Chapter 26
Hingal na hingal na napaupo si Lirah sa upuan. Agad niyang nilagok ang tubig na kaniyang kinuha mula sa ref. Pakiramdam niya ay umiikot pa ang kaniyang paningin at ano mang oras ay muling susuka.
“Ano’ng nangyayari sa akin?” nalilitong tanong niya sa sarili. Sinapo niya ang dibdib ay tumikhim. Ngunit muli lang siyang nakaramdam nang pagkaduwal kaya agad siyang uminom ng tubig.
“Lirah! Kumusta? Ano ang nangyari sa ‘yo? Masama ba ang pakiramdam mo? Hindi ka ba nasarapan sa luto ko? Diyos ko! Namumutla ka!” nag-aalalang sabi ni Myrna. Sinapo niya ang noo ni Lirah at pinakiramdaman ito. “Mabuti naman. Bakit ka nasusuka?”
Umiling si Lirah. “Hindi ko po alam, ‘Nay. Pagtikim ko po ng ulam, bigla na lang bumaliktad ang sikmura ko.”
“Nag-almusal ka ba kanina?”
“Ahm… opo. Hindi ba kasabay ko kayo kanina?”
“Oo nga pala. Bakit ka naman biglang masusuka sa—” Biglang natigilan si Myrna. Matagal na tinitigan niya ang alaga. “H-Hija… kailan ang huling buwanang dalaw mo?”
Nangunot ang noo ni Lirah. “Po? Ahm. Noong nakaraang buwan. Bakit po?”
“Ilang linggo na ang nakalipas?”
Napaisip si Lirah. “Magtatlong linggo na po ata. Bakit po, ‘Nay? Masama ba iyon?”
Nasapo ni Myrna ang bibig. “Diyos ko… buntis ka ata, Anak!”
Lalong nangunot ang noo ni Lirah. Napalunok siya at biglang pinagpawisan. “B-Buntis? Pero…”
“Buntis ka, Anak. Naku! Magandang balita ito!” masayang sabi ni Myrna. “Magbihis ka na at sasamahan kita sa ospital para makasiguro tayo!”
Pinilit na ngumiti ni Lirah. Hindi niya alam kung ano ang kaniyang mararamdaman na maaring buntis siya ngayon. Ilang linggo na niyang hindi nakikita si Matias. Wala namang ibang lalake sa buhay niya kundi ang kaniyang asawa. Ngunit ngayon ay sigurado siyang kasalukuyan itong nasa tunay na mga mahal nito.
‘Diyos ko… ano ang gagawin ko?’ tanong niya sa isipan.
Pagkatapos maghanda ni Lirah ay agad silang nagpunta sa pinaka malapit na oby-clinic sa kanilang bayan. Mahigpit ang kapit niya kay Myrna na para bang batang walang alam sa paligid.
“N-Natatakot ako, ‘Nay.”
“Bakit naman? Kung buntis ka ay magandang balita iyon para sa inyong mag-asawa.”
“Pero wala si Matias,” malungkot na sabi niya. Hindi lingid kay Myrna ang nangyayari sa mag-asawa.
“Magtiwala ka sa asawa mo, anak. Hindi ba ikaw na ang nagsabi na gusto mo lang siyang pagbigyan muna? Kausapin mo ulit siya pagmakumpirma natin na buntis ka nga.”
“Paano kung ayaw na niyang bumalik sa akin?”
Ngumiti si Myrna kay Lirah. Hinawakan niya ang kamay nito. “Kagaya ng sabi ko, magtiwala ka sa asawa mo.”
Tumango si Lirah. Kahit na pakiramdam niya ay nawawalan na siya nang pag-asa. Habang tumatagal na hindi niya nakikita si Matias ay mas lalo lang siyang nalulungkot.
Pagkarating nila sa clinic ay agad na nagpa-register si Lirah at inasikaso rin naman siya agad ng staff. Mabuti na lamang at hindi gano’n karami ang mga taong nagpapa-check up ngayong araw. Hindi nagtagal ay binigyan si Lirah ng pregnancy kit upang i-check ang kaniyang ihi. Na agad naman niyang ginawa sa banyo ng clinic.
“A-Ano’ng ibig sabihin nito?” Kinuha ni Lirah ang lagayan ng kit at binasa ang instruction niyon. “Kapag dalawang guhit ay positive. Ibig sabihin ay buntis ako.” Agad na kinuha ni Lirah ang aparato at tiningnan iyon. Napasinghap siya noong makita ang dalawang linya roon. “B-Buntis ako?”
Unti-unting nangilid ang kaniyang mga luha. Bigla siyang natakot para sa kaniyang dinadala.
“B-Buntis ako.” Sinapo ni Lirah ang kaniyang tiyan. “Diyos ko… buntis ako!”
Unti-unting sinasampal ng reyalidad si Lirah. Buntis siya ngunit wala si Matias. Kahit na anong saya niya ngayon ay wala pa rin ang asawa niya sa tabi niya. Pinunasan niya ang kaniyang mga luha.
“Hindi pwede ito. Kailangan ko ang asawa ko.”
Dali-daling lumabas si Lirah ng banyo. Agad siyang sinalubong ni Myrna na naroon lamang sa may bukana.
“Lirah, Hija? Ano ang resulta?” Inabot ni Lirah ang pregnancy test result. Napasinghap si Myrna at agad na niyakap ang alaga. “Buntis ka, Anak! Diyos ko! Maraming salamat po!”
Napangiti si Lirah. “’Nay. Kailangan ko makausap si Matias. Kailangan niyang malaman ang pinagbubuntis ko.”
“Ha? Eh ‘di ba wala siya ngayon sa bansa?”
“Opo. Kung kailangan ko siyang puntahan sa Italy ay pupuntahan ko siya. Bukas na bukas ay luluwas ako ng Maynila para kausapin sila Daddy.”
“Sige, Hija. Kung iyan ang gusto mo. Pero isama mo si Kiray. Hindi ako mapapalagay kapag ikaw lang mag-isa ang umalis.”
“Opo, ‘Nay.”
