Chapter 21
“Tuloy na tuloy na ba talaga ang alis niyo, Hon? You know I can’t go on my day without seeing you,” malungkot na sabi ni Matias.
Napangiti naman si Lirah na kasalukuyang nagtutupi ng kaniyang mga damit. “Hindi naman ako magtatagal, Hon. Siguro mga tatlong araw lang. Tapos uuwi na rin ako. Tsaka, kasama ko naman si Kiray. Wala kang dapat ipag-alala.”
Bumuntonghininga si Matias. Inabot niya ang kamay ni Lirah at hinila ito papalapit sa kaniya. Pagkatapos ay yumakap siya sa baywang nito saka isinubsob ang mukha sa dibdib ng dalaga.
“I know. Pero ang layo kasi ng Italy.”
Marahang hinaplos ni Lirah ang buhok ng asawa. “May importante lang akong dapat asikasuhin doon. Pipilitin kong matapos agad para hindi na namin kailangan pang magtagal ng tatlong araw doon.”
“I’m gonna miss you.” Nag-angat ng ulo si Matias. “Sumama na lang kaya ako sa ‘yo?”
Namilog ang mga mata ni Lirah. “H-Ha? Hindi na! B-Busy ka rito, ‘di ba? Kaya ko na ito.”
“Sigurado ka ba?”
Pinilit na ngumiti ni Lirah kay Matias. Sinapo niya ang mga pisngi nito at hinalikan sa labi. “Yes. Siguradong-sigurado ako. Kaya sige na. Magluluto pa ako ng pagkain mo habang wala ako bago kami umalis.”
“Fine. But let me eat you first.”
“Ha?” Napatili na lamang si Lirah noong bigla siyang hinila ni Matias pahiga sa kama. “Matias!” natatawang sabi niya.
“I love you so much, my sunshine. Bilisan mo roon, ha?”
Tumango-tango si Lirah. “Yes, sir!” Pinisil niya ang ilong nito. Ilang sandali pa ay unti-unting bumaba ang ulo ni Matias at siniil siya ng halik. Ipinikit ni Lirah ang kaniyang mga mata at kumapit sa batok ng asawa.
Matapos mag-ayos ng mga gamit si Lirah ay agad itong dumeretso sa kusina. Habang si Matias ay naghanda naman para sa pagpasok nito sa kompanya. Hindi na rin nagtagal ay bumaba na ito para kumain ng almusal.
“Mag-iingat ka roon, ha? Call me when you’re at the airport already. And in Italy.”
“Opo.” Inabot ni Lirah ang isang bag kay Matias. Laman niyon ang niluto niyang tanghalian ng asawa. “Sige na. Mali-late ka pa sa meeting mo.”
Hinalikan ni Matias si Lirah sa labi at niyakap nang mahigpit. Pagkatapos ay sumakay na ito ng sasakyan. Napahinga naman nang malalim si Lirah habang pinapanood ang sasakyan ng asawa. Pagkatapos niyang makausap si Jenia ay napagdesisyonan niyang pumunta sa Italy. Kung nasaan ito at ang anak ni Matias. Kailangan niyang masiguro na totoo ang sinasabi nito.
Pumasok na siya sa loob ng kanilang bahay at nag-asikaso na. Alas-tress ang usapan nila ni Kiray. Dederetso na sila parehas sa airport at doon na lang magtatagpo. Kaya naman ay kailangan na niyang matapos agad. Muli siyang bumalik sa kanilang kwarto at kinuha ang plastis na nasa ilalim ng kaniyang unan. Maliit lamang iyon na plastic pouch na may lamang buhok ni Matias.
“Sorry, Matias. Pero kailangan ko ‘tong gawin. Kailangan ko munang masiguro na anak mo talaga ang bata bago ko sabihin sa ‘yo.”
~~
Noong matapos ay Lirah ay nagpahatid na siya sa airport. Tinawagan niya muna si Matias na paalis na siya bago pumasok sa loob. Doon ay nakita niya si Kiray na panay ang pag-selfie. Nakasupot na ito nang makapal na jacket.
“Bessy! Salamat sa pagsama sa akin! Excited na ako!” masayang sabi ni Kiray. Yumakap pa ito kay Lirah.
“Ano ka ba? Saglit lang tayo. May kailangan lang akong kumpirmahin doon.” Tiningnan ni Lirah ang kaibigan mula ulo hanggang paa. “At bakit ka naman nakapang-winter?”
“Eh ‘di ba nagi-snow roon?”
“Summer ngayon sa Italy. Hindi mo kailangan ‘yan.”
Napalabi si Kiray. “Ay, gano’n ba? Akala ko makakakita na ako ng white snow! Sayang!”
Napailing na lang si Lirah habang nakangiti. “Hubarin mo na ‘yan. Maiinitan ka lang.”
Naupo na silang dalawa sa waiting chairs. Hinubad si Kiray ang suot na jacket.
“Eh ano nga pala ang pupuntahan natin doon? Talagang tayo pa talaga?”
Biglang naging seryoso ang mukha ni Lirah. Hindi pa kasi niya nasasabi rito ang totoo.
“Ang totoo, Kiray. Nakaharap ko ang dating kasintahan ni Matias.”
“Ano?!” gulat na tanong ni Kiray. Napataas pa ang boses nito kaya nagtinginan sa kanila ang mga tao. Agad naman nitong sinapo ang bibig. “S-Sorry. Nakita mo siya? Nakausap?”
Tumango si Lirah. “Oo. Noong isang araw lang.”
