Views

Mr. Billionaire's Sunshine (Chapters 31 - 35)

Ameiry Savar
0

 



Chapter 31

“M-Matias? Ano ang ginagawa mo rito?” gulat na tanong ni Lirah. Napaatras pa siya noong naglakad na ito palapit sa kaniya.

“Papunta ka na raw sa check-up mo. Samahan na kita?” nakangiting sabi ni Matias.

Nalilito pa ring tiningnan ni Lirah ang asawa. Tumingin siya kay Myrna na nasa tabi niya lang. Maging ito ay nagtataka rin dahil si Matias ang nasa harapan nila. Huminga nang malalim si Lirah at pinakalma ang sarili. Bigla kasing bumilis ang pagpintig ng kaniyang puso.

“B-Bakit?”

“I’m… back. Hindi na ako aalis, Lirah.”

“Ha?” Lalong nangunot ang noo ni Lirah. “A-Ano ang ibig mong sabihin? Akala ko ba sila na pinipili mo?”

Napabuga ng hangin si Matias. “Can we talk first?”

“Hep!” Biglang may boses na nagsalita sa may likuran nila Lirah. Dali-daling lumapit si Kiray at hinarang ang sarili niya sa harap ni Lirah. “Sinasabi ko na nga ba at bumalik ka na! No! Hindi pwede!”

“Huh? Please, Kiray. I need to talk with my wife.”

“Wife? Eh ‘di ba nga pinagpalit mo na siya sa ex mo? Naku! Hindi pwede! Bawal sa stress ang kaibigan ko!”

“Kiray, Anak. Kumalma ka naman,” saway ni Myrna.

Hinawakan ni Lirah ang braso ni Kiray. “Sige na, Kiray. Ayos lang ako.”

“Bessy, ang bata. Alam mo naman ang kalagayan mo, ‘di ba?” nag-aalala pa ring sabi ni Kiray.

Ngumiti si Lirah. “Alam ko, Kiray. Salamat sa pag-aaala.” Tumingin siya kay Matias. “Pero hayaan mo na. Kakausapin ko muna siya.”

“Hay naku, Best! Sige na nga!” Humarap si Kiray kay Matias. “Ikaw!” Dinuro niya ito. “Kapag makita kong may mangyari sa kaibigan ko. Lagot ka talaga sa akin!”

Hindi naman alam ni Matias kung ngingiti ba siya o magagalit din. Napakamot na lang siya sa ulo at tumango kay Kiray. “S-Sure.”

“Sumunod ka sa akin,” ani Lirah. Tumalikod na siya at naglakad papasok ng mansyon. Doon na lang siya nagpunta sa mini-library sa unang palapag lang. Naupo siya sa sala roon at si Matias naman ay sa katapat niya. “Ano ang gusto mong sabihin, Matias? Pwede bang bilisan natin?” mahinahong tanong ni Lirah. Pero mahigpit na ang hawak niya sa handbag dahil sa nag-aalala na naman siya sa sasabihin nito. Pinipilit naman niyang pakalmahin ang sarili ngunit hindi pa rin mawala ang pagkirot sa kaniyang dibdib.

“Is there something wrong? Bakit parang alalang-alala sila?”

Doon ay biglang nakaramdam nang pagkainis si Lirah. Ni wala manlang itong ideya talaga sa nangyayari sa kaniya. “Buntis ako. Normal lang na mag-alala sila sa akin. Dahil sila ang mga totoong nagmamahal sa akin,” ani niya. Mahinahon pa rin ang boses pero mababakas pa rin ang panunumbat sa kaniyang tinig.

Napatungo naman si Matias. “I know, sobrang saman ang ginawa ko sa ‘yo, Lirah. And I want to say sorry to you for what I did. I realized na ikaw talaga ang mahal ko.”

Nakagat ni Lirah ang labi. Nangingilid na ang mga luha niya dahil sa pinipigil na emosyon. “M-Mahal? Sa tingin mo ba gano’n lang ‘yon kadali, Matias?”

“Lirah.” Tumayo si Matias at naupo sa tabi ni Lirah. Ngunit mabilis na umusod ang dalaga palayo rito.

“A-Akala ko gusto mong maging totoo tayo. Naging totoo tayo. Pinigilan kong maige ang sarili ko na h’wag mahulog sa ‘yo. Pero dahil sabi mo gusto mong maging totoo tayo ay pumayag ako. M-Minahal na kita, Matias. Kaya napakasakit na dahil lang sa nalaman mo ang tungkol sa ex mo ay nakalimutan mo na ako agad. H-Hindi naman sana kita pipigilan na makita mo ang anak mo. Karapatan mo ‘yon. Pero bakit bigla mo naman akong isinawalang bahala?”

“I’m sorry.”

“Araw-araw akong pinapatay ng sakit na nararamdaman ko. Tinanggap ko na na wala ka na sa akin kahit masakit pa rin. Alam mo kung bakit sila alalang-alala sa akin? Dahil pwedeng mawala sa akin ang dinadala ko, Matias. Hindi moa lam dahil isinawalang bahala mo na ako. Tapos babalik ka rito na parang wala lang?” Napahagulhol na si Lirah.

“W-What do you mean, Lirah?”

“Last check-up ko ay mahina ang pagpintig ng puso ng anak natin.”

“What? Oh…” Nasapo ni Matias ang kaniyang noo. “I-I’m sorry, Lirah. I’m sorry.” Hinawakan niya ang kamay ni Lirah.

Umiling si Lirah. “H-Hindi ko alam, Matias. Hindi ko alam ang isasagot ko sa ‘yo.”

“J-Just give me a chance, please. I promise I will make sure that everything will be back like before. I-I didn’t know. I’m sorry,” pagmamakaawa nito.

Pumikit nang mariin si Lirah. Inalis niya ang pagkakahawak ni Matias sa kaniya at tumayo na. “H-Hindi ko pa alam, Matias. Pero hindi kita pipigilan sa kapatan mo. H-H’wag ka na lang muna sa akin magpapakita, please?”

“Lirah naman. Don’t do this.”

Tumayo si Matias at niyakap si Lirah. Napapikit nang mariin si Lirah. Doon niya napagtanto kung gaano niya na-miss ang asawa. Ang yakap nito. Ang hawak nito. Ang amoy nito. Pakiramdam niya bigla ay lumambot ang kaniyang puso. Ngunit mas nangingibabaw pa rin ang sakit na kaniyang nararamdaman. Ang takot nab aka bigla na namang magbago ang isip nito.

