A Wife's Tears
(Full Story)
by Ameiry Savar
“Hansel?” hindi makapaniwalang sabi ni Myra.
Kasalukuyan siyang namimili sa Baclaran ng kanilang paninda noong mapansin niya
ang isang lalakeng nakatayo malapit sa simbahan. Nakaharap ito sa isang babae
na kaniyang pinupunasan ang pisngi. Malapad ang mga ngiti at maging ang mga
mata ay kumikislap pa na para bang ligayang-ligaya. Hindi siya pwedeng
magkamali. Ito ay ang kaniyang asawa.
Nagmamadaling lumakad si Myra habang bitbit ang
malaking plastic na puno na ng mga tsinelas. Hindi siya papayag na hindi
makausap ang kaniyang asawa dahil kung pagmamasdan ang mga ito ay halata ang
pagiging sweet sa isa’t-isa.
“Hansel!” tawag na ni Myra sa lalake.
Napatigil si Hansel at lumingon sa kaniyang likuran.
Agad na nanlaki ang mga mata nito noong makita ang babaeng papalapit. “M-Myra?
Ano’ng ginagawa mo rito?”
“Hayop ka! Ano’ng ibig sabihin nito?! Sino ‘to?!”
Dinuro ni Myra ang babaeng nakatayo sa tabi ni Hansel. Maging ito ay nanlalaki
rin ang mga mata at hindi makapaniwala sa pagsulpot niya.
“Hansel? Sino siya?” tanong ng dalaga.
“Anong sino siya?! Ako ang asawa ng lalakeng ‘to!”
sagot ni Myra.
Nagpalinga-linga si Hansel sa dalawang babae. Hindi
nito malaman kung sino ang kaniyang lalapitan at pagpapaliwanagan. Bigla itong
nanliit dahil marami ng mga matang nakatingin sa kanila.
“M-Myra, halika na. Uwi na tayo—”
“Uuwi? Hindi! Ang kapal ng mukha mo?! Kaya pala ayaw
mo akong samahan sa pamimili dahil may sarili ka pa lang kakangkangin?!” sigaw
ni Myra.
Hinawakan ni Hansel ang kaniyang kamay. Akma na sana
siya nitong hihilain ngunit umatras siya. Pagtingin niya sa babaeng kasama ni
Hansel ay tumakbo na ito papalayo sa kanila.
“Hoy! Bumalik ka rito!”
Hahabulin sana ito ni Myra ngunit agad siyang niyakap ni Hansel. Pinagpapalo niya ang asawa at doon na siya napahagulhol. Hindi siya makapaniwala sa ginawa nito sa kaniya. Sa halos labing limang taon na magkasama sila ay ngayon lang ito nangyari. O matagal na ngunit hindi niya lang alam?
“Hayop ka, Hansel!” Pinagsasampal ni Myra ang asawa.
“Lahat ginawa ko sa ‘yo tapos ito ang gagawin mo?! Putangina mo! Tangina mo!”
Pinulot na ni Hansel ang mga panindang pinamili ng
asawa at pilit itong hinila papalayo sa lugar. Nag-uumpisa na kasing dumami ang
mga tao sa paligid nila at lahat ng mga ito ay nakatingin sa kanila. May iba
pang nakita niyang naglabas ng mga cellphone at itinutok sa kanila. Nagpara na
siya ng taxi kahit na alam niyang mahal ang pamasahe niyon papuntang Cavite.
Sigurado siyang hindi titigil ang asawa niya sa pagbubunganga sa kaniya.
Agad na kumuha ng tubig si Myra sa kanilang maliit na
pridyeder pagkarating nila sa bahay. Ngunit kahit na ano ang gawin niyang
pagpapakalma sa sarili ay hindi niya tlaga magawa. Tila ba mayroong nakabara sa
kaniyang dibdib at hindi niya magawa-gawang alisin iyon.
“B-Bakit? Hansel? Bakit mo nagawa sa akin ‘yon?”
mahinahon, ngunit puno nang paninibughong tanong ni Myra sa asawa. Nakaupo na
ito sa sala nila at nakatitig lamang sa sahig. Mabuti na lamang bago siya
umalis kaninang madaling araw ay iniwan niya muna ang dalawang anak sa kaniyang
kapatid. Hindi makikita ng mga ito ang kanilang sagutan.
Huminga nang malalim si Hansel. “Maupo ka nga muna.
Kumalma ka.”
“Kumalma?” Lumapit si Myra sa sala at naupo sa katapat
nitong upuan. “Paano ako kakalma? Eh putangina! Nalaman kong iniiputan mo pala
ako sa ulo! Ilang taon mo na akong niloloko, ha? Pang ilan na ‘yong babaeng
‘yon? May iba pa ba?!”
“’Yan! ‘Yan ang hirap sa ‘yo, eh! Ang dami mong dada!
Bakit hindi mo muna ako hayaang magpaliwanag?”
Hindi makapaniwalang tinignan ni Myra ang asawa. “Bakit parang kasalanan ko pa, Hansel? Putangina mo!” Napaiyak na siya. “Ikaw ang nagloko! Bakit hindi mo na lang ako sagutin?!”
“Oo na!” nagtaas din ng boses si Hansel. “Isang taon
ko na siyang kasintahan. May magagawa ba ako? Pinigilan ko naman, Myra. Ginawa
ko ang lahat para hindi siya gustuhin. Kaso palagi ka nang wala. Andito ka nga
pero palagi ka namang galit o kaya pagod. Paano naman ako? May mga
pangangailangan din ako!”
Nasapo ni Myra ang kaniyang dibdib. Pakiramdam niya bigla
ay lumaki ang kaniyang ulo at tila ba ay mabibiyak na iyon sa dalawa. Ibinuka
niya ang kaniyang bibig ngunit wala namang lumalabas na mga salita roon. Wala
siya magawa kundi ang humagulhol na lamang dahil sa labis na sakit na kaniyang
nararamdaman. Pakiramdam niya ay mayroong unti-unting pumupunit ng kaniyang
puso.
Ang lalakeng minahal niya ng labing limang taon.
Pinagsilbihan at pinangakuang mamahalin hanggang sa kanilang kamatayan. Parehas
naman sila nang sinumpaan sa harap ng altar, ngunit bakit tila ay nakalimutan
na nito iyon? Ang masakit pa ay siya ang sinisisi nito sa nangyri sa kanila.
Hindi naman sila mayaman. Sakto lang ang kinikita ng kaniyang asawa sa trabaho
nito bilang factory worker. Madalas pa nga ay kulang. Kaya kahit na hindi na
siya magkandaugaga sa pag-aalaga sa dalawa nilang anak at pag-aasikaso sa asawa
ay pinasok niya ang pago-online business. Hindi niya alam na ito pala ang
sisira ng binuo nilang pamilya.
Tumayo na si Hansel at pumunta sa kwarto nila.
Paglabas nito ay nagulat si Myra na mayroon na itong dalang bag.
“A-Ano ‘yan? Aalis ka na lang gano’n?”
“Oo! Ayaw ko na sa bahay na ‘to! Tapos na tayo, Myra!”
Agad na napatayo si Myra at hinawakan ang bag ng
asawa. “Mag-asawa tayo, Hansel! May mga anak tayo tapos aalis ka na lang
basta-basta?! Bakit? Hindi mo ba magawang harapin ang mga anak mo?!” tanong
niya habang patuloy pa rin sa pagluha.
Tumingin si Hansel sa asawa. “Hindi mo magagamit sa akin ang mga anak natin, Myra. Aalis na ako sa ayaw at sa gusto mo!”
Sa labis na galit ni Myra ay muli niyang pinagsasampal
ang asawa. “Hayop ka talaga! Napaka sama mo! Wala kang kwentang lalake! Sige!
Umalis ka! Lumayas ka! Magsama kayo ng babae mo! Ang kapal ng mukha mo!”
Pilit na itinulak ni Hansel si Myra palayo sa kaniya.
Noong magawa na niyang makawala rito ay agad siyang lumabas ng bahay at
patakbong lumayo rito.
Naiwan si Myra na napasalampak na sa sahig.
Basang-basa na ang mukha at nanlalabo ang mga mata dahil sa mga luha niya.
Nakatitig lamang siya sa pintong nilabasan ng asawa. Gusto niya itong habulin
pero pakiramdam niya ay naubos bigla ang kaniyang lakas. Hindi niya inakala na
ang lalakeng minamahal niya pala ay isang walang kwentang lalake.
Matapos ang insidenteng iyon ay hindi na muling nakita
ni Myra ang dating asawa. Ni hindi niya alam kung saan na ito nakatuloy dahil
kahit ang mga magulang at mga kapatid nito ay walang ideya. Sinubukan pa rin
kasi ni Myra na ayusin ang kanilang relasyon. Kahit na lang sana para sa
kanilang mga anak. O sa pinagsamahan nila. Ngunit ano ang magagawa niya? Kung
ang asawa na niya mismo ang talagang bumitaw?
Minabuti ni Myra na ituon ang pansin sa kaniyang
negosyo. Halos araw-gabi siyang nagtatrabaho para sa kaniyang mga anak. Kung
noon ay nahihiya siya na mag-live selling, ngayon ay ginagawa na niya ito.
Unti-unti ay lumago iyon. Iniwanan nila ang dati nilang bahay at bumili siya ng
bago na sa kaniya nakapangalan. Nakapag-aral sa pribadong paaralan ang kaniyang
mga anak.
Si Hansel? Nalaman ni Myra na nagsama pala ito at ang naging babae nito. Nalaman niya na may dalawang anak din pala ang babae. Hindi na lamang makapaniwala si Myra na mas ginusto nitong pakisamahan ang mga hindi naman nito sariling anak. Hindi na rin naghabol si Myra dahil wala rin naman ibinibigay si Hansel. Kahit kasi ang mga anak nila ay galit dito. Ayaw man ni Myra ngunit nalaman ng mga ito ang totoong nangyari. Kahit papaano kasi ay ayaw naman sana niyang ilayo ang mga anak sa dating asawa.
“Kumusta ka na, bakla?! Ang ganda-ganda na natin ah!”
bati ni Cynthia kay Myra.
Matagal ng kaibigan ni Myra si Cynthia. Noong hindi pa
niya kayang magpasweldo ng mga tao para tulungan siya sa kaniyang paninda ay
ito ang tumutulong sa kaniya. At kahit na mayroon na siyang mga trabahante ay
natulong pa rin ito noon. Inaabutan na lang ni Myra para may sweldo rin ang
kaibigan. Natigil lang noong magdesisyon itong mangibangbansa.
Natawa si Myra. “Ayos lang. Eh ikaw? Kumusta ka riyan?
Kailan ba uwi mo?”
“Hay naku! Matagal pa. Kakaisang taon ko pa lang dito,
‘di ba?” anito. “Ah, nga pala. Nakita ko sa FB. May balita ka ba sa dati mong
asawa?”
Napakunot ng noo si Myra. “Bakit? Ano meron?”
“Hiwalay na pala sila nung kerida,” patanong nitong
sabi.
Hindi agad nakasagot si Myra. Wala kasi talaga siyang
balita tungkol sa asawa niya. Naka-block din kasi ang mga account nito sa
kaniya. Kahit ang pamilya nito ay medyo umiwas na sa kaniya. Tanging ang mga
anak na lamang niya ang nakakausap ng mga ito.
“Eh baka nakahanap na naman ng bago?” pabirong sabi na
lamang ni Myra.
“Parang hindi eh. May bago kasing kasama sa picture
yung babae.”
Naiikot ni Myra ang mga mata. “Naku! Hayaan mo na nga
sila. Iba na lang pag-usapan natin.”
“Bakit? May bago ka na rin ba?”
Nanlaki ang mga mata ni Myra. “Ano ka ba? Hindi ko na iniisip
‘yong mga ganyang bagay, Cynthia. Ang focus ko ngayon ay nakatuon sa mga anak
ko at negosyo.”
“Sus! Hindi pwedeng gano’n, bakla. Hahanap at hahanap
ka rin ng magpapaligaya sa ‘yo. Tsaka tignan mo ang sarili mo. Fresh na fresh
ka na ulit! Mukha ka na ngang walang anak. Wala ba talagang nanliligaw sa ‘yo?”
Nag-iwas ng tingin si Myra. Ang totoo ay wala naman talaga sana siyang pakealam kung magkakaroon pa siya ulit ng karelasyon. Pero mayroong nanliligaw sa kaniya ngayon. Ilang beses niyang sinabihan na tigilan siya dahil wala siyang oras sa ganoong bagay. Ngunit masyadong makulit ang lalake kaya hinayaan niya na lamang.
Si Jerrick, isang enhinyero. Maganda ang trabaho at
may malaking bahay. Mayroon ding sasakyan. Madalas nga nitong samahan si Myra
sa mga lakad nito. Mabait ito. Malayong-malayo kay Hansel na nagawa pa rin
siyang lokohin. Kahit sa hitsura ay malayo si Jerrick dahil may lahi itong
intsik kaya may pagkasingkit ang mga mata. Pero kahit na gano’n ay hindi pa rin
mahanap ni Myra ang sarili na magkaroon ng bagong karelasyon. Na para bang
natakot na siya ulit umibig dahil sa nangyari sa kaniya noon.
Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay minabuti niyang
pumunta sa isa niyang bahay na nagsisilbi bilang warehouse at opisina niya.
Noong unti-unting lumago ang online shop niya ay mas nag-focus na siya sa
pagtitinda ng mga damit. Nagkaroon na rin siya ng sariling tahian ng mga
binebenta nilang mga damit. Nag-umpisa sa dalawa hanggang sa unti-unti ay
kinailangan na niya ng isa pang bahay ulit para sa tahian niya. Hiwalay rin
iyon na ang nagma-manage naman ay ang kaniyang kapatid.
“Magandang tanghali, madam!” bati sa kaniya ng mga
tauhan. Halos lahat ng mga narito ay taga-ayos ng mga online orders nila. Ang
lahat ay may mga nakatokang gawain. Ngunit lahat ng ito ay si Myra ang
nagbabantay.
Dumeretso siya sa kaniyang opisina sa warehouse. Sa
kabilang kwarto ay ang ilang mga tauhan niyang nakatoka sa online shop nila.
Agad na binuksan ni Myra ang kaniyang computer at chineck ang mga orders.
Kagaya ng dati ay halos mapuno ang mga orders nila sa araw-araw. Kaya patuloy
ang production ng mga damit nila.
“Ma’am.”
Napatingin si Myra sa kaniyang pinto. “Carla, bakit?”
nakangiti niyang tanong dito. Si Carla ang nagsisilbing sekretarya niya. Dati
ay si Cynthia ang nasa posisyon nito. Hindi naman sila kagaya sa ibang mga
kompanya. Bago lang dumaan ang ibang mga problema kay Myra ay si Carla muna ang
kumakausap. Tapos inire-report nito sa kaniya ang mga nangyayari. Hindi na kasi
talaga kayang kausapin ni Myra ang lahat isa-isa.
“May naghahanap po sa inyo sa ibaba. Asawa niyo raw?”
Natigilan si Myra. Hindi na niya sinagot si Carla at
nagmamadaling muling bumaba. Nakita niya sa may guardhouse ang isang lalakeng
nakatayo roon. Panay ang pakiusap nito sa guard nila na papasukin ito. Hindi
gumalaw si Myra sa kaniyang kinakatayuan. Makakalipas ng mahigit limang taon ay
bigla na lamang itong magpapakita ulit sa kaniya.
“Sabi ng—” Sandaling natigilan si Hansel nang makita
ang dating asawa. Napaka layo na ng hitsura nito sa kaniyang na aalala. Ang
itim nitong buhok ay ngayon kulay abo na at unat na unat. Malayong-malayo sa
buhok nitong palaging nakapusod at mukhang walis. Makinis na rin ito hindi
kagaya noon na halos hindi makapagpahid ng lotion. Para bang hindi tumanda si
Myra at nagmukha pang dalaga ngayon kahit malapit nang magkwarenta. “Myra!”
nakangiting tawag niya kay Myra.
“Hansel, ano’ng ginagawa mo rito?” hindi
makapaniwalang tanong ni Myra.
“Sabi ko sa ‘yo eh! Asawa ko nga siya!”
Tumingin kay Myra ang guard nila na para bang
nagtatanong kung hahayaang pumasok si Hansel. Pero umiling si Myra kaya lalo
nitong hinarangan si Hansel.
“Myra naman!”
Napaismid si Myra. Lumapit pa siya rito pero sakto
lang na magkakarinigan sila. “Asawa mo na pala ako ngayon, gano’n?”
Natigilan si Hansel. “Bakit? Totoo naman ah! Kasal pa
rin tayo!”
“Hindi mo ba natanggap ang sulat ng piskal sa ‘yo?
Nag-file na ako ng annulment para sa kasal natin. Hinihintay ko na lang na
ma-approve-bahan iyon kaya tigilan mo ako!”
“Myra naman! Mag-usap muna tayo!” Pinilit na itulak ni
Hansel ang guard. “Bakit ba ayaw mo akong padaanin?!” iritable nang tanong
nito.
“Dahil ayaw ko nang lumapit ka pa sa akin, Hansel. Matagal na tayong tapos, okay? H’wag ka nang manggulo pa rito! Kung gusto mong makausap ang mga anak mo, na matagal mo nang kinalimutan. Iwanan mo na lang number mo sa guard ko at ibibigay ko sa kanila mamaya. Makaalis ka na,” matigas na sabi ni Myra. Tumalikod na siya at nagmamadaling naglakad pabalik sa opisina niya. “Carla!”
Agad na pumasok sa loob ng opisina niya si Carla.
“Yes, Ma’am?”
“Paki sabi kay manong guard na ayaw na ayaw ko nang
makikita ‘yong lalakeng ‘yon dito, ha?”
“Opo.”
Napabuga ng hangin si Myra. Sumandig siya sa kaniyang
upuan at umikot paharap sa pader. Hindi siya makapaniwala na nagawang bumalik
ni Hansel sa kaniya. Dahil ba hiwalay na sila ng naging babae nito? Tapos
ngayon ay siya na ang gusto ulit? Ano ba ang akala nito? Tanga siya? Hindi!
Kahit na ano pa ang paliwanag nito ay hindi na niya ulit ito tatanggapin. Tapos
na sila.
Ngunit hindi natigil si Hansel. Nagpabalik-balik pa
rin ito sa warehouse at pilit na kinakausap siya. Kahit kasi ang mga anak nila
ay ayaw itong tawagan kahit na may iniwan ng cellphone number. Hanggang sa
nagulat na lamang si Myra noong maging sa bahay nila ay nakarating na ito.
“Salamat,” nakangiting sabi ni Myra kay Jerrick.
Ipinara nito ang sasakyan sa tapat ng bahay nila at pinagbuksan siya ng pinto.
Agad na bumaba si Myra.
“Thank you, Myra, for coming with me.”
“Wala ‘yon. Salamat din at palagi mo rin naman akong
sinasamahan.”
“Nandiyan na ba ang mga bata? Pwede ko ba silang
makita muna.”
“Ah. Oo. Sige. Tuloy ka muna—”
“Kaya ba ayaw mo na akong balikan dahil may bago ka
na?”
Natigilan si Myra noong biglang may magsalita sa
kaniyang likuran. Agad siyang pumihit paharap dito. “Hansel? Paano mo nalaman
ang bahay ko?”
Hindi makapaniwalang ngumisi si Hansel.
Napailing-iling pa siya habang masamang nakatitig kay Jerrick. “Sino ka, ha?
Alam mo bang may asawa na ‘tong kasama mo?!”
“Pwede ba, Hansel?! Tumigil ka nga! Tapos na tayo!”
“Ano’ng tapos?! Kasal pa rin tayo, Myra! At hindi ako
papayag na basta mo na lang alisin ang pagiging mag-asawa natin!”
Naikuyom ni Myra ang kaniyang mga palad. Nangilid ang
kaniyang mga luha at agad na sinampal si Hansel sa pisngi.
“Hayop ka talaga! Ang kapal ng mukha mo!”
“Myra.” Hinawakan ni Jerrick si Myra sa balikat para pakalmahin ito.
“Matapos mo akong iwanan nang gano’n gano’n lang,
Hansel? May mga anak tayo pero mas pinili mong pakisamahan ‘yong babae mo!
Tapos ngayon sasabihin mo ‘yan sa akin?! Ang kapal! Kapal! Ng mukha mo!” Halos
maputol na ang litid ni Myra sa kaniyang leeg dahil sa matinding emosyon na
kaniyang nararamdaman. Napakabilis ng pagtibok ng kaniyang puso. Kaya naman ay
para na siyang tumakbo nang mabilis sa kaniyang paghinga. Napaiyak na rin siya
dahil doon.
“Kaya nga nandito ako, Myra. Ayusin natin ‘to.
Magbalikan tayo. Pangako! Nagbago na ako!” pakiusap ni Hansel.
“Hindi! Sinasabi mo lang ‘yan dahil naramdaman mo na
kung paano maloko! Kung paano masaktan! Ngayon na nakikita mong maayos na ako
ay babalik ka? Hindi, Hansel. Hinding-hindi ko na hahayaan na durugin mo ulit
ako. Nakaya kong magtiis ng labing limang taon na kasama ka kahit sobrang
hirap. Nakaya kong buhayin ang mga anak natin ng limang taon na wala ka! Kaya
kakayanin ko na wala ka! Umalis ka na rito! Umalis ka na!”
Itinulak ni Myra si Hansel. Kung kaya niya lang itong
bugbugin ay siguro nagawa niya. Kulang pa ang mga salita rito para ipamukha sa
lalake ang ginawa nitong pananakit sa kaniya. Sinubukan pa siyang hawakan ni
Hansel at yakapin ngunit mabuti na lamang ay pinigilan ito ni Jerrick.
“Narinig mo siya, p’re. Umalis ka na rito o tatawag
ako ng pulis.”
“Wala kang karapatang sumali rito, ha?! Away mag-asawa
‘to!”
Akmang susuntukin ni Hansel si Jerrick ngunit agad
itong napigilan ng binata. Itinulak niya ito nang malakas kaya napasalampak ito
sa kalsada.
“Umalis ka na, Hansel! Hindi na kita asawa! Matagal na
tayong tapos!” Huling sabi ni Myra at nagmamadali nang pumasok sa loob ng
bahay.
Tiningnan pa ni Jerrick si Hansel bago niya sinundan si Myra. Agad na tumayo si Hansel at kumatok nang kumatok sa gate. Panay ang sigaw nito sa pangalan ni Myra at nakikiusap na kausapin siya. Kinailangan pang tumawag nila Myra ng mga guard ng subdivision para lang mapaalis si Hansel.
“Ma, si Papa ba ‘yon?” tanong ng panganay na lalake ni
Myra.
Nagpunas ng mga luha si Myra. “Oo, anak.”
“Bakit pa kasi siya bumabalik? Hindi ba may bago na
siyang pamilya?” tanong naman ng bunso niya.
Napabuga ng hangin si Myra. “Tatay niyo pa rin siya
mga anak. Sorry. Kung hindi ko magawang harapin ang tatay niyo. Masyado lang
masakit ang nangyari sa amin noon. Alam kong galit din kayo sa tatay niyo. Pero
h’wag niyong kalimutan na magulang niyo rin siya, ha? Ayaw kong danasin niyo
ang galit na nararamdaman ko.”
“Ma, si Papa ang may kasalanan kung bakit tayo
nagkaganito. Kung mayroon mang kailangang mag-sorry sa inyo ay siya ‘yon.
Sinira niya ang pamilya natin.”
“Tsaka ma, hindi naman siya naging magulang sa amin,”
ani bunso ni Myra. “Ikaw ang naging nanay at tatay sa amin ni Kuya. Kaya hindi
namin siya kakausapin.”
Agad na niyakap ni Myra ang mga anak. Naiintindihan
niya ang mga anak. Pero ayaw niyang magtanim ng sama ng loob ang mga ito.
Sobrang sakit at hirap nang dinanas siya sa makalipas na ilang taon magmula
noong maghiwalay sila. Ngayon lamang siya unti-unting nagiging maayos. Ayaw
niya sanang danasin ng mga anak niya ang naramdaman niya. Ngunit hindi naman
niya makakayang ipagpilitan ang mga ito kay Hansel gayong maging siya ay hindi
niya magawang kausapin ito. Siguro ay hindi pa ngayon ang tamang panahon para
maging maayos sila kahit bilang magkakilala na lang.
Noong bahagyang kumalma na si Myra ay nagulat pa siya
noong makita niyang nasa sala pa rin pala si Jerrick. Nakaupo lang ito roon at
nanonood ng tv. Napatingin si Myra sa relo niya at halos maghahating gabi na.
Agad na bumaba ng hagdan si Myra ang nilapitan ang binata.
“Jerrick, nandito ka pa pala?”
Tumingin si Jerrick kay Myra. “Ahm. Oo eh. Hindi ako
makaalis. Nag-aalala ako baka bumalik siya.”
“Ahh. S-Salamat.” Naupo si Myra sa pang-isahang upuan.
“Sorry. Hindi ko alam na narito ka pa. Hindi ako agad nakababa.”
“It’s alright, Myra. Eh ikaw? Kumusta ang pakiramdam mo?”
Nag-iwas ng tingin si Myra. “Sa totoo lang… hindi ko
alam. I mean, hindi naman ako nagdadalawang-isip dahil bumabalik ulit sa akin
si Hansel. Pero pakiramdam ko ay bumalik lahat ng mga masasakit na alala na
pilit kong kinalimutan noon.” Muling siyang tumingin kay Jerrick. “Sorry pala
at hindi ko nabanggit ang tungkol kay Hansel.”
“Wala ‘yon. Alam ko naman na may asawa ka noon. Sinabi
mo, ‘di ba? Tsaka, hindi ako ‘yong tipo na gustong-gusto pag-usapan ang
nakaraan. I understand why you didn’t talk about your ex-husband.”
“Actually, totoo ang sinasabi niya. Kasal pa kami.
Pero matagal ko nang na ilakad ang annulment papers namin. Hinihintay ko na
lang na lumabas ang final review para opisyal nang mawala ang connection namin
sa isa’t isa.”