Sinapo ni Myrna ang pisngi ng alaga. “Parang kailan lang ay patakbo-takbo ka lang sa hacienda at nakikipaglaro sa mga alaga nating hayop. Pero ngayon, magiging ina ka na rin. Masaya ako para sa ‘yo, Anak. Kaya hanggat kaya mo pa, sige. Puntahan mo si Matias. Ayusin mo ang pamilya niyo,” naluluhang sabi niya.
Tumango-tango si Lirah. “Opo. Sisiguraduhin ko na magiging maayos ulit kami ni Matias. Kung kailangan kong lumuhod ay gagawin ko. Para sa amin. Para sa anak namin.”
Hindi na rin nagtagal sila Lirah sa clinic. Pagkatapos siyang i-ultrasound at bigyan ng vitamins para sa mga pagbubuntis nito ay agad na rin siyang umuwi. Labis ang galak na kaniyang nararamdaman habang pinagmamasdan ang mother and child booklet niya. Kung noon ay gusto niya lang hintayin si Matias. Ngunit ngayon ay pursigido na siyang maging maayos ang kanilang relasyon.
Kaya naman pagkauwi niya ay agad na niyang inayos ang ilang mga gamit. Nakangiti pa siya habang naglalagay ng mga damit sa maliit niyang maleta. Patigil-tigil pa siya dahil panay ang hawak niya sa kaniyang sinapupunan.
“Wait ka lang, Baby. Pupuntahan natin si Papa mo,” nakangiti pang sabi ni Lirah habang nakatitig sa salamin. “Sigurado akong matutuwa siya kapag malamang narito ka na.”
Kinabukasan, naunang pumunta si Lirah sa Maynila dahil may kailangan pa raw ayusin si Kiray sa hacienda bago umalis. Ayaw pa nga sana siya paalisin ni Myrna ngunit nagpumilit na siya. Ang dahilan niya ay para pagdatin ni Kiray sa bahay nila ay aalis na lang sila. Kakausapin na lang muna niya ang byenan niya.
Dumeretso siya sa kanilang bahay para ibaba ang mga gamit niya. Ngunit natigilan siya noong mapansin niyang hindi na naka-lock ang pinto. Agad na dinalahit ng kaba si Lirah. Iniwanan niya ang mga gamit sa labas ng pinto at dali-daling binuksan iyon. Wala siyang nakita sa sala ngunit may narinig siya sa ikalawang palapag. Nagmamadaling pumanhik siya roon at doon nakita kung sino ang nasa kanilang silid.
“M-Matias?”
Napatigil si Matias sa pag-aayos ng mga gamit. Agad na nangilid ang mga luha. Dali-dali siyang lumapit sa asawa at niyakap ito patalikod habang umiiyak.
“Bumalik ka! Akala ko hindi ka na babalik! Akala ko iniwan mo na talaga ako, Matias. Sorry! Sorry!” humahagulhol niyang sabi.
Hindi kumilos si Matias. Nanatili itong nakatalikod kay Lirah at nakatingin sa kawalan. Sa huli ay huminga siya nang malalim at hinakawan ang mga kamay ni Lirah. Unti-unti niya iyong tinanggal.
“You’re wrong.”
Nangunot ang noo ni Lirah. “H-Ha? Ano ang ibig mong sabihin?”
Hinarap ni Matias si Lirah. “Hindi ako narito para bumalik. I just came here to get some of my things and finalize works that I left here. Pagkatapos ay babalik din ako sa Italy.”
Pakiramdam ni Lirah ay may kung anong bumara sa kaniyang lalamunan. Nakaramdam siya nang matinding pagkirot sa kaniyang dibdib. “B-Bakit? Bakit naman?”
“Bakit pa nga ba? I want to be with my true family, Lirah. Kung ako sa ‘yo ay bumalik ka na sa hacienda. Ipapahatid ko na lang doon ang mga gamit mo at annulment papers natin.”
“A-Annulment…”
“Oo. Nakikipaghiwalay na ako, Lirah. Babalik na ako sa totong pamilya ko.”
Pakiramdam ni Lirah ay pinagsakluban siya ng langit at lupa dahil sa kaniyang narinig. Lalong nanlabo ang kaniyang mga mata dahil sa mga luhang namuo roon. Hindi na siya nakasagot dito. Unti-unti siyang humakbang patalikod. Akala niya ay magiging maayos na silang dalawa. Akala niya ay babalik na ito sa kaniya. Pero mali pala siya. Dahil mas malala pa ang gusto nitong mangyari. Hinihiwalayan na siya ni Matias. Ang lalakeng hindi naman talaga sa kaniya.
Biglang napatigil si Lirah sa paghakbang. Nasapo niya ang kaniyang noo noong maramdaman niyang bigla iyong sumakit. Noong sinibukan niya ulit humakbang ay bigla na lamang umikot ang kaniyang paningin. Hindi na niya napigilan ang sarili at biglang natumba at nawalan ng malay.
Chapter 27
“Where is that bastard? Where is Matias?!” galit na galit na sigaw ni Don Manuel habang naglalakad sa pasilyo. Nagmamadali siya papunta sa opisina ng anak. Umaga pa lang noong malaman niya mula sa kaniyang sekretarya ang tungkol sa plano nitong pakikipaghiwalay kay Lirah.
“Don Manuel—”
“Open the door,” may himig nang pagbabantang sabi ni Don Manuel.
Napalunok ang sekretarya ni Matias. Mariin kasi nitong ibinilinin dito na hindi siya tumatanggap ng kahit na sinong bisita ngayong araw. Pinipilit kasi niyang matapos ang kaniyang mga gawain bago siya bumalik ng Italy.
“B-But, Don—”
Hindi na pinatapos pa ni Don Manuel ang sasabin ng dalaga. Hinawakan niya ito sa braso at marahang hinila palayo sa pinto. Dali-dali siyang pumasok sa loob at doon ay nakita niya si Matias na nakaupo sa harap ng lamesa nito.
“Matias! What is the meaning of this? Is it true?!”
Ibinaba ni Matias ang hawak na papel. “Didn’t my secretary told you that I don’t want any visitor?”
“What? Sinusubukan mo na ba talaga ako ngayon, Matias?!”
Huminga nang malalim si Matias. “What is it, Dad? I’m busy.”