“Oh, ano? Ano sabi niya? Nagkabalikan na ba sila ni Matias? Kaya ba tayo pupunta ngayon sa Italy dahil aawayin natin siya? Sabihin mo lang, Bessy! Handa na ‘tong kamay kong sumabunot sa kaniya!”
Natawa si Lirah sa sinabi ng kaibigan. “Hindi. Maayos kong nakausap si Jenia.”
“Jenia ang pangalan? Ang pangit naman!”
“Ano ka ba?”
“Eh ano ba kasi ang reason niya para bumalik sa buhay niyo? Gusto niyang agawin si Matias sa ‘yo?”
Umiling si Lirah. “Hindi naman sa gano’n. Pero sinabi niya na may anak daw sila ni Matias.”
“May anak si Matias?!” Muling tumaas ang boses ni Kiray.
“Kiray! Ano ba? Pinagtitinginan na tayo!” saway ni Lirah.
Nasapo naman ulit ni Kiray ang bibig. Pilit na ngumiti ito. “Sorry na. Kasi— Haist! Alam ba ni Matias?”
“Hindi. Kaya nga kailangan kong pumunta ngayon sa Italy para malaman ang katotohanan.”
Natigilan si Kiray. Tinitigan niya ang kaibigan. “Teka… Teka lang! H’wag mong sabihin may kakaiba kang binabalak? Kilala kita, Lirah! Asawa mo na si Matias kaya h’wag ka nang mag-iisip pa nang kung ano!”
Nangunot ang noo ni Lirah. “Ano naman ang ibig mong sabihin?”
“Sus! Alam ko kung gaano ka kabait! Iniisip mo bang ibigay si Matias sa mag-ina niya kapag makumpirma mong siya talaga ang tatay no’ng bata?”
Nag-iwas bigla ng tingin si Lirah. Napakapit siya nang mahigpit sa kaniyang handbag.
“Sinasabi ko na nga ba! Lirah, asawa mo na si Matias. Eh ano kung anak niya talaga ‘yon?”
“Pero kailangan siya ng anak niya, Kiray. May sakit daw ang bata. Stage 4 leukemia. Hindi ko naman pwedeng ipagkait sa kaniya si Matias.”
“So, ano? Gano’n lang ‘yon? Igi-give up mo na lang ang asawa mo? Akala ko ba sobrang mahal mo na siya?”
“Oo… Pero…”
“Ay naku! Kung alam ko lang na ganito pala ang gagawin natin, edi sana hindi na ako sumama!”
“Kiray, sige na. Suportahan mo na lang muna ako. Kumpirmahin na lang muna natin, okay? Tapos kung hindi, edi tuloy tayo sa buhay natin. Kapag totoo ang sinasabi ni Jenia. Na anak nga ni Matias ang bata.” Napabuga ng handing si Lirah. “Saka ko na siguro iisipin ‘yan.”
Naiikot ni Kiray ang mga mata. “Basta hindi ako pabor diyan sa gusto mong gawin!”
“Alam ko. Ako rin naman. Kaso hindi ko pwedeng ipagkait sa bata na gusto niyang makita at makasama ang tatay niya. Kung stage 4 na ang sakit nito, sigurado akong malala na iyon. Ipagkakait ko pa ba sa kaniya ang iilang araw na nabubuhay siya?”
“Wala akong problema sa bata. Pero doon sa ex ni Matias? Malaki! Paano kung ginagamit niya lang na excuse ang bata para maagaw ulit si Matias?”
“Hindi naman gano’n ang pakiramdam ko kay Jenia, Kiray. Mukha naman siyang mabait.”
“Haler? Ikaw pa? Eh lahat na lang ata ng tao akala mo mabait sa ‘yo? Hinahayaan mo ngang i-bully ka ng mahaderang ate mo eh!”
“Kiray naman.”
Iwinaksi ni Kiray ang kaniyang kamay. “Oo na! Sorry. Basta, kapag may hindi ginawang maganda ‘yang babaeng ‘yan. Ako mismo ang makakatapat niya!” banta pa ni Kiray.
Napangiti na lamang si Lirah. Tama ang kaniyang desisyon na isama ito sa kaniyang pag-alis. Sana lamang ay mali ang hinala nito at tama ang kaniyang magiging desisyon.
Chapter 22
Habang naglalakad sila Lirah sa hallway palapit sila sa kwarto kung saan naka-confine ang anak ni Matias. Mahigpit ang kapit niya sa braso ni Kiray na kanina pa salubong ang mga kilay. Pagkarating na pagkarating nila sa Italy ay agad na tinawagan ni Lirah si Jenia. Iniwan lang nila ang mga gamit sa hotel na kanilang inupahan at saka nagpunta na agad sa ospital na sinabi ni Jenia.
“Sigurado ka na ba, Bessy? Haharapin mo talaga sila?” hindi pa rin makapaniwalang tanong ni Kiray. Kanina pa nito kinukulit si Lirah na h’wag na lang ituloy ang binabalak.
“Kailangan ko ‘tong gawin, Kiray. Hindi lang para sa akin. Kung totoong anak ni Matias ang bata, kailangan kong malaman.”
“Hay naku! Basta naka-ready lang ako. Kapag sinabi mong sabunutan ko, gagawin ko agad!”
Natawa si Lirah. “Ano ka ba? Hindi tayo aabot sa ganiyan.”
Isa-isang tiningnan ni Lirah ang mga pintong kanilang nadadaanan. May iilang mga nurse at staff silang nasasalubong. May mga nag-uusap din na hindi nila maunawaan. Ilang sandali pa ay nakita na ni Lirah ang kanilang hinahanap.
