigo ay palagi nitong ginagamit si Renz para hindi na makatanggi si Jane. Ngunit alam niya na hindi dapat magtagal ang ganitong sistema nila. 
Pagkalabas nila ng mansyon ay may nakaabang na agad na isang sasakyan. Agad na sumakay roon sila Jane. Umalis na rin agad ang sasakyan. Kitang-kita ni Jane ang saya ng anak habang nagbabyahe sila. Lalo tuloy nakaramdam ng konsensya si Jane. Habang tumatagal sila rito ay nalilito na siya kung pagbibigyan niya ba ang gusto ni Rodrigo o itutuloy ang pag-alis nila. Hindi niya kayang makasama pa si Rodrigo ngunit na aawa naman siya sa kaniyang anak. Gustong-gusto nitong magkaroon ng ama. 
“We’re here! We’re here!” masayang sabi ni Renz noong tumigil na ang sasakyan. 
Bumukas na ang pinto sa tabi ni Jane at agad silang bumaba. Nakita niya agad ang pulang carpet na kanilang lalakaran papasok sa loob ng building. Mayroong mga guard sa tabi ng salamin na pinto at may ilan-ilang papasok pa sa loob na naka-gown din. Bumuga ng hangin si Jane bago naglakad na papasok sa loob habang hawak-hawak ang anak. 
Agad na nagtinginan sa kanila ang ilang mga bisita na nasa loob na ng venue. Bigla tuloy nakaramdam ng kaba si Jane dahil sa mga matang nakatingin sa kanila. Habang si Renz naman ay magiliw na kumakaway pa sa mga tao. Pinilit na lamang ngumiti ni Jane para kahit papaano ay maibsan ang kaba niya. 
“Here they are!” 
Napatingin sa gilid niya si Jane noong may marinig siyang boses. Papalapit na sa kanila si Rodrigo na malapad ang mga ngiti. 
“Daddy!” ani Renz at bumitas kay Jane. Tumakbo agad ito kay Rodrigo at yumakap. 
“Wow! My son looks handsome!” 
“May anak kayo?” tanong ng isang lalake na katabi ni Rodrigo. Tiningnan ito ni Rodrigo at tinanguan. 
“Yes!” Lumapit si Rodrigo kay Jane at inakbayan ito. “I can’t contain my happiness now because of this blessings. Five years! Gano’n ako katagal na naghanap sa kaniya. I almost loose my mind because of it. Ang daming nagsasabi sa akin na tumigil na at h’wag umasa. But here we are. Togethis again.” Tiningnan niya si Jane at hinalikan sa noo. “And to my surprise, may plus one pa ang happiness namin.” Tiningnan naman niya si Renz na karga-karga na niya sa isang kamay. 
Pinilit na ngumiti ni Jane kahit na naiilang siya sa posisyon nila ni Rodrigo. Kinagat na lamang niya ang kaniyang labi upang mapigilan ang sarili na magsalita.  
“But how? Paanong nangyari ‘yon?” 
“Well, Jane lost her memory. Aksidente ko siyang nakita two months ago sa ibang bansa. Mabuti na lang talaga at naghanap ako ng ibang business. I saw her there and my son. And luckily, mabilis siyang naka-recover. She remembers her love that fast.” Tinitigan ni Rodrigo sa mga mata si Jane na puno ng pagmamahal. 
Gustong matawa ni Jane sa sinabi ni Rodrigo. Ni minsan ay hindi siya nakalimot sa mga kawalang-hiyaang ginawa nito sa kaniya. Araw-araw ay para siyang pinapatay ng mga alaalang naging bangungot sa kaniya. Pero sa huli ay ngumiti si Jane. Sinabayan niya ang palabas na ipinapakita ni Rodrigo. 
Matatapos din ito! 
Lahat ng mga tao roon ay naawa sa kanila. Mayroong natuwa dahil nakabalik sila. Kaunti na lang ay masusuka na si Jane dahil sa mga sinasabi ng mga ito. Lalo na sa kagalakang ipinapakita ni Rodrigo. Mabuti na lamang at habang tumatagal ang party ay napapagod na rin si Renz. Ginawa iyong paraan ni Jane para makaalis doon. 
“Are you sure? This party is for you. Pwede naman nating ipahatid si Renz sa katulong,” ani Rodrigo. 
“Renz can’t sleep without me. Alam mo ‘yan.” 
Bumuntonghininga si Rodrigo. “Okay. Uuwe na rin ako–” 
“No!” 
Nagtatakang tiningnan ni Rodrigo si Jane.  “Why?” 
Napaawang ang bibig ni Jane. Muli niyang iniikom ang bibig noong hindi malaman ang sasabihin. Napalunok siya at nag-iwas ng tingin. 
“Cousin?” 
Sabay na napatingin sila Rodrigo sa nagsalita. Natigilan si Jane at nanlaki ang mga mata noong makita si Brian na malapad ang ngiti na nakatingin kay Rodrigo. 
“Brian? You’re here?” gulat na sabi ni Rodrigo. Inilahad nito ang mga kamay at niyakap si Brian. “This is unexpected!” 
Tinapik-tapik ni Brian ang likod ni Rodrigo sakay kumalas. “You know me. Full of surprises,” pabirong sabi nito. Lumipat ang kaniyang mga tingin kay Jane. “And who is this gorgoes lady here?” 
“Ah.” Lumapit si Rodrigo kay Jane at inakbayan ito. “This is my wife. Jane.” 
Kunyari ay nagulat si Brian. “Wife? The one that…” Tumango si Rodrigo. “Oh! Wow!” Inilahad niya ang kamay sa tapat ni Jane. “Nice meeting you, Jane.” 
Pinilit na ngumiti ni Jane at inabot ang kamay ni Brian. “N-Nice meeting you.” 
“Wow! I just can’t believe na inabot ng five years bago tayo magkakilala,” natatawang sabi ni Brian. 
“A-Ahh. Yeah. Oo nga.” 
“Anyway, Brian. Pauwi na kasi si Jane. Patulog na ang anak namin,” ani Rodrigo. “Saka na lang kayo mag-usap ng asawa ko.” 
“Really? Sayang naman. Gusto mo bang ihatid ko na lang siya?” Tumingin sa paligid si Brian. “Alam mo naman na hindi rin ako mahilig sa ganito. I’m just here because of mom and of course, you.” 
Tiningnan ni Rodrigo si Jane. “Is it okay to you? Mas may tiwala ako sa pinsan ko. You’ll be safe with him.” 
“Sure.” 
“Okay then. Ingatan mo ang asawa ko, Brian. And remember, she’s my wife.” 
Tumawa nang malakas si Brian. “You never change, cousin. Of course! Ang kay Rodrigo ay kay Rodrigo. Ang kay Brian ay kay Brian,” makahulugang sabi niya at ngumisi. 
Tumikhim na si Jane dahil iba na ang pakiramdam niya. “Can we go?” 
Tumango si Rodrigo. “Okay. Mag-ingat kayo.” 
Akmang hahalikan ni Rodrigo si Jane sa labi ngunit bigla siyang tumingin sa gilid kaya sa pisngi siya nito nahalikan. Nakaramdam ng inis si Rodrigo ngunit hinayaan na lamang niya. 
Nagpaalam na si Jane sa ilang mga bisita. Pagkatapos ay inihatid na siya ni Rodrigo kasama ni Brian sa kotse na naghihintay sa labas ng venue. Naroon na rin si Renz sa loob na nakaupo sa likod ng kotse. Si Brian na ang nagmaneho ng kotse. Hindi nagtagal ay umalis na rin sila roon at nagbyahe pabalik ng mansyon. 
Tumikhim si Jane na nakaupo sa likod ng kotse. Hindi pa nito nakikita si Brian dahil natutulog na pala ito sa loob noong pumasok siya. Noong makita niyang malayo na sila sa venue ay tiningnan niya si Brian. “Can you stop the car somewhere?” Tiningnan niya ang binata mula sa rearview mirror. 
“Okay.” 
Iniliko ni Brian ang kotse sa kalsada papasok sa bukid at ipinara ang kotse sa may madilim na parte. Agad na bumaba ng sasakyan si Jane at gano’n din ang ginawa niya. 
“What took you so long?” naiiyak na sabi ni Jane at agad na lumapit kay Brian saka niyakap ito nang mahigpit. 
Sandaling natigilan si Brian pero kalaunan ay napangiti siya. Gumanti siya nang yakap kay Jane. 
“Sshh… I’m here now.” 