Galit na kinuha ni Don Manuel ang mga papel na nasa lamesa ni Matias at tinapon iyon sa sahig. “Hihiwalayan mo talaga ang asawa mo para sa babaeng ‘yon?! Nababaliw ka na ba talaga?!”
Naikuyom ni Matias ang kaniyang mga kamao. Gusto na rin niyang sumabog pero pinigilan niya ang sarili. “There is nothing of me wanting to be with my true family. Kung nasaan ang anak ko ay doon din ako. At isa pa, hindi ko naman talaga mahal si Lirah.” Natigilan siya sa kaniyang huling sinabi. Napalunok siya at nag-iwas ng tingin sa ama.
“You’re really out of your mind! Hindi ako makapapayag sa gusto mo. Hindi mo hihiwalayan si Lirah!”
“And why, Dad?” Napatayo na si Matias. Sinalubong niya ang nanlilisik na mga mata ng ama. “All these years you try to control me. You controlled my life and I let you! It’s just one thing that I was begging for you. It’s Jenia! Pero ano ang ginawa? Sinira mo ang relasyon naming dalawa! Sinira mo ang buhay ko kagaya nang pagsira mo sa buhay ni Mommy!”
Natigilan si Don Manuel. “What did you say? Leave your mom out of this! H’wag mo siyang isanggala sa katigasan ng ulo mo!”
“Bakit hindi ba totoo? Mom killed herself because of you! Kung hindi ka nagloko ay hindi na sana niya ginawa ‘yon! Edi sana narito pa siya!”
“Shut up! You know nothing, Matias! I did what I had to do!”
Napailing-iling si Matias. Ngumisi siya at hindi makapaniwalang tiningnan ang ama. “So, you can do whatever you want, and I cannot?”
“You are my heir, Matias!”
“Then I don’t want it! I almost loose my life if it’s not because of—” Biglang napatigil si Matias noong maalala niya si Lirah. Bumuntonghininga siya at tumalikod sa ama. “I don’t want any of this kung lahat naman nang nagpapasaya sa akin ay mawawala. Buong buhay ko ay sinunod ko kayo. Kahit nahihirapan na ako. I become perfect for you kahit alam ko na hindi pa rin sapat ang lahat para sa ‘yo kahit na ano pa ang gawin ko. I did everything for you, Dad. And for this family. I’m done with this. I want to be with my son.” Muli siyang humarap sa kaniyang ama. “Did you also know that he is sick?”
Nangunot ang noo ni Don Manuel. “Ha?”
“See? It bothers me that you don't care about everything. How could you be so cruel, Dad? He is also your blood!”
“Hindi tayo sigurado na anak mo siya, Matias!”
“I did a DNA test. Lirah also did. And it all came out positive. He is my son. At alam kong alam mo rin iyon.”
Napailing-iling si Don Manuel. “Fine. Kung ‘yan ang gusto mo ay sige. But you will never get anything from me. Tingnan ko lang kung mahalin ka pa rin ng babaeng ‘yon!”
“Jenia loves me. Hindi ‘yon nawala, Dad.”
“How can you be so sure? Five years na kayong hindi magkasama. At ikaw? Do you still love her?”
“Of course. Hindi naman nawala iyon.”
“Really?” Tumango-tango si Don Manuel. “Okay. If you really want to do with your ‘family.’ I will let you go, and leave everything to your child instead. After all these years, hindi ka pa rin karapat-dapat.”
Nakaramdam ng kaunting kirot si Matias sa sinabi ng ama. Buong-buhay niya ay sinunod niya ito. Ngayon ay tama nga siya ng hinala. Na kahit na ano pa ang gawin niya para dito ay hindi pa iyon sasapat.
“To my child? He is dying, Dad!” hindi makapaniwalang sabi ni Matias. Hindi lang siya ang anak ng kaniyang ama ngunit gusto nito sa kaniya iwanan ang lahat. Kahit papaano ay iyon ay kinaiba niya sa kaniyang mga kapatid. Siya pa rin ang tinuturing na tagapagmana ng kaniyang ama.
“Who said that I’m referring to your bastard son?”
Natigilan si Matias. Napatitig siya sa ama at nakita niyang nakangisi ito. “What do you mean?”
“You were too focused on your past, Matias. That you forget what and where is your true happiness.” Inayos ni Don Manuel ang sarili. “I just hope you won’t regret any of this someday.”
“I… won’t.”
Tuluyan nang umalis si Don Manuel sa harapan ni Matias. Naiwan siyang nalilito pa rin sa ibig sabihin niyo. Wala naman siyang pakealam sa kayamanan nila. Kung siya ang papipiliin ay mas gusto niyang mamuhay nang simple lang. Iyong hindi siya kilala ng iba dahil lang sa pera. Kaya wala siyang pakealam at hindi natatakot kung hindi na siya pamamanahan ng ama.
Ngunit sino ang tinutukoy nitong anak niya? Noong makarating siya sa Italy ay nalaman na rin niya ang kalagayan ni Mateo. Kaya mas lalo siyang nagalit sa kaniyang ama at asawa. Itinago ng mga ito sa kaniya ang kaniyang anak. Ngayon ay kaunting panahon na lang ang lalabing mga araw na mayroon sila. Kaya nga isa iyon sa dahilan kung bakit mas pinipili niya ang mga ito kaysa sa buhay niya.
Habang malalim ang kaniyang iniisip ay biglang tumunog ang kaniyang cellphone. Agad niya iyong kinuha at sinagot ang tawag.
“Hey, Matias! Narito ka na pala sa Pinas pero hindi ka nagsabi.”
“Hindi rin naman ako magtatagal. How are you?”
“I’m good.” Sandaling tumigil si Nico. “Anyway, nalaman mo na ba ang nangyari sa asawa mo?”
“Lirah? Yes. Ako ang naghatid sa kaniya sa ospital.”
“And you just left her there?”
“I called her people. Hindi siya nag-iisa roon.”
“Grabe. Wala ka na talagang pake sa kaniya ngayon na magkasama na kayo ulit ni Jenia?” natatawang sabi ni Nico.
“I’m just putting everything back in its right places.”
“Okay. Whatever. Since mukhang wala kang alam sa nangyayari sa kaniya, ako na ang magsasabi.”