“Room 203. Ito na ata iyon,” ani niya. Bubuksan na sana ni Lirah ang pinto pero marahan siyang hinila ni Kiray. “Bakit?”
“Best. ‘Pag binuksan mo ‘yan, wala nang atrasan. Ikaw lang ang inaalala ko dahil sigurado akong masasaktan ka rin.”
“Sigurado ako, Kiray. Kaya sige na. Gusto ko na ring magpahinga.”
“Oo na.”
Bumuntonghininga si Lirah. Muli siyang humarap sa pinto at kumatok doon. Pagkatapos ay binuksan na niya ang pinto. Agad niyang nakita ang isang batang nakahiga sa isang kama. Agad na nakaramdam ng pagkahabag si Lirah noong makita niya ang mga kableng nakakabit sa katawan nito.
“Lirah?”
Napatingin si Lirah sa kaniyang gilid. Naroon si Jenia na mukhang kalalabas lang ng banyo. Matipid siyang ngumiti.
“Jenia. Kararating lang namin.”
Nangunot ang noo ni Jenia. “I’m sorry. Hindi mo sinabi na may kasama ka pala?”
“Ah, sorry. Si Kiray. Best friend ko.”
“Bakit? Hindi ba pwede?” mataray na tanong ni Kiray.
“Hindi naman sa gano’n. Hindi ko lang in-expect ito. But it’s okay.” Tiningnan ni Jenia ang anak. “Pasensya na. Nagpapahinga na siya. He tends to sleep pagkakatapos niyang salinan ng dugo.”
Tiningnan ni Lirah ang bata. Agad siyang nakaramdam ng kirot sa dibdib dahil bukod sa nakakaawa talaga ang hitsura nito ay mas lalo niyang nakitang kamukhang-kamukha ito ng kaniyang asawa. Kahit na namumutla ito at payat na. Hindi pa rin maitatago ang pagkakahawig nito kay Matias.
“A-Ano ang pangalan niya?” tanong ni Lirah.
“Mateo.”
Napahugot nang paghinga si Lirah. Dahan-dahan siyang lumapit sa kama ng bata at mas lalo pa itong pinagmasdan.
“K-Kamukhang-kamukha niya si Matias,” nanginginig ang boses na sabi ni Lirah.
“Pero paano tayo nakasisiguro na si Matias nga ang tatay niya?” tanong bigla ni Kiray.
Tumikhim si Jenia. “I’m 100% sure. Noong manganak ako ay pina-DNA test ni Don Manuel ang bata sa kaniya mismo. And it came out positive. You can confirm it with them, Lirah. Kung sa tingin mo ay hindi ako nagsasabi ng totoo.”
Mabilis na umiling si Lirah. “H-Hindi na, Jenia.” Pinunasan niya ang kaniyang mga mata.
“Naniniwala ka sa akin?”
“Hindi ko pa alam.”
“We can do another DNA test if you want.”
“At ano? Para mapeka mo?” sabat ni Kiray.
“Kiray,” tawag ni Lirah sa kaibigan. Nginiwian lamang siya nito.
“Excuse me? Alam ko na biglaan ang pagpapakita ko sa inyo. Pero hindi ko ‘to ginagawa para sa akin. This is all for my son. Ilang buwan na lang ang itatagal niya kaya gusto ko sanang maramdaman niya kahit sa huling panahon niya na buo kami. ‘Yan ang hiling niya sa akin na gusto ko sana ibigay,” naluluhang sabi ni Jenia. “I-I don’t mean to break any relationship. Pero wala akong choice kundi magpakita ulit sa inyo. Sa ‘yo, Lirah.”
Napaluha na rin si Lirah. “P-Pasensya ka na sa kaibigan ko. P-Pero sige, paano kung papayag ako sa gusto mo. Paano mo masisiguro na papayag din si Matias?”
“It’s his son. Papayag siya agad. Sigurado ako.”
Muling nakaramdam nang pagkirot sa kaniyang dibdib si Lirah. Totoo ang sinasabi nito. Gusto na magkaroon ng anak ni Matias. Kaya sigurado siya na hindi magdadalawang-isip ang kaniyang asawa. At isa pa, asawa lang naman siya sa papel.
“A-Ako na ang bahala. Pero pahingi ako ng specimen niya,” ani Lirah.
Namilog ang mga mata ni Kiray. “Lirah? Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Kiray, please.”
“H’wag mong sabihin na pumapayag ka sa gusto niya?”
Tiningnan ni Lirah ang kaibigan. “Hin—”
“Mommy? Who are they?”
Sabay-sabay silang napatingin sa bata na nakahiga pa rin sa kama. Pupungay-pungay pa ang mga mata nito na halatang kagigising pa lamang. Agad itong nilapitan ni Jenia.
“Baby! Are you okay? Is there anything hurting you?”
Umiling ang bata. “Nothing, Mommy.” Tumingin ito kay Lirah. “Who is she, Mommy?”
“Oh, she is Tita Lirah. Mommy’s friend.”
“H-Hi,” matipid na ngumiti si Lirah dito.
“Hello! I’m Mateo. You are my mommy’s friend. Do you also know my daddy?”
Natigilan si Lirah. Nalilitong tiningnan niya si Jenia. “Alam niya ba?” Umiling ito. “Ahm, Y-Yes. Actually, he asked me to check on you.”
“Really? Daddy will finally come here?”
“H-Hindi niya alam ang sitwasyon namin ni Matias,” paliwanag ni Jenia.