“P-Please, Matias. Hayaan mo na muna ako.”

“No. I promise I won’t leave your side again. I’m begging you!”

Ilang sandali sila sa ganoong posisyon. Ang daming gustong sabihin ni Lirah sa asawa ngunit walang lumalabas sa kaniyang bibig. Gusto niya itong sumbatan dahil sa pag-iwan nito sa kaniya. Ngunit mas pinili niyang h’wag na lang magsalita dahil na rin sa pag-aalala para sa kaniyang ipinagbubuntis.

Sa huli ay sumama pa rin si Matias sa kanila. Noong kumalma si Lirah ay hindi na niya ito pinigilan. Nagagalit pa si Kiray dahil sadyang malambot ang puso ng dalaga. Kahit na nagagalit ito ay nagtitiis lang. Gusto pa nga sana nitong sumama pa-Maynila pero pinigilan na ni Myrna.

“Komportable ka ba?” tanong ni Matias kay Lirah.

Tumango lang ito at sumandig na sa back rest.

“I see you have a personal nurse.”

“Si Daddy ang nag-hire sa kaniya.” Ipinikit ni Lirah ang kaniyang mga mata. “Gusto ko munang magpahinga.”

“Okay. I’ll wake you up when we arrive.”

Hindi na sumagot si Lirah. Pinilit niyang matulog pero hindi naman siya makatulog. Ang totoo ay ayaw niya lang makipag-usap kay Matias. Ramdam niya kasi ang panaka-nakang mga tingin nito sa kaniya. Makalipas ang dalawang oras ay nakarating na sila sa Maynila. Tumigil muna sila sa hotel kung na pagtutuluyan ni Lirah. Mas pinili niya roon dahil ayaw niyang umuwi sa kanila. Nahihiya na rin naman siya sa pangi-spoil sa kaniya ni Don Manuel.

“Why are you staying here? We have our house, Lirah.”

“Hindi ko kayang umuwi roon.”

“Oh, okay. I’m sorry.”

“Tama na ang paghingi mo ng tawad, Matias. Please.”

“Sorry.”

Tiningnan ni Lirah ang asawa. Napangiwi naman ito sa kaniya. Bahagyang inirapan ni Lirah ang asawa at tumingin na lang ng deretso. Pagpasok nila ng elevator ay bigla pa siyang nawalan ng balanse noong umandar na iyon. Mabuti na lang ay agad siyang nasalo ni Matias. Pakiramdam ni Lirah ay biglang kumislot ang kaniyang puso at gulat na napatitig sa mukha ng asawa.

“Be careful, please.”

Nalunok ni Lirah. Agad siyang tumayo nang maayos at kumapit sa kapitan sa elevator. Pasimple niyang sinapo ang dibdib at bahagyang bumuga ng hangin. Masama ang loob niya sa asawa ngunit nagulat siya na may epekto pa rin ito sa kaniya.

‘Hindi ako pwedeng umasa agad. Ayaw kong umasa!’


Chapter 32

“I’m excited to tell you that your baby is finally safe,” masayang sabi ng doctor ni Lirah.

Napasinghap si Lirah at maluha-luhang tumingin sa monitor. Kitang-kita ang maliit na hugis doon. Mayroong maliit na bagay na pumipintig doon at naririnig na rin nila ang pagpintig ng puso nito.

“Talaga po? Diyos ko! Maraming salamat po!”

“Yes, Mommy. But please, kailangan mo pa ring mag-ingat, ha? H’wag pa ring magkikilos-kilos. Good thing na rin at binigyan ka ng personal nurse mo para umalalay sa ‘yo.” Tumingin ito kay Matias na nakaupo sa tabi ni Lirah. “Are you the father? Mister Gomez, right?”

Tumingin si Matias sa doctor. “Yes, Doc. Thank you for assuring us.”

“Walang anuman. But I just meet you now. Mukhang sobrang busy talaga ng mga businessman.”

“Yeah.” Matipid na ngumiti si Matias. Tumingin siya kay Lirah na nakatitig pa rin sa monitor. Napangiti siya noong makita ang labis na kasiyahan sa mga mata nito. Kinuha niya ang kamay ng asawa at hahawakan sana iyon. Ngunit mabilis na bumitaw si Lirah at pinagsaklob ang mga kamay. Napabuntonghininga na lang si Matias at tumingin din sa kanilang anak.

Pagkatapos ng check-up ni Lirah ay kinausap siya ni Matias na roon na lang ulit sa bahay nila tumira. Ngunit hindi pumayag si Lirah at doon lang nagpahatid sa hotel room na inupahan nila.

“Lirah, I told you I won’t go away again. I promise,” ani Matias.

Naupo si Lirah sa kama at huminga nang malalim. “Matias, narinig mo naman ata ang sabi ng doctor ko. Hindi ako pwede sa stress. Kaya please? Hayaan mo na muna ako sa gusto ko.”

“Okay. Pero hindi ako mawawalan nang pag-asa, Lirah. Gagawin ko ang lahat para maging maayos tayo ulit. Para maibalik ang dati nating pagsasama.”

Nag-iwas ng tingin si Lirah. Hindi na siya sumagot sa asawa at minabuti na lang na mahiga. Ayaw niya pa ring umasa rito. Ngunit lumipas ang mga araw talagang pinatunayan ni Matias ang kaniyang sarili. Umuwi na rin sila Lirah sa hacienda Clarita matapos ang dalawang araw. At magmula noon ay hindi na umalis si Matias sa tabi ni Lirah. Nagtataka pa siya dahil hindi ito pumupunta sa kompanya nito. Lahat ng kailangan at mga hinilingin ni Lirah ay agad nitong ibinibigay.

“Bakit mo ito ginagawa, Matias?” nagtatakang tanong ni Lirah. Nakatitig siya sa pagkaing hinanda ng asawa. Maglilimang buwan na ang kaniyang tiyan at malapit na silang pumunta ulit sa Maynila para sa check-up niya.

“What?” balik-tanong ni Matias. Hinihiwa nito sa ang nilutong bacon at tocino para kay Lirah. “Sorry. Hindi pa ako marunong magluto. Nahihiya naman ako magsabi kay Nanay Myrna. I know they’re still mad at me. Ayaw mo ba ng ulam?”

Bumuntonghininga si Lirah. “Bakit hindi ka na bumabalik sa Maynila? Wala ka bang trabaho?”

Ngumiti si Matias. “Kumain ka na habang mainit pa. Sigurado akong gutom na rin si Baby. Gusto mo bang subuan kita?”