Chapter 57

 Kumalas si Jane kay Brian at salubong ang mga kilay na tinitigan ito. 
“Bakit ngayon ka lang? I was waiting for you! Akala ko umuwi ka na sa Canada!” may himig ng pagkainis na sabi ni Jane.
Natawa nang kaunti si Brian. “I’m sorry. Hindi ako nakabalik agad because of dad. Alam mo naman ang gusto niyang mangyari, ‘di ba? Actually, he was furious when we met earlier.” Bumuntonghininga siya. “How are you? Sinaktan ka ba ni Rodrigo?” 
Umiling si Jane. “Na… Nasampal niya ako.” 
“What?! Why?!” 
“Nagtalo kami. Tama ang hinala ko, Brian. Nakita na niya kami. Narito na kami. Hindi na niya ako pakakawalan. He is using Renz.” 
“Napaka sama talaga niya! I don’t even know why we are related.” Hinawakan ni Brian ang magkabilang braso ni Jane at marahan iyong hinagod. “Don’t worry. Narito na ako. Hindi ko hahayaan na may mangyari sa inyo. Gagawa tayo nang paraan para makaalis kayo rito.” 
Tumango si Jane. “Thank you, Brian. At least you are here now. Medyo panatag na ako.” 
Ngumiti si Brian. “Of course. Hindi kita pababayaan, Jane.” 
Natigilan si Jane noong bigla silang magkatitigan nang binata. Napalunok siya at biglang nakaramdam nang pag-iinit ng mga pisngi. Agad siyang nag-iwas ng tingin pero hinawakan ni Brian ang baba niya. Nanlaki ang mga mata niya at gulat na tiningnan ang binata. 
“You look gorgeous tonight, Jane.” 
“H-Ha?” Umatras si Jane at nahihiyang ngumiti rito. “T-Thank you.” 
“Let’s go. Baka mapansin ni Rodrigo na hindi pa rin tayo dumarating sa mansyon.” 
Tumango si Jane. Bubuksan na sana niya ang pinto pero inunahan siya ni Brian. Muli niya itong nginitian bago sumakay ng kotse. Napabuga siya ng hangin. What is wrong with you, Jane? Calm down! saway niya sa sarili noong hindi pa rin nawawala ang mabilis na pagtibok ng kaniyang puso. Bigla siyang nalito dahil sa kaniyang nararamdaman. Mali ito. Kailangan niya si Brian pero hindi niya gugustuhing mapahamak ang binata dahil sa kaniya. 
Sumakay na rin si Brian sa sasakyan at agad na pinaandar iyon. Tahimik silang dumeretso sa mansyon ngunit hindi pa sila nakakapasok ay may mga kotse nang nakaparada sa harap. 
“Ano’ng nangyayari?” nagtatakang tanong ni Jane habang sumusilip sa harapan. 
Pinara ni Brian sa gilid ang sasakyan. “Wait. Let me check. H’wag kang bababa.” Tinanggal ni Brian ang seatbelt niya at bumaba ng sasakyan. 
“Nasaan ang anak ko?!” 
Natigilan si Jane noong may marinig siyang pamilyar na boses noong binuksan ni Brian ang pinto niya. Bigla siyang binundol nang matinding kaba habang tinatanaw ang mga taong nakatayo sa may gate. Pinipigilan ang mga ito ng mga bodyguard ni Rodrigo. Nakita niyang lumapit si Brian sa mga ito at kinausap ang isa. Parang biglang na estatwa si Jane noong makita niya ang babaeng humarap kay Brian. Galit na galit ito at kahit na hindi niya naririnig ang boses nito ay alam niyang sumisigaw ito. 
“M-Mama…” Napaluha si Jane. Inayos niya ang higa ng anak at dali-daling lumabas ng sasakyan. “Ma!” sigaw ni Jane. Napatingin sa kaniya ang babaeng kausap ni Brian. Agad itong sumigaw at tumakbo papalapit sa kaniya. Halos liparin na rin niya ang pagitan nila para lang makalapit ito. At noong magkalapit sila sa isa’t isa ay agad na nagyakap ang dalawa na para bang wala nang bukas. 
“Anak! Diyos ko! Buhay ka! Buhay ka, Jane!” hagulhol ni Camia habang mahigpit na niyayakap ang anak. 
Hindi nakapagsalita si Jane. Nakita niya ring papalapit sa kanila ang tatay niya at mga kapatid. Yumakap din ang mga ito sa kaniya. Hindi maipaliwanag ni Jane ang galak na nararamdaman niya ngayong nakayakap na niya ang mga ito. Limang taon niyang hinintay na mangyari ito. Matagal siyang nagtiis na hindi makita ang mga ito dahil sa labis na takot na baka madamay sila. Lahat sila ay nag-iyakan lamang. 
“Akala namin nawala ka na, Jane,” ani ng tatay ni Jane. Si Tomas. 
Humihikbing tiningnan ni Jane ang ama at umiling-iling. “H-Hindi po.” 
“Ano ba ang nangyari sa ‘yo? Ang tagal naming nagluksa dahil akala namin wala ka na. Ano? Tinago ka ba ng walang hiyang lalakeng ‘yon, ha? Sinadya ba niya para hindi namin malaman na buhay ka?” sunod-sunod na tanong ni Camia habang mahigpit na hawak ang palad ng anak. 
