Views

Inalila Ako

Ameiry Savar
0

 


Inalila ako ng byenan kong babae, pero sa huli ay ginawa ng asawa ko na…

Magkasintahan pa lang kami ng asawa kong si Garry ay ramdam ko nang ayaw na sa akin ng mama niya. 

Si Mama Jing. 

Naiintindihan ko naman kung bakit siya gano’n. Bunso kasi ang asawa ko sa kanilang magkakapatid. Bukod doon ay ito pa ang may pinakamagandang trabaho. 

Pero hindi naman kasi ako madamot na asawa. Sa totoo lang, ako pa nga ang nagtutulak sa asawa ko na magbigay sa kanila. Kaso ganoon pa rin. 

Tuwing may handaan sa kanila ay hindi ako niyayaya ng mama nito. O kung pumunta man ako sa kanila dahil inimbita ako ng asawa ko na dati ay boyfriend ko, hindi talaga ako papansinin. 

Ibang-iba ang pag-asikaso niya sa girlfriend ng mga kuya ni Garry. 

Paano kasi, simpleng factory worker lang kasi ako. Habang ang asawa ko ay isang doctor. Kaya siguro ganoon na lang kababa ang tingin sa akin ni Mama Jing. 

Noong mag-propose si Garry sa akin, si Mama Jing agad ang unang-una na kumontra doon. 

Talagang gumawa siya ng scene sa apartment ko. Pinahiya niya ako dahil gold digger daw ako at malandi. Na nilalandi ko lang daw ang anak niya. 

Hindi ako lumaban. Dahil bukod sa nahihiya ako dahil sa estado ng buhay ko. Idagdag pang iniisip ko ang mararamdaman ni Garry. Kaya hindi ko rin ito nabanggit sa kaniya. 

Pero hindi ko alam kung paano ito nalaman ni Garry. 

Pinagsabihan niya bigla si Mama Jing na kapag hindi niya ako matanggap ay aalis siya sa kanila at puputulin ang koneksyon sa kanila.

Walang nagawa si Mama Jing kundi ang mag-sorry sa akin sa harap ni Garry. Ako naman ang hiyang-hiya. Sinaway ko pa si Garry noong kami na lang dahil nga nakakahiya. Nanay niya pa rin ito. 

Pero matindi ang paninindigan ni Garry. Ako raw ang mahal niya. Ako ang gusto niyang makasama habang-buhay. Kaya kung hindi ako matanggap ng magulang niya ay wala siyang magagawa kundi ang putulin ang koneksyon niya sa kanila. 

Nakakalungkot, pero nakakakilig din. 

Naging okay kami ni Mama Jing noon kahit papaano. Naging mabait siya sa akin hanggang matapos ang kasal namin. 

Iyong mga magulang ko na galing pang probinsya ay pinakisamahan niya ng maayos. Natutuwa na sana ako dahil akala ko ay sa wakas tanggap na ako ni Mama. Pero mali ako. 

Matapos ang kasal, nakiusap siya na sa kanila kami tumira. Dahil nga sa bunso si Garry, wala nang kasama ang mga magulang niya sa bahay nila. E malaki iyon. 

Pumayag si Garry. 

Ginagawa pa lang kasi ang bahay naming dalawa. Para na rin daw hindi ako malungkot kapag mag-isa lang ako. Pinatigil na rin kasi ako ni Garry sa pagtatrabaho. 

Unang araw ko pa lang sa kanila ay napansin ko na ang panlalamig ni Mama. 

Pinaalis niya rin ang kasam-bahay nila bigla. Paggising ko pa lang kinabukasan ay pasekreto na niya akong inutusan. Pinagluto na niya ako ng almusal. 

Wala namang problema sa akin dahil gustong-gusto ni Garry ang mga luto ko. Kaso nagtanong agad ito bakit daw ako ang nagluto e may katulong naman sila. Pero si Mama ang sumagot. Sabi niya lang ay bigla raw nag-resign dahil nagkaproblema sa probinsya nila. Narito naman daw ako, kaya ako na lang ang nagluto. 

Hindi umimik si Garry. Pero nakita ko ang pag-aalala sa mukha niya. 

Nagpatuloy ang senaryo naming iyon. 

Maaga ako nagiging para magluto ng almusal naming lahat. Tapos lahat ng gawaing bahay ay ako na ang gumagawa. Pati paglalaba at pamamalantsa. Kahit nga ang paggo-grocery ay ako ang gumagawa. 

Kapag may nakakaligtaan akong gawin ay agad na nagagalit si Mama. 

Mabuti na lang at batak ako sa gawaing-bahay kaya hindi naging problema sa akin. Kaso habang tumatagal ay na aapektuhan na rin ako. 

Halos hindi na kasi ako pagpahingahin ni Mama. Kapag nakikita niyang wala na akong ginagawa ay gagawa talaga ito ng paraan para may asikasuhin ako ulit o linisin. 