“Matias.” Napabuga ng hangin si Lirah. Sumandig siya sa upuan at tumanaw sa labas ng bintana. “Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko para sa ‘yo. Bakit mo baa ko nililito?”

Ibinaba ni Matias ang hawak na kutsara’t tinidor. “I understand you, Lirah. Pero totoo ang nararamdaman ko para sa ‘yo. Naiintindihan kong natatakot ka. Wala ka nang tiwala sa akin. Pero hindi ako mawawalan nang pag-asa, Lirah. I love you, my sunshine.”

Iniikom ni Lirah ang mga labi at pilit na pinigilan ang sariling maluha. “N-Nakakainis ka… Alam mo ba ‘yon?” Tumango si Matias at tumungo. “Hindi ko alam kung paano ko ilulugar ang sarili ko sa ‘yo. Natatakot ako, Matias. Kasi kahit ano naman ang gawin ko ay hindi ako ang nauna riyan sa puso mo. Sabit lang ako sa ‘yo.”

“Don’t say that, Lirah. Hindi ka sabit or what. Ikaw ang asawa ko. Oo, hindi man ikaw ang una kong minahal, pero ipinapangako ko sa ‘yo na ikaw na ang huli. Sorry kung umalis ako noon. Sorry kung iniwan kita at ang anak natin. Alam kong natatakot ka pa rin. Kaya araw-araw kong ipaparamdam sa ‘yo na wala ka na dapat pang ipag-alinlangan pa sa akin.”

Tuluyan nang napaluha si Lirah. Sa katunayan ay sobrang nasasabik na rin siya sa asawa. Sa araw-araw na nakikita niya ulit ito ay unti-unti na ring lumalambot ang kaniyang puso. Kaya naman ay sinubukan niya ulit itong pagbigyan. Muli niyang binuksan ang puso para sa kaniyang asawa.

“Sigurado ka na ba talaga na pinapatawad mo na siya?” hindi pa rin makapaniwalang tanong ni Kiray. Masama ang mga titig ang ibinigay niya kay Matias na katabi lang ni Lirah.

Napangiti si Lirah. “Kiray, asawa ko pa rin si Matias.”

“And so? Naalala niya ba iyan noong makita niya ulit ex niya?” mataray na sabi ni Kiray.

Napangiwi si Matias. “I’m sorry, Kiray. I promise, hindi na ulit mangyayari ‘yon.”

“Dapat lang! Kasi ako ang makakalaban mo!”

Natawa si Myrna. “Naku, Kiray. Hayaan mo na si Lirah. Gano’n talaga ang mag-asawa. Kahit na may pagkakamali ang isa ay patatawarin pa rin dahil nga mag-asawa na sila.” Tumingin ito kay Matias. “Pero kapag maulit ito ay malilintikan ka rin sa akin!”

Napahagikhik na si Lirah. “Kayo talaga.”

“Mukhang hindi na talaga mangyayari ‘yon. Sa inyong dalawa pa lang ay talagang malalagot na ako,” biro ni Matias.

“Talaga lang!” ani Kiray.

“Naku! Tama na nga ‘yan. Nagugutom na ako,” saway ni Lirah.

Sa huli ay nagkasundo na silang apat. Nagtatawanan na sila habang kumakain ng hapunan. Masaya na si Lirah na kahit papaano ay nagiging maayos na ang kaniyang pamilya. Pero kagaya nga nang sabi ng iba ay hindi parating masaya. Sa buhay mag-asawa ay palaging may pagsubok.

“Bakit pala hindi ka na bumabalik sa kompanya niyo, Matias?” tanong ni Lirah. Nasa kama na silang parehas at patulog na. Hinaplos ni Lirah ang tiyan na ngayon ay anim na buwan na.

Natigilan si Matias. “I’m… well, you know Dad. Nagalit siya sa akin noong umalis ako at tinanggal ako sa posisyon ko.”

“Ano? Ginawa niya ‘yon?”

“Yes. Don’t worry. May binubuo akong negosyo ngayon.” Ngumiti si Matias.

“Eh, bakit hindi na lang yung winery ang asikasuhin mo? Para may katulong si Kiray.”

“It’s your business, Lirah.”

“Pero hindi ko naman mabubuo iyon kung hindi mo ako tinulungan.”

Napangiti si Matias. Inayos niya ang kumot ni Lirah at hinalikan sa noo. “I’m okay, Sunshine. Tutulungan pa rin kita, yes. But let me do some on my own, okay?”

Bumuga ng hangin si Lirah. “Sige. Ikaw ang bahala. Kakausapin ko na lang si Dad sa sunod.”

“H’wag na. Sige na. Magpahinga ka na. I love you.” Hinalikan ni Matias si Lirah sa labi.

“I love you too.”

Pinatay na ni Matias ang ilaw. Ilang oras ang nakalipas ay hindi pa rin makatulog si Lirah. Paikot-ikot na siya sa kama ngunit gano’n pa rin. Kaya naman ay tumayo na lang siya para uminom ng tubig. Pagtingin niya kay Matias ay mahimbing na ang tulog nito. Napangiti siya habang hinihimas ang tiyan. Masaya na siya ngayon dahil nagkaayos na silang dalawa. Nangunot ang noo niya noong makitang umiilaw ang cellphone nito. Dahan-dahan siyang lumapit sa bedside table nito at kinuha iyon. Para siyang binuhusan nang malamig na tubig nang mabasa ang pangalan ni Jenia. Napatingin siya sa asawa na mahimbing pa rin ang pagkakatulog.

“Bakit siya tumatawag?” tanong niya sa sarili. Huminga siya nang malalim at naglakad palapit sa bintana. Namatay saglit ang tawag ngunit nag-ring ulit iyon. Kaya naman ay sinagot na ito ni Lirah.

“M-Matias? Matias, please! Come back! Hindi ko kaya. I’m begging you!” umiiyak na sabi ni Jenia sa kabilang linya.

“J-Jenia?” ani Lirah. Matagal bago nakasagot ang babae sa kabilang linya.

“Lirah? So talagang bumalik siya sa ‘yo?” galit na sabi ni Jenia. “Mga hayop!”

“Ha? Baka nakakalimutan mo na mag-asawa kami ni Matias, Jenia.”

“Wala akong pakealam! Akin si Matias! At kahit wala na ang anak namin ay akin pa rin siya!”

“W-Wala na si Mateo?”