Napalunok si Lirah. Parang may kung anong nakabara na sa kaniyang lalamunan dahil sa kaniyang nalalaman. Lalo siyang na awa dahil walang kaide-ideya ang bata sa sitwasyon nila. Sobrang nakakalungkot dahil ganito ang nangyari sa kanila. Ngunit ano pa nga ba ang kaniyang magagawa?
Kagaya nang napag-usapan, binigyan ni Jenia si Lirah ng ilang hibla ng buhok ni Mateo. Sinabihan niya ito na tatawagan na lamang niya kapag nakausap na niya si Matias. Bumalik na silang dalawa sa hotel at wala pa ring tigil si Kiray sa pangungumbinsi kay Lirah na h’wag papayag sa gusto ni Jenia. Hindi naman tumutugon si Lirah dahil hindi pa niya alam kung ano ang kaniyang magiging desisyon.
Kinabukasan ay maagad lumabas ng kanilang hotel room sila Lirah. Naghanap sila ng DNA facility na mabilis lamang ang paglabas ng resulta. Hindi naman sila nahirapan dahil mayroon silang nakita agad. Bente kwatro oras lamang ang kanilang hihintayin at magkakaroon na sila agad ng resulta. Ipinasa na ni Lirah ang mga specimen sa pasilidad para i-test. Pagkatapos ay naglibot-libot muna sila sa syudad.
Sa ilang sandali ay nakalimutan ni Lirah ang bigat na kaniyang nararamdaman. Nagpunta silang dalawa ni Kiray sa mga tourist destination sa bansa. Pilit niyang iwinaksi kahit isang araw lamang na maaring mawala sa kaniya ang asawa. Kasal sila ni Matias, oo. Ngunit hindi naman niya maitatanggi na maaring gusto pa rin nito ang dating kasintahan. Kung hindi lang naman may nangyari sa kanila ay hindi sila magiging totoong mag-asawa.
Nararamdaman naman ni Lirah na totoo si Matias sa mga binibitawan nitong mga salita para sa kaniya. Ngunit ngayon ay hindi na niya sigurado. Isa pa, may anak pa ito sa dating nobya. Ang daming tanong. Ang daming takot ang kaniyang naramdaman. Hanggang sa dumating na ang resulta na kaniyang pinakahihintay.
“P-Positive…” mahinang sabi ni Lirah. Nanginginig na ang kaniyang mga kamay habang nakatitig sa mga numero at letrang nakaimprenta sa papel na hawak. Unti-unting nangilid ang mga luha niya.
“Ano?”
“A-Anak ni Matias si Mateo. M-May anak na si Matias,” garalgal ang boses na sabi ni Lirah.
Chapter 23
“Baka naman nagkakamali lang ‘yan? Ulitin kaya natin?” tanong ni Kiray.
Napasinghot-singhot na si Lirah. Wala na siyang tigil sa pag-iyak mula noong malaman niyang anak talaga ito ni Matias.
“Hindi nagkakamali ang result na ‘yan, Kiray. Anak talaga ni Matias si Mateo.” Muli siyang napahagulhol. “Ano na ang gagawin ko ‘yon? Nakita mo naman ang kalagayan ng bata.”
Umiling si Kiray. Naupo siya sa tabi ng kaibigan at hinawakan ang braso nito. “Wala kang gagawin. Hindi mo sasabihin kay Matias ang katotohanan.”
“Bakit naman? Anak niya ‘yon, Kiray!”
“At ano ang mangyayari sa ‘yo? Nababaliw ka na ba talaga? Gusto mo talaga magpabayani?”
“Hindi naman sa gano’n. Paano kung malaman din ni Matias ang katotohanan? Tapos hindi ko sa kaniya sinabi ang tungkol sa anak niya? Kiray, mas nauna sila sa akin. Nauunawaan ko ang nararamdaman mo. Pero may karapatan sila sa asawa ko.”
Mabilis na umiling si Kiray. “No! Okay. Sige. Sabihin na nating may karapatan ang bata. Pero ‘yong ex niya? Wala, Lirah. Kaya, sige. Sabihin natin kay Matias ang totoo. Pero magbigay ka ng mga kundisyon.”
“Anong kundisyon?”
“Papayag kang makita ni Matias ang bata. Pero h’wag mong hahayaan na siya lang. Palagi kang sasama. Dahil hindi natin alam kung ano ang gagawin ng babaeng ‘yon. Hindi talaga maganda ang pakiramdam ko sa kaniya!”
Bumuntonghininga si Lirah. “S-Sige. Titingnan ko kung ano ang magagawa ko. Basta hindi ko pwedeng itago kay Matias ang totoo.”
Makalipas ang isang araw ay bumyahe na rin pauwi sila Lirah. Hindi pa alam ni Matias na nakauwi na sila dahil dumeretso siya sa bahay ng kaniyang Ninong. Doon ay nakaharap niya si Don Manuel at ang asawa nitong si Senyora Maribel.
“Lirah! My daughter! What a surprise? Napadalaw ka rito?” bati ni Don Manuel kay Lirah.
“Salamat po, Dad. May kailangan lang po akong kompirmahin sa inyo.”
“Mukhang importante ‘yan,” sabat ni Senyora Maribel. “Doon na kayo mag-usap sa garden. Magpapahanda ako ng kape para sa inyong dalawa.”
“Maraming salamat po, Mom.”
Iginiya na siya ni Don Manuel papunta sa garden ng mga Gomez. Doon ay naupo sila sa harap ng pabilog na lamesa. Hindi rin nagtagal ay dumating na ang kape nilang dalawa.
“Saan ka galing, Hija? Mukhang may pinuntahan ka.”