Hindi makapagsalita si Jane dahil sa matinding pag-iyak. Panay ang iling niya habang isa-isang tinitingnan ang mga kapatid at magulang. 
“I-I missed you all. Akala ko hindi ko na kayo makikita,” humihikbing sabi ni Jane. 
“Halika na, anak. H’wag ka matakot. May mga dala kaming pulis dito. Aalis na tayo,” sabi ulit si Tomas. 
Napatingin si Jane sa mga kasama ng pamilya niya. Nanlaki ang mga mata niya at nag-aalalang tumingin kay Brian. Nag-aalala rin itong tumingin sa kaniya na para bang na uunawaan ang kaniyang ibig sabihin. Bumitaw si Jane sa kaniyang ina at umatras. 
“No.” 
Nangunot ang noo ni Camia. “Bakit? Sumama ka na sa amin ngayon, anak! Hindi ako makapapayag na mananatili ka pa rito!” 
“Miss Acosta. Narito kami para tulungan kayo makabalik ng ligtas sa Cavite.” 
“Ahm.” Tiningnan muli ni Jane si Brian. Sa pagkakataong iyon ay lumapit na ito sa kaniya. 
“Alam ko pong nag-aalala kayo kay Jane. Pero magiging delikado kung aalis si Jane ngayon.” 
“Sino ka ba? Wala kaming pakealam! Isasama ko ang anak ko sa ayaw at gusto niyo!” galit na sabi ni Tomas. 
Napalunok si Jane. Bigla siyang nagsisi na lumabas siya ng kotse at nagpakita sa mga ito. Oo nga’t hindi na nagiging marahas si Rodrigo sa kaniya. Hindi pa rin siya sigurado sa magiging reaksiyon nito sa pagdating sa kaniyang pamilya. 
“P-Pa. Please–”
“Jane!” 
Halos mapalundag si Jane noong marinig niya ang boses ni Rodrigo. Paglingon niya ay nakita niya itong salubong ang mga kilay na nakatingin sa kaniya. Muling binalot ng takot ang dalaga at agad na hinarang ito. 
“Rod, h’wag!” pigil ni Jane sa binata. “Aalis na sila. H’wag mo na silang pakealaman!” 
Tumigil si Rodrigo at nagtatakang tiningnan si Jane. “Why? Ako ang tumawag sa kanila.” 
“Ha?” Nalilitong tiningnan ni Jane ang binata. Tiningnan niya rin ang mga magulang na masama ang tingin kay Rodrigo. 
“Ibalik mo na sa amin ang anak ko! Napaka hayop mo talaga!” sigaw ni Camia. 
Inakbayan ni Rodrigo si Jane at nilapitan ang pamilya ng dalaga. Naikuyom ni Tomas ang kaniyang kamao at nakahanda na para sugurin si Rodrigo. Ngunit agad na lumapit si Brian sa tabi nito ang tinapik ang balikat. 
“Sandali ho,” bulong ni Brian. 
“Tita. Tito. Bakit naman nagdala pa kayo ng mga kasama? Hindi ba sinabi ko na pumunta kayo rito para makita niyo si Jane?” magalang na tanong ni Rodrigo. 
Umismid si Camia. “Ikaw? Wala kaming tiwala sa ‘yo, Navarro! Matapos mong itago ng limang taon si Jane sa amin?! Pinaniwala mo kaming patay siya!” 
“Hindi ho! Kahit tanungin niyo si Jane.” Tiningnan ni Rodrigo si Jane. 
Napalunok naman si Jane na nalilito pa rin sa nangyayari. Hindi niya alam kung bakit parang ang bait-bait ni Rodrigo na makipag-usap sa mga magulang niya. Labis na ikinagulat niya pa na ito pa pala ang nagbalita sa magulang niya na buhay siya. 
“T-Totoo po ‘yon, ‘Ma. Wala ako sa puder niya five years ago,” ani Jane. 
“Wala akong pakealam! Basta sasama sa amin ang anak ko ngayong gabi! Magkakamatayan tayo kapag hindi mo kami hinayaang ipasama sa amin!” galit na sabi ni Tomas. 
Biglang natahimik ang paligid. Sunod-sunod na napalunok na si Jane at nag-aalala para sa kaniyang pamilya. Inalis niya ang pagkakaakbay sa kaniya ni Rodrigo at hinarap ito. 
“R-Rodrigo, please. Ako na ang kakausap sa mga magulang ko. J-Just don’t hurt them.” 
Hindi makapaniwalang ngumiti si Rodrigo. “Hindi ko sila sasaktan, Jane.” Sinapo niya ang pisngi ng dalaga. “I told you I am changed. Actually, you can go to them. Alam ko kung gaano mo sila na miss.” 
Biglang umurong ang mga luha ni Jane. Tinitigan niya pa si Rodrigo at inuri kung nagbibiro lang ba ito. Ngunit malapad ang ngiti nito sa kaniya at maaliwalas ang mukha. Tiningnan nito ang mga magulang niya. 
“Tito, or should I say, Papa. You can stay at the mansion tonight. Bukas na bukas ay ako mismo ang maghahatid sa inyo sa airport para maisama niyo si Jane. Bibigyan ko kayo ng oras para makasama niyo ang isa’t isa. Hindi ko ho ipagkakait sa inyo ang anak niyo.” 
Nalilito pa ring tiningnan ni Jane ang binata. Pagkatapos ay pasimple niyang tiningnan si Brian na nalilito rin ang ekspresyon. Huminga siya nang malalim at hinarap muli si Rodrigo. Kung ano man ang binabalak ni Rodrigo ay kailangan niyang maging maingat. 

