Not A Love Story
Ameiry Savar
Blurb:
Hindi kailanman inakala ni Avril na darating ang araw na magiging higit pa si Brix sa isang kaibigan.
Walang commitment. Walang feelings. Walang expectations.
Pero habang tumatagal, unti-unti niyang namalayan na nahuhulog na pala siya.
Ngunit paano kung kailan handa na siyang tanggapin ito ng buong-buo ay saka naman maging huli ang lahat?
Can Avril survive being heartbroken for the second time?
And yes...
This is not a love story.
Chapter 1
“Mga putangina niyong mga lalake! Pare-parehas lang kayo! Mga gago!” sigaw ni Avril.
Ni hindi na niya inisip pa kahit na nasa beach siya at maraming nakaririnig sa kaniya. Para sa kaniya ay gusto lamang niya na ilabas ang pait na kaniyang nararamdaman.
Siyam na taon. Siyan na taon lang naman ang sinayang niya sa piling ng kaniyang dating nobyo na si Jace.
Akala nga niya ay sa simbahan na ang destinasyon ng relasyon nila. Matagal na kasi silang nagsasama at kasal na lang talaga ang kulang. Ngunit sa hindi inasahang pangyayari ay bigla na lamang umalis si Jace sa kanila. Nagulat na lang siya noong mabalitaan na umuwi pala ito sa kanila upang magpakasal sa ibang babae.
Galit na galit si Avril. Pakiramdam niya ay ginago siya ni Jace. Ni hindi manlang kasi ito nagbigay ng abiso. Basta na lamang itong umalis at iniwan siya.
Kaya ngayon ay wala siyang ibang magawa kundi ang umiyak at magpakalasing halos araw-araw.
“Avi! Tama na ‘yan! Lasing ka na!” saway ni Brix sa kaibigan.
Si Brix, kaibigan ni Avril. Ang totoo ay kaibigan ito ni Jace. Nakitira ito sa kanila dahil wala itong ibang matuluyan. Pumayag naman si Avril dahil nga kilala naman niya ang binata.
Lumapit si Brix kay Avril. Kinuha nito ang hawak na bote ng beer ng dalaga. Pero hinarap lamang ito ni Avril at sinamaan ng tingin.
“Akin na ‘yan! Ano ba?!” galit na sabi ng dalaga.
Hindi naman nagpatinag si Brix. Noong akmang aabutin ni Avril ang bote ay itinaas niya ito. Dahil lasing na ang dalaga ay gumewang lang ito at deretsong napasubsob sa dibdib ni Brix.
Napabuga ng hangin si Brix. Mabilis niyang hinawakan sa baywang ang dalaga upang hindi ito tuluyang matumba.
“Sinabi na kasing h’wag na magpakalasing,” napapailing na sabi ni Brix.
Umungol lang ang dalaga. Lumaylay pa ang kamay nito at hindi na kumilos pa ulit.
Natigilan naman si Brix. Muntik na silang matumba noong pati ang mga paa ni Avril ay lumambot na rin.
“Haist! Tinulugan pa ako!”
Walang nagawa si Brix kundi ang kargahin na lang si Avril. Binuhat niya ito papunta sa cottage nila kung nasaan ang iba pa nilang mga kasama.
“Hay naku! Kawawa naman talaga si Avril,” napapailing na sabi ni Cheska. Isa sa mga kaibigan ni Avril.
“Kaya nga e. Gago naman kasi talaga ‘yan si Jace! Iwanan ba naman sa ere si Avril!” segunda ni Marian.
Inilapag ni Brix sa upuan si Avril. Mahaba ang kahoy na upuan kaya ipinatong din niya ang mga paa ng dalaga sa upuan. Pagkatapos ay pinaunan sa kaniyang hita.
“Alam mo, Brix. Bagay kayo ni Avril. Bakit hindi na lang kayo?” tanong bigla ni Tiffany.
“Oo nga! Single naman kayong parehas!”
“Sige na, P’re! Ligawan mo na. Ako nanligaw diyan.”
Nagsalubong ang mga kilay ni Brix. Sinamaan niya ng tingin si Carlo.
“Gago! Manahimik nga kayo! Kita niyo ngang broken hearted pa tapos ganiyan na iniisip niyo. Pabayaan niyo nga muna siya.”
“Ay sus! Sabi nga sa internet, isa ring paraan para makapag-move on agad ay maghanap ng bagong pag-ibig. Kaya bakuran mo na ‘yang si Avril. Marami kaming nag-aabang dito. Bahala ka,” sabi naman ni Max.
“Tangina mo!” iyon lang ang nasabi ni Brix. Ngunit napatitig siya sa natutulog na si Avril. Hindi naman niya ikinakaila na kahit papaano ay crush niya ito.
Maganda si Avril. Chinita, matangos ang ilong, at hugis puso ang mukha. Pinkish ang perpektong hugis ng labi nito. Para din itong naka-blush on dahil palaging mamula-mula ang mga pisngi nito. Tisay kasi ang dalaga kahit na dito sila sa probinsya nakatira.
Balingkinitan din ang katawan nito. Sexy—kahit na pandak. Kaya hindi na kataka-taka kung marami ang nagkakagusto sa dalaga. At kagaya nga ng sabi ng kaibigan niya ay nag-aabang dito. Kaya hindi niya rin maunawaan kung bakit bigla na lamang itong iniwan ni Jace.
Dahil kung sa ugali naman ay mabait naman si Avril. Alam iyon ni Brix dahil kasama nga niya ito sa bahay. Kitang niya kung paano asikasuhin ni Avril si Jace. Minsan nga naiinggit na siya dahil ilang taon na rin siyang single.
“Baka naman ‘di pa naka-move on,” biglang sabi ni Cheska. “Balita ko uuwi raw si Ella.”
“Ahh! Kaya pala, ha? Naku! Naku! Mukhang may magpapakatanga na naman!”
Lalong sumama ang mukha ni Brix.
“Pwede ba? Manahimik na nga lang kayo. Dami niyong sinasabi e! Uminom na nga lang tayo!”
Chapter 2
Parang binibiyak ang ulo ni Avril noong magising siya kinabukasan. Ni wala na siyang maalala sa kung ano bang nangyari kagabi. Nagulat nga siya noong makitang nasa kwarto na niya siya.
Tumihaya sa kama si Avril. Muli siyang binalot ng kalungkutan noong marinig ang katahimikan nang paligid.
Itong silid na ito. Dito nabuo ang ilang taon na pagsasama nila ng dati niyang nobyo. Lahat na ata ay nagawa nila sa kwartong ito. Pero ngayon ay wala na.
Iniwan na siya nito.
Nangilid bigla ang mga luha niya noong maalala ulit ang dating nobyo.
“Kailangan ko na mag-move on,” mahina niyang sabi. “Ano pa ba ang mapapala ng pag-iyak?”
Pinilit na lamang niyang tumayo kaysa ubusin na naman ang oras niyang umaasa na naman sa wala.
Lumabas na siya ng silid. Nagulat pa siya noong makita ang pagkain na nakahain na sa lamesa. Agad siyang lumapit doon at tiningnan kung ano iyon.
Arozcaldo iyon na umuusok pa. Sa tabi ay may pitsel na may yelo at puno ng tubig. Napalunok siya agad. Kumuha siya ng baso at agad na nagsalin ng tubig doon. Saka tinungga iyon.
"Whoa!"
Biglang gumaan ang pakiramdam ni Avril noong makainom siya ng tubig. Napabuga siya ng hangin at nanghihinang umupo sa upuan.
"Hindi na talaga ako iinom," bulong ni Avril sa sarili.
"Sus! Baka mamaya pagdating ko ay lasing ka na naman."
Halos mapasigaw si Avril noong marinig ang boses ni Brix. Palabas pa lang ito ng banyo at katatapos lang maligo. Nanlaki ang mga mata niya noong makitang nakatapis lang ito ng tuwalya.
"Ano ba 'yan?! Hindi mo ba kayang magbihis na lang sa banyo?!" Inis na tanong ni Avril. Tumalikod siya dito habang tinatakpan pa ang mga mata. "Jusko! Ang mga mata ko!"
Napangiwi si Brix. Timungin siya sa kaniyang katawan. Mamasamasa pa iyon. Kahit papaano ay maganda naman siyang pangangatawan.
"Bakit? Ang macho ko kaya!" Pabirong sabi ni Brix.
Naningkit ang mga mata ni Avril. Nilingon niya ito habang pilit na sa mukha lang nito nakatingin.
"Baliw! H'wag ka nang mangarap pa diyan! Magbihis ka na nga! Nakakasira ka ng umaga!"
Napakamot si Brix sa ulo.
"Ewan sa 'yo."
Naglakad na ang binata papunta sa katabing silid ni Avril. Iyon kasi ang naging silid ni Brix habang nakatira sa bahay nila.
Hindi naman mapigilan ni Avril na mapatitig sa binata habang naglalakad ito palayo sa kaniya.
Bigla siyang nakonsensya dahil natarayan niya ito agad. Magmula kasi noong iniwan siya ni Jace ay ito lang ang nakasama niya. Ito na rin ang nag-asikaso sa kaniya sa tuwing hindi niya maasikaso ang sarili.
Huminga siya ng hangin at muling uminom na lang ulit ng tubig.
