Views

Sinuportahan ko ang buong angkan ko, pero ito ang ipinalit nila...

Ameiry Savar
0

 





Sinuportahan ko ang buong angkan ko, pero noong ako na ang nangangailangan ay…


Ako si Jasmine, Ms. Author. 20 pa lang ako noong mapadpad ako rito sa abroad para magtrabaho bilang isang DH. 


Batang-bata pa at walang ideya sa bagong mundong tatahakin. Pero lahat ay tiniis ko dahil nga mayroon akong pangarap. At gusto kong makatuong sa pamilya ko. 


Magmula nga noon ay sinuportahan ko na sila. 


Nakakapagbigay na ako ng paggastos nila Mama sa bahay. Pambayad ng bills at pagkain. Nabibilhan ko na si Bunso ng paborito niyang  gadget. Natutulungan si Kuya na gawin ang gusto niya, at nabibigyan si Papa ng panglibang niya. 


Maging ang mga kamag-anak ko ay nagagawa ko na rin suportahan. Nakapagbigay ako pang allowance ni Pinsan. Naipagamot si Uncle. Natulungan magbayad ng utang si Auntie. 


Lahat ng iyon ay ginawa ko ng bukal sa loob ko. Kahit na minsan ay barya na lang natitira sa akin. 


Pero sa kasamaang palad ay bigla na lang may unexpected na nangyari sa akin. 


Habang tahimik akong nagkukuskos ng sahig ng CR ng amo ko ay bigla akong nakaramdam ng hilo at nawalan ng malay. Noong magising ako ay nasa ospital na ako. Sinugod na pala ako nila Madam sa ospital. 


Doon ay nalaman ko ang isang masakit na katotohanan. Mayroon akong sakit na ovarian cysts. At kapag hindi ko iyon mapagamot agad ay maaring maging cancer at tuluyan akong hindi magkaroon ng sariling anak. 


Nanlumo ako agad. Kasi in-advice-an ako ng doctor na h’wag muna magtrabaho at magpahinga. Kaya ang naging desisyon ng mga amo ko ay umuwi muna ako ng Pinas para magpapagamot. 


Wala akong ipon. Sa loob ng anim na taon na pagtatrabaho ko rito sa Dubai ay pinapadala ko ang lahat ng sweldo ko kila Mama. 


Walang natitira sa akin. 


Mabait pa rin naman ang mga amo ko. Kasi binigay pa rin ang sweldo ko noong buwan na iyon kahit kakasweldo ko pa lang. Tapos dinoble pa nila para daw makatulong sa pagpapa-ospital ko. Sila na rin ang sumagot para sa ticket ko pauwi. 


Hindi ko sinabihan sila Mama. Hindi ko kasi alam kung ano ang magiging reaksyon nila kapag makita nila akong umuwi. Hindi pa kasi tapos si Bunso sa college. Tapos nagpapagawa pa ako ng bahay. Kakatapos ko lang kasi ipagawa ang bahay namin, nila Mama. Tapos ako  naman ay may biniling lote at pinapatayuan iyon ng bahay. 


Kaya naman ay kinontyaba ko ang best friend ko. Si Faye. Siya ang sumundo sa akin. 


Pagkakita pa lang niya sa akin sa airport ay mangiyak-ngiyak na ito. Sinabi ko na kasi sa kaniya na may sakit ako. 


“H’wag kang mag-alala, Bess. Magiging maayos din ang lahat," ani Faye. 


Matipid akong ngumiti kahit na kumikirot na naman ang puson ko. Matapos kasi akong maospital ay parang na activate bigla ang mga sintomas ko at unti-unti ko na iyong nararamdaman. 


"Pero, Bess. Alam ko na mahal na mahal mo ang pamilya mo. At alam mo na palagi akong nagbibigay sa ‘yo ng balita rito. Sana ay h’wag kang magulat,” habilin nito. Na para bang may malalaman akong ikagugulat ko. 


Oo nga pala. Si Faye din ay maraming mga sumbong sa akin. Naniniwala naman ako sa kaibigan ko. Pero sa tuwing kokomprontahin ko sila Mama ay may bwelta agad ang mga ito at naglalabas ng ebidensya. 


Syempre ako, para wala ng ingay. Nananahimik na lang. 


"Ano ka ba? May tiwala ako kila Mama,” iyon lang ang naging tugon ko. 


Hindi na lang umimik si Faye. Tinulungan niya akong makasakay sa kotse na binook niya papunta sa apartment niya. 


Mag-isa lang kasi si Faye sa bahay niya. At in-advice niya na iwan muna namin ang mga gamit ko sa bahay niya bago kami dumeretso sa amin. 


Hinayaan ko na lang kasi ayaw ko naman na isipin niyang wala akong tiwala sa kaniya. Iniwan lang namin doon ang dalawang malalaki kong maleta at isang balik-bayan box. 


Binigyan na ako ng babala ni Faye, pero wala pa ring nakapaghanda sa akin sa aking maabutan sa bahay. 