Chapter 58


 Nabalot nang matinding katahimikan ang paligid. Lahat ay nagtataka dahil sa nakagugulat na pag-akto ni Rodrigo. Siguro kung hindi alam ng isang tao ang mga kasamaang ginawa ng binata ay iisipin nito na isang mabuting tao ito. 
“Maigi pa ho ay pumasok na tayo sa loob. Malamok na rito,” ani Rodrigo. 
“Hindi! Hindi kamo papasok sa impyernong ‘yan, Navarro! Aalis na kami ng anak ko ngayon!” tanggi ni Tomas. 
“Pero, ‘Pa. Gabi na. Mahihirapan na kayong bumyahe ngayon.” 
“Wala akong pakealam. At pwede ba? H’wag mo akong tawaging papa.” 
“Eh, sige ho. Kung iyan ang gusto niyo. Ihahatid ko ngayon sa airport.” 
“Hindi na kailangan,” sabat ni Camia.
Tumikhim si Brian. “Or kung ako na lang ang maghatid sa kanila?” 
Ngumisi si Rodrigo. “It’s fine, Brian. Masyado ka nang naging mabait sa asawa ko ngayong gabi,” makahulugang sabi nito. 
Napalunok si Jane at biglang nag-alala. Ano’ng ibig niyang sabihin? 
“Ayos lang naman sa akin kung ngayon kayo aalis. Ang problema ay baka masyadong mapagod si Renz.” Napatingin sa paligid. “Teka? Where is he?” 
“Sino’ng Renz?” 
Gulat na tiningnan ni Rodrigo si Camia. “Hindi niyo pa po ba alam?” Tumingin siya kay Jane. “Hindi mo pa sinabi sa kanila?” 
Umiling si Jane. Huminga siya nang malalim. “‘Ma, ‘Pa. Kakausapin ko lang ho muna si Rodrigo.” 
Agad na humakbang palapit si Tomas kay Jane. Hinawakan niya ito sa braso at hinila. “Hindi anak! Hindi ako papayag. Baka kung anong pananakot pa ang gawin niyan sa ‘yo!” 
Pinilit na ngumiti ni Jane. “Kaya ko po, Pa. Kaya ko na.” 
“Anak.” Nag-aalalang lumapit din si Camia. 
“Sandali lang ho ako.” 
Bumitaw na si Jane sa mga magulang niya. Nilapitan niya si Rodrigo at hinawakan sa braso. Saka hinila ito papunta sa likod ng kotse na medyo malayo sa mga kasama nila. 
“Jane, wait! Bakit?” 
“Bakit?” Tumigil si Jane sa paglalakad at binitawan si Rodrigo. Natatanaw pa rin niya ang mga kasama pero malayo-layo na sila. “Ano ‘to, Rodrigo? Why are you doing this? Bakit ka nagbabait-baitan sa harap ng mga magulang ko?” 
“Why? Is it wrong na nagiging mabait ako sa mga magulang mo? They are your parents. Technically, they are my parents now too because we are married. Tama lang na maging mabait ako sa kanila.” 
Napangisi si Jane. Hindi makapaniwalang tiningnan niya ang binata. “Mabait? Rodrigo. We both know na wala yan sa bokabularyo mo. Kailan ka pa naging mabait?”
Bumuntonghininga si Rodrigo. Namungay ang mga mata niya at saka sinalubong ang mga tingin ni Jane. “Jane, I know… it’s hard for you to forgive me. Marami akong nagawang masama sa ‘yo kaya na iintindihan kita ngayon. Five years kang nawala sa akin. Sa loob ng limang taon na ‘yon ay halos mabaliw ako, Jane. I tried to find you Hindi ako nawalan nang pag-asa. I promised myself na magbabago ako. Because I thoguht if I change myself you will come back. And here you are.” Hinaplos ni Rodrigo ang pisngi ni Jane. Napatitig siya sa labi nito at pinadaan ang hinalalaki roon. “Kahit gaano katagal, Jane. Araw-araw kong pagsisisihan ang mga nagawa ko sa ‘yo. Hindi ako magsasawang maging mabait para lang bigyan mo ako ng chance na maging asawa mo. I love you, Jane. I really do.” 
Napalunok si Jane. Hindi niya alam kung bakit bigla na lamang bumilis ang pagtibok ng kaniyang puso. Agad siyang nag-iwas ng tingin at umatras. Pakiramdam niya ay biglang naumid ang dila niya dahil sa sinabi ni Rodrigo. 
“Jane. Do you hear me? I love you. Lahat gagawin ko para sa ‘yo. I will never do what I did to you in the past. Hinding-hindi na kita sasaktan o ang mga taong mahal mo. Because I love you.” Akmang yayakapin ni Rodrigo si Jane pero umiwas ang dalaga. Tumigil siya at matipid na ngumiti. “It’s okay.” 