“Now I know. But then it’s a good thing. Pwede ka
mag-umpisa para sa sarili mo.”
Matipid na ngumiti si Myra. “Anong you know?”
“Kaya hindi mo pa ako sinasagot.”
Natawa na si Myra. “Hindi naman sa gano’n. Siguro…
hindi pa lang talaga ako handa. Masyadong masakit ang nangyari sa amin noon,
Jerrick. Oo, alam ko sa sarili ko na hindi ko na siya mahal. Matagal. Pero yung
sakit? Nandito pa rin. Natatakot ako na baka magaya lang sa dati ang lahat.”
Tumayo si Jerrick at lumapit sa kaniya. Kinuha niya
ang kamay ni Myra at mahigpit itong hinawakan. “Alam ko, Myra. I’ve been there.
Pero maghihintay ako, Myra. Kahit gaano pa katagal. Hihintayin kita hanggang sa
maging handa ka na ulit. Totoo ako sa ‘yo, Myra. Mahal kita.”
Napatitig si Myra kay Jerrick. Hindi niya maiwasang mapangiti dahil sa mga sinabi nito. Naramdaman niya rin ang pagkislot ng kaniyang puso. Halos tatlong taon na rin niyang kilala si Jerrick. Nakita nito ang mga paghihirap niya. Ang pag-uumpisa niya sa kaniyang negosyo. Kulang na nga lang ay sagutin na niya talaga ito. Nakita niya rin kung gaano kabuti ang binata. Napakabait nito sa kaniyang mga anak. Wala rin itong dating asawa o anak.
“Salamat. I promise. Kapag approved na ang annulment
ko kay Hansel. Sasabihin ko sa ‘yo ang sagot ko.”
Biglang nangunot ang noo ni Jerrick. Umakto pa ito na
para bang nag-iisap. “Hmm… will it be good news?”
“Depende?” Napahagikhik si Myra. “Seryoso. Ikaw na ata
ang pinaka mabait na lalakeng nakilala ko. You proved me wrong sa mga tingin ko
sa mga kabaro mo. Kaya sa tingin ko ay good news naman.”
“Yes!” masayang sabi ni Jerrick.
Natatawa na lamang si Myra. Oo, masyado pang maaga
para magsaya. Alam niyang hindi pa rin siya titigilan ni Hansel. Kilala niya
ang asawa. Pero sa oras na mapawalang bisa na ang kasal nila ay panahon na
naman ata para maging masaya na siya, ‘di ba?
“Ano? Paano nangyari ‘yon?” hindi makapaniwalang
tanong ni Myra sa kaniyang abogado. Hawak-hawak niya ang papel na nagsasabing
hindi na aprubahan ang annulment na kaniyang ipinasa sa korte. “Hindi pwede
‘to!”
“I’m sorry, Myra. Pero nagpasa ng counter case ang
asawa mo. Hindi siya pumapayag na maghiwalay kayo. Mahina rin ang ebidensya na
ipinasa natin sa korte.”
“Ano? Ang kapal talaga ng mukha ng lalakeng ‘yon!
Hindi pa ba sapat ang ginawa niyang panloloko sa akin? Alam ko ay nagkaanak
silang dalawa, Attorney.”
“Well, if you could get any documents or evidence na
magpapatunay ng affair niya sa ibang babae ay pwede natin iyong magamit. Pero
hanggat nakikita ng korte na lumalaban ang asawa mo ay mahihirapan tayo. Kung
hindi na sana niya iyon ginawa ay malaki sana ang posibilidan na ma-aprobahan
ka dahil wala na nga kayong komunikasyon.
Naikuyom ni Myra ang kaniyang mga palad. Hindi siya
makapaniwala na talagang seryoso ito na makuha siyang muli. Na hindi na niya papayagang
mangyari pa. Ilang taon niyang kinaya na wala ito. Hindi na siya kukuha pang
muli ng bato para ipukpok sa sarili.
Ilang araw ding inabangan ni Myra ang asawa hanggang
sa wakas ay nakita na naman niya itong umaaligid malapit sa kompanya niya.
“Hansel!”
“Myra, kakausapin mo na ba ako?”
“Hayop ka! Ano’ng gusto mong mangyari, ha?”
Nangunot ang noo ni Hansel. Nawala ang mga ngiti niya
at tinitigan nang deretso ang asawa. “Bakit?”
Naiinis na huminga nang malalim si Myra. “Bakit mo
ginawa ‘yon? Bakit mo hinarang ang annulment natin?!”
“Ayaw kong magkahiwalay tayo, Myra. Gusto kong
magkabalikan tayo. Mali ba ‘yon?”
“Nababaliw ka na ba talaga? O sadyang makapal lang ang
mukha mo? Five years, Hansel! Five years mo kaming iniwan! Tapos ngayon na
iniwan ka na rin ng babae mo ay magsusumiksik ka sa amin? Hindi na ako babalik
sa ‘yo!”
Agad na naging madilim ang mga mata nito. Bigla nitong
hinawakan ang braso ni Myra at marahang hinila.
“Aray! Nasasaktan ako!” angal ni Myra.
“Hoy! Ano’ng ginagawa mo?!”
Nabalin ang atensyon ni Myra sa iba noong may marinig
siyang sumigaw. Pagtingin niya ay si Jerrick iyon. Kabababa pa lang sa kotse at
papasugod na sa pwesto nila. Hindi pa rin siya binitawan ni Hansel kaya
itinulak na niya ito.
“Bitawan mo ako!”
Agad na itinulak ni Jerrick sa may balikat si Hansel
noong makalapit na ito sa kanila. Lalong napadaing si Myra dahil naramdaman
niyang humigpit ang kapit ni Hansel sa kaniyang braso.
“Bitawan mo sabi!” utos ni Jerrick. Hinawakan din nito
ang kabilang kamay ni Myra.
“Ikaw na naman? Sinabing h’wag ka mangangailam ng
problema namin!” singhal naman ni Hansel kay Jerrick.
“Hindi ka dapat namimilit ng babae!” Marahang hinila
ni Jerrick si Myra.
“Asawa ko ‘to kaya may Karapatan akong kausapin siya!”
Ganoon din ang ginawa ni Hansel.
“Matagal na kayong tapos! Pumapapel ka na lang!”
Napanganga si Myra. Hindi niya tuloy alam kung sino
ang kaniyang pipigilan ngayon. Parehas na siyang nasasaktan sa mahigpit na
kapit ng dalawang lalake.
“Teka nga!” sigaw ni Myra. “Bitawan niyo akong
dalawa!”
Sabay na napatingin sa kaniya ang mga ito. Agad na
lumuwag ang pagkakahawak sa kaniya ni Jerrick. Habang si Hansel naman ay hindi
pa rin natinag kaya tinulak na ito ni Myra.
“Bibitawan mo ba ako o tatawag na ako ng pulis?” bant
ani Myra.
Bumuga ng hangin si Hansel saka unti-unting lumuwag ang pagkakahawak sa kamay niya. Agad na umatras si Myra palayo rito.
“Umalis ka na!” ani Myra. “Tapos na tayo, Hansel.
Kahit na ano pa ang sabihin mo at gawin mo. Gagawa ako nang paraan para lang
mawala ka na nang tuluyan sa buhay ko!”
“Hindi rin ako papayag na hindi tayo muling mabubuo, Myra. Alam kong galit ka lang sa akin dahil sa nagawa ko sa ‘yo. Pero sana ay hintayin mo muna ako magpaliwanag. Kausapin mo ako. Parang-awa mo na.”
Umiling-iling si Myra. Hindi siya makapaniwala sa
kakapalan nang mukha nito. Hindi na niya ito sinagot at nagmamadali nang
pumasok sa loob ng warehouse. Agad niyang kinausap ang sekretarya at para
sabihan na nakapasok si Hansel. Habang si Jerrick naman ay sumunod sa kaniya.
“Are you okay? Dapat mag-file ka ng restriction notice
sa kaniya, Myra.”
Napabuga ng hangin si Myra. “I know him, Jerrick.
Hindi siya titigil. Hindi ko lang alam bakit siya ganiyan. Ang kapal ng mukha
niya!”
“Ano ba ang ginawa niya?”
“Nag-file siya ng counter case para hindi matuloy ang
annulment namin.”
Natahimik si Jerrick. Alam nito ang ibig sabihin
niyon, ayaw ni Hansel na mapahiwalay kay Myra. “So, what’s your plan?”
Nasapo na ni Myra ang kaniyang noo. “My lawyer will do
everything she can para lang makalaya ako. Hindi rin ako papayag na hindi ako
makawala sa kaniya.”
Napangiti si Jerrick. Inabot niya ang palad ni Myra at
marahan itong pinisil. “Don’t worry. Alam ko na mangyayari din iyon.”
“Thank you, Jerrick. Sorry kanina.”
Lumipas ang mga araw ay walang ibang ginawa si Myra
kundi maghanap ng mas matibay pang mga ebidensya para lang magkahiwalay sila ni
Hansel. Ngunit pakiramdam niya ay pinaglalaruan talaga siya ng tadhana.
“Myra! Friend! Naku! May chika ako sa ‘yo!” bungad ni Cynthia
sa video call.
Nangunot ang noo ni Myra. Mas lalo pang nangulubot
iyon noong makita niyang alas kwatro pa lang ng umaga.
“Alam mo ba kung ano’ng oras pa lang dito?”
Napangiwi si Cynthia. “Sorry naman. May nalaman kasi
ako at hindi ko na kayang ipaghintay pa ‘to hanggang mamaya!”
“Ano ba ‘yon?” nakapikit pa rin ang mga matang tanong
ni Myra. Hawak niya ang cellphone malapit sa kaniyang mukha. Masyado pa kasing
maaga para magising siya.
“Eto na! I-ready mo sarili mo, ha?”
“Oh?”
“Hindi pala naging babae ‘yon ni Hansel! I mean, oo.
Naging kalaguyo niya. Pero hindi sila nagsama, girl.”
Ilang sandali pa munang inintindi ni Myra ang sinabi ng kaibigan. Bago unti-unti niyang naunawan ang sinabi nito.
Bigla siyang napaupo.
“Ano?”
“Oo! Agad na hiniwalayan ni Hansel ang babaeng ‘yon.
Isang week lang ata? Nakalimutan ko yung sinabi sa akin. Basta hindi naging
sila kasi nakonsensya yung asawa mo.”
Biglang natawa si Myra. Hindi pa rin siya makapaniwala
pero ang bilis na nang pagtibok ng kaniyang puso. “Nagpapatawa ka ba? Kanino mo
nakuha ‘yan? Eh ‘di ba nga nakita natin na magkasama pa rin ang dalawa?
Sinubukan ko pang ayusin ang relasyon namin pero talagang iniwan na niya kami.
Ano ‘yang pinagsasasabi mo? Hindi ako natutuwa, ha? Kagigising ko lang.”
“Oo nga, Myra. Ako rin hindi makapaniwala. Pero ‘yon
ang sabi ng source ko.”
“Sino ba ‘yang source mo?”
“Kapatid nung babae ni Hansel! Magkasama kami rito.”
Hindi nakasagot si Myra. Hindi niya alam kung bakit
biglang may kung anong galak siyang naramdaman. Agad siyang umiling.
“Eh kung totoo man ‘yan. Bakit hindi siya bumalik?”
Napailing na lamang si Myra. Kahit na kailan ay hindi
na niya papaniwalaan pa ang dating asawa.
Part 3
Ilang araw nang iniisip ni Myra ang tungkol sa sinabi
ni Cynthia sa kaniya. Alam niyang hindi dapat siya mabahala pero tumitindi ang
kuryusidad niya. Kung totoo man na hindi talaga nagsama si Hansel at ang babae
nito ay malaking palaisipan sa kaniya bakit hindi bumalik sa kaniya ang asawa.
“Ma, may sasabihin ako.”
Napatingin si Myra sa panganay. Kasalukuyan silang
nag-aalmusal at papasok na sa kaniya-kaniyang mga pupuntahan. Sumubo si Myra ng
hotdog at tumingin sa anak.
“Ano ‘yon?”
Nagkatinginan sina Lancer at Mico. “Ahm, ma…”
Nangunot na ang noo ni Myra. Pinagpalit-palit niya ang
mga tingin sa mga anak. Parehas itong para bang nahihirapan ang gustong
sabihin. “Ano ba ‘yan? May ginawa ba kayong kasalanan at parang nahihirapan
kayong magsabi, ha?”
Nanlaki ang mga mata ni Mico, ang bunso ni Myra.
“Wala, ma! Baka si Kuya.”
“Anong ako? Wala ah!” Sinamaan pa nang tingin ni
Lancer ang kapatid.
Napangiti na lang si Myra. “Ikagagalit ko ba ‘yan?”
“Hindi naman, ma. Kasi, si Papa. Nagpunta sa school
namin.”
“Ano? Ano’ng ginawa niya roon? Kinausap kayo?”
“Opo.”
Huminga nang malalim si Myra. “Ano’ng sinabi niya?”
Nagkatinginan ulit ang magkapatid. “N-Nag-sorry po
siya sa amin. Hindi niya raw sinasadya na—”
“Ang kapal ng mukha!” Mariing pumikit ng mga mata si
Myra at muling bumaga ng hangin. Tiningnan niya ng mga anak na nakatungo na at
nahihiya sa kaniya. Unti-unti ay naging malambot ang kaniyang ekspresyon. “I’m
sorry. Hindi ko sinasadya. Hindi ako galit sa inyo.”