“Oo! Kaya hindi ako papayag na mawawala rin sa akin ulit si Matias. Sa tingin mo ba mahal ka talaga niya kaya siya bumalik sa ‘yo? Hindi, Lirah! Buntis ka lang at nami-miss niya ang anak namin kaya siya na sa ‘yo! Pero kapag manganak ka na? Akin lang si Matias!”

Napalunok si Lirah. “Hindi ko alam ‘yang sinasabi mo, Jenia. Pero okay na kami ni Matias. Hinayaan ko na siyang pumunta sa ‘yo noon. Kaya hayaan mo na rin kami ngayon!”

“And so? Baka hindi mo rin alam. Wala nang mana na matatanggap si Matias sa Daddy niya. At alam mo ba kung kanino ipinamana lahat ng ari-arian nila?”

“Kanino?”

“Sa dinadala mo. Kaya kung sa tingin mo mahal ka ni Matias kaya siya bumalik sa ‘yo. You are wrong, Lirah! Hinding-hindi ka mamahalin ni Matias dahil sa akin lang siya!”

Napanganga si Lirah. Nanginginig ang kamay na nabitawan niya ang cellphone na hawak. Nasapo niya ang bibig at agad na napaluha.

‘Ang tanga ko… Ang tanga-tanga ko!’


Chapter 33

Naupo si Lirah sa upuan at humagulhol. Ito na nga ba ang kaniyang kinatatakot. Kaya ayaw niyang muling pagbuksan ang puso kay Matias. Ngayon ay nalaman na niya ang totoo. Ang masakit pa ay kay Jenia niya nalaman na sa anak pala niya ang ipinapamana ang lahat ng dapat ay kay Matias.

“Lirah?” Naalimpungatan si Matias. Naupo siya at binuksan ang ilaw. Dali-dali siyang lumapit kay Lirah noong makita itong umiiyak. “Hey… what’s wrong?” Akmang hahawakan ni Matias si Lirah ngunit iwinaksi nito ang kaniyang kamay. “M-May problema ba?” nag-aalalang tanong niya. Napatingin siya sa paanan nito at doon nakita ang cellphone niya. Umiilaw pa iyon kaya agad niyang kinuha. Nanlaki ang mga mata niya noong makita ang pangalan ni Jenia. Agad niya iyong pinatay. “W-What did she said to you?”

Nagpunas ng mga luha si Lirah at humikbi-hikbi. “Bakit hindi siya ang tanungin mo?”

“I don’t want to talk with her anymore. Tinapos ko na ang kung ano man ang mayroon sa amin bago ako umalis ng Italy.”

Ilang sandaling tinitigan ni Lirah ang kaniyang asawa. Kitang-kita niya ang pagsusumamo sa mga mata nito. Umiling-iling siya.

“N-Noong nalaman ko ang tungkol kay Jenia. Umasa ako, Matias. Kasi nakaraan mo na siya eh. Ako na ang mahal mo, sabi mo. T-Tapos, nalaman ko rin ang tungkol kay Mateo… umasa pa rin ako, Matias. U-Umasa ako na kahit na may anak kayo ay ako pa rin. Alam ko, selfish. Pero umasa ako eh.”

Agad na lumapit si Matias kay Lirah. Marahan niyang hinagod ang mga braso nito. “Ssh… I know. And I’m sorry.”

“U-Umuwi ako galing sa Italy na umaasang magkakaroon tayo nang maayos na pag-uusap tungkol sa kaniya. Pero nagalit ka lang sa akin. Umasa pa rin ako kahit na ramdam ko nang sila ang pinipili mo, Matias.” Huminga nang malalim si Lirah. “H-Hanggang kailan ba ako aasa at maghihintay sa ‘yo?”

“Oh… Lirah. Hindi mo kailangang maghintay. Ikaw ang pinipili ko, Lirah. Ikaw ang mahal ko.”

“Pero bakit parang hindi ko ramdam, Matias?” Pinahid ni Lirah ang kaniyang mga luha. Bahagya niyang itinulak ang asawa at umatras. “Bakit hanggang ngayon ay nasasaktan ako?”

“Just… Just please, Lirah. Give me your trust again. Alam kong mahirap iyong gawin. But I swear over Mateo’s dead body. Ikaw ang mahal ko. Ikaw ang asawa ko at ikaw ang araw-araw kong pinipili. Hindi na iyon magbabago pa.”

Tumalikod si Lirah. Hinagod niya ang kaniyang tiyan dahil nakaramdam na siya nang kaunting paninigas doon. “T-Totoo ba? Totoo bang ipinamana ni Dad ang lahat sa magiging anak natin?”

Natigilan si Matias. “Ahm, yes. It’s true. Hindi pa ba sinabi sa ‘yo ni Dad?”

“So, alam mo? Totoo?”

“Yes.”

“Bakit hindi mo sa akin sinabi?”

“Kasi akala ko alam mo na. And I don’t want to talk about it. Ayaw kong iba ang isipin mo tungkol— wait. Ito ba ang sinabi sa ‘yo ni Jenia?”

Marahang tumango si Lirah. “Oo. Sabi niya, kaya ka raw narito dahil sa mana mo. Kaya mo lang ako binalikan dahil nga sa magiging anak natin mapupunta ang lahat. A-Ang sakit, Matias! Bakit mo ‘to nagawa sa akin?”

“What?” Napailing-iling si Matias. “Lirah. It’s not true!” Hinawakan niya ang balikat ng asawa at marahan itong pinihit paharap sa kaniya. Sinapo ni Matias ang pisngi ng asawa at pinunasan ang mga luha nito gamit ang hinlalaki. “Lirah. My sunshine. I love you. Ikaw at ang anak natin. I don’t care about my inheritance. Wala akong pakialam kung mawala man sa akin lahat. Wala akong pake kung ibigay ni Dad sa kung kanino ang mana ko. But I am here because I love you and I choose you. Iyon ang dahilan at wala ng iba pa,” pagsusumamo niya.

Parang kinurot ang puso ni Lirah dahil sa mga sinabi ni Matias. Wala siyang kaide-ideyang sa anak pala nila ipinamamana ang yaman ng mga Gomez. Hindi naman nakagugulat sana. Ngunit kung tinanggalan ng mana si Matias dahil doon ay malaki ang posibilidad na totoo ang sinasabi ni Jenia.

Marahang hinagod ni Lirah ang kaniyang tiyan at huminga nang malalim. “S-Sige, maniniwala ako sa ‘yo.” Sinalubong niya ang mga mata ng asawa. “Pero gusto ko siyang makaharap, Matias. Gusto kong magkaharap-harap tayong tatlo para magkaliwanagan na ang isa’t isa. Para matapos na.”