Napalunok si Lirah. Hindi niya alam kung bakit pakiramdam niya ay alam na agad ni Don Manuel kung saan siya galing.
“Sa Italy po, Dad.”
“Italy? Ano naman ang ginawa mo roon?”
Humigpit ang hawak ni Lirah sa sling ng handbag niya. “Para kumpirmahin kung may anak nga si Matias,” deretsong sabi niya. Hindi niya inalis ang tingin sa matanda habang sinasabi niya iyon. At tama ang kaniyang hinala. Nagulat si Don Manuel sa kaniyang sinabi at nanlalaki ang mga matang tinitigan siya.
“Ano’ng sabi mo? Anak ni Matias?”
“N-Nakaharap ko po si Jenia, Dad. Bakit niyo ginawa ‘yon? Bakit niyo tinago kay Matias ang totoo?”
Naikuyom ni Don Manuel ang kaniyang mga palad. “Bakit hindi agad sinabi sa akin? Kailan mo pa siya nakausap?”
“Dad, please.”
“Hindi ka dapat nangialam pa, Lirah!”
Napanganga si Lirah noong biglang nagtaas ng boses si Don Manuel. “B-Bakit po kayo nagagalit, Dad? Sige, mali na po ang ginawa ko. Pero mas mali na itinago niyo nang matagal kay Matias ang katotohanan.”
“Hindi mo alam ang sinasabi mo, Lirah. Mukhang pera ang babaeng iyon! Kaya nga gumawa na ako nang paraan para mawala siya sa buhay ng anak ko!”
“May anak sila, Dad! Karapatan ni Matias na malaman ang tungkol sa anak niya!”
“What did you say?”
Sabay silang napatingin sa gilid noong biglang may nagsalita. Nanlaki ang mga mat ani Lirah noong makita si Matias na nakatayo sa likuran ng ama nito. Agad siyang napatayo.
“M-Matias… Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ni Lirah.
Lumapit si Matias kay Lirah. “What did you just say?”
“It’s nothing, Matias. H’wag mo nang pansinin ang sinasabi ng asawa mo.”
“No!” Nagtaas na ng boses si Matias. Tiningnan niya ang ama. “Ano na namang ginawa mo, Dad? Is this about Jenia?”
“She’s gone, Matias! Matagal na kayong tapos, ‘di ba? Iniwan ka na niya!”
Tumingin si Matias kay Lirah. Agad naman nag-iwas ng tingin ang dalaga noong magkasalubok sila ng nanlilisik na mga mata ng asawa. Pakiramdam niya ay mas lalo lang nadagdagan ang bigat na kaniyang nararamdaman ngayon na nakita niyang tila ba ay nasasaktan ang kaniyang asawa.
“Lirah? Ano ang ginawa mo sa Italy?”
“M-Matias—”
“Answer me!”
Napaluha na si Lirah. “N-Nakipagkita ako kay J-Jenia. Kinumpirma ko kung totoong may anak kayo, Matias. Sorry, Hon kung hindi ko sinabi sa ‘yo. Kailangan ko muna malaman ang totoo—”
“No.” Umiling-iling si Matias. “H-How could you...?”
“M-Matias, please. Hindi ko rin alam—”
“Stop!” galit na sabi ni Matias. Tumingin siya sa ama. “You told me she left me. What really happened five years ago, Dad?”
“Importante pa ba ‘yon, Matias? Kasal ka na—”
“Yes! Napaka importante no’n sa akin. Because all my life you tried to control me, Dad! At iyong nag-iisang babae na lang sana nagpaparamdam sa akin maging ako ay inalis mo pa sa akin! Tapos buntis pala siya?”
“She’s good for nothing, Matias! Mula noong maging girlfriend mo ang babaeng ‘yon ay naging matigas na ang ulo mo! Sa tingin mo hahayaan kitang maging karelasyon ‘yon? Hindi!”
“See? May ginawa ka nga talaga. It’s okay. I will know the truth!”
Tumalikod na si Matias at naglakad papalayo sa kanila.
“I told you, Lirah. Hindi mo na dapat pinakialaman pa ang tungkol sa babaeng ‘yon! Ngayon, hindi na natin mapipigilan ang asawa mo!”
Hindi na sumagot pa si Lirah. Dali-dali siyang tumayo at hinabol ang asawa. Na abutan niya itong papasakay na sa kotse nito.
“Matias, wait!”
Hinawakan ni Lirah ang braso ng asawa, ngunit mabilis lang nito iyong iwinaksi. Huminga nang malalim si Matias at unti-unting nilingon ang asawa.
“I am disappointed, Lirah. How could you do this to me?”
“Pakinggan mo naman muna ako, oh. Hindi ko alam!”
“Bakit hindi agad sinabi sa akin na nakipagkita sa ‘yo si Jenia?”
Natigilan si Lirah. Kitang-kita niya ang sakit sa mga mata ng asawa. “I-Ito… Ito ang dahilan. Natakot ako, Matias. M-Mahal na mahal—”
“You’re just like him. Parehas lang kayo na gusto akong kontrolin.”
Agad na sumakay si Matias sa kotse at pinaandar iyon palayo. Naiwan si Lirah na humahagulhol habang pinapanood ang papalayong kotse ng asawa.
Chapter 24
“The number you have dialed is currently unavailable. Please send your message after the tone.”
Napasinghap si Lirah noong marinig ulit ang automated message mula sa kabilang linya. Kanina pa niya tinatawagan si Matias ngunit hindi ito sumasagot. Wala rin ito sa bahay nila noong makauwi siya.
