Chapter 11
“Ano’ng ginagawa mo rito?” nagtatakang tanong ni Lirah kay Matias. Nakahiga ito sa kama niya na para bang sarili nito. “Hindi ka ba binigyan ng kwarto ni Nanay Myrna?”
“Binigyan. Dito. Mag-asawa raw tayo kaya dapat magkasama tayo ng kwarto.”
“Pwede ba?” Namaywang si Lirah. “Hindi gagawin ‘yan ni Nanay.”
Alam ni Myrna na hindi naman naging maayos ang pagiging mag-asawa nila. Mabait man ito kay Matias ay sigurado si Lirah na hindi ito papaya na magkasama sila sa iisang kwarto. Huminga nang malalim si Matias at tinapik ang tabi nito. Tiningnan lamang iyon ni Lirah at hindi umalis sa may dulo ng higaan.
“Huh?”
“Come here.”
“Hindi ako hihiga sa tabi mo, ‘no?”
“Lirah. I just want to talk with you. Aalis din ako pagkatapos nating mag-usap.”
Umarko ang kilay ni Lirah. Pinagkrus niya pa ang mga braso at mariing pinagmasdan ang asawa. Hindi niya alam kung bakit parang biglang may kakaiba rito. Ilang minuto lang sila nagkahiwalay.
“Okay.” Naupo si Lirah sa sofa sa dulo ng kaniyang higaan. “Pero okay na ako rito. Ano ba ‘yon?”
Muling bumuga ng hangin si Matias at tinitigan ang dalaga. Matipid itong ngumiti kay Lirah.
“I know, our relationship didn’t started up like the others. Arrange marriage lang ang mayroon tayo. Pero naisip ko lang, bakit hindi natin subukan?”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
Tinuro ni Matias si Lirah at ang sarili. “Tayo. Bilang mag-asawa. Wala ka namang boyfriend, hindi ba?”
“Wala! Eh ikaw? Hindi ba marami ka ng naging asawa?”
Napangiwi si Matias. “Huh? Saan mo naman narinig ‘yan?”
Nagkibit ng balikat si Lirah. “Hindi ba totoo?”
“That’s not true. I’m too busy to get married.”
Napalabi si Lirah. “Okay. Eh ano naman ang gusto mong mangyari? Bakit mo biglang naisipan ‘yan?”
“I don’t know actually.”
Nangunot ang noo ni Lirah. Ilang sandali pa ay biglang namilog ang mga mata niya. Napasinghap pa siya na para bang talagang hindi makapaniwala sa sinabi ng binata.
“H’wag mong sabihin na nagkakagusto ka na sa akin?”
Ilang sandaling tinitigan ni Matias si Lirah bago tumawa. Nangunot naman ang noo ng dalaga at nalilitong tiningnan ang asawa. Napalabi siya.
“Ano’ng nakakatawa roon?” nagtatakang tanong niya.
“Nothing. You are really funny, Lirah.” Tumayo na si Matias mula sa kama. “Anyway, pupunta na ako sa kabilang kwarto. If you need anything from me, or…” Tiningnan nito si Lirah pababa hanggang sa may ibabaw ng dibdib nito, na agad namang tinakpan ng dalaga. Napangiti si Matias. Ngayon lamang siya nakaramdam nang ganito. Para bang natutuwa siyang asarin ang asawa. “You want us to move on to the next level. Madali lang naman ako makausap,” makahulugan niyang sabi.
Napasinghap si Lirah. “Lumabas ka na nga!” Hinawakan niya ang braso ng binata at hinila ito palabas ng silid. Nag-iinit na ang kaniyang mga tainga dahil nai-eskandalo siya sa mga sinasabi ng binata. Hindi naman siya ganoon kainosenta para hindi iyon malaman kahit na wala pa siyang experience.
“Are you sure?” natatawang tanong pa ni Matias.
Dinilaan ni Lirah ang binata at sinara ang pinto. Napasandig siya roon at huminga nang malalim. Pakiramdam niya ay mauubusan na siya ng hangin dahil sa bilis ng pagtibok ng kaniyang puso.
“Nababaliw na talaga siya,” pabulong niyang sabi. Dali-dali siyang nahiga sa kama at isinubsob ang mukha sa unan.
Kinabukasan, nagising si Lirah sa sunod-sunod na pagkatok sa kaniyang pinto. Nakapikit pa ang kaniyang mga mata at tila ba ay ayaw pa talagang gumising.