"Kainin mo na 'yang lugaw habang mainit pa para mahimasmasan 'yang tiyan mo. May gamot din diyan. Inumin mo para mawala 'yang sakit ng ulo mo," ani Brix mula sa silid.
Napatingin siya ulit sa lamesa. Doon lamang niya napansin ang gamot na nakapatong doon malapit sa mangkok ng lugaw.
"Nagsaing na rin ako. May mabibilhan naman ng ulam diyan kila Aling Rose. Bumili ka na lang ng ulam mo."
Napalabi na si Avril. Kinuha niya ang kutsara at nag-umpisang kumain.
"Ayaw ko."
Nangunot ang noo ni Brix. Nagmamadali na niyang sinuot ang t-shirt niya at lumabas ng silid.
"Ano?"
"Ayaw ko. Wala akong gana kumain," sabi ni Avril habang patuloy sa pagsubo.
Napailing-iling si Brix. Lumapit siya sa lamesa. Marahan niya pang pinalo iyon.
"At bakit naman ayaw mong kumain? Hindi pwedeng ganiyan ka palagi, Avril. Gusto mo ba talagang sirain ang buhay mo nang dahil lang sa nangyari sa inyo ni Jace?"
Pakiramdam ni Avril ay biglang umakyat ang dugo niya sa kaniyang ulo. Pabagsak niyang binitawan ang hawak na kutsara at nanliliit ang mga mata na tumingin kay Brix.
"Ano bang pake mo, Brix? Hayaan mo nga ako sa gusto kong gawin sa buhay ko!"
Napaawang ang bibig ni Brix.
"Malamang may pake ako, Avril! Araw-araw kong nakikita kung gaano ka kamiserable. Araw-araw kong nakikita kung paano mo sirain ang sarili mo. Avril, hindi naman dahil umalis si Jace ay katapusan na ng mundo. Tulungan—"
"Edi umalis ka na rin," nangingilid ang mga luhang sabi ni Avril. "Umalis ka na! Iwanan niyo na akong lahat! Pare-parehas lang naman kayo e! Iiwanan niyo rin ako! Edi umalis ka na rin kung nahihirapan ka na makita akong ganito!"
Tuluyang napaluha si Avril. Unti-unting bumigat ang pakiramdam niya. Para bang lahat na lang ay gusto siyang iwanan.
Hindi naman nakaimik si Brix. Napatitig lamang siya sa dalaga habang awang-awa.
Bumuga siya ng hangin. Tumayo siya nang maayos at lumapit pa dito. Kinabig niya ito payakap sa kaniya. Noong una ay bahagya pang umatras si Avril, pero sa huli ay sumobsob ito sa tiyan ng binata at yumakap sa baywang nito. Marahan namang hinagod ni Brix ang ulo nito at tinapik-tapik ang balikat.
"H'wag kang mag-alala. Hindi naman ako aalis. Gusto ko lang tulungan mo rin naman ang sarili mo na makabangon ulit. Oo na. Gago 'yang si Jace. Pero hindi pa naman katapusan ng mundo. Marami pa namang lalaki diyan. Makakahanap ka rin ng totoong magmamahal sa 'yo."
Biglang humina ang pag-iyak ni Avril. Unti-unting lumuwag ang pagkakakapit niya kay Brix. Nag-angat siya ng ulo upang makita ang mukha ng binata.
"Bakit? Gusto mo ba ako?"
Napatingin bigla si Brix kay Avril. Sinuri pa niya ang mukha nito kung nagbibiro lang ba ito sa tanong nito.
"Ha?"
Tuluyang bumitaw si Avril kay Brix.
"Ikaw? Gusto mo ba ako?"
Natigilan si Brix. Para siyang robot na biglang nalito sa inuutos ng gumawa dito. Napapakamot pa siya sa ulo habang pilit na prinoproseso ang tanong ng dalaga.
"A-Ano ba namang tanong 'yan, Avril? Bakit naman napunta sa akin?" Kabadong tanong niya. Kalalaki niyang tao pero bigla siyang binundol ng kaba.
Napalabi si Avril. Muli siyang humarap sa lamesa.
"Wala. Sorry. Lasing pa ata ako."
Nagpatuloy na ulit si Avril sa pagkain na para bang walang nangyari. Habang si Brix naman ay hindi na maipinta ang mukha dahil sa tanong ng dalaga.
Chapter 3
Halos hindi na nakatulog nang maayos si Brix matapos ang tanong ni Avril. Sa unang pagkakataon ay may babaeng nagtanong sa kaniya ng ganoon.
Hindi naman dapat siya maapektuhan sa tanong ng dalaga. Pero kasi... Si Avril iyon. Hindi niya rin alam bakit ganoon ang epekto sa kaniya ng tanong na iyon.
Tulala siyang nakaupo sa isang pahabang kahoy labas lang ng bahay nila. Katatapos lang nilang maghapunan, kaya nanigarilyo muna siya habang patuloy pa rin na iniisip ang tanong ni Avril. Gusto niya ba ito? Hindi niya alam. Hindi naman niya kasi naisip ang bagay na iyon dahil magkaibigan naman silang dalawa. Isa pa, nobya nga ito ng tropa niya. Pero ngayon na tinanong siya ng dalaga ay parang may kung anong nabuhay sa dibdib niya.
Sa tuwing nakikita niya ito ay hindi na siya mapakali. Ang hirap pa ng sitwasyon niya dahil nga kasama niya lang ito sa bahay.
"Hoy! Para ka namang timang diyan!"
Nabitawan ni Brix ang hawak na sigarilyo noong may pumalo sa braso niya. Pagtingin niya ay si Avril iyon. Nakangiti na ito habang nakatingin sa cellphone. Napatikhim siya noong naupo ito sa tabi niya.
At least, ngumingiti na ito ulit.
"Ano na naman ginagawa mo dito? Nakita mong naninigarilyo ako e," ani Brix.
Nakalabing tiningnan ni Avril ang binata.
"Kasi mukha kang kawawa dito. Parang ang lalim ng iniisip mo e. May nangyari ba sa trabaho?"
Napakurap-kurap si Brix. Heto na naman ang puso niya na parang tinatambol. Ramdam niya rin ang pagtulo ng kaniyang pawis sa noo.
"Ha? Wala ah!"
Naiikot ni Avril ang mga mata. Muli itong tumutok sa cellphone.
"Wala daw. E tingnan mo nga 'yang mga mata mo. Para ka nang nag-aadik. May jowa ka na ba? Nag-away ba kayo kaya ka tulala?"
Napabuga ng hangin si Brix. Nakatutok si Avril sa cellphone niya at nanonood ng reels, kaya nagkaroon siya nang pagkakataon na matitigan ito nang matagal.
Ewan niya. Siguro nga gusto niya ang dalaga.
Sino ba naman kasi ang hindi magkakagusto sa kaniya? Bukod sa maganda na, mabait din. Maasikaso sa nobyo nito. Hindi mahigpit. Maunawa. Kung baga full package na sana si Avril. Tarantado lang talaga ang tropa niya dahil pinakawalan pa nito ang dalaga.
Naiisip niya nga noon na ang swerte ni Jace dahil si Avril ang naging nobya nito. Minsan ay naiinggit siya. Isa rin talaga iyon sa naging dahilan kaya naging crush niya ito.
"Mga tanungan mo talaga, Abril."
Inirapan ni Avril si Brix. "Bakit? May masama ba sa tanong ko?"
Nag-iwas ng tingin si Brix. "Wala," bulong niya. Kumuha na lang siya ulit ng stick ng sigarilyo at sinindihan iyon. Natahimik na rin ang dalaga kaya hindi na rin umimik si Brix.
"Paano kung gusto nga kita? Ano ang gagawin mo?" tanong bigla ni Brix.
Natigilan si Avril. Hindi makapaniwalang tiningnan niya ang binata.
"Ha? Anyare sa 'yo?"
Seryosong tiningnan ni Brix ang dalaga.
"Noong isang araw, tinanong mo ako kung gusto kita. Paano kung oo? Ano gagawin mo?"
Napakurap-kurap si Avril. Tinitigan niya pa ng ilang sandali si Brix kung seryoso ito. Kabadong natawa siya.
"Baliw! Joke lang 'yon! Ano ka ba? Nagdadrama lang ako."
Nag-iwas siya ng tingin dito. Pero sa loob-loob niya ay para nang may nagkakarerahan na mga kabayo sa kaniyang dibdib.
"Ano naman? Iba naman 'yong tanong ko ngayon."
Napatingin ulit si Avril kay Brix. Natigilan siya noong makitang nakatitig lang ito sa kaniya. Seryoso ang mapupungay nitong mga mata habang matiyagang naghihintay sa kaniyang sagot.
Natawa ulit si Avril. Hinampas niya pa ang braso nito.
"Magtigil ka nga, Brix! Hindi ka ba kinikilabutan sa tanong mo?"
"Hindi. Seryoso ako, Avril. Gusto ko malaman kung ano ang pwedeng mangyari."
Napalunok si Avril. Hindi na siya mapakali sa kaniyang kinauupuan.
"Gago 'to. Edi gusto mo ako! Ano bang magagawa ko? E maganda naman talaga ako. Hindi kita masisisi kung magkakagusto ka sa akin."
Ngumiti pa siya nang ubod ng tamis kay Brix. Pero hindi niya alam na dahil sa ginawa niya ay mas lalong parang may kung anong nabuhay sa loob-loob ng binata. Bahagyang nangunot ang noo nito. Nanlaki pa ang mga mata ni Avril noong bahagyang dumukwang ang binata sa kaniya.