“Hindi naman namin siya sana kakausapin, Ma. Pero
hinarang niya kasi kami. Nakakahiya naman na hindi namin siya pagbigyan,”
paliwanag ni Lancer.
“Alam ko. Sorry. Pasensya na kayo. Pagod lang ata
ako,” paliwanag din ni Myra. “Hindi ko naman kayo pipigilan na kausapin ang
papa niyo. Pero kung sakaling sabihin niya sa inyo na gusto niyang magkabalikan
kami ay… hindi ko na kaya, mga anak. Pasensya na kayo.”
“Ma, naiintindihan ka namin. Hindi ka naming masisisi
kung bakit gusto mo na talagang makipaghiwalay kay Papa. Hindi mo kailangang
magpasensya sa amin.”
Napatitig si Myra sa panganay na anak. Malaki ang
pasasalamat niya dahil nagkaroon siya ng mga anak na nauunawaan ang sitwasyon
niya. Nagsisisi siya na ganoon ang naging reaksyon niya sa harapan ng mga anak.
Ngunit hindi niya kasi maitago ang inis na nararamdaman niya para sa asawa.
Pagkatapos nilang mag-almusal ay pumunta na sa
warehouse si Myra. Naihatid na rin niya ang mga anak sa eskwela ng mga ito.
Nagtaka pa siya noong makita niyang may mga bulaklak sa kaniyang lamesa
pagkapasok niya ng opisina. Mga rosas iyon na iba’t iba ang kulay. May pula,
may puti, at mayroon ding pink. Maayos na nakabalot ang mga iyon sa isang
basket na halos kasing laki ng isang shoe box. Napangiti siya at nilapitan
iyon.
“Ito talaga si Jerrick,” napapangiti niyang sabi. Agad
niyang hinanap ang card sa mga bulaklak. Kinuha ni Myra iyon noong makita niya
at binasa ang laman. Palagi kasing nag-iiwan ng mga quotes si Jerrick sa notes
nito at talaga namang nagpapangiti kay Myra. Ngunit biglang nabura ang mga
ngiti niya noong mabasa ang laman ng sulat. “I hope you like it, asawa ko,”
mahinang basa niya sa papel. “Tangina!” bulong niya pa rin.
Lumabas si Myra dala-dala ang bulaklak at inilapag sa
lamesa ni Carla. Nalilito naman itong tumingin sa kaniya.
“Sino nagpadala nito?”
“Hindi ko po alam, Ma’am. Nakita ko na lang po iyan sa
lamesa ko. Sa ‘yo po nakapangalan kaya ipinasok ko na sa opisina mo,” paliwanag
ni Carla.
Ilang sandalling hindi nakasagot si Myra. Hindi niya
maipaliwanag ang inis na nararamdaman pero ayaw naman niyang ibunton iyon kay
Carla. Wala itong kasalanan sa mga ginagawa ni Hansel. Sigurado siya na ang
dating asawa ang nagpadala nito. Wala namang ibang lalake ang magpapadala sa
kaniya ng bulaklak na may ganoong notes.
“Paki sabihan si manong na h’wag tatanggap ng regalo
sa kahit na kanino, okay?”
“Opo, ma’am,” nalilitong tugon ni Carla. Hindi nito
maunawaan kung bakit tila ba ay sumama ang timpla ng amo. Madalas naman kapag
may nagpapadala ng bulaklak kay Myra ay nakangiti ito.
Ngunit hindi natigil ang pagpapadala ng mga bulaklak
si Hansel. Halos linggo-linggo ay may pinapadala itong bulaklak sa opisina ni
Myra. Araw-araw ding may pinapadala itong pagkain sa bahay nila. Hindi naman
alam ni Myra kung paano patitigilin ang asawa dahil wala siyang ideya kung
nasaan ito. Sinubukan na niyang kumausap ng mga kapatid nito ngunit gano’n din
ang sinasabi. Walang nakakaalam kung saan naglalagi ngayon ang lalake.
“Ma! May delivery na naman!” sigaw ni Mico mula sa
sala.
Napatigil si Myra sa hihiwa ng karne. Nasa kusina siya
at magluluto sana ng hapunan nila. Agad na binitawan ni Myra ang kutsilyo
lumabas ng kusina pagkatapos niyang maghugas ng kamay.
“Ako na,” ani niya.
Dere-deretsong lumabas ng bahay si Myra. Binuksan niya
ang gate at doon nakita ang delivery boy na may hawak-hawak na clipboard.
“Good evening, Ma’am. Myra Sanchez po? May delivery po
sa inyong—”
“Wala po akong in-order, sir. Kung sino man ang
nag-order niyan, paki balik na lang sa kaniya.”
“Ha? Eh, ma’am. Sa ‘yo po nakapangalan.”
“Hindi ko nga matatanggap ‘yan kasi wala akong
in-order!” tanggi pa rin niya. Napakamot ang binata sa ulo at binasa ang papel
na hawak.
“Bayad na po ito, ma’am, eh.”
“Sa ‘yo na lang. Pero hindi ko matatanggap ‘yan dahil
hindi ‘yan sa akin galing.” Huminga nang malalim si Myra. “Kanino ba galing?
Malalaman ba kung sino ang nagpa-deliver?”
“Kayo po si Myra, ‘di ba? Sa inyo nakapangalan.”
Naiikot na ni Myra ang mga mata. “Sige na, sir. Sorry.
Pero wala talaga akong in-order.”
“Eh ano pong gagawin ko rito? Ang dami pa naman.”
“Ewan ko? Kainin mo? Iuwi mo sa inyo.”
“Pwede po bang paki-receive na lang?”
“Ayaw ko. At next time, hanggat hindi ko boses ang
naririnig niyo. H’wag na kayong tatanggap ng order mula sa akin!” Ayaw niyang
tanggapin dahil sigurado na siya ngayon na tama ang hinala niya kung kanino
iyon nanggagaling.
Napailing na lang ang lalake. Wala itong nagawa kundi
ang umalis sa bahay ni Myra. Habang si Myra naman ay hinintay na makaalis ito
sa tapat nila bago umalis. Pero pinagbigyan niya ito na pirmahan na lang ang
receive at iuuwi na lang daw nito ang mga pagkain dahil makakaapekto raw iyon
sa trabaho nito. Ayaw naman niyang maging dahilan para mawalan ito ng trabaho.
Malaki ang paniniwala niya na si Hansel ang nag-order niyon kaya hindi niya matatanggap
ang mga pagkain na iyon.
Papasok na si Myra noong mapansin niya ang isang kotse
na nakaparada sa tapat ng kapit-bahay nila. Nangunot ang noo niya at mariing
tinitigan iyon. Ilang sandali pa ay para bang napansin ng kung sino mang naroon
na nakatingin siya roon. Kaya biglang bumukas ang pinto ng kotse at may bumaba
mula roon.
“Hansel?” hindi makapaniwalang sabi ni Myra. Naikuyom
niya ang mga palad at nagmamadaling nilapitan ito. “Ano’ng ginagawa mo rito,
ha?!” singhal niya agad dito. Tinitigan niya ito nang masama at bahagyang
dinuro. Hindi siya makapaniwala na umaaligid pala ito sa kanila na parang isang
criminal at wala siyang kaalam-alam.
“Bakit mo pinaalis iyong delivery boy? Hindi mo
manlang kinuha ang pagkain.”
“Bakit ka ba nagpapadala ng mga pagkain sa bahay? Ano
ba ‘tong ginagawa mo, ha? Child support? Magpadala ka na lang ng notice at ang
attorney ko ang kausapin mo!”
“Myra naman. Gusto ko lang naman magbigay ng mga
pagkain sa inyo eh. Masama ba ‘yon?”
“Kaya kong bumili ng pagkain para sa amin ng mga anak
natin. Kaya hindi mo na kailangan magpa-deliver pa rito. At tigil-tigilan mo na
rin ang pagpapadala ng mga bulaklak sa akin dahil nakakainis na! Punong-puno na
ang basurahan namin.”
Nag-iwas ng mga tingin si Hansel. Kahit papaano ay nasaktan
siya sa mga sinabi ni Myra. Pero hindi naman niya ito masisisi dahil kasalanan
niya ang nangyari.
“Myra, please. Bigyan mo naman ako ng chance.”
Umiling-iling si Myra. “Tapos na tayo, Hansel. Kung
mayroon mang nagko-konekta sa atin ay ang mga anak na lang natin ‘yon. Kaya
kung gusto mo silang suportahan, okay! Hindi kita pipigilan. At kung gusto mong
pag-usapan natin ang tungkol doon ay idadaan natin sa legal na paraan.”
“Makinig ka muna sa akin, Myra.” Sinubukang hawakan ni
Hansel ang kamay ni Myra pero umatras ito. “Mag-usap tayo.”
“Ano pa bang gusto mong sabihin, ha? Sa tingin mo ba
talagang maniniwala ako sa sinasabi ng kapatid mo na hindi talaga kayo nagsama
ng babaeng ‘yon? Hansel! Kahit na ano pa ang sabihin niyong dahilan ay niloko
mo pa rin ako! Iniwan mo kami!”
“Alam mo na?”
Napaingos si Myra. “Oo. At hindi ko iyon paniniwalaan,
Hansel!”
“Myra, oo. Nagloko ako sa ‘yo at pinagsisisihan ko
iyon nang maigi. Kaya nga heto ako ulit at umaasang magkaaayos pa tayo. At
totoong hindi kami nagsama nang matagal ni Rachel. Hiniwalayan ko rin siya
kaagad.”
Napailing-iling si Myra. Sa tinagal-tagal na panahon
ay ngayon nga lang niya nalaman ang pangalan ng babae nito.
“Hindi mo na kailangang magpaliwanag sa akin, Hansel.
Wala ka nang dapat pang ipaliwanag sa akin. Hintayin mo na lang ang tawag ng
lawyer ko at siya na ang aasikaso para sa child support at visitation mo sa mga
anak natin. Sana ngayon ay magpakatatay ka na, ‘no?”
“Myra naman…”
Inirapan ito ni Myra. Tinalikuran na niya ito at akma
na sanang tatawid pabalik ng bahay nila. Hindi na niya ito kayang kausapin pa.
Tama na ang ilang taon na pilit niyang binuo ang sarili niya. Buo na ang
kaniyang desisyon.
“Nagkasakit ako, Myra. Hindi ako nakabalik dahil
nalaman kong may cancer pala ako.”
Napatigil sa paglalakad si Myra at muling nilingon ang
asawa. “Ano?”
“Isa iyon sa dahilan kung bakit hiniwalayan ko si
Rachel. Iniisip ko na kinakarma na ako dahil sa ginawa kong panloloko sa ‘yo.
Pero hindi ko magawang bumalik agad dahil nag-aalala ako sa sasabihin mo. At
mas lalong ayaw na kitang bigyan nang paghihirap pa. Myra, oo, nagkamali ako. Ang
sama-sama ko noon. Pero pinangako ko sa sarili ko na kapag gumaling na ako ay
bubuoin ko ulit ang pamilya natin. At sa ikalawang buhay na ibibigay sa akin ng
Diyos ay pinapangako kong hindi ko na kayo iiwan. Hinding-hindi na kita
sasaktan ulit.”
Napalunok si Myra. Pakiramdam niya ay biglang naging
tambol na ang kaniyang dibdib dahil sa lakas nang pagpintig niyon. Napatitig
lang siya sa dating asawa na ngayon ay maluha-luha na habang nakatitig sa
kaniya. Bakit parang bigla siyang nalito? Kitang-kita niya ang pagiging sensero
sa mga mata nito. Ramdam niya rin sa puso niya na para bang nagsasabi ito nang
totoo. Pakiramdam niya ay unti-unting natitibag ang mataas na pader na binuo
niya para ingatan ang puso.
Pero imposible. Paanong nagkasakit ito? Bakit wala
manlang siya nalaman tungkol doon?
Ginawa ni Myra ang lahat para malaman ang totoo
magmula noong magkausap sila ni Hansel. Halos lahat na ng kakilala nila ay
napagtanungan niya. Umabot pa siya sa puntong nag-hire na siya ng private
investigator para lang malaman ang katotohanan.
“Kumusta ang pag-iimbestiga mo?” tanong ni Cynthia sa
kaibigan.
“Totoo ang sinasabi niya, Cynthia. Nagkaroon siya ng
sakit noon at kagagaling pa lang.”
“So, ano ngayon ang balak mo?”
Hindi siya nakasagot sa kaibigan. Naiinis siya sa
sarili dahil bigla siyang nakaramdam nang pagsisisi dahil sa mga nasabi siya
kay Hansel. Bigla siyang nakonsensya dahil sa loob ng limang taon ay puro galit
ang naramdaman niya rito. Pero hindi naman kasi niya alam ang nangyayari dito.
Kung sana sinabi nito ang tungkol sa kondisyon nito noon ay nagawa niya itong
tanggapin ulit.
“Hindi ko pa alam. Nalilito ako.”