“Sandali lang po!” ani niya. Humikab siya at binuksan ang pinto. “’Nay? Bakit po?”
“Lirah, anak. Nakatanggap kami ng tawag mula sa ospital. Gising na raw ang Papa mo!”
Pakiramdam ni Lirah ay biglang siyang nagising at nagmulat ng mga mata. “Talaga po?”
“Oo! Hala at maghanda ka na! Nakapagluto na ako ng pagkain para sa Papa mo.”
“Sige po!”
Napangiti nang malapad si Lirah. Dali-dali niyang sinara ang pinto ng kwarto at naligo. Nagbihis lang siya ng bistida niyang may mahabang manggas at mahabang laylayan. Bulaklakin iyon at takip na takip ang dibdib. Pagkatapos ay hinayaan niya na lang ang buhok na nakalugay at wala nang inilagay na kung ano-ano pang kolorete sa mukha. Simple lang manumit si Lirah at hindi marunong mag-ayos. Ngunit kahit na gano’n ay litaw na litaw pa rin ang natural nitong ganda. Bilugan ang mga mata at mapula ang labi. Bahagya ring mamula-mula ang mga pisngi nito na para bang may nakalagay nang blush on sa pisngi.
Pagkatapos ni Lirah na mag-ayos ng sarili ay lumabas na siya ng silid. Doon niya nakita si Matias na papalabas pa lang din sa silid nito. Sandali siyang tumigil at nginitian ang binata.
“Good morning!” magiliw na bati niya sa asawa.
“Good morning…” nag-aalangang sabi ni Matias. Hindi niya maialis ang mga mata kay Lirah. Aaminin niya na masyadong makaluma ang suot nitong bestida. Pero hindi niya maitatanggi na maganda ang kaniyang asawa. Tumikhim siya. “May lakad ka?”
“Oo! Gising na si Papa!”
“Really? Pupunta kayo roon?”
“Oo, Matias. Pasensya na kung hindi kita malulutuan ng almusal, ha?”
Umiling si Matias. “Ah, wala iyon. Come one. Ihahatid ko na kayo.”
Namilog ang mga mata ni Lirah. “Thank you, Matias!”
Napangiti si Matias. Ngayon lang niya nalaman na mas gumaganda pala ang asawa kapag masaya ito.
Magkasabay na silang lumabas ng bahay. Kasunod nila sila Myrna na may dalang ilang mga prutas at pagkain para kay Don Fernan. Kotse na ni Matias ang ginamit nila para sa pagpunta sa lungsod kung nasaan naka-confine si Don Fernan.
Hindi mawala-wala ang mga ngiti ni Lirah habang papunta sila sa ospital. Sa wakas ay gising na ang kaniyang ama. Walang araw na hindi niya ipinagdasal ang paggising nito. Pagkarating nila roon ay nasa isang VIP room na si Don Fernan kaya roon na sila dumeretso.
“Papa!” agad na tawag ni Lirah noong makita ang ama. Nakaupo na ito mula sa higaan nito pero may nakakabit pa ring oxygen. Nasa kanan nito ang Mama at ate niya. Agad na lumapit si Lirah sa higaan nito at niyakap ang ama. “Papa! Salamat po at gising ka na!”
“Dahan-dahan, Lirah. Mahina pa ang papa mo!” saway agad ng Paulina kay Lirah.
Marahang tumawa lang si Don Fernan at iwinaksi ang kamay. Hinagod niya ang likod ng anak habang nakangiti. “Mas lalong gumanda na ang pakiramdam ko at nakita na rin kita, anak.”
Naiikot ni Liza ang mga mata niya. Sa kanilang magkapatid ay talagang paborito ng tatay nila si Lirah kahit na hindi nito sabihin sa kanila. Nararamdaman niya iyon palagi.
Suminghot-singhot si Lirah at umayos ng upo. “Okay na po ba kayo? Wala na bang masakit sa ‘yo? Makakauwi ka na ba?”
“Gosh, Lirah! Kagigising nga lang, ‘di ba?” iritableng sabi ni Liza.
Napalabi si Lirah. “S-Sorry, ate. Masaya lang talaga ako na gising na si Papa.”
“Why? Are you expecting na hindi na siya magigising?”