Malayo pa lang kami sa bahay ay nagtataka na ako. Wala kasing pinagbago iyong bahay na akala ko ay naipaayos ko na. 


“Hindi ba pinaayos ko na ito?” tanong ko sa sarili. 


Halos umabot ng 300k ang nagastos ko sa pagpapaayos lang niyon. May mga resibo ako. Pero kahit nga ang bubong namin ay wala pa ring pinagbago. 


Bumungtonhininga si Faye. 


“Oo. Pero hindi ito, Jasmine.” 


Nanlumo ako bigla at parang biglang nanghina. 


“P-Pero… may sini-send na mga pictures sila Mama. Imposibleng edited iyon.” 


“Kasi bahay ni Kuya mo ang ginagawa nila. Para sa pamilya niya." 


Hindi ko alam kung matatawa ba ako o maiinis sa sinabi niya. Parang dinudurog ang puso ko dahil doon. 


Kahit nanghihina ay nagmamadali akong bumaba ng kotse at pumasok sa amin. At doon ko nakita ang mga taong akala ko ay mapagkakatiwalaan ko. 


Si Mama, nakaupo sa kahoy na sofa habang nanonood ng TV. Imbes na naroon ito sa bigasang negosyo na inihingi niya sa akin noon. Si bunso na dapat ay nasa school, kaharap ang computer at naglalaro ng games. Si Papa? Tanaw ko sa may bintana na hinagod ang mga manok nito. Si kuya lang ang wala. Dahil siguro ay naroon ito sa bahay niya. 


Biglang napatayo si Mama noong makita ako. Iyong parang batang nahuli bigla sa pagsisinungaling niya. 


“B-Beng? Ano’ng ginagawa mo rito?” gulat na tanong niya sa akin. Na para bang wala akong karapatan na umuwi. “Daniel! Richard! Nandito si Beng!” sigaw ni Mama. 


Sandaling napatingin sa akin si Richard na busy pa rin sa paglalaro. Pero tuluyan itong napatigil at napatayo noong makita ako. 


“A-Ate Beng! Andito ka na!” 


Si Papa naman na nasa likod ng bahay ay napatingin din sa amin. 


“Beng? Uy! Nandito na ang anak ko!” 


At least si Papa ay kita ko na genuine na masaya na nakita ako. 


“Ano’ng ibig sabihin nito, Ma? Bakit ganito pa rin ang bahay?” tanong ko. 


Tumingin ako kay Richard. 


“At ikaw? Hindi ba dapat nasa school ka? Ano’ng ginagawa ko rito sa bahay?” 


Biglang naging malikot ang mga mata nila Mama at hindi makatingin sa akin. Napakamot pa ito sa tainga. 


“Eh… kasi, Beng… Inuna kasi namin ipaayos ang bahay ni Kuya mo. Okay lang naman. Matibay pa naman ang bahay,” mahinang sabi ni Mama. “Kawawa naman kasi ang kuya mo. Wala silang matitirahan.” 


Napaawang ang bibig ko. 


“Problema ko ba dapat ‘yon? Hindi ba dapat ay siya ang nagpupursigi na magkaroon sila ng bahay?” 


Biglang nagbago ang hitsura ni Mama. Naging masama ang tingin niya sa akin. 


“Teka lang, Beng. Hindi ko gusto ang tono ng pananalita mo, ha?! Hindi dahil galing ka sa abroad ay magmamataas ka na sa amin!” 


“Hindi naman sa gano’n, Ma. Nagpakapagod ako sa ibang bansa para lang mabigyan kayo ng maayos na buhay. Tapos ano ito?!” 


“Hoy! Tumigil ka na, Beng! Hindi ko gusto ‘yang pananalita mo kay Mama mo!” saway ni Papa. 


Tuluyan akong napaiyak. Iyong mga taong pinagkatiwalaan ko ay nagawa akong lokohin. Ibinigay ko sa kanila ang lahat. Walang natira sa akin. Tapos ito lang pala ang ginagawa nila sa akin? 


Hindi ko na sila kinompronta pa. Umalis din ako agad kasama si Faye at bumalik sa kanila. 


Doon ay sinabi sa akin lahat ng kaibigan ko ang katotohanan. Nalulong pala sa sugal ang kuya ko at doon halos lahat napunta lahat ng mga pinapadala ko sa kanila. 


Sa katunayan ay kahit ang mismong bahay namin ay nakasangla na. Kaya pala nanghihingi sa akin pandagdag daw sa pinapaayos kong bahay. 


Mabuti na lang at si Faye ang nag-asikaso noong papel sa binibili kong lupa. Kaya kahit papaano ay may nabili pa rin ako. Pero ganoon pa rin, dahil ang tinayong bahay daw ni Kuya ay doon tinayo. Nabinibenta na rin pala nila Mama dahil nga kinukulang na sila ng pera ulit. 