“Tanga ka ba? Bakit ka nalilito?” pagalit na tanong ni
Cynthia. “Oo nga’t nagkasakit siya. Pero h’wag mong kalimutan na niloko ka pa
rin niya! Nagloko siya sa ‘yo, Myra!”
“Alam ko.”
“Eh ano? Babalikan mo?”
“Hindi naman sa gano’n. Nakokonsensya lang ako pero
sigurado naman ako na ayaw ko na. Nakakainis kasi bakit hindi siya nagsabi? Oo,
nahihiya siya dahil sa panloloko niya sa akin. Pero tingnan mo ang nangyayari
ngayon? Parang kasalanan ko pa tuloy na nagalit ako sa kaniya.”
“Myra, h’wag mo isipin ‘yan. Kasalanan niya ang
nangyari. Kung nagkasakit man siya at pinili niyang lumayo ay wala kang
kasalanan. Normal na magalit at masaktan ka dahil niloko ka niya. Kahit sino ay
mararamdaman ‘yon. Kaya pwede ba? H’wag ka na mag-isip pa nang kung ano! Doon
ka na kay Engineer mo!”
Awtomatikong napangiti si Myra noong mabanggit ni
Cynthia ang tungkol kay Jerrick. Madalas kasi ay binibiro na siya nito sa
binata. Hindi naman niya maitatanggi na nagugustuhan na rin niya ito. Ngunit
ngayon ay para bang bigla siyang napapaisip dahil kay Hansel.
“Sira ka talaga!”
“Oo nga! Naku, Myra, ha? H’wag mo na talagang isipin
pang balikan ‘yang manloloko mong asawa!”
Matipid na napangiti si Myra. Wala siyang balak na
balikan ito. Nakokonsensya lang siya, iyon lang ‘yon. Pero nitong mga nakalipas
na araw ay napansin niya nga ang mga pagbabago sa dating asawa. Hindi rin
nagtagal at na finalize ang visitation niya sa mga anak nila. Malaya nang nakakapasok
si Hansel sa bahay nila kapag susunduin ang mga anak. Unti-unti na ring
nawawala ang galit ng mga bata sa tatay nila na ipinagpapasalamat ni Myra.
Pagkatapos kausapin ni Myra ang kaibigan ay
pinagpatuloy na niya ang trabaho. Kagaya ng dati ay maayos ang takbo ng
kaniyang negosyo. Madadagdagan pa nga ang tahian nila dahil mas dumami ang
kanilang mga customer. Noong matapos siya sa trabaho ay umuwi rin kaagad si
Myra. Maaga pa kaya wala pa ang kaniyang mga anak. Kaya naman ay minabuti
niyang maglinis sa kanilang bahay.
“Sino ba kasing naglagay nito sa itaas?” reklamo ni
Myra. Nakatitig siya sa tuktok ng cabinet kung saan nakalagay ang dishwashing
liquid nila. Kumuha na siya ng tungtungan at inabot iyon. Pababa na siya noong
marinig niyang may nag-doorbell kaya ibinaba niya muna ang sabon at lumabas ng
stock room. Binuksan niya ang gate at natigilan siya noong makita si Hansel.
“Andyan ka na pala,” ani Hansel.
“Wala pa ang mga bata. At hindi pa oras ng dalaw mo.
Bakit nandito ka?”
Matipid na ngumiti si Hansel. Hindi maiwasang magtaka
ni Myra dahil maayos ang suot nito ngayon. Kapansin-pansin din na wala na ang
balbas nito at bigote. Parang kakapagupit lang din nito ng buhok. Umarko ang
kilay ni Myra at hinintay ang sagot ng dating asawa.
“Hindi naman sila ang pinunta ko rito, Myra. Ikaw.”
Naismid si Myra. “Hindi naman ako parte ng visitation
rights mo, Hansel.”
Lalong napangiti si Hansel. “Alam mo, ganyang-ganyan
ka noon. Noong nililigawan pa lang kita. Ang sungit mo rin sa akin.”
“Bakit mo naman nabanggit ‘yan ngayon?”
“Wala lang. Nakaka-miss din pala noong kabataan
natin.”
“So? Ako, hindi ko na mi-miss, Hansel. Kaya kung wala
ka naman palang gagawin dito ay sige na. Maglilinis pa ako ng bahay,” taboy ni
Myra sa lalake.
“Kailangan mo ba nang tulong? Wala naman akong gagawin
ngayon.”
“Hindi na lalo kung galing naman sa ‘yo!” Hinawakan na
ni Myra ang gate. “Sige na. Umalis ka na.”
Pero hindi natinag si Hansel. Nanatili siyang nakatayo
sa tapat ng gate at nakatitig kay Myra. Bigla ay nakaramdam nang pagkailang si
Myra dahil sa uwi nang pagtitig sa kaniya ng lalake. Mas tinarayan niya pa ang
tingin dito at hindi nagpatinag sa presensya nito. Sa huli ay huminga nang
malalim si Hansel.
“Sige. Aalis ako. Pero kung papayag kang magdi-dinner tayong
apat mamaya ng mga anak natin.”
“Hindi mo ba talaga na iintindihan ang sitwasyon
natin, Hansel? Hindi ako parte ng—”
“Alam ko, Myra. Pero gusto ko lang maramdaman na buo
tayo ulit.”
Biglang tumawa si Myra. Napapailing-iling pa ito dahil
hindi siya makapaniwala sa sinabi nang lalake.
“Baliw ka na talaga! Hindi na tayo buo at lalong hindi
na tayo mabubuo, Hansel. Oo na, nagkasakit ka. Pero hindi na tayo magiging okay
pa ulit dahil niloko mo pa rin ako. Tuloy ang annulment natin!”
“Hindi mo ba talaga ako mapagbibigyan ng ikalawang
pagkakataon, Myra? Hindi ko naman sasayangin na eh. Hindi kita pipilitin agad.
Pero sana hayaan mo akong ligawan ka ulit.”
“Wala na tayong pag-usapan pa, Hansel.”
Bago pa man makapagsalita pa si Hansel ay isinara na
ni Myra ang gate. Narinig pa niyang tinawag siya nito mula sa labas ngunit
hindi na ito pinagbuksan pa ni Myra. Dali-dali siyang pumasok sa loob ng bahay
at doon ay nagkulong na sa loob.
Magmula noon ay hindi na hinarap ni Myra ang dating
asawa. Minabuti niyang lumayo rito upang hindi na siya magkaroon pa nang kung
ano-anong pakiramdam para sa dating asawa.
“Are you ready?” tanong ni Jerrick kay Myra.
“Yes.” Inayos ni Myra seatbelt niya pero agad siyang
inunahan ni Jerrick. “Salamat, Jerrick. Napaka gentleman mo talaga.”
“It’s the least I can do for you, Myra. There.”
Lalong napangiti si Myra. Papunta sila ngayon sa
Laguna kung saan sila bibili ng property. Iniisip kasi nila dagdagan pa ang
taihan nila para mas marami ang magagawa nila. Kaya sasamahan siya ngayon
Jerrick para tingnan ang property na iyon.
“Salamat sa pagsama, Jerrick. I appreciate this.”
“Sasamahan kita kahit saan, Myra.”
Napanatag na si Myra. Kahit papaano ay masaya siya
dahil nasa tabi niya si Jerrick. Ang binata ang dahilan kung bakit kahit
papaano ay nagiging deretso ang kaniyang pag-iisip. Hindi na rin nagtagal ay
bumyahe na sila papunta sa Laguna. Wala namang isang oras ang layo niyon sa
kanila kaya mabilis lang nilang narating ang location.
“Ito na ba iyon?” tanong ni Jerrick.
“Oo.” Tiningnan ni Myra malaking bahay na halatang
abandonado na. “Medyo sira-sira na pala ito. Pero okay lang, madali lang naman
ayusin.”
“Yeah. Mukhang best catch na rin ‘to para sa business
niyo.”
“Sandali. Tawagan ko lang ang kausap ko—” Pero bago pa
man makuha ni Myra ang cellphone niya ay may pumarang sasakyan sa likuran lang
ng kay Jerrick. Parehas silang napatingin doon at hinintay kung sino ang
bababa. “Hansel?” gulat na sabi ni Myra. Kasunod nito ang isang babae at
lalake.
Agad na kumilos si Jerrick at tumabi kay Myra. “Paano
niya nalaman ‘tong lugar na ito?”
“Hindi ko rin alam,” nalilitong sabi ni Myra. Agad na
hinarap ni Myra ang dating asawa. “Ano’ng ginagawa mo rito, Hansel?”
“Ah, magkakilala kayo?” tanong ng lalakeng kasama
nito. Pinagpalit-palit pa ang mga tingin sa kanilang dalawa. “Ako si Aries. Ang
may-ari ng property. Ako ang kausap mo. Ito naman si Sheila, ang asawa ko, at
si Hansel, kaibigan ko,” pagpapakilala nito.
Hindi nakasagot si Myra. Deretso lang siyang
nakatingin kay Hansel. Pakiramdam niya ay sinadya ng lalake na magkita sila
ngayon. Pilit nang hindi pinansin ni Myra ang dating asawa. Ramdam din niya ang
tension sa pagitan nila dahil sa masasamang titig nito kay Jerrick.
“So, what do you think, Myra?” tanong ni Aries.
“Okay naman. Maganda rin ang location.”
“Bibilhin mo ba?”
“Kakausapin ko muna ang adviser ko. Nasa akin na naman
ang number. I will call you tomorrow.”
“Sige. Maraming salamat.”
Sandaling tiningnan ni Myra si Hansel na nakatayo lang
sa likuran ng mag-asawa. Kanina pa niya gustong magtanong paanong naging
magkakilala ang mga ito. Ngunit mariin niyang pinipigilan ang sarili. Ayaw
niyang isipin ni Hansel na interesado siya rito.
“Bakit hindi muna tayo mag-lunch para mapag-usapan
niyo pa,” suhestiyon ni Hansel. “Parang may mga katanungan pa si Miss Myra.”
Bahagyang umangat ang gilid ng labi ni Myra. Gagawa
talaga nang paraan, aniya sa kaniyang isipan. Umiling siya.
“No. Okay na ako. At isa pa, may dadaanan pa kami.”
“Teka lang. Hindi ba ikaw ang asawa ni Hansel?”
biglang tanong ni Sheila. “Ay oo nga! Bakit hindi mo sinabi?” Tumingin ito kay
Hansel. Nagkibit lang ng balikat ang lalake.
“Talaga?” segunda naman ni Aries.
“Correction. Hinawalay na kami,” ani Myra.
Tumawa si Sheila. “Alam ko. Sorry. Palagi kang
nakukwento sa amin ni Hansel noong nasa ospital pa lang kami. Nakasama niya
kasi sa kwarto ang asawa ko.” Muli siyang bumalin kay Hansel. “Ikaw, ha? Kaya
pala sumama ka.”
Matipid na ngumiti si Myra. “Gano’n ba?”
Mabilis na tumango si Aries. “Oo. Walang araw na hindi
ka kinukwento nito noong nasa ospital pa kami. Parehas kasi kaming
nagka-cancer. Halos sabay nga kami na confine sa ospital kaya kami talaga ang
naging mag-close.”
“Sila lang din ang natira.”
“Palagi ngang nagsasabi itong si Hansel na gusto ka
niyang makausap pero nahihiya naman siya. Pinagyayabang ka sa amin palagi. Mas
takot pa ngang hindi ka na makikita kaysa mamatay eh.”
“Oo nga. Minsan nga pinagalitan ko na. Kasi pati itong
asawa ko nagiging interested na sa ‘yo,” pabirong sabi ni Sheila.
Napabuga ng hangin si Myra. Bumilis na ang tibok ng
puso niya. Bigla ay pakiramdam niya nasa hot seat na siya dahil sa kinukwento
ng mag-asawa. Tiningnan niya si Hansel na nakatitig lang din sa kaniya.
Mapupungay ang mga mata nito na para bang nangungusap na paniwalaan niya ang
sinasabi ng mga kaibigan.
“S-Sige. Aalis na kami. Tatawagan ko na lang kayo,”
ani Myra. Bigla siyang tumalikod at hindi na hinintay pa si Jerrick na
pagbuksan siya ng pinto. Sumakay na siya ng kotse at doon pinakalma ang sarili.
Nakakainis! Bakit ba ako na aapektuhan sa mga kwento nila?
“Ah. Sige, Mang Bert. Naiintindihan ko. Opo. H’wag
kang mag-alala. Magta-taxi na lang ako.”
Napabuga ng hanging si Myra noong pinatay na niya ang
tawag mula sa kaniyang driver. Kaya pala kanina pa niya ito hinihintay ay hindi
ito dumadating dahil may emergency pala sa bahay nito. Wala tuloy susundo sa
kaniya rito sa bangko. Natuloy ang pagbili niyang property sa Laguna. Ang lupa
na pagmamay-ari ng kaibigan ni Hansel. Nagdadalawang-isip sana siya na kuhain
iyon dahil sa dating asawa. Ngunit naisip niya rin na sobrang babaw naman ng
kaniyang rason.