Nanlaki ang mga mata ni Lirah. Pero bago pa siya makatanggi ay muling bumukas ang pinto ng silid. Pumasok sila Myrna na may dalang mga pagkain. Napangiti si Don Fernan habang ang mag-inang Donya Paulina at Liza ay napasimangot. Ngunit biglang nagliwanag ang mukha ni Liza noong makita niyang pumasok si Matias.
“Who is he?” tanong ni Liza.
“Matias? What are you doing here?” nagtatakang tanong ni Don Fernan noong makita si Matias.
Lumapit si Matias sa kama at tumabi kay Lirah. “Mabuti at gising ka na, Tito. Sobrang nag-aalala sa ‘yo si Lirah.”
Nalilitong pinagpalit-palit ni Don Fernan ang mga tingin kay Lirah at Matias. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Hindi pa ba sa ‘yo nasasabi nila Tita? Nagpakasal kami ni Lirah.”
Napasinghap sina Liza at Paulina. “Ikaw si Matias Gomez?” magkasabay pang tanong ng mga ito.
Ngunit sa kanilang tatlo ay higit na nalilito si Don Fernan. Tiningnan niya ang bunson anak at hinawakan ang kamay nito. “Ano’ng ibig niyang sabihin, anak? Nagpakasal ka? Bakit?”
“A-Ah, Papa, kasi—”
“Mahal,” sabat ni Paulina. “Oo. Kasi kailangan natin ng pera. Hindi ba matagal na ninyong plano ito ng kumpare mo? Pasensya ka na—”
“Bakit mo nagawa ‘to, Paulina?!”
Napakislot si Lirah noong biglang sumigaw si Don Fernan. “P-Papa, ang puso mo.”
Napapikit nang mariin si Don Fernan. Hindi siya makapaniwala na ipinakasal ng kaniyang asawa si Lirah sa anak ng kumpare niya para sa pera. Oo nga’t matagal na nilang plano iyon pero hindi si Lirah ang ipapakasal sa panganay ng kaniyang kaibigan. Napabuga siya ng hangin at mariing tiningnan ang asawa.
“Mag-uusap tayong dalawa.”
Chapter 12
“Bakit mo nagawa iyon, Paulina?” tanong ni Don Fernan sa asawa. Naiwan na silang dalawa sa loob ng silid. Hindi pa rin siya makapaniwala na ginawang ipakasal ng kaniyang asawa ang kanilang bunso. Masyado pa itong bata para magkaroon ng sariling pamilya.
“Ginawa ko ‘yon dahil kailangan natin ng pera, Fernan. Hindi ba tama naman ang ginawa ko?”
Huminga nang malalim si Don Fernan. “Ipinakasal mo si Lirah! Mali iyon!”
Napasinghap si Donya Paulina. “Bakit parang kasalanan ko pa itong nangyari? Ginawa ko lang naman kung ano sa tingin ko ang makatutulong sa pamilya natin, ah? Nagagalit ka lang dahil si Lirah ang kinasal. Bakit ba masyado mong kinakampihan ‘yan anak mo?!”
“I can’t believe you, Paulina!”
“Fernan! Hindi ba matagal niyo nang plano ‘to ng kumpadre mo? Ano’ng mal isa pagpapakasal sa kanilang dalawa ngayon?!”
“Oo! Pero hindi si Lirah!”
Nag-iwas ng tingin si Donya Paulina. Ilang sandali pa ay napailing-iling na siya. “Sinasabi ko na nga ba. Nagagalit ka dahil si Lirah ang ikinasal at hindi si Liza. Bakit ka ganyan? Parehas mo naman silang anak! Ganiyan din ba ang magiging reaksyon mo kung si Liza ang ikinasal?” maluha-luhang tanong niya.
Napabuga ng hangin si Fernan. Nasapo niya pa ang kaniyang dibdib dahil pakiramdam niya ay bigla iyong bumigat. Agad namang nataranta si Paulina at lumapit sa asawa.
“S-Sorry. May masakit ba sa ‘yo? Tatawag ako ng doctor!” natatarantang sabi nito.
Agad na hinawakan ni Fernan ang braso ng asawa noong akma itong tatayo ulit. Marahan niya itong hinila paupo sa kama at tinitigan.
“Ayos lang ako.”
“Sigurado ka?”
“Oo.” Muling bumuga ng hangin si Fernan. “Pasensya na kung ganito ang reaksyon ko. Hindi naman gano’n ang ibig kong sabihin. Ganito rin ang mararamdaman ko kung sakaling magpakasal si Liza nang hindi ko alam, Paulina. Sana ay maintindihan mo ako.”