"Seryoso ako, Avril. Gusto kita. Ilang araw ko na inisip. Gusto kita."
Napakurap-kurap si Avril. Sandali niyang tinitigan ang binata. Kitang-kita niya ang sensiridad sa mga mata nito. Sensiridad na bigla nagbigay ng takot sa kaniya.
Mabilis siyang napatayo upang makaiwas sa binata.
"B-Baliw! Kung ano-ano 'yang iniisip mo, Brix! Kung ano man 'yang tinitira mo, tigilan mo na 'yan, ha? Hindi nakakabuti sa 'yo!" kabadong sabi niya. "M-Matutulog na ako. Ikaw na bahala magsara!"
Iyon lang at pumasok na sa loob ng bahay si Avril.
Kaayos pa lang niya ng kaniyang sarili. Nasasaktan pa rin siya dahil sa naunang pagkabigo niya sa pag-ibig. At sigurado siya na hindi niya pa kaya na muling buksan ang puso niya.
Hindi niya pa kaya kahit na kay Brix na naging mabuti naman sa kaniya.
Chapter 4
Magmula noong pag-uusap nilang dalawa noong isang gabi ay hindi na rin napakali si Avril. Bigla ay parang naging awkward na makasama niya sa iisang bahay si Brix. Wala naman siyang masabi na hindi maganda sa binata. Napakabuti kasi nito. At kahit nga hindi nito obligasyon na asikasuhin siya noong lugmok na lugmok siya ay ginawa nito.
Pinakita nito ang pag-unawa at pag-aasikaso na hindi niya naranasan kay Jace.
Matapos din no'n ay parang mas naging kompyansa sa sarili si Brix. Naging mas maalaga ito kay Avril. Hindi na rin ito nag-alinlangan sa mga kilos nito. Ipinakita nito sa dalaga na talagang seryoso ito sa nararamdaman nito para sa kaniya.
Pero si Avril? Hindi siya sigurado. Wala pang anim na buwan noong iniwan siya ni Jace. Nag-uumpisa pa nga lang siya ulit mag-move on. Hindi biro iyong halos sampung taon na buhay niya kasama ang binata. Kaya ngayon na mayroong nagpaparamdam sa kaniya na panibagong pag-ibig, parang bigla siyang nag-alinlangan.
"Oh."
Inilapag ni Brix ang isang brown na sobre sa lamesa. Kumakain sila ng hapunan. Hindi pa man nakikita ni Avril ang laman niyon ay alam niyang pera iyon. Sweldo ni Brix. Akinse kasi noong araw na iyon. Masarap ang ulam na binili din ni Brix sa labas. Ganoon ito tuwing sasapit ang sweldo nito.
"Ano naman 'yan?" tanong ni Avril. Sinubukan niya pa ring maging kaswal na kausapin ito.
"Sweldo ko," matipid na sabi ni Brix. Pagkatapos ay kumain na ito.
Napabuga ng hangin si Avril. Ibinaba niya ang hawak na kutsara at tiningnan ang binata.
"Brix."
"Hmm?"
Bahagyang nag-angat ng ulo si Brix. Nakakunot na ang noo nito habang nakatingin kay Avril.
"Tama na."
"Anong tama na?"
"Hindi ko matatanggap 'yang pera mo."
Muling humarap sa kaniyang plato ang binata.
"Bakit naman? Binibigay ko na nga sa 'yo e. Panggastos dito sa bahay."
Nakagat ni Avril ang labi. Hindi niya alam kung paano sasabihin ni Avril ang mga gusto niyang sabihin dito nang hindi masasaktan ang damdamin nito. Mabuti si Brix. Alam niya na magiging mabuti itong nobyo. Pero hindi pa siya handa. Lalo na ang puso niya.
"Please. Sorry kung natanong kita ng ganoon. Pero... Joke lang talaga iyon. Sorry. Kasi..."
Unti-unting bumagal sa pagnguya niya si Brix. Noong mag-angat ito ulit ng ulo at tumitig sa dalaga.
"Alam ko, Avril. Pero seryoso ako. Gusto kita. Gusto kong alagaan ka. Gusto kitang makasama ka. Alam ko... Gets ko kung bakit nag-aalinlangan ka. Pero willing ako maghintay, Avril. Hihintayin kita hanggang sa handa ka na ulit," madamdaming sabi ni Brix.
Napaiwas ng tingin si Avril. Bigla kasi siyang binundol ng kaba. Knowing Brix, alam niya na nagsasabi ito ng totoo. Pero siya? Hindi pa siya sigurado.
"Pero, Brix. Alam mo naman ang past ko. Dati akong nobya ng kaibigan mo. Nagsama kami ng ilang taon. Okay lang ba talaga sa 'yo 'yon?"
Nangunot ang noo ni Brix.
"Oo naman. Ano'ng masama doon? Kapag makita ko nga ulit si Jace, magpapasalamat pa ako sa kaniya na iniwan ka niya—"
Agad na nagdilim ang mukha ni Avril. Nakita naman nito na halos gumuho na ang mundo niya noong iniwan siya ni Jace. Tapos magpapasalamat pa talaga ito?
"Gago ka ba?"
Natawa si Brix.
"Hindi! I mean, magpapasalamat ako dahil nga nagkaroon na ako ng chance sa 'yo!" ani nito. "Patapusin mo kasi muna ako!"
Inirapan ni Avril ang binata. Pero hindi niya mapigilang mapangiti. Nakaramdam siya bigla nang kaunting kilig dahil sa sinabi nito.
"Pero pwera biro, Avril. Hayaan mo lang ako na patunayan sa 'yo ang nararamdaman ko. Alam mo naman ako, hindi ako mahilig sa salita. Kaya hayaan mo ako na iparamdam sa 'yo na seryoso ako sa 'yo. Maghihintay ako hanggang sa handa ka na rin na gustuhin ako," seryosong sabi ni Brix.
Kinagat ni Avril ang labi upang pigilan ang sarili na mapangiti.
"Bahala ka. Baliw," mahinang sabi niya.
Chapter 5
Mas naging maalaga si Brix kay Avril matapos ang pag-uusap nilang iyon. Minsan nga ay nahihiya na ang dalaga dahil alam naman niya ang ibig sabihin no'n.
Gusto siya ng binata. Ngunit hindi pa rin siya sigurado sa kaniyang nararamdaman.
Oo nga. Kahit papaano ay lumalambot na naman ang puso ni Avril para dito. Nakita niya kung paanong kadesidido ito para sa kaniya. Pinaramdaman nito na totoo ito sa mga sinabi nito sa kaniya.
Gusto na rin naman ni Avril na pagbigyan ang binata. Kaso natatakot pa rin siya. Hindi para sa sarili niya. Kundi para dito, hindi naman kasi biro ang siyam na taon niya na kasama ang dating nobyo. Natatakot siya na baka nalulungkot lang siya ngayon kaya iniisip niyang pagbigyan na ang binata. Ayaw niya naman na gawin itong panakip butas.
Pero sabi nga ng iba, minsan ay para makamove-on sa dating kasawian, kailangan ding buksan ulit ang puso para sa bagong pag-ibig.
"Ano ba ito, Avril? Maglinis ka naman ng bahay mo!" ani Lucy, ang nanay ni Avril. Bumisita ito sa bahay ng anak dahil ilang araw na itong hindi nagpaparamdam ulit sa kanila. Nag-aalala siya na baka kung ano na ang ginawa nito sa sarili. At ngayon ay naabutan niya na magulo ang bahay habang nakatutok ito sa laptop nito.
"Busy ako, Ma." iyon lang ang sabi ni Avril. Kagaya ng palagi niyang dinadahilan dito dahil nasa bahay lang ang trabaho nito.
Napailing na lamang si Lucy. Kusa na niyang niligpit ang lamesa nito na naroon pa rin ang pinagkainan. Sunod niyang pinakialaman ang kusina nito. Nagulat pa siya noong makita na malinis iyon kaysa sa sala. Pagtingin niya naman sa kwarto ng dalaga ay magulo pa rin ang kama na hinigaan nito. Pero kataka-taka na maayos din ang ibang parte niyon. Sunod niyang pinuntahan ang isang kwarto, lalo siyang nagtaka noong makita ang maayos at malinis na silid.
"Dito pa rin ba nakatira si Brix?" tanong niya.
"Opo."
Napatingin si Lucy kay Avril. Lumapit siya sa lamesa ng anak.
"At ayos lang sa 'yo?"
Napabuga ng hangin si Avril. Sandali niyang pinukulan ng tingin ang ina.
"Oo naman, Ma. Kahit papaano ay nakakatulong naman siya sa gastusin ko dito sa bahay," dahilan niya rito.
Kinuha ni Lucy ang walis tambo at nag-umpisang magwalis sa sala.
"Kahit na anak. Lalake pa rin si Brix. Hindi maganda na lalake ang kasama mo lalo kung hindi mo naman ito asawa." Natigilan si Lucy. "Teka. H'wag mong sabihin na siya na ang bago mong nobyo?"
Napaubo si Avril. Minsan talaga ay iniisip niya na may kapangyarihan ang nanay niya.