“Nasaan ka na, Matias? Sagutin mo naman ang tawag ko,” umiiyak na sabi niya. Sinubukan na rin niyang tumawag sa opisina nito ngunit wala rin ito roon. Hindi na niya alam kung saan ba hahanapin ang asawa.
Nagkataon pala na pinapunta si Matias ng daddy nito sa kanila noong araw na iyon. Kaya aksidenteng nagkasabay silang mag-asawa sa pagpunta sa mansion at narinig nito ang pag-uusap nila ng byenan. Kanina pa siya hindi mapakali at labis na nagsisisi dahil sa nangyari. Iniisip niya kung sinabi na lang niya ang totoo ay hindi na sana magagalit nang ganito si Matias. Ngunit ano nga ba ang magagawa niya? Nangyari na ang nangyari.
Maayos na sana ang kaniyang plano. Pagkatapos niyang kausapin ang byenan ay agad niyang kakausapin si Matias tungkol sa anak nito. Ngunit mukhang minasama pa ito ng kaniyang asawa.
“Kalma ka lang, Lirah. Hintayin natin siya. Magpapaliwanag tayo,” naluluhang sabi niya. Muli niyang sinubukang tawagan si Matias ngunit hindi pa rin ito sumagot.
~~~
“Fuck! Fuck! Fuck!” sigaw ni Matias habang hinahampas ang lamesa. Nabasag na ang baso ng alak na kaniyang iniinuman. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nalaman.
“Matias! What happened?” Dali-daling lumapit si Nico kay Matias at hinawakan ang kamay nito. “Ano ba ang nangyari?” nagtatakang tanong nito. Kanina pa siya tinawagan ng kaibigan at ngayon lamang nakalabas dahil mayroon siyang surgery operation kanina. Hindi naman niya magawang iwan agad ang kaniyang pasyente dahil kritikal ang lagay nito. “It’s bleeding. Get me your first aid kit,” ani niya sa bartender na nasa harapan nila.
“I’m right, Nico. I am right after all!” galit pa rin na sabi ni Matias. Base sa hitsura nito ay halata nang nalalasing na ito. Namumula na ang mga pisngi at nanlilisik ang mga mata. Lalo tuloy nakaramdam nang pag-aalala si Nico.
“Ano ba ang nangyari? Ang aga pa ay narito na tayo. And nandito ulit tayo.” Magmula kasi noong ikasal si Matias ay hindi na nakapunta pa silang dalawa sa paborito nilang club. Kaya naman ay labis ang pagtataka ni Nico sa kaibigan.
“Jenina.”
“Your ex?”
“Yes, Nico!”
“What about her? Akala ko ba matagal ka na niyang iniwan?”
“No! I’m wrong. Hindi niya ako iniwan. She didn’t have a choice because my father made her leave me!”
“Oh.” Napatango-tango si Nico. Dumating na ang bartender na may dalang first aid kit. Agad na inasikaso ni Nico ang sugatang kamao ng kaibigan.
“Kahit kailan ay hindi na talaga niya ako pinatahimik. Ano pa ba ang gusto nila? Sinunod ko naman siya, ah? I become the man I didn’t want because of him! Tapos iyong ikaliligaya ko pa ay inilayo niya sa akin?”
“What’s the point? You are married now, remember?”
Natigilan si Matias. Napapikit siya ng mariin. Itinukod niya ang isang siko sa lamesa at pinatong ang noo sa nakaikom na kamao. Doon ay nangilid na ang kaniyang mga luha.
“J-Jenia… she got pregnant. She was pregnant when she left me.”
“What? You already have a son?! Or… is it a daughter?”
“I don’t know, Nico. What’s important is I have a child now. At wala manlang akong alam tungkol doon!”
Bumuntonghininga si Nico. “Fine. You have a child now. Alam na ba ito ng asawa mo?”
“Yes. Nahuli ko siyang kausap si Dad. At parehas lang sila, Nico. She hid it to me. Iniisip niya ata na dahil sa asawa ko siya ay may karapatan na siyang itago sa akin ang katotohanan.”
“Are you sure about that? Kinausap mo manlang ba ang asawa mo tungkol diyan?” Nilagyan na ng bondage ni Nico ang kamay ni Matias at binitawan iyon. “Done.”
Muling natigilan si Matias. Sandali siyang napaisip. “I… haven’t.”
“What if mali ka pala ng akala? You always act without thinking, Matias. I know you.”
“It’s not important anymore, Nico. The point is she hid it to me too. Just like my dad! Gusto niya rin akong kontrolin!”
“So, what is your plan now? Go to Jenia and be with her again? Akala ko ba mahal mo na si Lirah? Palagi mo pa ngang ipinagmamalaki sa akin eh.” Hindi nakasagot si Matias. “I know how much you love Jenia back then. But I saw how you came back to your life when Lirah came. I hope you won’t make any wrong decisions, Matias.”
Muling nagsalin si Matias ng alak sa panibagong baso na ibinigay sa kaniya ng bartender. Hindi na sumagot si Matias at ininom ang alak na nasa kaniyang harapan.
~~~
Biglang nagising si Lirah noong marinig niyang nagbukas ang pinto ng kanilang bahay. Agad siyang tumayo at sinalubong si Matias. Buhat-buhat ito ng driver nito dahil hindi na ito makalakas sa sobrang kalasingan.
“Diyos ko, Matias…” naluluhang sabi ni Lirah. “P-Paki dala po siya sa kwarto namin.”