Tumingin si Myra sa kaniyang wristwatch at muling
bumuga ng hangin. Mag-aalas tres na ng hapon at may dadaanan pa siya. Hindi na
rin naman niya matatawagan si Jerrick dahil may trabaho ito. Nagpalinga-linga
na si Myra para sana tumawag ng taxi. Ngunit bigla na lang may pumarang itim na
kotse sa kaniyang harapan. Nangunot pa ang noo niya dahil talagang tinakpan
nito ang kalsada. Napailing na lamang siya at akma na sanang lilipat ng pwesto
noong bumaba ang bintana ng kotse.
“Myra!”
“Hansel? Ano’ng ginagawa mo rito?” gulat na tanong
niya noong makita ang dating asawa. Ilang araw na rin ang nakalipas matapos ang
huli nilang pagkikita roon sa property nila Aries. Hanggang ngayon ay
pina-process niya pa sa isipan ang kinuwento ng mga ito tungkol sa dati niyang
asawa. “Sinusundan mo ba ako?”
“Ha? Hindi. May binili ako roon sa mall. Nakita kita
rito kaya dumaan ako. Wala ka bang sundo?”
Nag-iwas ng tingin si Myra. Hindi naman ito
nagsisinungaling dahil may malapit ngang mall dito sa bangko. Bahagya siyang
napahiya na nag-assume siya kaagad na sinundan siya nito.
“M-Meron! Hinihintay ko nga eh.”
“Sigurado ka? Ihatid na kita. Libre naman ako ngayon.”
Umarko ang kilay ni Myra. Tiningnan niya ito ng ilang
sandali. Hindi naman sa hinuhusgahan niya ito. Pero hindi niya maiwasang
mapaisip kung talaga bang nagkasakit ito dahil mukha naman itong maayos ngayon.
May kotse. Maayos ang porma. Palaging na ilalabas ang mga anak nila. Kwento rin
sa kaniya ng mga anak ay maganda ang bahay ni Hansel. Hindi niya alam kung saan
nito nakuha ang pera para sa mga roon. Napailing si Myra.
Pakealam ko ba sa pera niya?
ani niya sa isipan.
“Kaya ko na ang sarili ko. Thank you,” kaswal na sabi
niya.
Imbes na umalis ay nagulat si Myra noong makita niyang
nagtanggal pa ng seatbelt si Hansel at bumaba ng kotse. Napaatras siya nang
kaunti noong lumapit ito sa kaniya.
“Halika na. Saan ka ba pupunta?” Tumingin si Hansel sa
langit. “Tingnan mo, oh. Makulimlim na rin. Mas okay may sasakyan ka kaysa
commute.”
Lalong nagsalubong ang mga kilay ni Myra. Napatingin
siya sa langit. Totoo ngang makulimlim iyon at para bang uulan na. Kanina lang
ay maganda naman ang langit. Mayroon pa siyang kikitain na supplier kaya
kailangan nga niya ng sasakyan.
“Sige na nga. Pero ngayon lang ‘to, ha? Nagmamadali na
rin kasi ako,” ani Myra.
Napangiti nang malapad si Hansel. “Kahit araw-araw
pa.”
Inirapan ni Myra si Hansel. Naglakad na siya papunta
sa upuan sa unahan. Bubuksan niya sana ang pinto pero kasunod niya pala si
Hansel at pinagbuksan siya nito. Nag-alagan pa si Myra dahil nakaramdam siya
nang pagkailang sa ginawa nito. Hindi naman bago na iyon sa lalake. Noong
mag-asawa pa sila ay talagang maasikaso ito sa kaniya. Sabi nga ng iba ay
napaka swerte niya kay Hansel dahil kahit na galing ito sa trabaho ay natulong
pa rin ito sa kaniya sa gawaing bahay. Ngunit biglang nagbago noong mas pinili
nitong lokohin siya kaysa ang manatili sa kanilang pamilya.
Sumakay na si Myra sa kotse. Agad niyang isinuot ang
seatbelt bago pa man makasakay si Hansel. Napansin niya pang para bang nagulat
ito noong makitang ayos na siya kaya wirdong nginitian niya ito. Na para bang
sinasabi na ayos na siya at ayaw niyang mapadikit masyado rito.
Tumikhim si Hansel. “Saan ka ba pupunta?”
“Sa Miggz Café, diyan sa QC. May ka-meeting ako.”
“Meeting? Tungkol saan?”
“Sa negosyo ko. Hindi mo na kailangan tanungin pa,
Hansel.”
Napabuga ng hangin si Hansel. Ramdam niya ang pag-iwas
ni Myra at patuloy nitong pagiging matigas sa kaniya. Ngunit hindi siya
nawawalan nang pag-asa na hindi ito mapa-oo muli.
Hindi nagtagal ay narating na nila ang location. Agad
na bumaba si Myra at hindi na hinintay pang mapagbuksan ni Hansel. Ni hindi
niya ito tiningnan at nagdere-deretso lang sa loob. Napatigil si Myra sa
paglalakad noong maramdaman niyang may sumusunod sa kaniya. Agad siyang
lumingon sa kaniyang likuran.
“Ano’ng ginagawa mo?”
Nangunot ang noo ni Hansel. “Sinasamahan ka?”
“Salamat sa paghatid, Hansel. Pero kaya ko na ‘to.”
“Behave lang ako, promise.” Itinaas pa nito ang mga
kamay na para bang sumusuko.
Napailing na lamang si Myra at iniikot ang mga mata.
“Wala akong oras para dito. H’wag kang maingay, ha?” bilin niya.
Tumango naman si Hansel at ngumiti sa kaniya. Lalong
napailing si Myra at muling naglakad. Sa isang sulok ng café ay nakita niya ang
kaniyang katagpong supplier. Bago iyon kaya kailangan niya munang interview-hin
kung okay ba ito. Isang may katandaang mag-asawa ang kaniyang bagong supplier.
Naupo siya sa tapat ng mga ito habang si Hansel naman ay sa tabi niya.
Kinunotan pa niya ng noo ang lalake pero nagpatuloy pa rin ito sa pag-upo.
Hindi na lamang ito pinansin ni Myra at nag-umpisa nang makipag-usap sa mga ito
hanggang sa magawa nilang magkaroon ng deal.
“Okay, Ma’am and sir. Pupunta na lang po ako sa
warehouse niyo bukas para matingnan ang mga supplies. For me, our deal is
okay.”
“Naku! Salamat, hija. Akala ko hindi mo matatanggap
ang deal,” ani Mabeth. “Sa anak ko kasi talaga ang negosyo. Kami lang ang
pinaharap niya.”
Ngumiti si Myra. “Alam ko po, Ma’am. It’s okay.”
“Bakit pala walang sinasabi ang asawa mo?” tanong ni
Carlos at tumingin kay Hansel.
Parehas na nagulat sina Hansel at Myra dahil sa sinabi
nito. Nagkatinginan silang dalawa at agad na umiling si Myra.
“Ah. Sa ngayon ay hindi pa po kami okay. Pero
wino-work out kong magsama ulit kami,” si Hansel ang sumagot.
Pasimpleng kinurot ni Myra ang hita ni Hansel. Hindi
siya makapaniwala sa sinabi nito. “Hindi po. Hiwalay na kami. Matagal na.”
“Hiwalay? Eh bakit magkasama pa kayo?” tanong ng
ginang.
“Oo nga. Tsaka, kanina ko pa kayo ino-obserbahan.
Ganyan ang mga tingin ko sa asawa ko na hanggang ngayon ay mahal na mahal ko.”
Inakbayan ni Carlos ang asawa at hinalikan sa noo.
Tensyonadong tumawa si Myra. “Naku! Nagkakamali po
talaga kayo. Nagkataon lang na nagkita kami.” Tiningnan niya si Hansel. “Ano
ba, Hansel?” pabulong na tanong niya rito.
“Ano?”
“Ilang taon na ba kayong hiwalay? Bakit? Okay lang ba
pag-usapan?” tanong bigla ni Mabeth.
Doon ay natigilan si Myra. Napatitig siya sa ginang ng
ilang sandali bago nag-iwas ng tingin. Dahan-dahan niyang niligpit ang mga
gamit dahil wala rin siyang balak na pag-usapan ang tungkol doon.
“Five years na po,” si Hansel na naman ang sumagot.
“Actually, may kasalanan ako sa kaniya. Kasalanan ko kung bakit kami
nagkahiwalay.”
“Let me guess, nang babae ka?”
Marahang tumango si Hansel kay Carlos. Pumalatak naman
ang matanda.
“Hay naku, hindi ko alam kung bakit ba hindi talaga
kayo makontentong mga lalake,” ani Mabeth. “Alam niyo, itong asawa ko. Nang
babae rin ‘to noon. Isang beses lang. Muntik na niya kami iwanan.”
Nangunot ang noo ni Myra. Napatitig siya ulit sa
dalawang matanda. Kung kumapit si Carlos kay Mabeth ay marahan iyon. Hindi niya
rin nakakikitaan nang kahit na anong pagkailang si Mabeth. Mas sweet pa ngang
tingnan ang dalawa kaysa sa mga kabataang magsing-irog na nakikita niya rito sa
loob.
“Pero kayo pa rin po?” nagtatakang sabi ni Myra.
Ngumiti si Mabeth. “Oo. Hinayaan ko siya. Masakit.
Sinubukan kong ayusin ang pamilya namin para sa mga anak namin. Kaso ano ang
gagawin ko kung siya na mismo ang may ayaw, ‘di ba? Pinalaya ko siya kagaya
nang gusto niya. Kaso ayon, wala pang isang linggo na nawala sa bahay. Umuwi
ulit. Umiiyak. Hindi raw niya kaya. Nag-aalala rin para sa mga anak namin. Kaya
tinanggap ko siya ulit.”
“Isa iyon sa pinaka malaking pagkakamaling nagawa ko
sa buhay ko. At wala na akong balak pang gawin ulit iyon.”
“Sus! Matanda ka na, Carlos. Wala nang magkakagusto sa
‘yo. Ako na lang ang magtitiis sa ‘yo,” pabirong sabi ng ginang.
Matipid na napangiti si Myra sa mga ito. Hindi niya
maiwasang kiligin sa simpleng palitan ng biruan ng mga ito. Pero sa kaibuturan
ng kaniyang puso ay nagtataka siya.
“Paano mo nagawa ‘yon? Ang magpatawad?” tanong ni
Myra. Wala siyang pakealam kung nasa tabi niya lang si Hansel. Pero gusto nyang
malaman kung paano ito nagawa ng ginang dahil hanggang ngayon ay binabalot pa
rin siya ng galit.
Bumuntonghininga si Mabeth. Tinitigan niya si Myra.
“Alam ko na nahihirapan kang magpatawad kahit matagal na ang nangyari. Kahit
sinong babae ay hindi deserve na maramdaman ang nangyari sa atin. Oo, siguro sa
iba ay naiisip nila na ang tanga ko noon. Kasi hindi ko alam kung hanggang
ngayon na uugod-ugod na kami ay niloloko pa rin ako nito—”
“Hindi ah! Loyal na ‘to!”
Tumawa si Mabeth. “Oo na!” Muli siyang tumingin kay
Myra. “Pero pinakiramdaman ko lang noon ang sarili ko. Mahal ko ang asawa ko.
Wala akong ibang lalakeng minahal sa buhay kundi siya lang. Noong nagloko siya
ay halos gumuho ang mundo ko. Pero naisip ko at nakita ko ang mga pagbabago
niya. Tsaka, kahit na ano kasi ang ginawa niya ay hindi pa rin nawala eh.
Hanggat narito ang pagmamahal. Hanggat nararamdaman ko ‘yon para sa kaniya.
Patatawarin ko siya. Hindi para sa mga anak namin. Kundi para sa akin. Dahil
napagtanto ko na kung mas paiiralin ko ang sakit na nararamdaman ko ay wala
ring mangyayari. Ako lang ang masasaktan.”
“Pero nagawa kong mag-move on.”
“Pero masaya ka ba?”
“Oo! Kasama ang mga anak ko.”
“Pero may kulang pa rin, ‘di ba?”
Naiawang ni Myra ang kaniyang bibig. Gusto niyang
sabihin na wala pero sigurado siyang nagsisinungaling lang siya sa sarili.
Iniikom niya ang bibig at nag-iwas ng tingin. Ramdam niya ang pamumuo ng
kaniyang mga luha kaya agad na siyang tumayo at kinuha ang mga gamit.
“S-Sorry. Aalis na ako. Tatawag na lang po ako ulit,”
aniya at nagmamadaling lumabas ng café.
“Myra, sandali—”
“Boy, kung ano man ang ginawa mo sa kaniya. Sigurado
akong nasasaktan pa siya hanggang ngayon,” ani Carlos.
Sandaling tiningnan ni Hansel ang mag-asawa.
Pagkatapos ay sinundan na niya si Myra at na abutan niya ito sa may gilid na ng
kalsada.
“Myra, teka! Andito ang kotse ko. Kukuhain ko lang.”
Umiling si Myra. “Hindi na, Hansel. Kaya ko na. Pauwi
na ako.”
“Hatid na ki—”
“Sabing kaya ko na nga!” biglang sigaw ni Myra.