"Hindi ah, Ma! Alam mo naman kakahiwalay ko pa lang. Gusto ko pang i-enjoy ang buhay dalaga ko!" dahilan niya.
Napailing si Lucy.
"I-enjoy? E halos hindi ka nga nalabas sa bahay na 'to. At kung lalabas ka naman ay para uminom ng alak. Tigil-tigilan mo na 'yan, Avril, ha? Kababae mong tao tapos lasenggera ka? E ano naman kung iniwan ka ni Jace? Wala rin naman kwenta 'yang ex mo! Palamunin mo pa! Tama lang na umalis na siya sa buhay mo!" sunod-sunod na sabi ni Lucy.
Napangiwi na si Avril. Ito talaga ang dahilan bakit hindi siya madalas bumisita ngayon sa kanila. Lalo na noong kakahiwalay pa lang nila ni Jace.
"Ma, naman. Kahit papaano ay naging mabait naman si Jace sa akin."
"Ah, basta! Ayusi mo na 'yang buhay mo. At 'yang si Brix. H'wag mo na patagalin 'yan dito, ha? Hindi magandang tingnan na nasa iisa kayong bubong. Wala bang pamilya 'yan? Bakit hindi doon tumira?"
Napabuga na lamang si Avril ng hangin. Wala siyang lakas na makipagtalo sa ina. Ang dami niyang kailangan na tapusing trabaho. Nagdagdag kasi siyang clients para mas maging busy siya. Sa ganitong paraan na napipigilan niya ang sarili na mag-isip, higit sa lahat ay mag-inom.
Hinayaan na lamang niyang magbunganga ang ina at nag-focus sa pagtatrabaho. Wala rin naman siyang balak na paalisin si Brix sa bahay niya. Nasanay na rin naman siya dito. At lalong wala siyang pakealam sa mga tsismis ng kapitbahay niya. Buti kung nakatutulong sila sa pagbabayad ng kuryente niya. Hindi naman.
Hapon na noong umalis si Lucy sa bahay niya. Naglaba na rin kasi ito dahil nakita nito ang tambak niyang labahan. Natuwa naman si Avril dahil hindi na siya mapapagod. Inabutan na lamang niya ng pera ang ina para hindi na ito magalit pa tungkol kay Brix.
Abala siya sa pagi-scroll noong may lumabas na chat message sa kaniyang notification bar. Nangunot ang noo niya noong mabasa ang chat ng kaibigan.
Cheska: Avii! Inom tayo mamaya kila Max.
Napalabi si Avril. "Inom na naman."
Avril: Busy ako.
Cheska: Ay sus! Busy mo mukha mo! Isama mo si Brix. Sabihin mo nandito na si Ella.
Natigilan si Avril noong mabasa nito ang huli nitong sinabi.
Si Ella, ang ex ni Brix. Naalala pa niya dati ay madalas itong iyakan ng binata noong bigla itong umalis ng lugar nila at nagpunta sa Maynila. Nakipaghiwalay ito sa binata dahil nga sa hindi na raw nagwo-work ang relasyon nila. Sa tuwing nalalasing si Brix ay ito lagi ang hinahanap nito. Umiiyak pa ito palagi. Hanggang sa bigla na lamang hindi na nito hinanap ang dalaga.
Napabuga ng hangin si Avri. "Ano naman? Edi balikan niya ex niya," bulong niya sa sarili.
Sinabihan na lamang niya si Cheska na subukan niyang pumunta roon. Pero ewan niya. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nainis, at biglang nag-alala ngayon na nalamang niyang bumalik na ang nakaraan ni Brix.
Chapter 6
Ayaw na sanang umalis ni Avril sa kanilang bahay. Pero dinaanan sila ng mga kaibigan nila. Kaya wala siyang nagawa kundi ang sumama sa mga ito. Wala pa nga si Brix kaya ni-text na lang niya ito na naroon siya kila Cheska.
"Hindi ka na lumalabas ng bahay niyo, Avi. Mukhang marami ka nang pera ah!" biro ni Cheska.
Naiikot ni Avril ang mga mata. "Sana magdilang anghel ka."
Humagikhik si Cheska. "Kumusta na kayo ni Brix? May development na ba?"
Agad na nagsalubong ang mga kilay ni Avril. Kinabahan din siya nang kaunti dahil sa pag-aalala na maaring may alam na ito.
"Baliw ka ba? Hindi kami talo ni Brix, 'no?!"
"Edi wow! Magkasama kayo sa bahay? Wala manlang kahit kaunti na... Alam mo na? Libog diyan?"
"Yuck! Pwede ba, Cheska? Ibang topic na lang! Kinikilabutan ako sa mga tanong mo e!"
Umakto pa na parang nandidiri si Avril.
Tumawa lang si Cheska habang tinitingnan nang makahulugan si Avril. Sakto naman na nagdatingan na ang ibang mga kaibigan nila kaya hindi na natuloy ang kwentuhan nilang dalawa.
Nag-umpisa ang kasiyahan. Umikot na ang baso. At habang nangyayari iyon ay hindi mapigilang makaramdam nang kakaiba ni Avril. Totoo nga, narito na ulit si Ella.
Wala pa ring pinagbago ang dalaga. Maganda naman ito, pero sakto lang. Maganda ang pigura ng katawan. Matangkad, at biniyayaan ng hinaharap at pang upo. Lumalaban nga ito sa pageant ng baranggay nila. At higit sa lahat—ito ang tipo ni Brix.
Hindi kagaya niya na pandak na nga, flat pa ang hinaharap. Pero kung sa ganda naman ay may ilalaban siya. Chinita nga siya e.
Napailing bigla si Avril. 'Bakit ko ba iniisip ang damuhong 'yon? Pake kung bumalik na ex niya? Edi magsama sila!'
Magmula no'n ay nag-iba na ang timpla ni Avril. Nakikipag-usap pa rin naman siya sa mga kaibigan niya. Nakikipagtawanan. Noong dumating si Brix ay nakaubos na isa ng isang bote.
"Brix! Mabuti naman dumating ka na!" bati ni Max.
"Dito ka, Brix!" tawag ni Marian. Katabi nito si Ella. Umusod ito para magkaroon ng puwang sa pagitan ng dalawa.
Natigilan si Brix. Sandali siyang hindi nakaimik noong makita ang dating nobya. Nakatingin din ito sa kaniya habang matipid na nakangiti. Agad na nag-iwas ng tingin si Brix dito at naupo sa tabi ni Avril. Na agad namang sumimangot dahil sa ginawa niya.
"Ginagawa mo dito?" tanong ni Avril, na para bang isang malaking pagkakamali na nakaupo ito sa tabi niya.
"Syempre. Invited ako."
Iniikot ni Avril ang mga mata. Inabot niya ang baso na binigay sa kaniya ni Carlo. Ito kasia ng tanggero nila. Walang kahirap-hirap niya itong tinungga.
Muling nag-umikot ang baso na kasama na si Brix. Unti-unti nang dumadami ang kanilang iniinom. At ang bawat isa sa kanila ay unti-unti na ring tinatamaan ng alak.
Noong biglang tumayo si Ella at lumapit kay Brix.
"Brix. Pwede ba tayong mag-usap?" tanong ni Ella. Mamula-mula na ang mukha nito dahil sa alak.
Nagulat naman si Brix. Pero hindi siya agad nakaimik dahil nag-umpisang manudyo ang mga kasama nila.
"Ay wow! Ayan na nga ba ang sinasabi ko!" ani Tiffany.
"Muling! Ibalik! Ang tamis! Ng pag-ibig!" kanta naman bigla ni Carlo.
"Mga baliw!" saway ni Brix.
Napailing pa ito. Kaya imbes na magpatuloy pa ang mga tukso nila ay tumayo na lamang siya. Medyo lumayo sila sa mga kasama nila at nag-usap sa may labas ng gate nila Cheska.
"Ano 'yon?" kaswal na tanong ni Brix. Kaharap niya si Ella pero ang mga mata niya ay nakatutok kay Avril. Lasing na kasi ito at medyo gumagaslaw na.
"Ahm... Wala. Gusto lang kitang kamustahin. Matagal din tayong hindi nagkita," ani Ella. "Dito ka pa rin ba nagtatrabaho?"
Tumango si Brix. "Oo."
"Balita ko kila Avril ka raw nakatira ngayon. Okay ka lang ba doon?"
"Oo naman. Bakit naman hindi?"
Nagsalubong ang mga kilay ni Brix noong makitang tumabi si Max kay Avril.
"Hindi ba wala na sila ni Jace? Okay lang ba kay Avril na doon ka pa rin nakatira?"
Biglang naalerto si Brix noong makitang nag-iba ang ekspresyon ni Avril. Tumayo na si Max at hinawakan pa sa braso ang dalaga.
"Bakit naman hindi? Wala namang problema kung doon ako nakatira."
Nag-iba ang ekspresyon ni Ella. Napansin na niya na wala sa kaniya ang atensyon ng binata. Kaya naman napatingin dito sa tinitingnan nito. Biglang nakaramdam ng kirot sa dibdib si Ella noong makitang kay Avril ito nakatingin.
"Wala na ba tayong pag-asa?" tanong bigla ni Ella. Muli siyang tumingin kay Brix. Napatingin naman sa kaniya si Brix, pero natural lang. Medyo gulat.
"Ha?"
"Tayo. Ayaw mo na ba sa akin?"