“Why? Is she sick?”
“Not that sick. She’s pregnant, Matias.”
Napalunok si Matias. Ngayon ay alam na niya ang tinutukoy ng kaniyang ama. Nasapo niya ang noo at marahan iyong hinilot.
‘Lirah’s pregnant.’
Chapter 28
Tulala si Lirah habang nakatanaw sa bintana. Pakiramdam niya bigla ay bumalik sa umpisa ang kaniyang buhay. O mas lumala pa nga dahil ngayon ay wala na siyang gana sa lahat. Ni pagkain ay kailangan pa niyang pilitin ang sarili para sa dinadala niya.
Nasapo ni Lirah ang tiyan. Buntis siya. Imbes na dapat ay masaya siya ngayon ay kabaliktaran ang kaniyang nararamdaman. Hihiwalayan na siya ni Matias. Pinipilit niyang ipaintindi sa sarili niya na darating naman talaga sila sa puntong ito dahil ipinagkasundo lang naman sila. Ngunit hindi pa rin niya mapigilang masaktan. Sa saglit na panahon na nakasama at nakilala niya ang binata ay minahal na rin niya ito. Umasa siya na magiging totoo ang lahat. Na nangyari naman ngunit sa sandaling panahon lang.
Muling nanubig ang mga mata ni Lirah. Labis ang saya ang kaniyang naramdaman noong makita niyang muli si Matias. Ngunit ngayon? Parang hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari.
“Lirah, Anak.”
Agad na pinunasan ni Lirah ang mga pisngi noong marinig ang mga katok sa pinto ng kaniyang silid. Nagmamadali siyang pumunta sa kaniyang kama at nagtalukbong ng kumot.
“Papasok ako, Hija. Gising ka ba?”
Hindi sumagot si Lirah. Ipinikit niya lang ang mga mata at hinintay si Myrna na makapasok. Ilang sandali pa ay narinig na lamang niya ang pagbukas ng pinto at mga yabag ng paa.
“Hindi mo na naman kinain ang almusal mo. Hindi maganda para sa kalusugan mo at sa batang nasa tiyan mo ang ginagawa mo, Anak,” nag-aalalang sabi ni Myrna. Tiningnan niya ang alaga na nakatalikod sa kaniya. “May gusto ka bang kainin? Ayaw mo ba ng luto ko?”
“Ayos lang po ako, ‘Nay,” paos ang boses na sabi ni Lirah.
“Gusto mo ba ng prutas? Magpapapitas ako ng mangga kung gusto mo. May bagoong akong nabili sa palengke kanina.”
“Busog pa po ako, ‘Nay.”
“Hindi ka pa kumain, Anak. Kahit gatas mo ay hindi mo manlang ginagalaw. Nag-aalala ako sa ‘yo.”
“Ayos lang ako, ‘Nay. Gusto ko lang pong magpahinga.”
“Sige, Anak. Kung may kailangan ka ay tawagin mo ako agad, Ha? Nag-iwan ako ng mga prutas dito sa lamesa mo. Kainin mo ito. Dadalhin ko na itong agahan mo at sobrang lamig na.”
Hindi na tumugon pa si Lirah. Hinintay niyang muling magbukas at magsara ang pinto bago naupo sa kama. Malungkot na tumingin siya sa pintong nilabasan ni Myrna.
“Pasensya na, ‘Nay,” malungkot na sabi niya. Napatingin siya sa lamesitang malapit sa bintana. Mayroong hiniwang mansanas, orange, saging, at pakwan doon. Mayroon pang ubas at orange juice. Napatingin siya sa kaniyang tiyan. “Gutom ka na ba, Baby?” tanong niya sa sarili. Kahit kasi hindi pa siya kumakain ay hindi manlang siya nakakaramdam ng pagkalam ng sikmura.
Minabuti ni Lirah na tumayo na lang at kumain ng prutas. Ayaw na rin niyang malungkot ang kaniyang nanay-nanayan dahil sa hindi niya pagkain. Unang kinuha niya ang mansanan at sinubo iyon. Tig-iisang slice lang ang nakain niya bago siya muling nahiga sa kama.
“Naalala kaya tayo ng tatay mo, Anak? Itutuloy niya kaya talaga ang pakikipaghiwalay sa akin?” malungkot na tanong niya sa sarili. “Pasensya ka na, ha? Kasalanan ko rin naman, Anak. Dapat sinabi ko na agad kay Papa mo na may kuya ka na. H-Hindi ko lang inakala na iinawanan niya tayo kaagad.” Muling nangilid ang kaniyang mga luha. Tumagilid na siya at doon napahagulhol.
Para siyang sinasaksak nang paulit-ulit sa dibdib sa sobrang sakit na kaniyang nararamdaman. Kung maibabalik lang sana niya ang mga oras ay agad niyang ipapaalam kay Matias ang katotohanan. Baka sakali ay hindi na nito naisipan pang iwanan siya. Baka sakaling mabuo pa rin sila.
Hindi alam ni Lirah kung gaano katagal siyang umiyak. Nakatulog na lamang siya dahil doon. At muling nagising noong marinig niyang may tumatawag sa kaniya.
“Lirah? Lirah, Anak?”
Pupungay-pungay ang mga matang tiningnan niya si Myrna. “’Nay? Bakit po?”
“May bisita ka.”
“Ako?”
“Lirah.”
Natigilan si Lirah noong marinig niya ang pamilyar na boses. Pagtingin niya sa gilid ng kama ay nakita niya si Matias na nakatayo roon. Agad na kumislot ang kaniyang puso at napangiti siya. Ngunit agad din iyong nawala noong maalala niya ang kanilang sitwasyon. Nag-iwas siya ng tingin at dahan-dahang naupo.
“Maiwan ko na muna kayong dalawa, Ha?” tanong ni Myrna.
“Sige po,” magalang na sabi ni Matias.
Noong makalabas si Myrna ng silid ay naupo si Matias sa gilid ng kama. Itinupi naman ni Lirah ang mga tuhod at hindi pa rin tumitingin sa asawa. Mas tumindi ang kirot na kaniyang nararamdaman ngayon dahil napagtanto niya kung gaano na siya nasasabik sa asawa nga. Gusto niya itong yakapin at hagkan pero natatakot siyang mapahiya.