Agad na naghanda si Lirah ang malamig na tubig at dinala iyon sa kanilang silid. Noong maayos nang nakahiga ang asawa ay pinauwi na niya ang driver nito. Saka niya inasikaso ang asawa na panay pa rin ang pag-ungol dahil sa sobrang kalasingan. Isa-isa niyang hinubad ang kasuotan nito habang lumuluha.
“S-Sorry, Matias. Hindi ko naman sinasadyang hindi sabihin sa ‘yo eh.”
Pinunasan na niya ang leeg nito gamit ang basang towel. Pababa papunta sa dibdib nito.
“S-Sorry kung natakot akong sabihin sa ‘yo ang totoo. Natakot akong harapin kung ano ang magiging reaksiyon mo.” Napahinga nang malalim si Lirah. “At tama nga ako, nagalit ka. S-Siguro… mahal na mahal mo siya, ‘no? Napaka swerte naman niya.” Sandali siyang tumigil at tinitigan ang mukha ng asawa. “Kapag ba hinayaan kita sa kanila, hindi ka na magagalit sa akin? Pero… iiwanan mo na rin ba ako?”
Napahagulhol na si Lirah. Ni sa hinagap ay hindi niya inakala na aabot silang dalawa sa puntong ito. Noong sinabi ni Matias na pananagutan siya nito ay nag-alinlangan pa siya. Sabi nito ay hindi nito iyon sinasabi dahil lang sa may nangyari sa kanila kundi dahil din sa talagang gusto nito na mag-work out ang kanilang pagsasama. Inalis ni Lirah ang takot na nararamdaman at hinayaan si Matias. Unti-unti ay nakita niya kung anong klaseng tao ito. Nakita niya na marunong pala itong magmahal. Nakita at nalaman niya ang mga bagay tungkol kay Matias na hindi nito ipinapakita sa iba.
“P-Pero ano nga ba ang magagawa ko? Kahit kailan naman ay hindi ka naging akin. Ako lang naman ang ikinasal sa ‘yo na hindi mo naman talaga minahal. Walang-wala ako sa babaeng tunay mong minamahal at nanay ng iyong anak.”
Chapter 25
Masakit ang ulo na unti-unting iminulat ni Matias ang mga mata. Wala na si Lirah sa kaniyang tabi ngunit hindi niya ito inalala. Nahihilo pa siya kaya minabuti niyang matulog pa ulit ng ilang minuto pa. Noong makabawi na siya ay tumayo na siya upang maligo. Wala pa ring Lirah na tumatawag sa kaniya. Sa tuwing ganitong oras ay pumapanhik na ito sa kanilang silid para paalalahanan siya ng oras. Ngunit wala ito.
Noong matapos na si Matias maligo ay nagbihis na rin siya. Nakahanda na rin iyon kaya hindi na siya nahirapan pa. Gano’n palagi si Lirah tuwing bago siya pumasok sa trabaho niya. Kahit busy na rin ito sa negosyo itinatayo nito ay hindi nito nakakalimutang asikasuhin siya. Ngunit sa araw na ito ay walang balak si Matias na pumasok sa kanilang kompanya kahit sinuot niya ang hinandang damit nito sa kaniya.
Pagkatapos ay bumaba na si Matias. Dederetso na sana siya sa labas ngunit napansin niyang wala rin sa sana si Lirah. Pumunta siya sa kusina at nakita ang pagkain na nakahanda sa lamesa. Napabuga siya ng hangin noong makita ang pagkain na sigurado siyang hinanda ng kaniyang asawa. Ngunit wala siyang gana kaya ininom na lamang niya ang kape na malamig na.
Paalis na sana siya noong mapansin naman niya ang isang brown envelope na nakapatong din sa lamesa. Nangunot ang kaniyang noo noong mabasa ang nakasulat doon.
“Sorry,” ani Matias. Bumuntonghinga siya at naupo sa upuan. Binuksan niya ang envelope at inilabas ang dokumento na nasa loob. Una niyang nakita ang isang sulat mula kay Lirah. Hindi niya iyon binasa at agad na inilipat sa ibang mga papel. “It’s true…”
Napapikit nang mariin si Matias. Hawak-hawak niya ang DNA test result at larawan ng kaniyang anak. Unti-unti nang nangilid ang mga luha niya habang pinagmamasdan iyon.
“They kept you away from me. Hindi na ako papayag na malayo ka pa sa akin ulit.”
Muling ibinalik ni Matias ang mga papel sa envelope at nagpunta sa kwarto. Ipinasok niya iyon sa maleta nang hindi manlang binabasa ang sulat ni Lirah.
Two months later.
“Lirah! Kumain na tayo!” tawag ni Myrna sa alaga. Kanina pa kasi ito sa taniman at hindi pa ito umaalis doon. Sinabihan na niyang h’wag na itong tumulong sa mga nagtatanim ngunit hindi naman nakikinig.
“Sandali lang, ‘Nay! Matatapos na po ako!” tugon ni Lirah. Pinunasan niya ang pawis at mukhang nagtanim.
Dalawang buwan na ang nakalipas mula noong nalaman niya ang totoo tungkol sa anak ng kaniyang asawa. Dalawang buwan na ring hindi nakikita ni Lirah si Matias. Ang huli niyang balita ay lumipad ito papuntang Italy. Ni hindi manlang ito nagpaalam kay Lirah ngunit hindi na iyon inisip pa ng dalaga. Ang importante sa kaniya ngayon ay masaya ang kaniyang asawa. Ngunit sa kaniyang kaloob-looban ay umaasa siyang babalik ito. Kaya kahit na wala ito ay pinagpatuloy niya ang negosyon inumpisahan nito para sa kaniya.