Hindi alam ni Brix kung matatawa siya sa tanong ni Ella.
"Hindi ba ikaw ang nakipaghiwalay? Sabi mo ay hindi na nagwo-work ang relasyon natin?"
Napatungo si Ella. "H-Hindi naman kasi 'yon ang ibig kong sabihin, Brix. Kasi—"
"Sorry. Tapos na tayo, Ella. Salamat sa ilang taon natin. Pero pasensya na. Tapos na tayo," iyon lang at iniwan na ni Brix si Ella. Ni hindi na niya tiningnan pa kung nasaktan ba ito sa kaniyang sinabi. Ang atensyon niya ay nakatuon kay Avril na halatang galit.
"Ano ba, Max?! Sabi ngang ayaw ko e!" sigaw ni Avril.
"Huy, Max! Ano ba? Tumigil ka nga!" saway ni Cheska.
Tumayo na rin si Carlo at hinawakan sa braso si Max. "P're, lasing ka na ata."
"Ano ba? Kakausapin ka lang naman, Avril, e! Bakit ba ayaw mo? Single naman tayo parehas. H'wag ka ngang pa-virgin!"
Parang nagpantig ang tainga ni Avril.
"Gago ka ba?!" galit na sabi ni Avril. Ngunit bago pa man niya masampal ang binata ay may ibang humila kay Max at sinuntok ito sa pisngi.
Napatili ang mga babae. Habang si Max naman ay sumadsad sa lamesa. Lalapitan pa sana ito ni Brix ngunit niyakap na siya ni Carlo. Maging sina Ben, Lance, at Jacob ay pumagitan na rin.
"P're! Tama na! Lasing lang 'yan! Tropa 'yan!" away ni Carlo.
Hindi umimik si Brix. Hindi na nakatayo pa si Max na chini-check na ni Lance kung kumusta na. Inalis ni Brix ang pagkakahawak sa kaniya ni Carlo at tumingin kay Avril. Hinawakan nito ito sa braso at hinila palabas ng bakuran nila Cheska.
"Teka, Brix—"
Hindi nakaimik si Avril. Nagpatuloy lang kasi si Brix sa paghila sa kaniya hanggang sa makalabas na sila. Nadaanan pa nila si Ella na nasa may gate pa rin at halatang gulat din sa nangyari. Doon nga lang niya napansin na may mga kapitbahay na palang nakikiusyoso sa nangyari dahil nagsigawan sila.
Hinila siya ni Brix hanggang sa makalayo sila sa bahay nila Cheska.
Chapter 7
"Teka nga, Brix! Masakit na!" angal ni Avril.
Ngunit nagpatuloy lang ang binata. Nagpatuloy ito sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa bahay. Doon niya lamang binitawan ang dalaga. Iniupo niya ito sa sofa at mabilis na ini-lock ang pinto.
"Ano bang problema mo?!" inis na tanong ni Avril.
Muli siyang tumayo at hinarap ang binata. Seryoso pa rin ang mukha nito na para bang may gustong maraming sabihin.
"Bakit bigla ka na lang nanuntok?!"
"Bakit? Gusto mo hayaan ko lang siyang bastusin ka?" balik-tanong ni Brix.
Natigilan nang kaunti si Avril. Nag-iwas siya ng tingin dito.
"Kaya ko ang sarili ko. Hindi ko kailangan ang tulong mo!" tugon ni Avril, ngunit sa mas mahina nang boses. Salubong pa rin ang mga kilay nito.
Napabuga ng hangin si Brix. "Bakit kasi hindi mo ako hinintay, Avril? Nagpunta ka roon nang mas maaga. Ng wala ako."
Umarko ang kilay ni Avril.
"Wow? Bakit? Sino ka ba? Hindi ko naman kailangan i-report sa 'yo ang lahat, 'di ba?"
Napakurap-kurap si Brix. Bahagya siyang nakaramdam ng kirot dahil sa sinabi ni Avril. Para bang wala lang siya para dito.
"Avril, syempre magkasama tayo dito sa bahay. At isa pa, nililigawan kita."
Natawa si Avril sa sinabi nito.
"Ligaw? Ay... Talaga? Akala ko kasi kayo na ulit ni Ella. Alam mo, wala naman akong pake. Kung gusto mong bumalik sa kaniya. Go! Balikan mo 'yang ex mong iniwan ka rin! Magsama kayong dalawa! Magpakatanga ka ulit!"
Nagtiim ang mga bagang ni Brix. Hindi na niya nagugustuhan ang mga sinasabi ni Avril. Pero ikinuyom lamang niya ang mga palad at tinitigan ang dalaga sa blangkong ekspresyon. Galit lang din na nakatitig ito sa kaniya. Ayaw niya itong sabayan dahil alam niya na dala lang iyon ng alak na ininom nito. Ngunit hindi niya mapigilang masaktan sa mga salita nito.
"Hindi ako nakipagbalikan kay Ella."
Natawa ulit si Avril.
"Ako, h'wag mo nga ako pinagloloko, Brix. Nakita ko kanina kung paano mo tingnan si Ella. Halos magpuso na nga 'yang mga mata mo e! Ano? Masaya ka na dahil narito na siya ulit? Babalikan mo na siya? Go!" Bigla niyang pinalo ang dibdib ng binata. Bahagya niya pa itong itinulak. "Umalis ka na! Ganoon naman kayong mga lalake e! Matapos niyo akong paasahin, gamitin! Aalis na lang kayo bigla! Go! Umalis ka na, Brix! Hindi kita—"
Hindi na natuloy ni Avril ang sasabihin niya. Bigla na lamang kasing sinapo ni Brix ang mga pisngi niya at siniil siya ng halik.
Namilog ang mga mata ni Avril. Sinubukan niyang itulak si Brix palayo sa kaniya. Ngunit bumaba lang ang isa nitong kamay sa kaniyang likod at mas inilapit pa ang katawan niya rito.
Hindi siya nakakilos. Pakiramdam niya nanigas ang buong katawan niya. Nanlalaki lamang ang mga mata niya habang nakatitig sa nakapikit na mga mata ni Brix.
Hindi niya alam kung ilang segundo sila sa ganoong posisyon, o minuto. Baka nga umabot na ng oras. Pero hindi gumalaw si Avril. Hindi rin naman kumilos si Brix. Nanatili lang nakadikit ang mga labi nito sa kaniya. Hanggang sa unti-unting gumalaw ang labi nito. Ang mga halik nito ay unti-unti na ring lumalim.
Napaungol nang kaunti si Avril noong maramdaman niya ang basang dila ni Brix sa may labi niya. Ang utak niya ay nagsasabi na dapat ay itulak na niya ang binata palayo sa kaniya. Dapat ay itigil na nila iyon. Ngunit ang katawan niya... Hindi niya alam kung nagkaroon ba ito ng isip. Dahil kusang tinugon ng kaniyang mga labi ang mga halik ni Brix.
Mali na kung mali. O siguro ay lasing lang siya. Pero biglang nakaramdam nang kakaibang init sa katawan niya si Avril. Bumalik ang pakiramdam na dapat ay sa taong mahal lang niya nararamdaman.
Hindi na siya nakapagpigil, ipinulupot niya ang mga braso sa batok ni Brix. Saka unti-unting ipinikit ang mga mata.
At sa gabing iyon... Nagsalo ang kanilang mga katawan. Naging isa ang mga puso nilang puno ng kalungkutan. Napalitan ng kakaibang init at kapayapaang kanilang inaasam.
Noong gabing iyon ay naging iisa sila.
—
Kinabukasan, nagising ulit si Avril na mabigat ang kaniyang ulo. Ngunit hindi kagaya noong una ay parang may kakaiba. Maging ang katawan niya ay masakit. At noong magmulat ang mga mata niya ay napatili na lamang siya noong makitang hubo't hubad na siya.
"Ano'ng nangyari?!" sigaw ni Avril.
Dali-dali namang pumasok sa kaniyang silid si Brix na mula sa kusina. Naka-shorts lang ito at may hawak pang pritong sandok. Nag-aalala itong tumingin kay Avril.
"Avril? Bakit? Ano'ng nangyari? Bakit ka sumisigaw?" sunod-sunod na tanong nito.
Namilog ang mga mata ni Avril. Humigpit ang hawak niya sa kumot na nakatakip sa katawan niya.
"Ano'ng nangyari?! Bakit ako nakahubad?!" tanong ni Avril sa mahinang boses. May gigil at labis na pagkabalisa.
Napatayo nang maayos si Brix. Unti-unting nawala ang pag-aalala nito at napangiti.
"Hindi mo ba na aalala?"
Napamaang si Avril. Tinitigan niya mula ulo hanggang paa si Brix.
"Putangina mo! Ni-rape mo ako, 'no?!"
Si Brix naman ang napanganga.
"Hoy, Avril! Ayusin mo 'yang salita mo, ha? Hindi kita pinuwersa!"
Doon ay muling bumalik sa alaala ni Avril ang mga nangyari noong nakaraang gabi. Kung paanong nagalit siya kay Max. Paanong sinuntok ito ni Brix. Kung paanong hinalikan siya ni Brix at unti-unti siyang bumigay.
Muling napatili si Avril noong may isa siyang naunawaan sa kaniyang mga naalala niya kagabi.
Nagselos siya dahil nakipag-usap si Brix kay Ella kagabi.