Bahagyang lumabi ang Donya. “Talaga? Alam ko namang mas mahal mo ang bunso natin. Pero sana ay h’wag mong kalilimutan ang panganay natin, Fernan. Siya ang pangany mo,” anito na binigyang diin pa ang salitang panganay.
“Alam ko. Alam ko. Nangyari na. Kaya wala na akong magagawa pa. Ano ang sabi ni Manuel?”
“Wala naman. Sumang-ayos siya kaagad. Tinutulungan nga tayo para mahanap ang nangnakaw sa atin.”
Tumango-tango si Fernan. “Mabuti naman.”
Matalik na kaibigan ni Don Fernan si Don Manuel. Kaya umabot pa iyon sa punto na nagkaroon sila nang pangako sa isa’t isa na ipapakasal ang kani-kanilang mga panganay na anak. Kaya nga lubos siyang nagulat noong ang bunso niya ang nagpakasal kay Matias.
“Sige na. Tawagin mo na ang mga bata.”
“Sige.”
Sa labas ng silid, naghihintay sila Lirah na matapos ang pag-uusap ng mga magulang. Naroon din sila Myrna na katabi ni Lirah. Si Matias ay nasa kabilang upuan sa tabi rin ng asawa. Habang si Liza ay nasa tapat ni Lirah at panay ang titig kay Matias. Hindi ito makapaniwala na isang gwapong binata ang pinakasalan ng kapatid.
“Are you sure you are Matias Gomez?” hindi na kinayang tanong ni Liza kay Matias.
Nag-angat ng ulo si Matias. “Yes. Why?”
“Nothing. I expect you as a bald ugly man,” direktang sabi ni Liza.
Namilog ang mga mata ni Lirah. Siya ang nahiya dahil sa sinabi ng nakatatandang kapatid. Nag-aalalang tiningnan niya si Matias upang i-check ito. Napanatag siya noong makitang matipid na nakangiti ang asawa.
“Really? I don’t think so.”
Iniikot ni Liza ang mga mata. “Whatever. Good luck with my sister. Masyado siyang inosente at tatanga-tanga sa mga bagay-bagay. Lumaki kasi sa hacienda.”
Napatungo si Lirah. Muli siyang nakaramdam nang pagkapahiya ngayon. Sa harapan pa talaga ni Matias nito sinabi ang mga iyon.
Bahagyang nangunot ang noo ni Matias. Tiningnan niya ang asawa na nakatungo lang. Pagkatapos ay tiningnan niya rin si Liza na nakataas ang kilay habang nakatitig kay Lirah. Kitang-kita niya na bahagyang nakaangat ang gilid ng labi nito.
Natigilan si Lirah at agad na napatingin kay Matias noong bigla niyang maramdaman ang pag-akbay ni Matias. “Ano’ng ginagawa mo?” bulong niya rito. Pero ngumiti lang sa kaniya si Matias.
“Sa tingin ko ay hindi naman.” Tumingin si Matias kay Liza. “She’s good to me. At para sa akin ay ayos na iyon dahil alam kong mabait siyang tao.”
Agad na pinamulahan ng mga pisngi si Lirah. Pinigilan niya ang sarili na ngumiti kaya naman ay tumungo na lang siya ulit. Hindi niya inalis ang kamay ni Matias at hinayaan ito sa balikat niya. Pakiramdam niya bigla ay nagkaroon siya nang kakampi.
Hindi naman maitago ni Liza ang pagkainis dahil sa sinabi ni Matias. Pinagkrus niya ang mga braso at tumayo. “Well, good luck. Bahala ka ma-bored sa kaniya,” ani niya at naglakad palayo sa kanila.
“Ganiyan talaga ‘yan, Matias. Pasensya na,” sabi ni Kiray. Kanina pa niya sinasamaan ng tingin si Liza dahil sa pagtataray nito sa kaibigan.
“O-Oo nga. Mabait naman ‘yan si Ate.”
“Ano’ng mabait do’n? Naku! Kung hindi mo lang ate ‘yon, sinabunutan ko na ‘yon.”
“Tumigil-tigil ka nga, Kiray. Baka marinig ka ng Donya,” saway ni Myrna sa anak.