“Darating nga rin pala ang Papa at Mama mo. Dito sila maghahapunan para tingnan ang negosyo mo.”
Napatigil sa pagsundot ng lupa si Lirah. Tumingin siya kay Myrna. “Talaga po? Wala siyang sinabi.”
“Kanina pa nga raw tumatawag sa ‘yo pero hindi ka sumasagot. Kaya tumawag na sa mansyon.”
Napangiwi si Lirah. “Salamat, ‘Nay!” nakangiting sabi niya.
Napabuga ng hangin si Myrna. Alam niya na kahit na nakangiti sa kaniya ang alaga ay hindi ito masaya. Kitang-kita sa mga mata nito ang lungkot. “Makapaghanda na nga ng tanghalian.”
Pagkatapos ni Lirah magtanim ay nagpahinga siya saglit. Pakiramdam niya ay nasunog ang kaniyang balat dahil sa araw. Ngunit hindi niya iyon ininda dahil sanay na siya roon. Medyo nanibago lang siya dahil ngayon lang niya ulit ginawa iyon.
“Maliligo muna ako, ‘Nay,” paalam ni Lirah kay Myra.
“Sige, anak. Bilisan mo na, ha? Para kumain na tayo. Ako ay nagugutom na.”
Napangiti si Lirah. “Opo.”
Dali-dali na siyang pumasok sa mansyon at pumanhik sa kaniyang silid. Pagkasara niya ng pinto ay agad na nangilid ang mga luha niya at nakaramdam ng kung anong mabigat sa kaniyang dibdib. Kanina pa niya pinipigilan ang sarili na h’wag umiyak. Muli niya kasing na alala si Matias. Ni hindi manlang tumatawag sa kaniya ang binata o nagbibigay ng kahit na anong mensahe. Nahihiya naman siyang tawagan si Jenia dahil pakiramdam niya ay lalo siyang nanliliit sa sarili. Ilang linggo na siyang naghihintay sa tawag ng asawa. Sa tuwing may dumadating na kotse ay umaasa siyang ito ang bababa at susunduin na siya. Ngunit palagi lang siya nabibigo dahil walang Matias na dumadating. Kahit kapag siya ay umuuwi sa kanila ay wala rin ito. Kung ano ang hitsura ng bahay nila noong umalis siya ay gano’n pa rin. Nasira na nga lang ang pagkain na hinanda niya noong umaga dahil hindi pala nito iyon ginalaw.
Umaasa pa rin siya kahit na alam niyang talong-talo na siya. Dahil kahit papaano ay naramdaman niyang minahal siya ni Matias. Ngunit hindi niya alam kung hanggang kailan siya maghihintay at aasa sa pagbabalik nito. Durog na durog na siya.
Pinilit na niyang pumunta sa banyo at doon binuksan ang shower. Dahan-dahan siyang napaupo sa sahig at hindi manlan inabala ang sarili na maghubad muna bago magbasa ng katawan. Doon ay binuhos niya ang lahat ng sakit na kaniyang nararamdaman.
Pagkatapos ni Lirah maligo ay pinakalma muna niya ang sarili. Halata sa mga mata niya na umiyak na naman siya ngunit hindi niya alam kung paano iyon itatago. Nagpolbo na lamang siya at pinilit ang sarili na ngumiti. Noong pakiramdam niya ay maayos na siya ay bumaba na siya. Sigurado kasi siyang tatawagin na naman siya ng kaniyang Nanay Myrna.
“Mabuti naman at bumaba ka na,” ani Myrna. “Halina’t maupo ka na. Nilito ko ang paborito mong adobong manok. Sinarapan ko ‘yan para sa ‘yo,” magiliw na sabi niya. Magmula noong umuwi si Lirah sa kanila ay mas naging doble ang pag-aalaga niya rito. Iniisip niya na kahit doon manlang ay maging masaya ang kaniyang alaga.
“Salamat, ‘Nay. Nasaan po pala si Kiray? Bakit parang kaninang umaga ko pa siya hindi nakikita?”
“Hay, naku! Andoon sa bayan at makikipagkita raw sa nobyong kano. Pinapagalitan ko nga dahil hindi pa rin pinapakilala sa akin.”
“Ho? Ibig sabihin naging nobyo niya talaga ‘yong nakilala niya sa Palawan?”
“Oo, Hija. Ewan ko ba riyan sa kaibigan mo. Ang tigas-tigas ng ulo!”
Napangiti si Lirah. “Hayaan mo na, ‘Nay. Baka naman talagang nagustuhan ni Kiray ang tao.”
“Wala namang problema sa akin. Kaso hindi ko pa nga nakikilala. Hindi maganda sa isang babae ang makipagkita sa isang lalake sa labas ng bahay nila!”
“Sige na, ‘Nay. Pagsasabihan ko ‘yan mamaya.”
“Hay, salamat, Hija. Sa ‘yo lang nakikinig ‘yon. Hindi ko alam ang gagawin ko kung wala ka.”
Natawa si Lirah. “Hindi naman po ako aalis.” Kinuha na niya ang kutsara at sumubo ng ulam na niluto ni Myrna. Ngunit hindi pa man niya nalulunok ay bigla na lamang siyang naduwal.
“Ayos ka lang, Hija?”
Nasapo ni Lirah ang bibig at agad na binitawan ang kutsara. Sasagot sana siya kay Myrna ngunit muli siyang naramdam nang pagbaliktad ng sikmura. Dali-dali na siyang tumayo mula sa upuan at patakbong pumunta sa kusina para sumuka.