Iyong pinagawa kong negosyo? Wala pa raw dalawang buwan na nalugi na. Na-scam daw kasi si Mama dahil sa sinalihan nitong grupo. E nakapangutang daw ng malaki para lang makapagbigay doon. Kaya doon lang napunta lahat ng kita ng negosyo. 


At si Richard? Matagal na raw nag-drop sa college dahil nalulong din sa computer games. Si Papa naman ay ganoon din. Halos araw-araw daw itong nagpapainom sa mga kumpare niya matapos makipagsabong. 


Lahat sila ay pinagtulungan akong lokohin. Pinirehan lang nila ako. Inubos ako. 


Kaya bago pa man mawala ang nag-iisang bagay na naipundar ko sa pinaghirapan ko sa abroad ay gumawa na ako ng paraan. 


Nagpasama ako kay Faye. Nagsama din kami ng baranggay tanod at sumugod kila Kuya. Natawa na lang ako sa inis noong makita kong gawa lang pala sa kahoy iyong bahay. 


Iyon na talaga lahat ng iyon? E halos umabot na ata ng million ang nakuha nila sa akin para lang sa pagpapagawa at paayos ng bahay? 


Gawa lang iyon sa playwood. Na parang isang ihip lang ng hangin ay matitibag na. 


Sa tulong ng mga tanod ay pinalayas ko sila kuya sa lupa ko. Halos magwala pa si Kuya dahil kini-claim na nito na kaniya raw iyon. Edi sinampal ko iyong xerox copy ng mga papeles ko sa kaniya. Pagkatapos ay pinagiba ko iyong bahay. 


Galit na galit sila Mama sa akin dahil sa ginawa ko. Pero hindi ko na sila hinayaan na bigyan pa ako ng rason para magalit sa kanila. 


Masakit. Pero ito na ang nangyari. Ni hindi nga nila ako tinanong kung okay lang ba ako. Sinubukan ko pa ngang sabihin sa kanila na may sakit ako. Binibigyan ko pa sana sila ng chance. Kaso wala, tinawanan pa nila ako at nag-iinarte lang daw ako. Na gumagawa lang daw ako ng paraan na hindi makapagbigay sa kanila. 


Tuluyan ko nang pinutol ang koneksyon ko sa sarili kong pamilya. 


Sa tulong ni Faye ay binente ko ulit ang nabili kong lupa. Tapos lumipat ako ng ibang bayan. 


Malayo sa pamilya ko. Malayo sa mga taong sumira ng tiwala at ng buhay ko. 


Napakasakit na kung sino pa ang kadugo ko ay sila pa ang gagawa no’n sa akin. 


Hindi ako pinabayaan ni Faye. Wala akong ideya na iyong inutang niya palang pera sa akin noon ay in-invest niya sa stocks. Kaya noong chineck niya ulit iyon ay umabot na pala iyon sa milyon. 


Malaki ang pasasalamat ko sa kaibigan ko. Dahil sa kaniya ay nakabawi ako ulit sa buhay. Nakapagpaopera ako sa sakit ko. At awa ng Diyos ay hindi iyon naging cancer. 


Unti-unti akong naging healthy ulit. Binalik ko ang dati kong sarili gamit ang natira kong pera. 


Noong tuluyan akong gumaling ay muli akong nag-apply sa abroad. Ayaw nga sana ni Faye kasi may pera naman daw ako. Pagtulungan na lang daw namin iyong palaguin sa negosyo. 


Pero alam ko na habang narito pa rin ako sa Pinas ay hindi ako matitigilan ng pamilya ko. Magagawa pa rin nila akong lapitan. 


Kaya parehas naman ay sumama na lang din sa akin si Faye. Dahil sa pera na in-invest niya ay nagawa naming mag-migrate sa Canada. 


Doon ay naghanap kami ng trabaho at nag-umpisang muli sa buhay. 


Sa ngayon ay parehas na kaming may pamilya ni Faye. Parehas na may mga anak at asawang mahal na mahal kami. 


Ang pamilya ko? Mas pinili kong hindi na makatanggap ng balita sa kanila. 


Kahit na nakakatanggap ako ng mga messages mula sa dummy accounts. Pero binubura ko rin iyon agad. 


Masakit dahil pamilya ko pa rin sila. Pero kung hindi naman pamilya ang tingin nila sa akin ay ano pa ang magagawa ko? 


Kung kailan kailangan ko na tuloy sila at mga naipundar ko ay wala na. Dahil sila pa mismo ang trumaydor sa akin. 


Sa panahon ngayon, hindi na talaga blood is thicker than water. Ngayon kasi, kung sino pa ang mga taong hindi mo inaakala na tutulong sa ‘yo ay iyon pa pala ang magsasalba sa ‘yo at totoong mag-aalala.


Dadating din siguro ang araw na mapapatawad ko rin sila. Pero siguro, hindi pa ngayon. 


Post a Comment

0Comments

Post a Comment (0)

#buttons=(Accept !) #days=(20)

Our website uses cookies to enhance your experience. Check Now
Accept !