Chapter 8
Hindi makatingin si Avril kay Brix habang kumakain sila ng agahan. Nakatingin lamang siya sa plato habang mabagal na ngumunguya. Habang si Brix naman ay parang walang pakealam sa nangyari. Hanggang sa hindi na kinaya pa ni Avril.
"Kailangan nating mag-usap," deretsong sabi ni Avril.
Napatigil naman si Brix sa pagsubo at tumingin sa dalaga.
"Tungkol saan?"
Nagdilim ang mukha ni Avril. "Malamang! Tungkol sa nangyari Nangyari kagabi!" giit niya.
Bumuga ng hangin. Binitawan niya ang hawak na kutsara at sumandal sa upuan.
"Sige. Ano ba ang gusto mong marinig?"
Hindi mapigilang mainis ni Avril. Pero kinalma niya ang sarili. Kailangan unahin niyang maging kalmado. Lalo na tungkol sa nangyari sa kanila kagabi ni Brix.
"Well, parehas na naman tayong matanda, Brix. Hindi na bago sa atin ang nangyari. Pero... Please. Kalimutan na lang natin 'yon, okay?" pag-uumpisa niya.
Nangunot ang noo ni Brix. Bahagyang naningkit ang mga mata nito na para bang hindi nagustuhan ang sinabi ng dalaga.
"Ano? Gusto mong kalimutan lang ang nangyari sa atin?"
Nakaramdam naman nang pagkailang si Avril. Hindi niya alam kung bakit parang may ang sinabi niya dahil sa tono ng tanong ni Brix. Marahan siyang tumango.
"Oo. Isipin na lang natin na mali 'yon. Na lasing lang tayo parehas."
"Hindi ako lasing kagabi, Avril," seryosong sabi ni Brix.
Biglang bumilis ang pagtibok ng puso ni Avril. Para siyang nahiya bigla. Para kasing nasaktan si Brix sa sinabi niya.
"Okay. Ako. Lasing ako kagabi. Kaya sorry. Kalimutan na lang natin 'yon. Please? H'wag na sana itong lumabas pa sa ibang tao, okay?"
Malungkot na bumuga ng hangin si Brix. Hindi niya maunawaan kung bakit ganito magsalita si Avril.
"Bakit? Bakit gusto mong kalimutan 'yon, Avril?"
Napakurap-kurap si Avril.
"Kasi... Kasi dapat kalimutan. Brix. Ano ba? Bakit ba parang ang hirap mong intindihin ngayon? Hindi mo ba ma-gets—"
"Oo, Avril. Hindi ko ma-gets," putol niya sa sinasabi ni Avril. "Hindi ko ma-gets kasi may nangyari sa atin, Avril. Hindi lang tayo basta naglaro. Nag-sex tayo. Tapos gusto mo lang kalimutan 'yon?"
Nag-iwas ng tingin si Avril. Mali ba ang sinabi niya?
"O-Oo! Nag-sex tayo. Sex lang naman 'yon, Brix. Hindi na dapat—"
"Sex lang? Iyon lang ba talaga ang tingin mo roon, Avril? Wala ka manlang ba naramdaman?"
"E ano ba ang gusto mong maramdaman ko, Brix? Malungkot dahil may nangyari sa atin? Magmakaawa sa 'yo?"
"Oo!" bahagyang nagtaas ng tono si Brix. "Hindi ko alam kung bakit parang wala lang sa 'yo, Avril. Sarili mo ang pinag-uusapan natin dito. Bakit hindi mo ako tanungin kung ano ang gusto kong mangyari, ha?"
"E ano ba?"
"Pananagutan kita, Avril!"
Natigilan si Avril. Lalong naghurminturyo ang kaniyang puso. Para na siyang nakipagpatentero dahil sa bilis ng pagtibok ng kaniyang puso.
"H-Ha?"
Itinukod ni Brix ang siko sa lamesa at inabot ang kamay ni Avril na nakapatong doon.
"Pananagutan kita, Avril. Hindi wala lang ang nangyari sa atin para sa akin. Gusto kita. Gusto kitang panagutan. Makasama habangbuhay."
Napalunok si Avril. Inagaw niya bigla ang kamay niya rito at tumayo. Maliit lamang ang bahay niya kaya hindi niya alam kung saan siya pupunta. Muli lang siyang bumalik sa kaniyang kinauupuan at hinarap si Brix.
"Brix. Alam mo naman ang nakaraan ko, 'di ba?"
"Alam ko. At wala akong pakealam, Avril. Bakit hindi mo subukang i-try? Please. Buksan mo ulit ang puso mo. Sa akin."
Huminga nang malalim si Avril. Mabait si Brix. Wala siyang masasabi dito. Maasikaso sa kaniya. Pero siya? Hindi niya alam.
"H-Hindi pa ata ako handa," bulong ni Avril. "P-Paano kung—"
"Avril. Tingnan mo ako."
Hindi namalayan ni Avril na katabi na pala niya si Brix. Lumuhod ito sa harapan niya. Pinihit siya nito paharap sa kaniya. Saka ipinatong ang mga kamay sa kandungan nito.
"Alam ko. Natatakot ka. Pero hindi mo ako kailangang pagkatiwalaan agad, Avril. Hayaan mo lang akong patunayan sa 'yo ang nararamdaman ko. At kung sa tingin mo ay mali ako. Sa tingin mo ay hindi mo talaga ako matatanggap. Kusa akong aalis. Wala kang maririnig sa akin na kahit na ano pang salita. Aalis ako dito. Ang ayaw ko lang ay isipin mo na wala ka nang karapatan pang magmahal ulit. Na hindi ka na dapat tanggapin pa dahil sa nangyari sa inyo ni Jace. Avril, gusto kitang pagsilbihan. Gusto kong iparamdam sa 'yo araw-araw kung gaano ka kaimportante, at deserve mo na mahalin ulit. Tanggapin ng buo."
Nangilid ang mga luha ni Avril. Simple lang naman ang mga sinabi ni Brix, pero hindi niya alam kung bakit bigla siyang naging emosyonal. At sa mga oras na iyon, parang biglang ang gwapo tingnan ni Brix. Gwapo talaga ito, matangos ang ilong, malinis ang gupit ng buhok. Pero kakaiba ngayon.
"S-Sigurado ka ba talaga sa sinasabi mo, Brix?"
"Oo, Avril," walang pag-aalinlangan na tugon ng binata. "Siguradong-sigurado ako. Handa akong panagutan kung ano man ang nangyari sa atin kagabi. Handa akong hintayin ka hanggang sa maging handa ka na ulit magmahal. Handa akong—"
Hindi natapos ni Brix ang sasabihin niya dahil biglang itong hinalikan ni Avril sa labi.
"Ang ingay mo. Hindi bagay sa 'yo," pabirong sabi ni Avril kahit mangiyak-ngiyak na.
Nangunot ang noo ni Brix. "Ahm..."
Ngumiti si Avril. Sinapo niya ang pisngi ng binata.
"Oo na. Sige na. Payag na ako."
Napakurap-kurap si Brix.
"Seryoso ka ba? Wala nang bawian 'to. Tayo na?"
Marahang tumango si Avril habang nakangiti. Natatakot man siya. Nangangamba sa maaring mangyari sa kanila ni Brix. Pero bakit nga ba hindi niya subukan ulit? Wala naman siguro masama doon, 'di ba?
"Oo, Brix. Iyong-iyo na ako."
Napangiti nang malapad si Brix. Tumayo ang binata at biglang siniil ng halik si Avril. Nagtatalon ito bigla habang tumatawa.
"Yes! Yes! Tayo na!"
Natawa din si Avril. Pinahid niya ang mga luha.
"Ang OA, ha? Ayusin mo lang! Siguraduhin mong wala na rin kayo ni Ella, ha?"
Napatigil sa pagtalon si Brix. "Si Ella? Oo naman. Wala na kami. Matagal na."
"Weh? Ano pinag-usapan niyo kagabi?"
"Nagtatanong siya kung pwede pa. Pero malinaw na naman siguro ang nakita niya kagabi. At isa pa, sinabi ko na rin na ayaw ko na. Tapos na kami."
Hindi alam ni Avril kung matutuwa ba siya sa sinabi ni Brix. Pero kahit papaano ay panatag na siya. Siguro maraming mapapataas ang kilay sa relasyon nila ni Brix. Pero ngayon ay handa na siya.
Nakakatakot. Pero handa na niyang buksan ulit ang kaniyang puso.
Tama naman, 'di ba?
Chapter 9
Naging masaya ang mga nakalipas na araw ni Avril. Wala mang pinangako sa kaniya si Brix, pero pinaramdam nito sa kaniya na totoo ito sa nararamdaman nito. Natatakot pa rin siya dahil nga hindi niya alam kung ano ang maaring mangyari sa hinaharap. Iyon ngang siyam na taon na nagkaroon siya ng boyfriend, hindi lang basta boyfriend dahil naging live-in partner na niya ito.
Ito pa kaya na hindi pa siya sigurado?
Napangiti si Avril noong maramdaman niya ang mahigpit na yakap ni Brix mula sa kaniyang likuran. Unti-unti niyang iminulat ang mga mata noong maramdaman na niya ang mga halik nito sa kaniyang batok.
"Nasasanay ka na, ha? Hindi ka na sa kwarto mo natulog," pabirong sabi niya.
"Bakit? Ayaw mo na ba akong katabi?" tanong ni Brix. May himig pa itong pagtatampo.