Tumikhim si Matias. “Kumusta na ang pakiramdam mo?”
Humigpit ang hawak ni Lirah sa kumot. “A-Akala ko ba babalik ka na roon?” balik-tanong niya. “Ano’ng ginagawa mo rito?”
“May tinatapos pa ako.”
Nangilid na agad ang mga luha ni Lirah. “Bakit ka pumunta rito? Dala mo na ba ang papel na sinasabi mo?” nahihirapang tanong niya.
Huminga nang malalim si Matias. Tinitigan niya nang maigi si Lirah. Kitang-kita niya ang lungkot sa mga mata nito. Hindi niya alam kung bakit may kirot siyang nararamdaman sa kaniyang dibdib dahil sa hitsura ng asawa. Hindi siya sanay na makita itong malungkot. Mas gusto niya itong makitang nakangiti at masigla.
“Hindi… Bakit hindi mo sa akin sinabi?”
“Ang alin?”
“Buntis ka.”
Tumulo na ang ilang luha sa mga mata ni Lirah. Na agad niya ring pinunasan. Kinagat niya ang labi. Gusto niya itong sumbatan. Ang dami niyang gustong sabihin dito pero hindi niya alam kung paano sasabihin ang mga iyon. Dahil wala siyang ibang nararamdaman kundi ang sakit.
“Dapat sinabi mo sa akin, Lirah.”
“M-May magbabago ba? Tsaka, galit ka sa akin, ‘di ba?”
“Kahit na—”
“Oo na. Buntis ako. F-Four weeks na. Noong araw ko lang din na ‘yon nalaman. Pasunod na sana ako sa ‘yo sa Italy para mag-sorry at sabihin sa ‘yo na buntis ako. Magkakaanak na tayo.” Sunod-sunod nang tumulo ang mga luha ni Lirah. “K-Kaso nakapagdesisyon ka na pala.” Nagmamadali siyang tumayo at humarap sa may bintana. Hindi niya kayang umiyak sa harapan ng asawa. “S-Sigurado ka na ba talaga?”
“Lirah.”
“H-H’wag kang mag-alala. Hindi kita pipilitin kung sila na ulit ang gusto mong makasama. I-Ibibigay ko kung ano ang gusto mo. G-Gusto ko lang malaman mo na hindi ko rin alam, Matias. At wala akong balak na itago sa ‘yo iyon kahit na pinipigilan ako ni Daddy. G-Gusto ko sanang samahan kang harapin ang anak mo sa kaniya. Kaso…” Napapikit siya nang mariin. Sinapo ni Lirah ang dibdib at huminga nang malalim. “S-Sorry. S-Sorry. S-Sorry…” humihikbing sabi niya.
Tumayo si Matias at lumakad palapit kay Lirah. Ngunit noong yayakapin na niya sana ito ay pinigilan niya ang sarili. Agad siyang tumalikod noong maramdaman niyang tumulo na rin ang mga luha niya.
“I… I don’t know. I didn’t know. I’m sorry.”
Suminghot-singhot si Lirah. “S-Sige na. Baka busy ka pa. M-Makakaalis ka na,” taboy niya rito. Muli siyang napahagulhol. Ayaw niyang umalis ang binata. Pero mas lalo lang siyang masasaktan dahil sa presensya nito. Tinakpan niya ang bibig at pumikit nang mariin. “U-Umalis ka na.”
Naikuyom ni Matias ang mga palad. Kaya ayaw niyang harapin ang asawa dahil alam niyang malilito lang siya. Gusto na niyang umalis ngunit hindi naman niya maigalaw ang katawan. Noong nasa Italy siya ay sigurado na siyang makikipagbalikan kay Jenia para sa anak nila. Ngunit ngayon ay bigla siyang nakaramdam nang pagsisisi dahil sa mga nasabi niya kay Lirah. Muli siyang pumihit paharap sa dalaga. Kitang-kita niya ang pagpipigil nito sa pag-iyak dahil tumataas-baba pa ang balikat nito. Lalo siyang nakaramdam nang pagkirot sa dibdib. Inangat na niya ang kamay upang hawakan ito pero muli niyang pinigilan ang sarili. Muli siyang tumalikod.
‘I’ll come back, Lirah.’
Chapter 29
Lumipas ang mga araw ay pinilit nang maging maayos ni Lirah. Nalaman na lamang niya mula sa kaniyang byenan na umalis na raw si Matias pabalik sa Italy. Nalulungkot pa rin siya sa nangyari sa kanila ngunit pilit na lamang niya iyong tinatanggap. Hindi naman niya masisisi ang binata kung talagang ayaw na nito sa kaniya. Hinahanda na lamang niya ang sarili sa pagdating ng annulment papers na ipapadala ni Matias sa kaniya.
“Lirah, Anak! How are you, my princess?” salubong ni Don Fernan sa anak. Agad nitong niyakap ang dalaga.
“Okay lang ako, Papa. Kayo po? May mga dala akong prutas at wine para sa ‘yo.”
“Wine? Ito na ba ‘yong negosyo mo?”
Kinuha ni Lirah mula sa dalang bag ang isang box ng wine at inabot sa ama. “Ito po. Ito na ang final output namin, Papa. At gusto ko pong ikaw ang unang tumikim para sa akin.”
Napangiti nang malapad si Don Fernan. Tiningnan niya ang tiyan ng anak na bahagyang maumbok na. “Sige. Titikman ko para sa ‘yo.”
Naupo si Lirah sa upuan na katapat ng lamesa ni Don Fernan. Habang ang Don naman ay kumuha ng wine glass sa kaniyang mini-bar at muling bumalik sa kaniyang lamesa. Agad nitong binuksan ang bote at nagsalin sa baso.
“Hmm… mabango. At… masarap! Wow! This is good, Lirah. Sino ang nagtimpla nito?”
“Ako po,” nakangiting sagot ni Lirah.
“Wow… I am proud of you, Anak! Sigurado akong bebenta ito sa marami. Don’t worry, I will tell my business partners to try your wine. They will all love this.”
“Salamat, Papa.”
Naupo si Don Fernan sa kaniyang swivel chair. “Kumusta ka na pala, Anak? Nagkausap na ba kayo ulit?”