“Sure! Kahit ano, Lirah. I will do it kung iyon ang ikapapanatag ng loob mo.” Ngumiti si Matias. Yayakapin niya sana si Lirah ngunit umusod ito.

“Tawagan mo siya. Pauwiin mo siya rito sa Pinas at mag-uusap-usap tayo pagkarating na pagkarating niya,” may riing sabi ni Lirah.

Tumango si Matias. “Okay. I will do that, Lirah.” Hinawakan niya ang kamay ng asawa. “Papatunayan ko sa ‘yo na ikaw ang mahal ko at si Jenia ay bahagi na lamang ng nakaraan ko.”

Hindi na sumagot pa si Lirah. Muli siyang bumalik sa kanilang kama at naupo roon. Pinanood niya si Matias habang kinakausap si Jenia sa telepono. Bigla siyang nakaramdam nang awa sa asawa noong makitang para bang nahihirapan itong kausapin ang dating nobya. Na hindi na naman sana nila problema ngunit pilit pa ring bumabalik sa kanilang buhay.

“It’s okay now. Uuwi siya sa bansa bukas na bukas din,” ani Matias. Nakaupo na rin ito sa kama nila. “Gusto niyang sunduin ko siya.”

Agad na nakaramdam nang pagkirot sa kaniyang dibdib si Lirah. “Ano’ng sabi mo?”

“I said no. Kasi hindi pa kita nakakausap tungkol doon.”

“Sige. Susunduin natin siya.”

“Are you sure?”

“Bakit? Nag-aalala ka bang magkita kaming dalawa?”

“Hindi naman sa gano’n, Lirah. Nag-aalala ako sa ‘yo, sa anak natin.”

“H’wag kang mag-alala. Hindi ako kagaya ng mga asawa sa mga palabas. Lalong hindi ako si Kiray na mahilig makipag-away. Gusto ko lang matapos ito. At sa oras na magkaliwanagan na ang lahat, ayaw ko nang makarinig ng kahit na anong tungkol sa kaniya. Kung talagang kami ng anak natin ang pinipili mo, iiwan mo siya sa nakaraan mo.”

“I promise, Lirah. Matagal na siyang wala sa akin. Tapos na kaming dalawa.”

“Sana nga, Matias. Dahil nahihirapan na akong pagkatiwalaan ka. Pakiramdam ko wala akong karapatan sa ‘yo kahit na asawa kita. K-Kahit na mahal kita. Kaya sana nga ay totoo ang mga sinasabi mo.”

Inabot ni Matias ang kamay ni Lirah. “Araw-araw kong patutunayan iyon sa ‘yo, Lirah. I love you, My Sunshine.”


Chapter 34

Hindi maiwasang kabahan ni Lirah habang naghihintay silang dalawa ni Matias sa waiting area sa airport. Panay ang paghagod niya sa tiyan habang palinga-linga. Si Matias naman ay tahimik na nakaupo sa tabi niya. Hindi niya mahulaan kung ano ba ang nararamdaman nito sa pagdating ni Jenia dahil deretso lang itong nakatingin sa unahan. Wala manlang kahit na anong ekspresyon sa mukha.

“Matagal pa ba siya?” tanong ni Lirah.

Agad na nilingon ni Matias ang asawa. “Her plane already landed. We should see her any minute now.” Nangunot ang noo niya. “Why? Are you okay?”

Pinilit na ngumiti ni Lirah. “O-Oo. Ayos lang ako.”

“Nagugutom ka ba?”

“Hindi. Ayos lang ako,” pag-uulit niya.

“Sige. Kung may kailangan ka, sabihin mo agad sa akin.”

Tumango na lang si Lirah kay Matias bilang sagot. Minabuti niyang kuhain ang cellphone at kalikutin iyon kahit hindi naman siya masyadong maalam. Ka-text niya si Kiray na nagagalit dahil hindi niya ito isinama. Ilang sandali pa ay biglang tumunog ang cellphone ni Matias. Agad itong nilingon ni Lirah. Tumayo si Matias at sinagot ang tawag.

“Jenia.”

Naitago agad ni Lirah ang hawak na cellphone sa handbag noong marinig niya ang sinabi ng asawa. Hindi siya kumilos at pinanood lamang itong kausapin si Jenia.

“Where are you?” tanong ni Matias. Nagpalinga-linga siya.

“I’m here!”

“Where—” Napatitig si Matias sa isang babaeng kumakaway sa kaniya. Malapad ang mga ngiti nito habang nakatingin sa kaniya. Ibinaba na ni Matias ang tawag at hinarap ito.

“Matias!” masayang sabi ni Jenia. Patakbo itong lumapit sa binata at agad na yumakap. “Sabi ko na hindi mo ako kayang tiisin! I miss you so much, babe! I love you!”

Hinawakan ni Matias ang baywang ni Jenia at marahan itong itinulak palayo sa kaniya. “Jenia. It’s not like that.”

Agad na nawala ang pananabik ni Jenia. Nagtatakang tiningnan niya si Matias. “But I thought—” Napatingin siya kay Lirah na nakaupo pa rin sa waiting chair. Agad na napaismid si Jenia. “What is the meaning of this? Why is she here?”

Doon na tumayo si Lirah at tumabi kay Matias. “Kailangan nating mag-usap.”

“No! Bakit naman ako makikipag-usap sa ‘yo?” tanong ni Jenia. Nakakunot ang noo nito at halata ang pagkadismaya sa mukha.

“We’ve already talk about this, Jenia,” sabat ni Matias. “Kaya ka narito sa Pinas.”

“That’s because I thought it was only us who will talk with each other. Hindi ko inakala na kasama siya!”

“I told you about it, remember?”

“This is insane!” Umiling-iling si Jenia.

“Pwede ba, Jenia? Gusto ko lang na magkaliwanagan na tayong tatlo,” ani Lirah.

Ngumisi si Jenia. “Oh, really? Bakit? Naniniwala ka talaga na binabalikan ka ni Matias? I already told you that he is just with because of his—”

“You know that’s not true, Jenia!” putol ni Matias sa sinasabi ng dalaga.

“Bakit? Ano ba ang totoo, ha?! Why did you even ask me to come here?!” pasigaw nang tanong ni Jenia.

Napatingin sa paligid si Lirah. Nag-uumpisa nang tumingin sa pwesto nila ang mga taong nakapaligid sa kanila. Kanina pa siya kinakabahan pero pilit niyang pinapatapang ang sarili. Paulit-ulit niyang inaalala ang sinabi ni Kiray sa kaniya. Hindi dapat siya ang matakot dahil siya ang tunay na asawa.