Natawa si Avril. Pumihit siya paharap sa binata. Ngayon lang niya napansin, ang gwapo nito kapag bagong gising. Magulo ang buhok at mapupungay ang mga mata.
"Wala ka bang trabaho ngayon, Mr. Dimagiba?"
Idinikit ni Brix ang noo niya sa kay Avril.
"Meron. Pero mamaya na. Bahala sila. Gusto kitang kayakap."
Lalong natawa si Avril. Hinampas niya ang dibdib nito. Magmula kasi noong maging sila ay doon na ito sa kaniyang silid na tulog. Wala namang nangyayari sa kanila, ayaw kasi nito. Hindi dahil sa wala itong gana. Kundi dahil gusto raw nito na saka na may mangyari sa kanila kapag kasal na sila. Sapat na raw dito na nayayakap niya ang dalaga at nahahalikan.
Noong una ay gustong matawa ni Avril sa sinabi ni Brix. Galing siya sa matagal na relasyon. At sinungaling siya kung sasabihin niya na walang nangyari sa kanila ng dati niyang nobyo. Kaya ngayon ay meyo nagulat siya kay Brix, lalo pa nga't may nangyari na sa kanilang dalawa noon. Sorry pa nga ito nang sorry sa kaniya at pinangakong pipigilan na ang sarili.
"Tumayo na tayo! May trabaho rin ako, 'no?"
Napalabi si Brix. Hinila pa nito si Avril palapit sa kaniya at isinubsob ang mukha sa may dibdib nito.
"Ayaw."
Napaawang ang bibig ni Avril.
"Aba't! Natutuwa ka na talaga, ha? Palayasin kita diyan!"
"Okay lang. Sama pa rin kita."
Natawa na lang si Avril. Minsan ay nagugulat pa rin siya sa binata. Hindi niya kasi inakala na may ganito itong ugali. Para itong bata kung umakto sa kaniya, ngunit hindi naman nakakainis para sa kaniya. At ayaw man niyang ikumpara, ibang iba si Jace kay Brix. Si Jace kasi ay may pagkaseryoso. Madalas ay ito ang nasusunod sa kanilang dalawa. Pero si Brix, bago ito gumawa ng isang desisyon ay palaging tinatanong muna siya. Hindi rin ito nagagalit kapag naglalambing siya. At halos hindi na nga siya nito pakilusin sa kanila dahil ito na ang gumagawa.
Hindi kagaya noon na halos maging yaya na siya ni Jace. Well, minahal naman niya ang binata. Naging mabuti naman ito kahit papaano sa kaniya. Ngunit iba lang talaga ngayon kay Brix.
Iba pala ang pakiramdam kapag mas mahal ka ng lalake, kaysa sa mas mahal mo ito.
"Baka gabihin pala ako mamaya. May OT kasi kami," ani Brix. Nagsasapatos na ito sa may pinto.
Si Avril naman ay nakatayo sa tabi nito at pinapanood siya.
"Okay."
"Magdadala na lang ako ng ulam. Kaya mo ba akong hintayin?"
Tumayo na si Brix at hinarap ang dalaga.
Tumango si Avril. "Oo."
Ngumiti si Brix dito. Pinulupot niya ang mga braso sa baywang ng dalaga at hinila ito palapit sa kaniya. Napangiti naman bigla si Avril at kumapit sa leeg nito.
"I love you," ani Brix.
Napahagikhik si Avril. Kailan nga ba niya naramdaman na mahal na niya ito? Hindi niya alam. Ang importante ay totoo na ang nararamdaman niya ngayon. Mahal niya ito.
"I love you too."
Siniil ng halik ni Brix ang dalaga. Ilang sandali din sila sa ganoong posisyon hanggang sa pinalo na ni Avril ang balikat ng binata.
"Mali-late ka na!"
Napalabi si Brix. "Isa pa."
Namilog ang mga mata ni Avril. Bago pa man siya makapag-react ay muli siyang hinalikan ng binata. Pagkatapos ay lumabas na ito ng bahay. Natawa na lang si Avril habang umiiling-iling. Pinanood niya pa si Brix na naglalakad na palayo sa kanila bago muling pumasok sa bahay. Isinara na niya ang pinto.
Hindi pa man siya nakakalapit sa kaniyang laptop ay may kumatok naman bigla sa kaniyang pinto. Napangiti agad si Avril. Sa isip niya ay si Brix ang bumalik. Ngunit noong buksan niya iyon ay natigilan siya noong makitang ibang tao ang naroon.
"J-Jace?" gulat na tawag niya sa binatang nasa harapan niya. Bigla siyang binalot nang kakaibang kaba. Pakiramdam niya bigla ay bumalik lahat ng mga pakiramdam na pilit niyang inalis sa kaniya. "A-Ano'ng ginagawa mo rito?"
"Pwede ba tayong mag-usap?"
Mapait na napangiti si Avril.
"Usap? Para saan pa? Umalis ka na, Jace. Okay na ako."
Isasara na sana niya ang pinto, ngunit pinigilan ito ng binata. Hinarang nito ang isang braso sa pinto.
"Please, Avril. Pakinggan mo muna ako!" pakiusap ni Jace.
"Ano pa bang gusto mong sabihin, Jace? Tapos na tayo. Hindi ba nga at kasal ka na? Ano bang kailangan mo sa akin? Itong bahay? Sorry, ha? Hindi ko ibibigay sa 'yo 'to. Alam mong sa akin ito! Nakuha ko 'to bago pa tayo magsama!" giit ni Avril.
"Hindi naman 'yon, Avril. May gusto lang akong linawin sa 'yo. Please."
Nagpumilit si Jace na makapasok sa bahay niya. Kaya wala nang nagawa pa si Avril kundi ang hayaan itong pumasok. Ngunit pinanatili niyang bukas ang pinto. Dumeretso si Jace sa sofa at naupo roon. Habang si Avril naman ay nakatayo lang sa may lamesa habang nakatingin nang masama kay Jace.
"Ano 'yon? Bilisan mo. May trabaho pa ako," giit ni Avril.
Napabuga ng hangin si Jace.
"I'm not married."
Umarko ang kilay ni Avril.
"Ha?"
"Hindi ako kasal, Avril."
Natawa si Avril. Pakiramdam niya ay sasabog na ang kaniyang dibdib dahil sa ngitngit. Matapos ang lahat ng sakit na kaniyang naramdaman. Hindi ba nito alam kung gaano siya nahirapan noong basta na lamang siya nitong iniwan?
"E ano naman ngayon, Jace? Tapos na tayo. Wala akong pakealam kung ano man ang kasinungalingan mo, Jace. Tapos na ako sa 'yo. Ayaw ko na sa 'yo—"
Napaluha bigla si Avril. Nag-iwas siya ng tingin at pinahid bigla ang kaniyang mga luha. Ito ang ayaw niya kapag napupuno siya ng emosyon. Hindi niya napipigilan ang sarili na umiyak.
"M-Matapos ang lahat, Jace? Siyam na taon. Siyam na taon ang nasayang sa buhay ko sa 'yo. Basta mo na lang ako iniwan. Nawasak ako, Jace! Tapos ngayon na okay na ako, bigla kang babalik at sasabihin na hindi ka kasal? Putangina! Gago ka ba?"
Napabuga ng hangin si Jace. Tumayo siya at lumapit sa dalaga.
"I'm sorry. Kasi... Oo. Nagkamali talaga ako. A-Akala ko ay nabuntis ko siya, Avril. Natakot ako sa magiging reaksyon mo. Natakot din ako sa pamilya niya. Kaya wala akong nagawa kundi ang bumalik sa amin kasama siya. Pero hindi pala, Avril. Pinikot niya lang ako."
"Nag-cheat ka pa rin." Hinarap ni Avril si Jace. "Niloko mo pa rin ako, Jace. Hindi mo na mababago iyon. Kaya, please? Tama na. Okay na ako."
Bumagsak bigla ang balikat ni Jace. Sinubukan niyang hawakan si Avril pero umatras ang dalaga.
"Avril naman. Eto na nga ako. Sorry. Ano bang gusto mong gawin ko? Lumuhod sa 'yo?"
Biglang lumuhod ulit si Jace.
"I'm sorry. Please! Nagkamali ako, Avril. Ikaw pa rin ang mahal ko. Ikaw lang ang mahal ko!"
Tinitigan ni Avril ang binata habang patuloy pa rin sa pagluha. Gusto niya itong saktan. Gusto niya itong sampalin. Sipain. Lahat-lahat na. Pero pinigilan ni Avril ang sarili. Para saan pa? Tapos na ang lahat.
"Wala ka nang mapapala sa akin, Jace. H'wag mo na pagurin ang sarili mo. Umalis ka na," malamig na sabi niya.
Natahimi si Jace. Kung kanina ay mukha pa itong nakakaawa. Bigla ay nagbago ang ekspresyon nito. Tumayo ito ang salubong ang kilay na tiningnan si Avril.
"Bakit? May bago ka na ba, Avril, ha? Sa tingin mo ba may papatol pa sa 'yo? Siyam na taon tayong nagsama. Siyam na taon din kitang ginamit! Laspag ka na, Avril. Laspag—"
Biglang lumipad ang palad ni Avril sa kaliwang pisngi ni Jace. Hingal na hingal pa siya habang pinanlilisikan ng mga mata ang binata. Hindi siya makapaniwala na ganito pala ang lalaking minahal niya ng siyam na taon.