Bumuntonghininga si Lirah. Tiningnan niya si Matias na para bang malalim ang iniisip. Tumikhim siya. “P-Pwede mo nang alisin ang kamay mo. Ang bigat eh,” kunyari ay reklamo niya.
“I’m sorry.” Inalis ni Matias ang kamay. “She’s a model, right?”
“Oo. Kilala mo ang ate ko?”
Umiling si Matias. “Hindi. Pamilyar lang siya sa akin. Siguro isa siya sa mga nag-model ng brand namin.”
“Ahh, okay.”
“Pero bakit hinahayaan mong ganonin ka ng ate mo?”
Malungkot na ngumiti si Lirah. Tumingin siya sa upuan na inalisan ng kapatid. “Mabait naman ‘yan si ate. Nagtatampo lang siya kaya siya ganyan sa akin,” pagtatanggol niya sa kapatid. Pilit niya ring inalala kung kailan ng aba ito naging mabait sa kaniya. Ngunit kahit na ano ang gawin niya ay wala siyang maalala.
“Hindi mo siya dapat hinahayaang i-bully ka, Lirah. Alam kong nakatatanda mo siyang kapatid. Pero kailangan ka pa rin niyang irespeto bilang tao.”
Tumayo si Kiray at naupo sa tapat nila Lirah. “True ‘yan, pogi! Alam mo bang ilang beses ko na rin ‘yang sinabihan si Lirah? Kaso masyadong malambot. Kaya ginaganyan-ganiyan ng kapatid eh. Tapos palagi pang kinakampihan ni Donya Paulina.”
Pinandilatan na ni Myrna ang anak. Magsasalita sana siya para sawayin ito ngunit bumukas na ang pinto ng kwarto ni Don Fernan. Agad namang tinakpan ni Kiray ang bibig niya at nakangiwing tumingin sa ibang parte. Si Lirah ay agad na tumayo at lumapit sa ina.
“Tapos na po ba kayong mag-usap, Mama?”
“Nasaan na ang ate mo?” balik-tanong ni Donya Paulina.
“Ah. Umalis po.”
“Okay. Tapos na kami. Pwede ka nang pumasok sa loob. At h’wag mo nang pagurin ang tatay mo, ha?”
“O-Opo, Mama.”
Pumasok na ng silid si Lirah. Sumunod sa kaniya ang mga kasambahay. Naiwan namang nakaupo si Matias sa waiting area. Hindi niya maiwasang makaramdam nang awa kay Lirah. Ngayon ay alam na niya kung bakit ang bunsong anak ng mga Sarmiento ang pinakasalan niya at hindi ang panganay. Noong una ay wala siyang pakealam. Gusto na lang niya matapos ang mga pagsasalita sa kaniya ng ama. Ngunit habang tumatagal ay pakiramdam niya ay tama lang na si Lirah ang kaniyang napakasalan. Ngayon, lumaki ang pakiramdam niya na gusto niya itong protektahan.
Chapter 13
“I hope everything is okay with my daughter, Matias,” ani Don Fernan kay Matias. Naiwan silang dalawa sa loob ng silid nito. Inihatid kasi ni Lirah sila Paulina palabas ng ospital. Uuwi muna kasi ang mga ito para makapagpahinga.
Ngumiti si Matias. “Yes, Tito. Don’t worry. I will take care of your daughter.”
Bumuntonghininga si Don Fernan. “Hindi pa rin ako makapaniwala na ikinasal kayo. But I trust you. I know that you’re a good child, Matias. Ang hiling ko lang ay h’wag mong sasaktan ang anak ko. Wala siyang alam sa mga bagay na ito. Lumaki siya sa hacienda at buong-buhay niya ay roon lang nakatuon.”
“I see that you are worried at her. I promise, Tito. I will take care of her.”
“Salamat. Pero may tanong ako, bakit ka pumayag na makasal sa kaniya?”
Biglang nawala ang mga ngiti ni Matias. Nag-iwas siya ng tingin at bumuga ng mahinang hangin. “I don’t really have a choice. You know, Dad.”
Marahang tumango si Don Fernan. Hindi lingid sa kaniyang kaalaman ang sitwasyon ni Matias. At iyon ang kaniyang labis na pinag-aalala. Alam niyang mabuting tao si Matias. Nasubaybayan niya ang paglaki nito. Lahat nang ipinag-uutos ni Don Manuel na tatay nito ay sinusunod nito. At madalas sa mga iyon ay hindi gustong gawin ng binata. Kaya alam niya na hindi rin nito ginustong magpakasal kay Lirah. Kaya bahagya siyang nahihirapan na pagkatiwalaan ito.