“Ako ang nagsabi sa kaniya na papuntahin ka rito, Jenia. Ako ang nag-utos kay Matias.”

“What?” Tiningnan ni Jenia si Matias. “Is it true?”

Tumango si Matias. “Yes, Jenia. It’s true.”

“For what?” Napasinghap si Jenia. Unti-unti nang nangilid ang mga luha niya. “D-Don’t tell me…”

“Hindi natin kailangang mag-usap dito, Jenia. Lumabas na tayo,” suhestiyon ni Lirah.

“No! Para saan pa?” tanggi ni Jenia. “Para ipamukha sa akin na ikaw na ang pinipili ni Matias?”

“Jenia.”

“Shut up, Matias!” sigaw ni Jenia. “All these years I suffered because of you. Tiniis ko ang ginawa sa akin ng daddy mo dahil mahal kita, Matias! Pero sa huli ay hindi pa rin pala ako ang pipiliin mo? How could you?!”

“Jenia, ano ba? Nakakaabala na tayo rito,” ani Lirah. Kumapit na siya sa braso ng asawa.

“Eh ano naman?” pagmamatigas ni Jenia. Humagulhol na siya. “Five years, Matias. Five years kitang hinintay! Inalagaan ko ang anak natin nang wala ka. Tapos ganito na lang? Akala ko ba ako pa rin?” Lumapit siya kay Matias at hinawakan ang mga braso nito. “P-Please, ako pa rin ang piliin mo.”

Parang biglang may kumurot sa dibdib ni Lirah dahil sa pagsusumamo ni Jenia kay Matias. Pero mas nasasaktan siya dahil nakita niyang para bang na apektuhan na rin si Matias sa mga sinabi ng dalaga. Mahigpit niyang hinawakan ang braso ng asawa at hinila ito palayo kay Jenia.

“Hindi ko gustong ganito ang mangyari sa atin, Jenia. Sige, kung ‘yan ang gusto mo. Dito na lang tayo mag-usap,” may riing sabi ni Lirah.

“At bakit naman ako makikipag-usap sa ‘yo? Hindi ikaw ang kailangan ko, Lirah. Si Matias!”

“Na asawa ko na, Jenia. Nakakalimutan mo ba? Kasal na kaming dalawa ni Matias. Kaya kahit na ano pa ang sabihin mo ay may karapatan ako!”

“Kasal lang kayo sa papel, Lirah. Hindi ka mahal ni Matias!”

“Wala akong panahon sa mga sinasabi mo, Jenia. Hindi na importante kung sino ang mahal ni Matias sa atin. Ang importante ngayon ay ako—hindi. Kami ng anak ko ang pinipili niya. Kaya pwede ba? Lumayo ka na sa pamilya ko.”

Hindi makapaniwalang napangisi si Jenia. “Seriously? Pamilya? Hindi ako maniniwala hanggat hindi si Matias ang nagsasabi no’n!”

“Okay, sige.” Tumingin kay Matias si Lirah. “Sabihin mo sa kaniya, Matias. Sabihin mo ang mga sinabi mo sa akin noong isang gabi. Ang pangako mo sa akin.”

Napabuga ng hangin si Matias. Ni minsan ay hindi niya inakala na gagawin niya ang bagay na ito. Kinausap naman niya nang maayos si Jenia bago siya umalis ng italya. Hindi lang nito matanggap ang kaniyang desisyon. Oo, na aawa siya rito. Dahil sa dami na ring sakripisyo ng dalaga sa kaniya. Ngunit hindi naman ibig sabihin no’n ay ito na ang pipiliin niya. Sigurado na siya ngayon na si Lirah na ang mahal niya. Nirerespeto pa rin niya ito bilang ina ng una niyang anak.

“Jenia, alam ko na marami ka nang sakripisyo para sa atin. And I’m sorry for what my father did to you. Araw-araw kong pagsisisihan ang ginawa niya sa ‘yo. But… But I’m sorry. Si Lirah na ang mahal ko. At sana ay irespeto mo ang desisyon ko.”

Napanganga si Jenia. Naluluhang pinagpalit-palit niya ang mga tingin sa dalawang mag-asawa. Umiling-iling siya at niyakap si Matias.

“No! I don’t believe you! Alam ko na ako pa rin! Sinasabi mo lang ‘yan dahil buntis siya at nasa kaniya na ang mana. Hanggang kailan baa ko maghihintay, Matias? I can wait! I will wait for you kahit na gaano pa iyon katagal! Just please, don’t do this! Hindi ko kaya!”

“Jenia, please. H’wag mo na itong gawin sa sarili mo.”

Hinawakan ni Matias ang magkabilang braso ni Jenia. Hindi pa rin ito bumitaw sa binata at patuloy na umiyak. Habang si Lirah naman ay naluluha na rin dahil sa kaniyang nasasaksihan. Ni sa hinagap ay hindi niya inakala na mangyayari ito sa kaniya. Hindi niya gustong makasakit ng ibang babae. Ngunit kailangan niyang protektahan kung ano man ang kaniya.

“Please, Matias! I’m begging you!” pagsusumamo pa rin ni Jenia.

Pilit nang tinanggal ni Matias ang pagkakayakap ni Jenia sa kaniya. Kinailangan pa nilang tumawag ng guard para lang lumayo sa kaniya ang dalaga na naghi-hysterical na. Patuloy ito sa pagsusumamo kay Matias na h’wag iwanan.

“P-Patawad, Jenia. Hindi ko gusto na masaktan ka,” ani Lirah na umiiyak na rin. “Sana pagkatapos nito ay tigilan mo na ang pamilya namin.”

“No! Kasalanan mo ‘to! Dahil sa ‘yo kaya iniwan ako ni Matias! Tandaan mo, Lirah Sarmiento! Hindi kayo sasaya! Never!” sigaw ni Jenia.

Agad na niyakap ni Matias ang asawa at hinagod ang likod nito. “Come on now. Hayaan mo na ang mga guard na tumulong sa kaniya.”

“Pero paano siya?”

“It’s okay now, okay? Ang importante ay nag-usap na tayong tatlo. Hindi man maganda ang kinalabasan pero malinaw na ang lahat. Are you okay now?”

Huminga nang malalim si Lirah. “Hindi ko alam. Nagi-guilty ako para kay Jenia.”

“No. Don’t be. Hindi ikaw ang dapat makaramdam niyan. But I hope that everything is clear to you now, my sunshine. You are the one I choose. Our family.”