Hindi naman makapaniwala si Jace sa ginawa ni Avril. Nasapo nito ang pisngi habang unti-unting tumingin ulit kay Avril.
"Hayop—"
Hindi natuloy ni Avril ang kaniyang sasabihin. Bigla kasing hinawakan ni Jace ang leeg niya at siniil siya ng halik. Nag-panic na siya at pilit na inalis ang pagkakahawak sa kaniya ni Jace. Nahirapan na rin siyang huminga dahil sa higpit ng pagkakahawak nito sa leeg niya.
Sandaling inilayo ni Jace ang mukha nito kay Avril.
"Wala nang ibang magtatiyaga sa 'yo, Avril. Ako na lang. Kaya akin ka lang!"
Napaluha na si Avril. Muli siyang siniil ng halik ni Jace habang hawak pa rin siya sa leeg. Hindi na siya makahinga nang maayos at umiikot na rin ang paningin. Sunod-sunod na tumulo ang kaniyang mga luha.
'Ito na ba ang katapusan ko?'
Ngunit bago pa man niya maipikit ang mga mata ay may biglang humila kay Jace palayo sa kaniya. Bumagsak siya sa sahig at saka naghabol nang paghinga. Pag-angat niya ng ulo ay nanlaki ang mga mata niya noong makitang si Brix pala iyon. Nakapatong na ito kay Jace at pinagsusuntok ito sa mukha.
Chapter 10
Napaawang ang bibig ni Avril. Hindi niya alam kung sino ang kaniyang hahawakan. Nakabawi na kasi si Jace at ito naman ang sumusuntok kay Brix.
"T-Tama na," mahinang sabi ni Avril.
"Hayop ka! Sinasabi ko na nga bang putangina ka! Pinagnanasaan mo rin si Avril!" sigaw ni Jace. Patuloy nitong sinuntok si Brix.
Hindi naman nagpatinag si Brix. Sa huling suntok ni Jace ay nagawa nito iyong salagin. Kinuwelyuhan niya ito at saka walang ano-anong inuntog ang noo sa ulo nito. Napasigaw sa sakit si Jace. Ginawa naman iyong oportunidad ni Brix upang suntukin ang binata. At sa isang iglap lang ay nasa sahig na ito. Si Brix naman ang nakapatong ngayon.
Hindi nagsasalita si Brix habang sinusuntok si Jace, pero kitang-kita ni Avril ang matinding galit sa mga mata nito. Alam niya na kapag hindi pa niya ito pinigilan ay maaaring mapasama na ng sobra si Jace.
"Brix!" tawag ni Avril.
Para namang natauhan si Brix. Napalingon ang binata dito. Hingal na hingal ito dahil sa matinding emosyon. Pero napalitan bigla ang nanlilisik na mga mata nito sa nag-aalalang mukha noong makita ang sitwasyon ng dalaga.
"A-Avril!"
Nagmamadaling lumapit si Brix kay Avril at chineck ito.
"Ano'ng pakiramdam mo? Dadalhin kita sa ospital."
"Hindi."
Pagtingin ni Avril kay Jace ay papatayo na ito ulit. Susugod na naman sana ito sa kanila pero may mga tao nang pumasok sa bahay niya. Agad ng mga ito pinigilan si Jace.
"Bitawan niyo ako! Putangina mo, Brix! Akala ko kaibigan kita! Sinusulot mo na pala sa akin si Avril!" sigaw ni Jace.
Para namang nagpantig ang tainga ni Avril sa narinig niya. Nagpumilit siyang tumayo at hinarap si Jace.
"Hoy! Ang kapal ng mukha mo, Jace! Parang kami pa ang may kasalanan ngayon, ah?! Ikaw ang nang-iwan! Ikaw ang nagloko! Kaya wala ka nang karapatan pa dito! Tapos na tayo! Umalis ka na kung ayaw mong tumawag pa ako ng pulis! Putangina mo!" malakas na sigaw ni Avril.
Para naman natauhan si Jace. Napaawang ang bibig nito. Umiling-iling ito habang pinagpapalit-palit ang tingin sa dalawa. Pagkatapos ay inis na natawa ito.
"Pagsisisihan niyo rin ito," ani Jace. Pagkatapos ay kusa na itong lumabas ng bahay.
Napanatag naman si Avril noong nawala na ito sa kaniyang paningin. Agad siyang hinawakan ni Brix upang alalayan na makaupo sa sofa.
"Ano, Avril? Ayos na ba kayo dito? Gusto niyo ba magpatawag kami ng baranggay?" tanong ng isa nilang kapitbahay.
Napabuga ng hangin si Avril.
"Hindi na po siguro. Pakitingnan na lang po kung babalik pa si Jace."
"Sige. Brix, ikaw na ang bahala kay Avril."
Tumango si Brix. Nag-alisan na ang mga kapitbahay nila. Naupo si Brix sa tabi ni Avril at agad na chineck ang leeg nito.
"Tsk! Dapat pina-baranggay mo na lang siya e! Tangina talaga niyang si Jace e! Kung alam ko lang na ganito siya ay hindi ko na ginawang tropa 'yon!" ani Brix. "Halika na. Punta tayo sa ospital para ma-check ka nila."
Hindi kumilos si Avril. Tinitigan niya lang ang binata. Mababakas sa mukha nito ang labis na pag-aalala sa kaniya. Kita niya rin ang pag-panic nito na parang hindi malaman kung ano ang gagawin.
"Avril! Lika na!"
"Brix."
Sinapo bigla ni Avril ang mukha ng binata. Natigilan naman si Brix at nalilitong tiningnan ang nobya.
"Kalma ka na."
"Paano ako kakalma e nasaktan ka, Avril? Tangina! Kulang pa 'yong naramdaman ni Jace. Dapat sinaksak ko na lang—"
"Brix," tawag ulit ni Avril sa nobyo. Sunod-sunod na tumulo ang mga luha niya. "Thank you."
Lalong nalito si Brix.
"Ha?"
"Gusto mo ba talaga ako kaya kahit ikaw ang duguan ako pa rin ang inaalala mo?" tanong ni Avril.
Natigilan naman si Brix. Doon lang niya napansin na may tumutulong dugo pala sa may noo niya at gilid ng labi. Namamaga na rin ang pisngi niya at bahagya nang nakapikit ang mga mata. Pero para sa kaniya ay ayos lang siya. Mas importante si Avril.
"Thank you. Dumating ka," ani Avril. Tuluyan na siyang napahagulhol. Yumakap pa siya sa binata. "A-Akala ko mamamatay na ako kanina."
Napabuga ng hangin si Brix. Gumanti siya ng yakap kay Avril. Hinagod niya ang likod nito. Mabuti na lang din talaga at nakalimutan niya ang ID niya kaya bumalik siya ng bahay. Na para bang sinadya iyon ng tadhana dahil may masama pa lang mangyayari kay Avril.
Hindi niya maipaliwanag ang takot na naramdaman niya kanina noong makitang sinasakal at pinupwersa ni Jace ang nobya.
"Shh... Okay na. Narito na ako. Promise. Hindi ko hahayaan na makalapit pa siya sa 'yo. Hinding-hindi kita iiwan, Avril."
Napasinghot-singhot si Avril. Sabi ni Jace ay wala nang magtitiyaga sa kaniya dahil pinagsawaan na siya nito. Laspag na nga kung sabihin nito. Pero si Brix? Itong pinaparamdam niya sa kaniya ngayon. Kung niloloko lang siya nito ay hindi na niya alam pa.
"M-Mahal mo ba talaga ako, Brix? Tanggap mo ba talaga ako?"
Nangunot ang noo ni Brix. "Ano namang klaseng tanong 'yan? Syempre naman."
"Kahit na hindi ikaw ang nakauna sa akin?"
Natawa na si Brix. Kumalas siya sa dalaga at sinapo ang mukha nito. Nakangiti niya itong tiningnan na puno ng pagmamahal.
"Wala akong pakealam, Avril. Kahit nagkaroon ka pa ng sampung ex noong. Wala akong pake. Mahal kita. Tanggap kita. Ang importante ngayon ay kung ano ang mayroon tayo ngayon. Hindi mo ikinababa ang pagkakaroon ng nakaraan, Avril. Sana maunawaan mo 'yan. Deserve mo pa ring mahalin ng buong-buo."
Napahagulhol na si Avril. Muli siyang yumakap sa binata.
Iyon lang naman gusto niyang marinig. Sa totoo lang, natatakot siya. Siyam na taon niyang nakasama si Jace sa buhay niya. Pakiramdam niya ay nawala rin ang kalahati ng buhay niya. Pero noong dumating si Brix sa kaniya, nagbago lahat. Iyong akala niya katapusan na ng buhay niya ay hindi pala.
Kahit pala mayroon na siyang nakaraan ay may tao pa ring dadating para tanggapin at mahalin siya ng tama. Hindi niya alam kung ano ang magiging buhay niya kay Brix.
Sino nga ba ang mag-aakala? Na ang taong akala niya ay wala lang sa buhay niya. Ito pala ang bubuo ulit sa kaniya. At wala nang mas sasarap pa sa pakiramdam kapag makatagpo mo na ang tunay at wagas na pagmamahal.
The End.
07/06/2026