Unti-unti na ring tumulo ang kaniyang mga luha. “Kaya ko, Hansel! Kinaya ko ng
limang taon na wala ka sa tabi namin. Kinaya kong mabuhay na wala ka kaya kaya
kong umuwi nang mag-isa!” Mabilis na pinunasan ni Myra ang kaniyang mga luha.
“Kaya, please? H’wag mo na akong lituhin pa? Dahil ayaw ko na! Kahit na ano pa
ang gawin mo ay wala nang maibabalik pa sa atin. Sira na tayo. Sirang-sira na!”
ani niya at tinalikuran na ang lalake. Noong may makita siyang taxi ay agad
niya iyong pinara.
Isang kahibangan na tatanggapin pa niya ang lalakeng
minsan nang nanakit sa kaniya. Wala siyang pakealam kung ano ang sabihin ng
iba. Pero bakit ganito ang nararamdaman niya? Bakit hindi niya nasagot ang
tanong ng ginang? Oo, kinaya niya. Pero hindi niya maitatanggi na para bang may
kulang pa rin. Masaya siya sa kung ano ang mayroon siya ngayon at dahil kasama
niya ang mga anak. Pero hindi na siguro maibabalik ang saya niya kagaya noon.
Kagaya noon noong buo pa ang pamilya nila.
Dere-deretsong pumasok si Myra sa kanilang gate
pagkababa niya ng taxi. Ngunit napatigil siya sa paglalakad noong pagbukas niya
ng pinto ay na abutan niya ang ina sa kanilang sala. Tumigil ito sa pagkain at
lumingon sa kaniya.
“Myra? Diyos ko! Ano’ng nangyari?” nag-aalalang tanong
ng nanay ni Myra. Agad nitong ibinaba ang hawak na baso sa lamesita at
nilapitan ang anak.
Suminghot-singhot si Myra at pilit na pinapatigil ang
sarili sa pag-iyak. Ngunit kahit na ano ang gawin niya ay hindi niya iyon
magawa. Pakiramdam niya ay sasabog ang kaniyang dibdib dahil sa emosyon na
kaniyang nararamdaman.
“Maupo ka.”
Pansamantala siyang iniwan ng kaniyang ina para kumuha
ng tubig. Inabot nito iyon sa kaniya na agad naman niyang ininom. Noong kumalma
na siya ay saka siya kinausap nito.
“Ano ba ang nangyari, Myra?”
Suminghot-singhot si Myra. “M-Ma… hindi ko na alam ano
gagawin ko.”
“Ano ‘yon? Pinilit kong umuwi rito dahil nag-aalala
ako sa ‘yo. May nakarating din kasing balita sa akin.”
“Ano?”
“Nagkabalikan na raw kayo ni Hansel.”
Napasinghap si Myra sa kaniyang narinig. Muli ay
napaiyak siya dahil sa nalaman niya. “H-Hindi ko na talaga alam, Ma. Ang sakit!
Nasasaktan ako. Akala ko okay na ako eh. Okay na ako eh. Nagpakita pa siya
ulit!”
Marahan siyang niyakap ng kaniyang ina. Sa
tinagal-tagal nang panahon ay hindi inakala ni Myra na maapektuhan siya nang
dahil lang sa simpleng usapan kanina. Naisip na rin naman niya noon na
makipagbalikan sa kaniyang asawa. Ilang beses niyang naisip iyon mula noong
makita niya ulit ito. Ngunit kahit na ano ang gawin niya ay bumabalik pa rin
ang sakit na naramdaman niya dahil dito.
Naramdaman ni Myra na hinagod ng kaniyang ina ang
kaniyang likod. Doon ay nakaramdam siya nang kaunting kaginhawaan.
“Alam mo, anak. Hindi mo naman kailangang pilitin ang
sarili mo kung talagang hindi mo na kaya. Kagaya nang sinabi mo, nakaya mo ng
ikaw lang.”
“Pero, ma. Paano kung ginawa rin ‘yon sa ‘yo ni Papa
noon? Magagawa mo pa ba siyang tanggapin?”
Matagal bago ito nakasagot. Huminga ito nang malalim.
“Myra, matanda na ako para dito. Pero kung ako ang tatanungin mo niyan. Siguro,
oo.”
“Oo? Bakit? Niloko ka niya. Sinaktan ka niya. Iniwan
niya ang pamilya niyo para sa ibang babae. Tapos nagsinungaling ng ilang taon.
Bakit matatanggap mo pa rin siya?”
Pinahid ng kaniyang ina ang kaniyang mga luha at
nginitian siya. “Hanggat may pagmamahal pa ako para sa papa mo, magagawa ko
siyang tanggapin ulit, Myra. Hanggat nararamdaman ko pa sa puso ko na may
puwang pa siya. Gagawin ko kahit na masakit. Kasi kahit na ano ang gawin ko ay
siya ang lalakeng pinili kong makasama habang-buhay. Hanggat mahal ko siya ay
pikit-mata kong tatanggapin siya ng buo. Ikaw ba? Mahal mo pa rin ba siya?”
Naiawang ni Myra ang kaniyang bibig. Pinunasan niya
ang kaniyang luha at saka nag-iwas ng tingin. Muli siyang uminom at
pinakiramdaman ang sarili. Sa loob ng limang taon ay hindi niya natanong ang
kaniyang sarili kung mahal pa rin ba niya si Hansel. Pero kahit na ano pa ang
gawin niya ay para bang blangko na ang kaniyang damdamin.
Wala na siyang pagmamahal sa dating asawa.
“Oh, Hansel? Bakit?”
Ngumiti si Hansel kay Sheila at itinaas ang supot na
dala niya. Mayroon iyong ilang bote ng alak at chicharon. Bahagyang nanlaki ang
mga mata ni Sheila.
“Ano ‘yan?”
“Sorry. Wala kasi akong mapuntahan. H’wag kang
mag-alala. Para sa akin lang ‘to,” paniniguro ni Hansel. Magmula kasi noong
gumaling sila ni Aries ay hindi na nito pinayagan pa ang asawa na uminom ng
alak.
Umarko ang kilay ni Sheila at pinagkrus ang mga kamay.
“Alam mong hindi rin ‘yan pwede sa ‘yo, ‘di ba? Healthy living na nga eh!”
“Sige na, Sheila. Kailangan ko lang talaga nang
makakausap ngayon.”
“Oo na! May magagawa pa ba ako? Andoon si Aries sa
rooftop. Puntahan mo na lang.”
“Yes! Salamat, Sheila!”
“H’wag na h’wag mong bibigyan ‘yong isa, ha?!”
“Oo!”
Natawa pa si Hansel. Pumasok na siya sa loob ng bahay
ng mga ito. Dumeretso siya sa rooftop at doon nakita ang kaibigan na
nagmumuni-muni sa paborito nitong upuan.
“Oh, Hansel? Ano ang ginagawa mo rito?”
Inilapag ni Hansel ang dala sa lamesita sa gilid nito
at naupo sa isa pang upuan. Agad na napatawa si Aries at hinawakan ang dalang
alak ni Hansel.
“Ops! Baka makita ka ng asawa mo!”
Natawa ulit si Aries. “Hayaan mo na! Parang malaki ang
problema mo, ah? Talagang nagdala ka pa nito kahit alam mong parehas tayong
malalagot kay Misis.”
Binuksan ni Hansel ang alak at sumandig sa upuan.
Napaka payapa ng kalangitan ngayon. Kitang-kita niya ang ilang mga bituin sa
langit. Napaka payapa niyong pagmasdan. Parang kanina lang ay nagbabadya iyong
umulan. Pakiramdam niya tuloy sinadya ng langit na magkasama sila ng Myra
kanina.
“Hindi ko alam kung tama pa ba ang ginagawa ko, p’re.”
“Tungkol ba ‘to sa misis mo?”
“Oo eh. Kanina kasi nakita ko siya. Aksidente lang.
Tapos ‘yong mag-asawang ka-meeting niya may nasabi. Ang sakit pala makitang
nasasaktan ang taong minamahal mo.”
“Oo naman. Kaya hanggat maari ay palagi ko na lang
sinusunod si Sheila. Kahit na minsan ay nakakarindi. Pero ayaw na ayaw kong
nakikitang umiiyak siya.”
Huminga nang malalim si Hansel. “Noong… noong
nagloloko ako kay Myra. Wala akong ibang inisip noon kundi ang kaligayahan ko. Alam
mo ‘yon? Para akong nalunod sa huwad na kaligayahan sa loob ng ilang buwan.”
“Bakit mo nga ba kasi nagawa ‘yon?”
Matagal bago nakasagot si Hansel. “Noon kasi,
masyadong na busy si Myra sa pagnenegosyo niya. Oo na. Ang tanga ko na sa part
na ‘yon kasi alam ko naman na ginagawa lang niya ‘yon para sa pamilya namin.
Kaso wala eh. Naaasikaso pa rin naman niya kaming mga anak niya. Pero hindi na
kagaya noon. Lalo na sa akin.”
“Ahh! Kulang na kayo sa loving-loving?”
“Oo. Eh andiyan si Rachel. Nabuhay ulit ‘yong dugo ko.
Na excite ulit ako.”
Pumalatak si Aries. “Kasalanan mo talaga, p’re.”
“Oo. Alam ko. Kaya sobrang nagsisisi ako ngayon. Kaya
gusto ko sana maging kompleto ulit ang pamilya namin.”
“Kaso?”
“Kaso parang wala na talagang pag-asa.” Gumaralgal ang
boses ni Hansel. “Sinubukan ko lahat, P’re. Kaso sa ginagawa ko ay parang mas
lalo ko lang siyang nasasaktan.”
“May mga tao kasi na kapag sobrang nasaktan ay
nahihirapan nang magpatawad. Tsaka kasi, nasira ang tiwala niya sa ‘yo. P’re,
iniwan mo ng ilang taon ‘yong tao. Tapos hindi mo pa sinabi ang totoo sa
kaniya. Kaya hindi na ako nagtataka kung ganiyan siya ngayon.”
“Nagbago naman ako eh. Noong nalaman kong may sakit
ako, pinilit kong gumaling dahil sa pag-asang magkakaayos pa rin kami. Noong
gumaling ako, pinilit kong magkaroon ng negosyo rin. Nagpundar ng bahay para sa
amin.”
“Hindi sapat ‘yon, p’re. Kasi ang mga babae, kapag
talagang tapos na sila sa ‘yo. Wala na. Kahit na ano ang pagpapabangong gawin
mo ay wala ka na magagawa pa. Kasi buo na ang desisyon nila. Siguro… panahon na
para tanggapin mo, p’re.”
“Ang ano?”
“Na kahit na ano pa ang gawin mo. Ang relasyong nasira
na ay hindi na ulit mabubuo pa.”
Hindi nakasagot si Hansel. Pakiramdam niya ay sinampal
siya sa sinabi ni Aries. Noong umalis siya sa kanila ay akala niya kaya niya na
wala ang pamilya niya. Kaya siya muling bumalik dahil na realize niya na sila
ang gusto niyang makasama. Parang hindi niya ata kayang tanggapin na hindi na
sila magkakaayos ng kaniyang asawa.
Siguro ito na ang karma niya sa ginawa niyang
kasalanan.
“Ready na ba ang lahat?” tanong ni Jerrick. Lumapit
ito kay Myra na kasalukuyang chine-check ang mga dadalhing gamit.
“Okay na.”
“Eh ang mga bata?”
Napatingin si Myra sa kanilang bahay. “May kinukuha pa
raw. Eh ikaw? Wala ka na bang nakalimutan?”
Umiling si Jerrick. “Ready na ako bago pa ako pumunta
rito.”
Napangiti si Myra. Umayos siya ng tayo at hinarap si
Jerrick. “Thank you rito, ha? Kailangan ko talaga ‘to.”
“Wala ‘yon. Hindi ko na rin kasi gusto na palagi kang
tulala.”
Natawa si Myra. Matapos ang tagpo nila ni Hansel ay hindi
niya ito nakita na. Hindi na siya ulit nalito pa pero tila ba ay bumalik siya
sa umpisa. Kaya naman ay naisipan ni Jerrick na dalhin silang mag-iina sa isang
beach resort para makapagpahinga na rin.
“Pumapangit na ba ako?”
Tumawa si Jerrick. “Never.”
Napangiti na lang ni Myra. Hindi na nagtagal ay umalis
na rin sila para pumunta sa Palawan. One week silang magi-stay sa isang isla
roon. Lahat ng mga dapat ayusin ay naayos na ni Jerrick. Nag-leave pa ito para
masamahan lang silang tatlo.
“Ang ganda rito, ma!” masayang sabi ni Miko.
“Ligo na tayo!” yaya agad ni Lancer.
“Ops! Ayusin niyo muna ang mga damit niyo sa kwarto!”
saway naman ni Myra.
“Hayaan mo na, Myra. Ako na ang magdadala sa taas ng
mga bagahe nila.”
“Sabi mo ‘yan, Tito, ha?” ani Miko.
Nanlaki ang mga mata ni Myra. Pero wala na siyang
nagawa pa dahil tumakbo na palabas ang mga bata. Napailing na lang siya at
pinanood ang mga ito mula sa terrace. Tanaw niya ang payapang paghampas ng
tubig-dagat sa pangpang mula sa kanilang pwesto. Hindi niya maiwasang mamangha
sa lugar dahil sa puting-puting buhangin. Doon ay na realize niyang ito ang
unang family trip nilang mag-iina.