Tumango-tango si Lirah. Pinahid niya ang mga luha at niyakap ang asawa. Kahit na nasasaktan siya para kay Jenia ay mas naging panatag na siya ngayon. At kahit na ano pa man ang kaniyang marinig ay pinapangako niyang ang asawa na lang ang kaniyang paniniwalaan.


Chapter 35

Matapos ang naging pag-uusap nila Lirah ay mas tumibay ang samahan nilang mag-asawa. Sa bawat nangyayari sa kaniya ay palaging nakaagapay si Matias sa kaniyang tabi. Nalaman na lang nila Lirah na bumalik si Jenia sa Italy makalipas ang isang linggo. Nagkita pa sila ulit bago umalis ang dalaga at nagkapatawaran. Kaya naman ay mas lalong naging panatag si Lirah na hindi na ito ulit manggugulo sa kanila.

“Excited na ako! Yieeh!” masayang sabi ni Kiray. Nasa loob sila ng kwarto nila Lirah at tinutulungang ayusan ang kaibigan.

“Mukha ngang mas excited ka pa sa akin eh,” nakangiting sabi ni Lirah. Hinagod niya ang walong buwan niyang tiyan. Halatang-halata na ito dahil nalalapit na rin ang kabuwanan niya.

“Syempre naman! Baby shower slash gender reveal ng pamangkin ko! Ikaw, besh? Ano ba ang gusto mong maging anak? Babae o lalake?”

Napaisip si Lirah. “Hindi naman importante sa akin iyon. Ang mahalaga ay maipanganak ko siya nang maayos at lumabas siyang masigla.”

Napanguso si Kiray. “Ay, ano ba ‘yan? Eh para saan pa itong party natin?”

Tumawa si Lirah. “Ano ka ba? Okay na rin ‘yon para malaman natin kung ano ba siya. Tsaka, si Ate ang nag-insist na gawin ito. Makakatanggi pa ba ako?”

“Alam mo, hindi pa rin ako makapaniwala na ginawa ito ng ate mo, ha? At siya pa mismo ang nag-asikaso ng lahat, ha? Nakapagtataka.” Umiling-iling pa si Kiray habang sinusuklayan ang buhok ni Lirah.

Natahimik si Lirah. Kahit siya ay nagulat noon biglang mag-suggest ang ate niya na gawan ng party ang pamangkin nito. Mabuti nga raw at hindi pa siya nakapag-ultrasound kaya naman ay nagawa pa nilang mag-gender reveal ngayon. Sa katunayan ay kinuha ni Liza ang result ng ultrasound niya para ito na ang mag-asikaso sa surpresa.

“Ano ka ba? Maging masaya na lang tayo dahil nag-effort si Ate. Matagal ko nang hinihintay na maging ganito kami.” Napangiti si Lirah. Agad namang umasim ang mukha ni Kiray.

“Sus! Kung ako sa ‘yo? Hindi ako masyadong magtitiwala sa kaniya. Hitsura pa lang ng ate mo eh hindi na kapani-paniwala!”

“What did you say?”

Sabay na napalingon sina Lirah at Kiray sa kanilang likuran noong may magsalita. Nakatayo na roon si Liza na matalim na nakatitig kay Kiray. Agad naman nag-iwas ng tingin si Kiray at tumungo.

“Ano ulit ang sinabi mo tungkol sa akin?”

Tumikhim si Lirah. “A-Ahm, ate. Wala. Nagkukwentuhan lang kami ni Kiray. Pasensya na. Biruan lang ‘yon.”

Iniikot ni Liza ang mga mata. “Whatever. Bilisan niyo na at mag-uumpisa na ang party. Nandiyan na sila Dad at ang family ni Matias.”

“Sige, Ate.” Ngumiti si Lirah kay Liza.

Pinilit ni Liza na ngumiti rin sa kapatid. “Okay.” Tumalikod na siya at maglalakad na sana palabas noong muli siyang tawagin ni Lirah.

“Ahm, Ate. Thank you pala sa party na ginawa mo. Sobrang na appreciate ko ang ginawa mo para sa pamangkin mo.”

Bumuga ng hangin si Liza. Inayos niya muna ang kaniyang matamis na ngiti bago muling humarap sa kapatid. “Of course. You’re my sister. This is the least I can do for my nephew… or niece. We will know later.”

“Thank you ulit.”

“Okay. Enough with this. Magkita na lang tayo sa baba. Bilisan mo na, ha?”

“Opo.”

Tuluyan nang lumabas si Liza sa silid. Agad namang lumapit si Kiray sa pinto at tiningnang maigi kung wala na si Liza sa paligid. Nakahinga ito nang maluwag at agad na sinara ang pinto.

“Mabuti naman at umalis na! Grabe! Nakakatakot pa rin ang presence no’n!” Sapo-sapo ni Kiray ang dibdib at halatang kinakabahan.

Natawa na lamang si Lirah. “Ikaw kasi eh. Kung ano-ano ang sinasabi mo.”

Ngumuso si Kiray. “Eh totoo naman! Hindi kapatiwa-tiwala ang babaeng ‘yon. Biruin mo? Buong buhay niyo ata ay palagi ka na lang inaaway no’n. Tapos biglang naging mabait ngayon?”

“Sige ka. Baka biglang nandiyan na naman ‘yon,” biro ni Lirah.

“Hay, naku! Bilisan na nga natin, buntis!”

Lalong natawa si Lirah sa kaibigan. Na uunawaan naman niya ang ibig iparating ng kaibigan. Pero sa ngayon ay pilit niya iyong hindi iniintindi. Masaya na siya dahil kahit paano ay nagiging maayos na ang relasyon niya sa kapatid.

Hindi nagtagal ay bumaba na rin sila Lirah sa bakuran. Sa Hacienda Clarita ginanap ang mga party. Kaya naman ay hindi lang ang mga malalapit na kaibigan ang kanilang bisita at pamilya. Maging ang ilang tauhan sa kanilang hacienda. Agad na lumapit si Lirah sa byenan at mga magulang upang magbigay galang. Nakita niya rin ang asawa na abala sa pakikipag-usap sa mga bisita nila. Agad itong lumapit sa kaniya noong makita siya.

“Hey, Sunshine! You looked dazzling!” puri ni Matias sa asawa.

Nahihiyang tumawa si Lirah. “Ano ka ba? Eh simpleng puting bestida lang naman ang suot ko.”