“Hindi ko alam, Rodrigo. I don’t know what to say. Kasi alam mo? Hindi naging madali ang pinagdaanan ko sa ‘yo. Ikaw ang bangungot ko, Rodrigo. Kung hindi nga lang dahil kay Renz, I will not be here. Kaya hindi ko alam. Thank you kung talagang nagbago ka na. But you can’t force me to accept and give you forgiveness. Because I don’t know if I can give it to you,” naluluhang sabi ni Jane. 
“I understand. As I told you, I will wait. Hihintayin kita, Jane.” 
Napasinghot na si Jane. Hindi niya alam kung bakit parang nasasaktan siya sa mga sinasabi ni Rodrigo. Ramdam naman kasi niya ang pagiging sensero nito. Pero kahit anong pilit niyang isipin ay hindi niya makalimutan ang sakit na ibinigay nito sa kaniya. Iyong trauma na nakakabit na sa pagkatao niya. Siguro nga ay mapapatawag niya pa rin ang binata. Ngunit hindi pa sa ngayon.
Matapos nilang mag-usap ay bumalik na sila Jane sa kanilang mga kasama. Nag-aalala pa rin siya ngunit wala siyang magagawa ngayon kundi ang panghawakan muna ang sinasabi ni Rodrigo. Na gusto nga talaga nitong magbago. Na talagang wala na itong balak na saktan siya. Sana nga ay totoo. 
“Hayop ka! Napaka sama mo talaga!” sigaw ni Tomas pagkalapit nila Jane. 
Napasigaw na lamang sila noong biglang sinugod ng suntok ni Tomas si Rodrigo. Tumama ang kamao nito sa pisngi ng binata na agad na ikinatumba nito. 
“Pa!” sigaw ni Jane. 
“Hindi mo lang inabuso ang anak ko! Binuntis mo pa! Hayop ka!” galit na galit na sabi nito. 
Agad na naglapitan ang mga bodyguard ni Rodrigo. Ang mga pulis din na kasama nila Tomas ay lumapit. Hinawakan ng mga ito sa braso si Tomas at pilit na inilayo kay Rodrigo. 
“Hayop ka! Sinira mo ang buhay ng anak ko! Demonyo!” 
Napahagulhol na si Jane. Nilapitan niya si Tomas at niyakap ito. “Tama na, ‘Pa! Tama na!” 
Itinayo ng mga tauhan niya si Rodrigo. Nilapitan din ito ni Brian at inalalayan. 
“Aalis na tayo! Kuhain mo ang anak mo!” 
Kumalas si Jane kay Tomas at tumango. Ngunit bago pa siya makapunta sa kotse ay nakita niyang buhat-buhat na ito ni Brian. Napasinghap si Camia at agad na kinuha ang bata. 
“Diyos ko! Apo!” 
“Cousin. Mas maigi nang magpahinga ka na. Ako na ang maghahatid sa kanila sa airport,” ani Brian. 
Umiling si Rodrigo. Inalis niya ang hawak ng mga tauhan niya. “Ako na.” 
“Pero, Rodrigo. Matindi pa ang emosyon nila sa ‘yo. H’wag mo muna silang biglain kung talagang gusto mong makuha ang loob nila.” 
“Ano ba ang alam mo? Eh wala ka naman dito?” 
“I am just concern. Kahit kung si Dad ang narito ay gano’n ang sasabihin.” 
Bumuntonghininga si Rodrigo at tumingin kay Jane. Lumapit ang dalaga sa kaniya kaya pinilit niyang tumayo at ngumiti rito. 
“I’m fine,” ani Rodrigo kahit hindi pa nagtatanong. “You should go with them. I’ll call you.” 
Ilang sandaling tinitigan ni Jane si Rodrigo. Bumuntonghininga siya at tumango. “Okay. Thank you.” 
“Ihahatid kayo ni Brian.” 
Napatingin si Jane kay Brian. “Okay. W-We should go.” 
Tumango si Rodrigo. “Take care.” 
Tumango rin si Jane at tumalikod na sa binata. 
“I love you.” 
Biglang napatigil si Jane noong marinig ang sinabi ni Rodrigo. Pinigilan niya ang sariling lumingong at lumapit na sa mga magulang. Kasama si Brian ay sumakay sila sa patrol na dala ng mga ito. 
Naiwan si Rodrigo na nakatanaw sa papalayong mga sasakyan. Noong hindi na niya nakita ang mga ito ay dumura siya. Naglakad na siya papasok ng mansyon. Noong makarating siya sa kwarto ay bumuga siya ng hangin at nahiga sa kama. Muli niyang na alala ang mga sinabi ng mga magulang ni Jane. 
Fuck… Kung hindi lang dahil kay Jane… 