Natigilan si Lirah. Pinilit niyang ngumiti sa ama at saka umiling. Kilala niya kung sino ang tinutukoy nito. “Hindi pa po eh. Baka busy pa.”
“Are you really letting him go?”
“Pa, umpisa pa lang ay hindi na talaga kami ang para sa isa’t isa. Nagpakasal lang ako sa kaniya para sa ‘yo. Kaya na iintindihan ko ngayon kung gusto na niyang bumalik sa mga taong totoong nagpapasaya sa kaniya. Ayaw kong ipagkait iyon sa kaniya.”
Bumuntonghininga si Don Fernan. “Ang ayaw ko lang ay magsisi ka sa huli dahil sa desisyon mo, Anak. Nakita ko kung gaano ka sumaya sa piling ni Matias. Masakit man aminin para sa akin.”
Napangiti si Lirah. “Isipin na lang po natin na hindi talaga kami para sa isa’t isa, Papa.” Tumayo na siya mula sa pagkakaupo. “Sige po, ‘Pa. Kailangan ko pang pumunta sa Oby ko. Dumaan lang talaga ako sa ‘yo.”
Nagmamadaling tumayo rin si Don Fernan. “Oh, sige, anak. Ihahatid na kita.”
“’Pa, okay na ako. Alam ko naman na busy ka.”
“Ipahatid kita sa driver ko.”
“Meron na po akong kasamang driver.” Lalong napangiti si Lirah noong makita ang pag-aalala sa mukha ng kaniyang ama. “H’wag ka pong mag-alala, ‘Pa. Mag-iingat akong maige para sa apo mo.”
Natawa nang bahagya si Don Fernan. “Dapat lang. Unang apo ko iyan kaya kailangang maging maingat kayo palagi.”
“Hmm… parang may bago ka ng paborito kahit hindi pa dumadating, ah?”
“Syempre naman! I love every child that will come out from you, my daughter. I love you.”
“Salamat, ‘Pa. Mahal din po kita.”
Kahit papaano ay gumaan na ang pakiramdam ni Lirah. Araw-araw niyang pinapaalala sa sarili na kahit na wala na si Matias sa kaniya. Mayroon pa rin namang mga taong nagmamahal sa kaniya. Marami. Kaya mas gugustuhin niyang sa kanila na lang ituon ang kaniyang pansin. At sa kaniyang dinadala.
Naglalakad na sa pasilyo si Lirah noong makita niya ang panganay na kapatid na kaniyang masasalubong. Agad siyang ngumiti rito ngunit nawala rin iyon kaagad noong makita niyang nakasimangot ito.
“What are you doing here? Sumisipsip ka pa rin kay Papa?”
Nangunot ang noo ni Lirah. “Ha? Binisita ko lang si Papa, Ate. Bakit?”
Iniikot ni Liza ang kaniyang mga mata. “Kaya ka iniiwan ng asawa dahil ang tanga mo pa rin, Lirah.”
“A-Ate, dahan-dahan ka naman sa pagsasalita sa akin. Wala naman akong ginagawang masama sa ‘yo.”
“Meron! Napakarami! Makita lang kita ay nag-iinit na ang ulo ko! Kung sa tingin mo magagamit mo ‘yang anak mo sa mga Gomez para umangat. Well, nagkakamali ka! Hindi ako papayag na sa ‘yo rin mapupunta ang mga ari-arian ni Papa!”
Humigpit ang hawak ni Lirah sa kaniyang bag. Hindi niya maunawaan ang ibig sabihin ng kaniyang kapatid. Halatang-halata ang pagkagalit nito sa kaniya dahil namumula pa ang mga pisngi nito. Tumungo si Lirah at nag-umpisa nang maglakad ulit. Ngunit bigla na lamang siyang hinawakan ni Liza sa braso.
“Ate! Nasasaktan ako!”
“Remember this, Lirah. You will always be a trash! Hinding-hindi matatabunan nang mamahaling mga damit at pabango ang mabaho mong pinagmulan!” ani Liza at bahagyang tinulak si Lirah. Muntik pa itong matumba kung hindi lang ito agad nakahawak sa pader.
“A-Ano ba ang ginawa ko sa ‘yo, Ate? Bakit ba palagi ka na lang nagagalit sa akin? Magkapatid tayo, Ate. Dapat nagtutulungan tayo—”
“I hate you, and I don’t need you! Kaya pwede ba? Lumayo-layo ka na rin kay Papa!” Tumingin si Liza sa tiyan ni Lirah. “I will never accept that dirt as my nephew!” ani nito at tumalikod na sa kapatid.
Napaawang ng bibig si Lirah. Sunod-sunod na tumulo ang kaniyang mga luha. Noon pa man ay hindi niya alam kung bakit ganito na lamang ang pakikitungo sa kaniya ng kaniyang kapatid. Palagi niya itong inuunawa dahil nga dalawa lamang sila. Ngunit ngayon na maging ang anak niya ay hindi nito pinapalampas. Hindi siya makapapayag na pagsabihan nito ito nang masasamang salita.
Noong umayos na ang pakiramdam ni Lirah ay muli na siyang naglakad. Lalayo na lamang siya sa kapatid habang siya ay nagbubuntis pa. Hindi raw pwede sa kaniya ang ma-stress at sumama ang loob. Kaya siya na lamang muna ang lalayo rito.
Dumeretso siya sa clinic kung saan siya nagpapa-check-up. Malaki ang pasasalamat niya na maayos pa rin ang lagay ng kaniyang anak sa loob ng kaniyang sinapupunan. Nasa ikatlong buwan na siya at kailangan pa rin niyang mag-ingat. Ngayong araw din niya unang maririnig ang pintig ng puso ng anak. Kaya mas lalo siyang nasasabik. Habang nakahiga siya sa hospital bed ay panay pa ang haplos niya sa tiyan. Hanggang sa dumating na nga ang kaniyang doctor.
“Good afternoon, Mommy!” nakangiting bati ng babaeng doctor. Dalagang-dalaga pa ito tingnan kahit na halatang mas matanda ito ng ilang taon kay Lirah. “Are you excited now?”
Ngumiti si Lirah. “Opo, Doc. Kinakabahan din ako.”