“Kahit ano pa ang suot mo ay maganda ka pa rin sa paningin ko.”

“Hmm! Bolero!”

Niyakap ni Matias ang asawa. “I’m happy that you are happy now. Come on? Mag-uumpisa na ang party.”

Tumango si Lirah. Naupo silang dalawa sa unahang parte ng venue. May mahabang lamesa sa harap at may ilang pagkain doon. Walang pagsidlan ang saya na nararamdaman ni Lirah habang pinapanood ang mga bisita at ang emcee na nagsasalita sa gilid nila. Nagbigay ng ilang mga payo ang kanilang mga magulang at malapit na kaibigan. Pakiramdam ni Lirah ay kinasal sila ulit ni Matias ngunit ang atensyon ay nasa kanilang anak. Na sobrang kinagagalak niya.

Ilang sandali pa ay si Liza na ang nagsasalita sa gilid nila Lirah.

“I am so thankful na nakapunta kayong lahat dito. Syempre, this is all about my sister. My… why should we do the gender reveal now? Let me call on the parents!”

Agad na nagpalakpakan ang mga tao. Tumayo na si Matias at inalalayan ang asawa na pumunta sa gitna. Kinuha ni Liza ang puting lobo na hindi kita ang loob. May nakasulat doong boy or girl bilang tanong kung ano nga ba ang kasarian ng anak nila Lirah.

Hindi naman maitago ang pagkasabik ni Lirah dahil sa kanilang ginagawa. Parehas naman sila ni Matias na hindi importante kung ano ang kasarian. Ngunit hindi niya inakala na ganito pala ang pakiramdam. Kinakabahan siya na hindi niya malaman.

“Who is the team boy?” May ilang nagtaas ng papel na hugis palad at may nakasulat na boy. “And who is the team girl?”

Natawa si Lirah noong makita ang mga magulang at byenan na puros team boy ang hawak. Hindi na nakagugulat na lalake ang gusto ng mga ito. Lalo na ang daddy ni Matias.

“At the count of three, the parents should burst the balloon!” ani Liza. “Ready na ba kayo?”

“Ready na!”

“Are you ready, Sunshine?” tanong ni Matias.

“Oo!” masayang tugon ni Lirah.

“Okay! One! Two! Three!”

Magkasabay na pinutok nila Lirah ang lobo gamit ang matulis na stick. Napatili pa si Lirah noong pumutok ito nang malakas. Agad na sumabog ang kulay asul na mga papel mula sa loob ng lobo.

“Ano’ng ibig sabihin nito?”

“It’s a boy!”

Napasigaw sa tuwa si Matias dahil sa kaniyang narinig. Agad itong lumapit kay Lirah at hinalikan ito sa labi. Hindi naman alam ni Lirah ang kaniyang sasabihin dahil sa pagkagulat. Pero noong mahimasmasan siya ay napatili na rin siya dahil sa sobrang saya.

“Lalake ang anak natin! Lalake!” masayang sabi ni Lirah.

“Yes, Lirah! It’s a boy!” ani Matias.

Isa-isang lumapit ang kanilang mga bisita kila Lirah. Lahat ng mga ito ay masayang binati ang mag-asawa.

“We have our next heir!” ani Don Manuel.

Tumawa si Don Fernan. “Of course! Lalake ang apo natin!”

“Ano ba kayo? ‘Yan agad ang pinag-usapan niyo,” saway ni Donya Paulina.

“You’re right, Amiga. Ang mga ito talaga,” segunda ni Donya Maribel.

“We’re just happy, okay?” ani Don Fernan. “And besides he is really our next heir.”

Natahimik si Donya Paulina. Tumingin ito kay Lirah na nasa harapan pa rin at nakikipag-usap sa mga bisita. What do you mean by that, My love? tanong nito sa isipan.

Nagpatuloy ang kanilang kasiyahan. Lumipat na si Lirah sa lamesa nila Kiray dahil nag-ikot-ikot na ulit ang kaniyang asawa para makipag-usap sa mga bisita nila. Hanggang sa unti-unti nang lumalim ang oras at nagpasya na siyang bumalik sa kwarto.

“Pagod ka na?” tanong ni Matias.

“Oo. Nasakit na ang balakang ko.”

“Sige. Ihatid na kita.”

“Naku, h’wag na! Si Kiray na lang ang magsasama sa akin,” tanggi ni Lirah.

“Are you sure?”

“Oo na, Matias. Ako na ang bahala kay Bessy,” ani Kiray.

“Okay. Magpahinga ka na, ha? Susunod ako mamaya.” Hinalikan ni Matias sa noo ang asawa.

“Sige na. Mag-enjoy ka muna. Minsan lang naman ito.”

“Thank you.”

Muling hinalikan ni Matias ang asawa bago ito bumalik sa lamesa ng mga kaibigan. Nagpasama na si Lirah kay Kiray para umakyat sa itaas. Inalalayan pa siya nitong makapagbihis hanggang sa makahiga sa kama.

“Okay ka na ba, bess?”

“Oo, Kiray. Salamat sa pagtulong.”

“Sige. Nag-iwan na rin ako ng tubig sa tabi mo at ilang mga meryenda. Kapag may kailangan ka. Tawagan mo lang ako, ha? Paakyatin ko na rin ang nurse mo para may kasama ka.”

“H’wag na, Kiray. Kaya ko na.”

“Sure ka?”

“Oo na. Sige na. Bumalik ka na roon.”

Ngumiti si Kiray. Hinagod niya ang tiyan ng kaibigan. “Babye, baby boy!” Naglakad na siya pabalik sa venue ng party. Pero bago pa man siya tuluyang makalabas ng mansiyon ay natigilan siya noong makita niya si Liza na papasok ng kusina. May kasunod itong babae na hindi niya nakita ang mukha pero pamilyar ang postura para sa kaniya. “Sino ka ‘yon?” tanong niya sa sarili. Pupuntahan na sana niya ito pero narinig niya bigla ang pagtawag ng kaniyang ina.

“Kiray! Nasaan ka na?”

Muling tiningnan ni Kiray ang kusina. Hindi na niya makita ang dalawa mula sa kaniyang pwesto. Napailing na lamang siya at nagmamadaling lumabas na ng mansiyon. Pero hindi mawala ang kakaibang pakiramdam niya dahil sa kaniyang nakita.

Sino kaya ang kasama ni Liza?


Chapters 36 to 40



Post a Comment

0Comments

Post a Comment (0)

#buttons=(Accept !) #days=(20)

Our website uses cookies to enhance your experience. Check Now
Accept !