Chapter 59

“Dito na ho muna kayo,” ani Brian. Karga-karga nito si Renz at inihiga sa kama ng hotel room na kanilang pinasukan. Nag-check in sila sa isang mamahaling hotel. Dalawang kwarto ang kinuha nila para sa mga magulang ni Jane at sa kanila. Nasa kabilang kwarto na ang mga kapatid ni Jane at ang kasama na lamang nila ay ang mga magulang nito. 
“Maraming salamat, hijo,” ani Camia sa binata. 
Ngumiti lang si Brian at inihiga na si Renz na tulog pa rin. Para bang wala itong naririnig sa mga ingay na nangyayari. 
Matapos na muntik nang magkagulo sa mansyon nila Rodrigo ay agad na umalis sila Jane doon. Hindi na hinayaan ng magulang ni Jane na hindi sila kasama na umalis doon. 
“Jane, anak.” Marahang hinila ni Camia si Jane papunta sa pahabang sofa at tinabihan ito. Naluluhang tinitigan niya ang mukha ng anak. “Hindi pa rin ako makapaniwala, Jane. Akala ko nawala ka na sa amin.” 
“Ano ba ang nangyari, anak? Sinubukan ka naming hanapin pero wala.”
Huminga nang malalim si Jane at tiningnan ang mga magulang. “Mahabang kwento, ma. Pa. Pero isa lang ang maisisigurado ko sa inyo. Wala ako sa puder ni Rodrigo noong mga nakalipas na taon. Hindi ko nga inakala na makikita niya kami ulit.” 
“Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ni Tomas. 
“Aksidente niya akong nakita sa Canada. Kami ni Renz. Mula noon ay hindi na niya ako tinantanan.” 
“Napaka hayop talaga ng taong ‘yan!” 
Bumuga ng hangin si Jane. “Pero ang pinagtataka ko ay bakit niya ito ginawa. Siya ba talaga ang tumawag sa inyo?” 
Tumango si Tomas. “Oo. Tumawag siya kaninang umaga. Bumyahe kami agad para masundo ka rito. Nagpasama nga kami sa mga pulis para lang makasiguro.” 
“Nakakapanibago siya, Pa. Hindi na rin niya ako sinasaktan.” 
“Jane,” sumabat si Brian. Nakatayo na pala ito sa kanilang gilid. “Don’t tell me you are falling for his good doings?” 
“Hindi naman sa gano’n, Brian.” 
“Teka nga. Hindi mo pa sa amin pinapakilala itong kasama mo. Sino ba ito?” tanong ni Camia at tiningan si Brian. 
“Ahm. Si Brian po. Pinsan siya ni Rodrigo.” 
Agad na napaatras si Tomas at tiningnan nang masama ang binata. Tumayo si Jane at namagitan sa kanilang dalawa. 
“Pinsan niya?” 
“Pa. H-He is okay. Tinutulungan niya ako.” 
“Eh pinsan niya ‘yan! Paano mo nasabi na tutulungan ka niyan?” Umiling-iling si Tomas. “Pasensya na, Hijo, ha? Pero hindi kita kayang pagkatiwalaan sa anak ko.”  
Napatingin si Jane kay Brian. Ngumiti lang si Brian at tumango. 
“Naiintindihan ko po. Pero wala kayong dapat ikapangamba sa akin dahil narito ako para tulungan si Jane. Matagal na kaming magkakilala ni Jane.” 
“Oo, ‘Pa. Kilala rin siya ni Renz.” 
Hinawakan ni Camia ang kamay ni Jane at marahan itong hinila. “Pero, anak. Matapos ang mga nangyari sa ‘yo. Sana maintindihan mo kami ng papa mo. Sobrang hirap sa amin na nawala ka. Nagluluksa kami dahil sa kawalanghiyaan ng pamilya nila sa ‘yo.” 
Bumuntonghininga si Jane. “Opo. Sige po. Kakausapin ko muna si Brian.” 
“Sige.” 
Tiningnan na ni Jane si Brian at pinasunod ito sa labas ng kwarto. Naglakad na sila papunta sa may elevator.
“Pasensya ka na.” 
“It’s okay. Babalik na lang ako bukas para ihatid kayo sa airport. Wala nang byahe ngayong gabi.” 
Tumango si Jane. “Hindi ko alam kung hanggang kailan magiging mabait si Rodrigo. Nag-aalala talaga ako, Brian. He is not like this.” 
“H’wag kang mag-alala. Kung ano man ang binabalak niya ay narito ako para tulungan ka.” 
“Thank you.” Ngumiti si Jane at tumigil sa paglalakad noong nasa tapat na sila ng elevator. 
“I’ll be here before six. Please wait for me, okay?” 
“Sure.” 
Tinitigan ni Jane si Brian. Ngumiti lang din sa kaniya ang binata. Pinundot na nito ang elevator at akma na sanang sasakay noong bumakas pero biglang hinawakan ni Jane ang braso nito. 
“Wait.” Tiningnan siya ni Brian na nakakunot ang noo. Walang ano-anong niyakap ni Jane ang binata. “I’m happy, Brian. Salamat talaga. Sorry kung sumama ang loob ko sa ‘yo noong malaman ko ang relasyon mo kay Rodrigo. Thank you so much!” 
Napalunok si Brian. Biglang bumilis ang tibok ng puso niya at nahihiyang napangiti. Ginantihan niya nang yakap si Jane at hinagod ang likod. 
“I understand you, Jane. Kaya nga hindi ko sinabi sa ‘yo agad. But my intention for you is genuine. I like you.” 
Nakaramdam nang kapanatagan si Jane. Kumalas na siya sa binata at tiningnan ito. “Mag-iingat ka.” 
Tumango si Brian. “Sure. Thank you.” 
Tuluyan nang pumasok si Brian sa elevator. Noong magsara na iyon ay bumalik na si Jane sa loob ng hotel room nila. Naroon pa rin sila Camia at pinagmamasdan si Renz. 
“Ma. Pa.” 
“Jane.” Sandali siyang tiningnan ni Camia. “Hindi ko malubos maisip ang pinagdaanan mo, anak. Sana tinawagan mo kami,” naluluhang sabi ni Camia. 
Naupo sa gilid ng kama si Jane. “Pasensya na ho kayo. Hindi ko magawa dahil sa sobrang takot ko kay Rodrigo. Hindi ko nga inakala na mabubuhay ako. Mabuti na lang may mga mabubuting tao pa pala sa mundo.” Ngumiti siya. “Ipapakilala ko kayo sa taong tumulong sa akin, Ma.” 
“Paano ka ba napunta sa Canada?” tanong ni Tomas. 
Sandaling natahimik si Jane. Muli siyang huminga nang malalim bago minabuting ikwento na ang mga nangyari sa kaniya. Lahat-lahat ay sinabi niya sa mga ito. Mula roon sa party at noong muntik na siyang mamatay. Sa pagbaril sa kaniya ng tauhan ni Clarixto at pagkabuhay niya. Hanggang sa pagtulong sa kaniya ni Rico at sa buhay niya sa ibang bansa. 
“Ibig sabihin ikaw ang nagpadala sa amin ng ginto? Totoo iyong ginto?” gulat na tanong ni Camia. Tumango si Jane. 
“Anak, masyado mong ipinahamak ang sarili mo.” 
“Alam ko, Pa. Wala sana akong balak bumalik pa ng bansa. Kaso kinuiha ni Rodrigo si Renz. Hindi ko naman pwedeng hayaan sa kaniya ang anak ko.” 
“H’wag kang mag-alala. Mula ngayon ay hindi na natin hahayaan na saktan ka ng taong iyon. Gagawa tayo ng paraan para lang mapawalang bisa ang kasal niyo.” 
“Pero natatakot ako sa pwede niyang gawin sa inyo, Pa. Ayaw kong saktan niya kayo. Nakita ko kung ano’ng klaseng hayop si Rodrigo!” protesta ni Jane. “Pina-rape niya si Lana. Ang daming pinapatay dahil lang sa init ng ulo niya. Hanggang ngayon lahat ng iyon ay hindi ko pa rin nakakalimutan, Pa!” 
“Pero, ‘nak.” Hinawakan ni Camia ang anak ni Jane. “Kung wala tayong gagawin ay patuloy ka niyang aabusuhin. H’wag kang matakot para sa amin. Bukas kapag nasa Cavite na tayo ay gagawan natin ng paraan. Okay?” 
Nag-aalangan pa ring tumango si Jane. labis siyang natatakot para sa kaniyang pamilya. Kung sa sarili lang naman niya ay kaya niyang lumaban. Kahit patayin pa siya ni Rodrigo ay hindi siya magdadalawang-isip na lumaban. Basta h’wag lang ang pamilya niya. H’wag lang ang mga taong mahal niya. Hindi niya kakayanin kung maging ang mga ito ay masaktan na naman nang dahil sa kaniya. 