“Masaya ka ba?”
Napatingin si Myra sa kaniyang gilid noong marinig
niya si Jerrick. Ngumiti siya at tumango rito. “Oo. Sobrang peaceful dito,”
tugon niya. Muli niyang pinanood ang mga anak na naliligo sa dagat.
“Oo nga. Sobra.”
“Thank you, Jerrick. Hindi ko na alam kung paano pa
kita mababayaran sa kabutihan mo sa akin at sa mga anak ko.”
“Myra, gusto kong malaman mo na hindi kita pinupwersa.
I’m doing this out of love. Pero hindi ako nanghihingi nang kapalit. I just
really want you to relax.”
“Alam ko, Jerrick. At dahil doon ay alam ko na mabuti
kang tao.” Huminga siya nang malalim. “Pagkatapos nito ay kakausapin ko ulit si
Hansel, Jerrick. Okay lang ba?”
Nangunot ang noo ni Jerrick. “Syempre naman. Hindi mo
naman kailangan sa aking itanong ‘yan.”
“Kailangan, Jerrick.”
“Kasasabi ko lang na hindi kita ino-obliga, Myra—”
“Oo nga. Pero kailangan ko ng advice mo.”
“Ah, okay. Sure. Ikaw ang bahala.”
“Magpa-file ako ulit ng annulment. I don’t care kung
gaano man katagal. Kung gaano kahirap. Pero buo na ang desisyon ko, Jerrick.
Noong nakita ko siya ulit. Nalaman ko ang mga nangyari sa kaniya noon. Aaminin
ko, medyo nalito ako. May parte sa sarili ko na gusto ko pa rin bigyan ng buong
pamilya ang mga anak ko. Kaso, paano ko naman gagawin ‘yon kung hindi na rin
kami buo, ‘di ba?”
“Tama.”
“At isa pa, sigurado na ako ngayon, Jerrick. Sigurado
na ako sa nararamdaman ko.”
Biglang binundol ng kaba si Jerrick. Napalunok siya at
hindi nagsalita. Hinintay niya lang na magsalita si Myra.
“Iba na ang minamahal ko.”
“Sino?”
“Ikaw.” Nginitian ni Myra si Jerrick. “Sabi ng mama
ko. Hanggat may pagmamahal pa raw ako ay magagawa ko pa ring tanggapin si
Hansel. Kaso kahit na ano ang gawin ko ay wala na talaga. Ikaw na, Jerrick.
Ikaw ang narito.”
Naiawang ni Jerrick ang kaniyang bibig. Hindi niya
alam kung ngingiti ba siya sa sinabi ni Myra. Pero para siyang biglang naging
teenager at lumakas pa lalo ang kabog ng kaniyang dibdib.
“I-Ibig sabihin ba nito…”
Tumango si Myra. “Oo. Sinasagot na kita, Jerrick.”
Agad na niyakap ni Jerrick si Myra. Hindi nito
maipaliwanag ang galak na kaniyang nararamdaman. Pero pinakiusapan ito ni Myra
na h’wag munang ipagsasabi sa iba ang tungkol sa kanilang relasyon hanggang sa
matapos ang annulment niya kay Hansel. Habang nasa bakasyon din sila ay
naisipan na ring kausapin ni Myra ang mga anak.
Katatapos lang nilang kumain ng hapunan at naisipan
nilang apat na maupo sa may beach. Naglatag ng manipis na tela si Jerrick sa
buhangin at doon sila naupong apat.
“Kukuha lang ako ng maiinom natin,” ani Jerrick.
“Sige.”
Naiwan sila Myra sa may beach. Nasa magkabilang gilid
niya ang mga anak at nakatitig lang sa may dagat. Tumikhim si Myra.
“Mga anak, may gusto sana akong itanong sa inyo.”
“Ano ‘yon, ma?” tanong ni Lancer.
Ilang sandali pa bago makasagot si Myra. “Gusto niyo
bang magkabalikan kami ng papa niyo?”
Matagal din bago makasagot ang magkapatid. “Bakit, ma?
Nagkabalikan na ba kayo ni Papa?” tanong ni Miko.
Umiling si Myra. “Hindi. Gusto ko lang malaman ang
nasa isip niyo.”
“Ma, kagaya ng sabi ko sa ‘yo noon. Ayos lang sa
akin,” ani Lancer. “Ayos lang sa akin kung hindi na kayo magkabalikan ni Papa.
Oo, bumabawi na siya sa amin. Pero, ‘ma. Naiintindihan ko kung hindi na kayo
magkabalikan ni Papa.”
“Hindi na ba talaga kaya, ‘Ma?” tanong pa rin ni Miko.
Nakaramdam ng pagkirot sa dibdib si Myra dahil sa
tanong na ito ni Miko. Hinawakan niya ang kamay ng anak. “Sorry, anak.”
Bumuntonghininga si Miko. “Okay lang, ‘ma. Kasalanan
din naman ni Papa.”
“Hindi ba kayo magagalit sa akin?”
Umiling ang magkapatid. “Alam namin, ‘ma. Naririnig ka
namin gabi-gabi noon na umiiyak dahil kay Papa. Ayaw ko na ulit makita kang gano’n,
‘ma,” tugon ni Lancer.
Nangilid na ang mga luha ni Myra. Hindi niya alam na
naririnig pala siya ng mga ito noon. Pero ramdam niya na hindi masyadong
nangungulit sa kaniya ang mga anak noon. Na para bang na iintindihan ng mga ito
ang mga pinagdadaanan niya.
“Maraming salmaat, mga anak. Kayo ang dahilan kung
bakit pilit kong bumangon noon. Kayo ang natatanging rason kaya nabubuhay pa
rin ako ngayon. Salamat at nauunawaan niyo ako.”
“’Ma naman! Umiiyak ka na!” ani Miko.
“Kayo kasi eh!”
“Maligo na lang tayo!”
Agad na tumayo si Lancer at hinila ang ina. Ganoon din
ang ginawa ni Miko sa kabilang kamay ni Myra. Aatras sana si Myra ngunit wala
na siyang nagawa pa dahil magkatulong ang magkapatid na hilain siya sa dagat.
Napasigaw na lang siya nang malakas at napahagikhik. Doon ay masaya silang
nagtampisaw sa tubig. Pansamantala ay nakalimutan ni Myra ang bigat na kaniyang
nararamdaman.
Sa ‘di kalayuan ay lumuluhang tinatanaw ni Hansel ang
mag-iina. Sinundan niya ang mga ito sa Palawan. Kakausapin niya sana si Myra
ngunit hindi niya ito na abutan sa bahay nila. At noong malaman niyang kasama
si Jerrick sa bakasyon ng mga ito ay agad siyang nag-book ng flight para sundan
ang mga ito. Gusto sana niyang makipagbalikan pa rin kay Myra ngunit habang
pinapanood niya ang mga ito ay unti-unti na siyang sinasampal ng reyalidad. Ang
reyalidad na hindi na niya mabubuo pa ang pamilya nila.
Ang pamilyang siya mismo ang sumira.
Lumipas ang mga araw ay hindi na nakita pa ni Myra si
Hansel. Nakakausap pa rin ito ng mga anak niya pero hindi na siya muli pang
ginambala ng lalake. Noong una ay nanibago siya ngunit naisip niyang tama lang
iyon. Hanggang sa nakatanggap siya ng text message mula kay Hansel. Pinapapunta
siya nito sa lugar na palagi nilang pinupuntahang mag-asawa noong kabataan pa
nila. Sa Manila Bay.
“Bakit mo ako pinapunta rito?” tanong ni Myra kay
Hansel. Nakaupo na sila sa sementadong bato at nakatanaw sa karagatan.
“Salamat sa pagpunta. Akala ko hindi ka papayag.”
Umarko ang kilay ni Myra. “H’wag ka nang umasa,
Hansel. Sabi mo kasi may importante kang sasabihin.”
Napangiti si Hansel. Mami-miss niya ang pagiging
masungit nito. “Ouch!” pabirong sabi niya. Iniikot naman ni Myra ang mga mata
kaya lalo siyang natawa. “Sorry. Oh.”
Napatingin si Myra sa hawak na brown envelop ni
Hansel. “Ano ‘yan?”
“Tingnan mo.”
Kinuha ni Myra ang envelope at binuksan iyon. Naiawang
niya ang bibig noong mapagtanto niyang ang annulment papers nila iyon ni
Hansel. Nagulat siya noong makita niyang may pirma iyon ni Hansel.
“Noong isang araw pa dumating sa akin ‘yan. Kaso
maraming orders kaya hindi ko agad na ibalik.”
“Teka, seryoso ba ‘to? Pumapayag ka na? Hindi ka
nagjo-joke?”
“Ayaw mo ba? Pwede naman nating—”
“Hindi!” Agad na inilayo ni Myra ang mga papel kay
Hansel. “Sigurado na ‘to, ha? Wala nang bawian!”
Tumawa si Hansel. “Oo. Nakapirma na nga ako, ‘di ba?”
“Eh, naninigurado lang.” Muling binasa ni Myra ang
papel na hawak niya. Kumurap-kurap pa siya at pasimpleng pinisil ang daliri
para malaman na gising talaga siya at hindi nananaginip lang. “Pero bakit? Bakit
biglang nagbago ang isip mo?”
Huminga nang malalim si Hansel. Tumitig siya sa
kawalan. Biglang pumasok sa kaniyang isipan iyong mga araw na nasa Palawan sila
Myra. Sobrang saya ng kaniyang asawa. Nakita niya rin kung paano kumislap ang
mga mata nito habang tumititig kay Jerrick. Mga tingin na hindi na nito
magagawa pang gawin sa kaniya. Masakit, para siyang unti-unting dinudurog.
“Alam ko na nasaktan kita nang sobra, Myra. Habang-buhay
ko iyong pagsisisihan. Hindi ako magsasawang humingi ng tawad sa ‘yo.
Hihintayin ko hanggang sa mapatawad mo na ako. Pero hindi na kita pipilitin pa.
Sorry sa mga nagawa ko sa ‘yo. Sorry kung iniwan ko kayo noon. Babawi ako pero
siguro sa mga anak na lang natin. Gusto na lang kitang maging masaya, Myra.
Deserve mong maging masaya. Masakit man na hindi na ako ang magiging dahilan no’n
ay tatanggapin ko. Kasi mahal kita, Myra. Ayaw ko nang makita ka pang umiiyak
dahil sa akin.”
“Wow? Ang ganda naman no’n,” natatawang sabi ni Myra. Tumingin
siya kay Hansel. “Salamat. Pasensya na kung talagang hindi ko na talaga kayang
makipagbalikan sa ‘yo.”
“Okay lang. Na iintindihan ko, Myra. Tsaka, salamat na
rin ako dahil pinagbigyan mo pa rin ako na makita ang mga anak natin. Makasama
sila.”
“Tatay ka pa rin nila, Hansel. Kahit na wala na tayong
dalawa ay gusto ko pa ring maging maayos ang pakikisama mo sa kanila. Kaya sana
h’wag mong sisirain iyon.”
“Oo naman. So, pwede ba kitang mayakap sa huling beses?”
Napangiti si Myra. “Okay. Sige.”
Tumayo silang dalawa. Agad siyang kinabig ni Hansel
papalapit sa kaniya. Nagulat pa siya noong una at nakaramdam nang pagkailang.
Pero hinayaan niya lang ang dating asawa na yakapin siya. Sa huling pagkakataon
ay naramdaman niya ang sensiridad ng mga sinabi nito sa kaniya. Nakakalungkot
man ang naging katapusan ng kanilang pagsasama ay masaya na si Myra dahil sa
tinagal-tagal ng panahon ay nagkaroon na sila ng closure ni Hansel. Hindi man
sila nagkabalikan ay hindi naman nila hinayaang maramdaman ng mga anak nila na
watak na ang pamilya nila.
Madalas pa ring napunta sa bahay nila si Hansel para
bisitahin ang mga anak nila. Tuwing weekends ay sinusundo ni Hansel ang mga
anak. Hindi na rin naiilang pa si Myra sa dating asawa bagkus ay naging
magkaibigan pa silang dalawa. Hindi rin nagtagal ay naipasa na ang annulment
nilang dalawa. Naging opisyal na ang paghihiwalay nilang dalawa. Sa wakas ay
nakalaya na si Myra sa nakaraan niya na nagbigay sa kaniya ng labis na
kasawian. At sa piling ni Jerrick ay nagkaroon na rin siya ng bagong kaligayahan.
Maraming mga pamilya ang nasisira dahil sa maling mga
desisyon sa buhay. Lahat ng tao ay may kaniya-kaniyang kahinaan. Madalas ay
hindi natin napapansin na nakakasakit na pala tayo. Ngunit sa kwento ni Myra,
kahit na hindi man sila nagkabalikan ng dati niyang asawa ay nagawa niya pa rin
itong mapatawad. Dahil na rin sa kagustuhan ni Hansel na magbago. Hindi man
nabigyan na mabuo pa rin ang pamilya nila ay naging masaya naman ang kanilang
mga anak. Nagawa pa ring mapatawad ni Myra ang dating asawa.
The End
03/09/2023