Tapos kapag wala pa ang asawa ko ay hindi ako halos pakainin. Kailangan daw tapos muna ang lahat. Saka lang ako nakakakain nang maayos kapag nandiyan na si Garry. 

Gusto na sana namin magkaanak. Kaso nga pagod na ang katawan ko sa maghapon. 

Tinatanong ako palagi ni Garry kung ayos lang ba ako. O kung hindi ba ako tinatarayan ni Mama. Pero sinasabi ko lang palagi na okay lang. 

Ayaw ko naman na ako ang maging dahilan para magkasira silang mag-ina. 

Mariin din akong sinasabihan ni Mama na h’wag nang magtangkang magsumbong sa asawa ko dahil siya raw ang kakampihan nito. 

Kaya hindi na lang din ako talaga nag-ingay. 

Pero nagulat na lang kaming dalawa noong biglang sumulpot ang asawa ko isang tanghali. 

Dahil sa trabaho niya ay gabi na ito palagi nauwi. Hindi ito nagsasalita, pero kitang-kita ko sa mga mata niya ang disappointment. Tapos noong makita niya pa ako na naglalaba na gamit lang ang kamay ay nakita ko ang awa niya. 

Agad na lumapit sa akin si Garry at pinatayo ako. Sabi niya, “Bakit daw ako ang naglalaba? At bakit ako nagkakamay lang?” 

Sagot ko naman, “Mas sanay ako sa paglalaba gamit ang kamay.” 

Kahit ang totoo ay gusto ko rin namang gumamit ng washing machine. 

Pero hindi naniwala si Garry. Galit nitong tinawag si Mama. Pinipigilan ko siya dahil iyon ang unang beses kong nakitang galit si Garry. Kinabahan talaga ako dahil hindi ko alam kung ano ang nangyayari. 

Paglabas ni Mama Jing ay nagulat siya noong makita si Garry. Gulat na para bang may halong takot. Pero bago pa man siya makapagsalita ay inunahan na siya ni Garry. 

Sinabihan ni Garry si Mama Jing na aalis na kami sa bahay ora mismo. 

Iyon pala ay nakita ni Garry mula sa CCTV sa loob ng bahay kung ano ang ginagawa sa akin ni Mama Jing. Sinubukan ko pang ipagtanggol si Mama. Pero pinatahimik lang ako ni Garry kaya wala na akong nagawa. 

Hindi matanggap ni Garry na ang sariling ina pa niya ang aalila sa asawa niya. Na ang babaeng pinakamamahal niya ay sarili niyang kadugo ang mananakit. 

Kaya naman ay aalis na raw kami sa bahay. At simula sa oras na iyon ay pinuputol na niya ang koneksyon sa sarili niyang pamilya. 

Biglang nag-panic si Mama Jing. Nagalit pa ito dahil siguro daw ay ako ang nagsumbong kay Garry. Pero pinagtanggol lang ako ng asawa ko. 

Naglupas pa si Mama. Pero wala na itong nagawa. Hinila ako ni Garry palabas ng bahay at inilipat ng bahay. 

Mayroon na palang nakahandang bahay para sa amin. Dahil hindi pa tapos ang pinapagawa niya ay nangupahan muna kami. 

May mga gamit na kami roon. Kahit iyong mga importante naming mga gamit ay naroon na rin pala. Kaya iyong mga damit na lang namin ang kailangan naming makuha. Pero hindi na iyon pinakuha pa ni Garry. Bibili na lang daw kami ng bago.

Wala akong kaalam-alam na nag-umpisa na palang maglipat ang asawa ko. 

Sinubukan ko pa siyang kausapin. Sinabi ko na kaya ko namang tiisin iyon. Pero naging matigas na si Garry. 

Hindi daw niya matanggap na ang sarili niyang asawa ay magiging alila ng pamilya niya na siya naman halos ang bumubuhay. 

Oo nga’t magulang niya ito. Pero dahil ako na raw ang pamilya niya ay ako na raw ang kaniyang priority. 

Hindi ko maiwasang maluha. 

Napakaswerte Ko sa asawa ko. 

Kasi marami akong kakilala na may mga walang bayag na asawa.

Hindi ko man ginusto na mangyari iyon sa kanila ng mga magulang niya. Kasi may mga magulang din naman ako. At masakit para sa akin ang gawin iyon sa kanila. 

Galit na galit sa akin si Mama Jing. Pati ang mga kapatid ni Garry ay ako ang sinisi. 

Pero pinayuhan ako ni Garry na h’wag na magpaapekto sa kanila. Dahil kahit na ano ang gawin nila ay ako raw ang kaniyang pipiliin. 

At kung hindi nila ako matanggap ay hindi rin niya matatanggap ang mga ito. 

Ipagsasa-Diyos ko na lang, sana pagdating ng araw ay maging maayos din ulit sina Garry at ang pamilya niya. 


Post a Comment

0Comments

Post a Comment (0)

#buttons=(Accept !) #days=(20)

Our website uses cookies to enhance your experience. Check Now
Accept !