Chapter 60

Maagang dumating si Brians a hotel kung nasaan sila Jane. Ito na rin mismo ang naghatid sa kanila papunta sa airport. Gusto pa nga sanang sumama ng binata papunta sa Cavite ngunit pinigilan na ito ni Jane. Hindi pa rin kasi maganda ang pakiramdam ng kaniyang mga magulang sa binata. 
“Narito na ang ilang mga gamit niyo na nakuha ko sa mansyon,” iniabot ni Brian ang isang maliit na maleta kay Jane. “Nagtatanong si Rodrigo kung kailan ang balik niyo.” 
Natigilan si Jane sa sinabi ni Brian. Umiling siya at nagkibit ng balikat. “Hindi ako sigurado kung pababalikin ako nila Mama. Pero susubukan ko kahit ako lang para hindi siya magtaka. Wala pa rin akong tiwala kahit na pinapakita niyang mabait siya.” 
“Bakit kaya hindi mo papuntahin sa ibang bansa sila? At least doon ay magiging ligtas ang mga magulang mo kung talagang nag-aalala ka.” 
“Magagalit si Rico kapag hindi ako kasama.” 
“I’ll talk to him.” 
Tumango si Jane. “Sige na. Hinihintay na ako nila Mama.” 
“Mag-iingat kayo roon.” 
Nginitian ni Jane si Brian bago tuluyan nang pumasok sa loob ng airport. Naroon na ang kaniyang mga magulang at mga kapatid. Kasama nila ang pulis na nag-escort sa mga ito. Mayroon na silang ticket kaya dumeretso na sila sa departing area dahil pang umaga ang pinili nilang alis. Tuwang-tuwa si Renz nakilala nito ang mga tita at lolo’t lola niya. Wala na rin pagsidlan ang saya si Jane dahil nga ito ang matagal na niyang hinihintay. Ang makasama ulit ang pamilya niya. 
Wala pang tanghali ay nakarating na sila sa Maynila. Dumaan muna sila sa isang mall para kumain at pagkatapos ay dumeretso na ng uwi sa Cavite. Nagulat pa si Jane noong pumasok sila sa isang private subdivision. Hindi iyon sobrang exclusive pero limitado ang nakakapasok. Tumigil sila sa isang tahanan na may dalawang palapag. Lubos na mas malaki kaysa sa dati nilang bahay. 
“Oo, anak. Dahil sa binigay mong ginto noon ay nakapagpundar kami. Noong una nga ay hindi namin ginagalaw dahil nagulat na lang kami na mayroong bag sa labas ng bahay. Pero nagkaroon ng sakit ang tatay mo kaya wala na kaming napagpilian. Nagtayo kami ng negosyo at unti-unti ay nakabili rito ng bahay at lupa,” paliwanag ni Camia. 
“Paano ang dati nating bahay?” 
“Naroon na ang negosyo natin. Grocery store.” 
Napangiti si Jane. Kahit papaano ay napanatag siya dahil maayos pala ang naging lagay ng pamilya niya. Pumasok na sila sa loob at doon nagpahinga. Agad na tumawag sa kaniya si Rico para kamustahin siya. 
“Brian called me. Nasa Cavite ka raw?” tanong ni Rico. 
“Yes. I’m with my family.” 
“I’m relief now. I still can’t go but I can ask someone to bring you and your family here.” 
Natigilan si Jane. Nagdadalawang-isip pa rin kasi siya sa gusto ng mga kasama niya. Hindi niya alam kung bakit may kakaibang kaba siyang nararamdaman. 
“Will it be okay? I’m scared, Rico.” 
“Jane. Don’t be. We will send men today there. I’ll be at the airport when you’re finally here.” 
Bumuntonghininga si Jane. “I will talk to them first.” 
“Okay. Be safe. I love you.” 
“Love you too.” 
Pinatay na ni Jane ang cellphone. Nilingon niya ang mga kapatid na nakikipaglaro sa kaniyang anak. Lumapit siya sa mga ito. 
“Are you happy, Renz?” tanong ni Jane sa anak. 
Tumango si Renz at agad na yumakap sa kaniyang paa. “Yes, mommy! I want to stay here with Tita and Lolo and Lola!” 
Nagtawanan sila. “Really?” Naupo si Jane para maging kapantay ang anak. “What if we go back to mamu with them? Would you like that?” 
Lumabi si Renz at napaisip. 
“Ano ang sabi mo anak? Sino si Mamu?” tanong ni Camia na kararating lang sa sala at may dalang inumin. Inilapag nito iyon sa lamesita at naupo sa sofa. 
“Si Rico po. Siya ang tumulong sa akin noon.” 
“Will Daddy be with us too?” 
Nagkatinginan sila Jane. Tumikhim siya at nginitian lang ang anak. “Play with your tita’s first. I’ll talk with lola and lolo.” Tumango si Renz at nagpunta na sa mga kapatid ni Jane. Naupo naman si Jane sa tabi ni Camia. “Nasaan si Papa?” 
“Inaayos ang kwarto niyo.” 
Tumango si Jane. “Ahm. Ma. Paano kung umuwi tayo sa Canada?” 