Tumawa ang doctor. “It’s okay. Hindi ka dapat kabahan kasi pakikinggan lang natin ang heatbeat ni Baby. Paki taas na ng damit mo, Mommy.”
Agad na sinunod ni Lirah ang doctor. May inilabas na itong aparato na may pahabang cord. Ang kabila ay inilapat nito sa tiyan ni Lirah at ang kabilang dulo naman ay may naroon ang monitor at parang speaker. Ilang ulit na pinalit-palit ng doctor ang aparato sa tiyan ni Lirah.
“May problema po ba, Doc?”
“Ha? Ahm. I can’t hear his heat beat.” Tinuro nito ang maliit na monitor. “May nadi-detect pero wala akong marinig. Dapat din ay naririnig mo na ito ngayon.”
Biglang kinabahan si Lirah. “Po? Bakit? M-Masama po ba iyon?” Unti-unti na siyang nagpa-panic.
“We need to do a transvaginal ultrasound. I need to make sure if your child is still alive.”
Nangilid na ang mga luha ni Lirah. ‘Diyos ko! H’wag niyo naman po itong gawin sa akin!’
Chapter 30
“Are you really leaving, Matias?” nalulugang tanong ni Jenia. “Iiwan mo na naman ako?”
Napabuga ng hangin si Matias. Itinigil niya ang paglalagay ng mga gamit sa maleta. “I already told you about this. After Mateo’s burial, I will go home.” Muling bumalik sa ginagawa si Matias.
Dalawang linggo na ang nakalipas noong binawian na ng buhay si Mateo. Hindi na kinaya ng katawan nito ang mga gamutan. Masakit para kay Matias na makita ang anak na naghihingalo. Lalo na kay Jenia na nakasama nito nang matagal. Kaya naman minabuti ni Matias na manatili muna roon ng ilang araw. Ngunit pagkarating pa lang niya roon ay kinausap na niya si Jenia na babalik siya ng Pilipinas. Ilang araw niyang pinag-isipan ang kaniyang desisyon. Ngayon ay sigurado na siya kung sino talaga ang kaniyang minamahal. At walang iba kundi si Lirah. Nanatili lang siya ng ilang araw dito dahil naaawa siya kay Jenia.
“No!” Agad na kinuha ni Jenia ang mga damit na nilagay ni Matias sa maleta at inilabas ang mga iyon. “Hindi ako papayag! You promised me, Matias!”
“I know, Jenia. And I’m sorry about that. Hindi ko agad hinihingi ang kapatawaran mo sa ginawa sa ‘yo rtr ni Dad. But I stayed here for you. For our son. Hayaan mo na akong bumalik sa asawa ko.”
“No! Sabi mo sa akin noong umalis ka ay magpa-file ka na ng annulment sa babaeng ‘yon. Ano’ng nagbago, Matias? Akala ko ba ako pa rin?” humahagulhol na tanong ni Jenia.
“I’m sorry. Hindi ko ginustong gawin ‘to. I just want to be true to myself now. Si Lirah na ang mahal ko. At sigurado ako roon.”
Agad na sinampal ni Jenia si Matias. “Hayop ka! Ang sama-sama mo! Ano? Gano’n na lang ‘yon? I waited for you for years! Nagtiis ako na alagaan ang anak natin habang umaasa na babalikan mo kami. Na babalik ka sa akin! Pero hanggang ngayon ay duwag ka pa rin, Matias!” Muling sinampal ni Jenia si Matias. “You’re a dick! Ang sama-sama mo! How could you do this to me?!” Hinampas niya nang paulit-ulit ang dibdib nito.
Hindi na sumagot pa si Matias. Hinayaan niya si Jenia na humagulhol. Noong masaktan na siya sa pagpalo nito sa kaniyang dibdib ay hinawakan na niya ang magkabilang kamay ng dalaga. Pinilit niya itong maupo sa upuan malapit sa kama.
“I’m sorry, Jenia. I understand that you are mad at me. Be mad. But I’m sorry. Kailangan ko nang bumalik kay Lirah.”
“Go!” galit na sigaw ni Jenia. “Umalis ka. But I promise I will never let you be happy! All my life I suffer because of you, Matias. Kaya hindi ako papayag na maging masaya ka habang ako, iniwan na ng lahat!” Tinulak nito si Matias at dere-deretso lumabas ng silid.
Tumayo nang deretso si Matias. Napailing na lamang siya dahil sa pagbabanta ni Jenia. Alam niyang mali ang kaniyang ginawa. Ngunit ayaw na niyang magkamali pa ulit. Si Lirah ang pinipili niy at ito na ang kaniyang mahal. Huli man niya napagtanto ang lahat, pero ngayon ay itatama na niya ang kaniyang pagkakamali.
~~~
“’Nay… ano ang gagawin ko? Hindi ko kayang mawala rin sa akin ang anak ko,” humahagulhol na sabi ni Lirah. Kauuwi niya lang galing sa clinic. Niresatahan siya kaagad ng mga gamot pang pakapit sa kaniyang at pagpalakas sa kaniyang pinagbubuntis. Mayroon naman daw itong pintig ng puso ngunit sobrang hina.
“Bessy, h’wag kang mag-alala. Sabi naman ng doctor mo ay kailangan mo lang maging doble or tripleng ingat ngayon,” ani Kiray.
“Oo, Anak. H’wag ka na lang muna kumilos nang kumilos ngayon, ha? Hayaan mo na muna kami ang kumilos dito sa hacienda,” sabi naman ni Myrna.
“Natatakot po ako. Hindi ko kaya. Hindi ko kakayanin!”
Naupo si Kiray sa tabi ni Lirah. “Ano ka ba, bessy? Hindi natin hahayaan mangyari ‘yon, okay? Magpakatatag ka.”
“Tama na rin ang pag-iyak mo. Mas lalong makasasama iyan sa kaniya.” Tumayo na si Myrna. “Maige pa ay magluluto na ako ng pagkain mo para makainom ka na ng gamot.”
Pinunasan ni Lirah ang kaniyang mga luha. Tumango-tango siya. “M-Maraming salamat sa inyo, ‘Nay, Kiray. Hindi ko alam ang gagawin ko kung wala kayo sa tabi ko. Sobrang natatakot ako ngayon.”