“Canada? Ang layo no’n anak. Tsaka, ano ang gagawin namin doon?” 
“Hindi kasi talaga ako napantag na narito kayo. Tayo. Hindi titigil si Rodrigo, Ma. H’wag kayong mag-alala. Si Rico? Tutulungan niya tayo. He is great. Siya ang naging pamilya ko roon.” 
“Alam ko, anak. Pero sige. Pag-iisipan natin. Gagawa tayo nang paraan para makaalis ka na sa taong iyon. Sa totoo lang ay may kinakausap na kaming mga attorney para mapawalang bisa na ang kasal niyo. Bukas ay pupunta sila rito.” 
Tumango si Jane. “Salamat, Ma. Sobrang saya ko ngayon na kasama ko na kayo ulit.” 
Niyakap ni Camia si Jane. “Hindi na namin hahayaan na saktan ka niya, anak. Hindi na kami papayag na mawala ka pa ulit sa amin.” 
Agad na nangilid ang mga luha ni Jane. Iniisip niya na sana nga ay maging maayos na ang lahat. Na sana ay magkaroon na siya ulit nang tahimik na buhay. 
Kagaya nang sabi ni Camia ay mayroon ngang dumating na mga attorney sa kanilang bahay. Sinabi lahat ni Jane ang kaniyang mga pinagdaanan at iyong mga nalaman niya sa mga ito. Lahat ng mga pwedeng magdiin sa mga Navarro. 
“Hindi magiging madali ang magiging laban natin, Miss Acosta. Kasal kayo ni Rodrigo at matagal na ang nangyari. Pero gagawin namin ang makakayanan namin para lang maging tagumpay tayo. Bukas na bukas ay ipa-file namin ang annulment niyo ni Rodrigo Navarro,” paliwanag ni Attorney Cruz.
“Nag-aalala lang ako, Attorney. Baka kung ano ang gawin niya.” 
“Don’t worry. We will file a restraining order. At kapag hindi siya sumunod ay agad siyang ikukulong.” 
“Sige, Attorney,” ani Tomas. “Basta sana ay gawin niyo ang lahat para hindi na magulo pa ng Rodrigo na iyon ang anak ko.” 
“Pero paano si Renz? Anak niya pa rin si Renz.” 
“Renz is under seven years old. You all have the right to take him. At kung papaburan tayo ng korte, hindi na niya pwedeng gamitin ang bata sa ‘yo.” 
Napabuga ng hangin si Jane. “Sige po. Iyon lang naman ang importante sa akin, Attorney. The safety of my family, and my son’s. Ayaw ko nang may magawa pa siyang masama sa mga mahal ko sa buhay.” 
“We will do everything we could, Miss Acosta.” 
Tumango si Jane. Hindi rin nagtagal ay umalis na rin ang kanilang mga bisita. Matapos ang pag-uusap ay na pagdesisyonan nila na pumunta sa isang parke malapit sa kanila para mailabas si Renz. Tuwang-tuwa ito dahil kasama ang mga tiyahin. Sila-sila lamang magkakapatid ang magkakasama dahil pumunta na sa grocery store sila Camila. 
“I’ll just buy us food,” paalam ni Jane sa mga kapatid. 
“I want popcorn!” ani Renz. 
“Ice cream na lang sa akin ate,” tugon ni Sheila. 
“Samahan na kita ate,” ani naman ni Jasmine na bunsong kapatid ni Jane. 
“Okay.” Tumayo na si Jane at kasamang pumunta sa malapit na tindahan ng popcorn at ice cream. 
“Ito na lang din sa akin, ate.” Tinuro ni Jasmine ang sandwhich na katabi ng gumagawa ng ice cream. 
“Sige. ‘Yan na lang din sa akin.” 
Bumili na sila ng mga pagkain. Natatanaw ni Jane ang anak at kapatid sa ‘di kalayuan. Nakaupo ang mga ito sa lamesa habang nagtatawanan. Hindi niya maiwasang mapangiti dahil sa saya na kaniyang nararamdaman. 
Sana palaging ganito. Sana nga ay maging maayos na kami. 
Pagkatapos nilang bumili ay agad din silang naglakad pabalik sa kanilang pwesto. Bumili na rin si Jane ng maiinom nila at iba pang mga kutkutin. Inihatid niya muna ang mga pagkain sa kanilang lamesa bago muling nagpaalam para magbanyo. 
Nakangiting naglakad si Jane papunta sa malapit na banyo. Ngunit hindi pa siya nakakalapit doon noong marinig niyang may tumawag sa kaniya kaya tumigil siya sa paglalakad at nilingon ito. 
“Jane Acosta.” 
“Yes–” Natigilan si Jane at nanlaki ang mga mata noong makita kung sino ang lalakeng tumawag sa kaniya. Nakangisi ito habang nakatago ang kamay sa loob ng jacket na suot nito. Doon lamang napansin ni Jane na may baril itong hawak at nakatutok sa kaniya. 
“Hindi ka na dapat bumalik.” 
“T-Teka, h’wag—”


Chapters 61 to 65




















 

Post a Comment

0Comments

Post a Comment (0)

#buttons=(Accept !) #days=(20)

Our website uses cookies to enhance your experience. Check Now
Accept !