Umakbay si Kiray kay Lirah. “Of course! Palagi lang kaming narito para sa ‘yo.”
“Oo nga, Anak. Sige na. Maiwan ko na muna kayo.”
“Sige po, ‘Nay.”
Naglakad na palabas ng silid ni Lirah si Myrna. Tumayo naman si Kiray upang magsalin ng tubig at ibinigay iyon kay Lirah. Pinilit naman ni Lirah na pakalmahin ang sarili. Dahil isa rin sa ibinilin ng kaniyang doctor ay bawal siyang ma-stress.
“Sasabihin mo ba sa kaniya?” tanong ni Kiray.
Natigilan si Lirah. “Kanino?”
“Kanino pa ba? Sa magaling mong asawa?”
Humigpit ang hawak ni Lirah sa baso. “H-Hindi ko alam. Hindi ko pa nga siya nakakausap.”
“Hay, naku! Nakakainis talaga ang lalakeng ‘yan! Kapag makita ko ulit ‘yan at humanda siya talaga sa akin! Kahit na ang pogi-pogi niya ay makakatikim talaga siya ng hampas sa akin para matauhan siya!”
Napangiti si Lirah dahil gigil na gigil ang kaibigan sa pagkakasabi nito. Hindi pa siya nakapagdedesisyon kung magsasabi na siya kay Matias o hindi na. Dahil hanggang ngayon ay hindi naman niya nakakausap ang binata. Natatakot na rin siyang masaktan at ayaw niyang makaapekto iyon sa kaniyang dinadala.
Lumipas ang mga araw at nanatili lang si Lirah sa loob ng kaniyang silid. Nahihiya na nga siya sa kaniyang Nanay Myrna dahil hinahatiran pa siya nito ng pagkain sa silid. Kapag naman sinusubukan niyang bumaba ay hindi ito pumapayag. Nakarating din ang balita sa kaniyang Papa ang kalagayan niya at gusto na nga siyang kuhain. Ngunit mas gusto niya rito sa hacienda para makaiwas na rin sa kaniyang ate. Ngunit ang hindi niya inaasahan ay ang biglaang pagbisita ng kaniyang byenan. Si Don Manuel.
“Daddy?” Dahan-dahang tumayo si Lirah sa kaniyang kama. Ngunit pinigilan siya ni Don Manuel.
“H’wag na, Hija. Mahiga ka na lang. Binisita lang kita rito.”
Nangunot ang noo ni Lirah. Muli siyang bumalik sa kama. Sumandal na lang siya sa headrest ng kama para hindi siya talagang nakahiga.
“Maupo po kayo. Nag-abala pa kayong pumunta rito, Dad. Okay na po ako.”
“No. Nakausap ko na naman ang Papa mo. But I needed to be sure myself. Bakit kaya hindi ka na nga lang sa Maynila manirahan, Hija? Para naman hindi ka na nahihirapan sa pagbabyahe mo tuwing check-up.”
“Mas nakabubuti po sa akin dito, Dad. Mas panatag sa akin kung narito ako sa hacienda namin.”
“Nag-aalala lang ako. Ayaw ko naman na may masamang mangyari sa inyo ng apo ko.”
Napangiti si Lirah. “H’wag po kayo mag-alala, Dad. Ako rin naman natatakot. Pero ginagawa ko po ang lahat para maging ligtas siya sa sinapupunan ko.”
Napabuntonghininga si Don Manuel. “Sige. But I will send a nurse here for you. Para matingnan ka agad. Or a midwife. What do you think?”
“N-Naku, Dad. Sobra naman na po ata ‘yon. Nakakahiya na po.”
“Haist, no! It’s okay. Anything for you and my grandchild. H’wag ka nang tumanggi pa, ha? Bukas na bukas ay magpapadala ako ng personal midwife mo, okay?”
“Sige po, Dad. Wala naman akong magagawa.” Ngumiti si Lirah.
“Yes. I will insist.”
Hindi na rin nagtagal ay umalis din si Don Manuel. Sinigurado lang nito na maayos ang lagay ni Lirah. May mga dala pa nga itong ilang mga gadgets para maging komportable pa siya. Kaya labis-labis ang pagpapasalamat ni Lirah sa byenan.
Kinabukasan din ay dumating talaga ang personal midwife na pinadala ni Don Manuel. Kahit papaano ay panatag na si Lirah dahil ito ang nagmo-monitor ng kaniyang dinadala habang nasa bahay siya. Mayroon itong gamit kagaya ng sa doctor niya at doon ay naririnig na nila ang pintig ng puso nito. Ngunit sabi ng kaniyang midwife ay kailangan pa rin niyang ma-check ng doctor. Kaya noong dumating ang araw ng kaniyang pagbalik sa clinic ay gano’n na lang ang excitement na kaniyang nararamdaman.
“Milla, nakahanda na ba ang kotse?” tanong ni Lirah sa midwife niya. Matanda lang ito ng ilang taon sa kaniya. Kasama niya ito sa pagpunta sa clinic.
“Hindi nga raw po makakasama si Kuya Jude, Ma’am. Pero may tinawag na raw na ibang driver sila Aling Myrna. Baka po nandiyan na sa ibaba.”
“Sige. Punta na tayo roon.”
Dala ang kaniyang handbag ay bumaba na sila Lirah. Si Milla ang may dala ng ilan pang mga gamit niya dahil pagkatapos ng kaniyang check-up ay mananatili muna sila sa Maynila ng isang araw. Para na rin makapagpahinga muna siya sa byahe.
“Oh, Hija. Mag-iingat kayo ro’n, ha?” salubong ni Myrna kay Lirah.
“Opo, ‘Nay. Nandiyan na po ang kotse?”
“Oo. Nasa labas na.”
Naglakad na palabas ng mansion sila Lirah. Papalapit na sana si Milla sa nakapadarang itim na kotse sa tapat nila. Para sana pagbuksan ng pinto si Lirah. Ngunit bigla namang bumukas ang harap na pinto ng kotse at lumabas ang driver. Nanlaki ang mga mata ni Lirah noong makita kung sino iyon.
“M-Matias?”