“I’m just hoping na hindi ito makaapekto kay Lirah, Matias.”
“Sure, Tito.” Pinilit na ngumiti ni Matias. Noong una ay wala talaga siyang balak na magkaroon ng kaugnayan kay Lirah kahit na kasal na sila. Pero ngayon ay para bang may kung ano sa dalaga na nagsasabi sa kaniya na kailangan niya itong protektahan.
Pagkatapos mag-usap nila Matias ay umalis na rin ito. Kailangan pa nitong pumasok sa opisina nito. Habang si Lirah naman ay naiwan sa ospital para bantayan si Don Fernan.
“Kumusta ka na, anak?”
“Papa, ayos lang ako. Ang kalusugan mo ang dapat nating bantayan.”
“Maayos ba ang pakikitungo sa ‘yo ni Matias?”
Sandaling natigilan si Lirah. Matipid siyang ngumiti at tumango sa ama. “Opo naman, Pa. Mabait naman si Matias sa akin.”
“Totoo ba ‘yan? Hindi mo ba siya pinagtatakpan?”
“Opo, pa! Kaso hindi ko alam na matakaw pala siya.”
Nangunot ang noo ni Don Fernan. “Bakit?”
“Eh kasi… gusto niya palaging nilulutuan ko siya. Kahapon, pumunta pa siya sa hacienda noon para lang magtanghalian.”
“Talaga?” hindi makapaniwalang sabi ni Don Fernan. Sa pagkakaalala niya ay mailap sa mga tao si Matias. Dahil na rin sa hindi maayos ang relasyon nito sa ama. Ni minsan ay hindi niya ito nakasabay sa hapag-kainan sa tuwing bumibisita siya sa kumpadre.
“Opo, pa. Pakiramdam ko nga ay iyon na lang ang ginawa niyang dahilan para mag-stay sa kasal namin.”
“Pasensya ka na, anak. Wala akong nagawa noong pinakasal ka ng mama mo.”
“Ayos lang po. Ginawa ko naman ito para sa ‘yo, pa. Hindi mo kailangang magpasensya.”
Bumuntonghininga si Don Fernan. “Pero alam ko na hindi mo ito gusto, ‘di ba?”
Napatungo si Lirah. Hindi niya talaga maitatago ang katotohanan sa kaniyang papa. Pero hindi naman niya masabi iyon nang direkta rito dahil ayaw niyang madagdagan pa ang isipin nito.
“Ayos lang talaga, pa. H’wag mo na akong intindihin. Ang importante ay maging maayos na ang kalagayan mo at mahuli na ‘yong sumalbahe sa negosyo mo.”
Malungkot na napangiti si Don Fernan. Alam niyang hindi tatanggi ang kaniyang anak sa lahat nang hihilingin ng kaniyang asawa. Kaya nakakalungkot na kahit na alam niyang ayaw nitong magpakasal ay ginawa pa rin nito.
Ilang araw pang nanatili sa ospital si Don Fernan bago ito tuluyang nakauwi. Minabuti nitong sa hacienda muna manirahan habang nagpapagaling. Kaya naman ay nakiusap din si Lirah kay Matias na maglalagi rin muna siya roon hanggang sa gumaling ang kaniyang ama.
“Hon, sigurado ka na ba na gusto mong dito ka muna?” tanong ni Paulina sa asawa.
“Oo. Mas mabilis akong gagaling dahil sariwa pa ang simoy ng hanging dito.”
“Ako na ang bahala kay Papa, Mama. H’wag kang mag-alala,” nakangiting sabi ni Lirah.
Naiikot ni Liza ang mga mata. “Baka lalong magkasakit sa ‘yo si Papa. Ano ba ang ginagawa niyo rito at ang baho?”
Agad na nabura ang mga ngiti ni Lirah at nakaramdam nang pagkapahiya. “Palagi namang naglilinis sila kuya, ate.”
“Hay naku, tama na iyan. Nakapagdesisyon na ako. I will stay here for a while,” putol ni Don Fernan sa pag-uusap ng dalawang anak.
Inirapan ni Liza si Lirah. Habang si Lirah naman ay lalong nanliit sa kahihiyan. Napagdesisyonan na niyang bukas na bukas ay papalinisin niya nang maayos ang buong hacienda. Para mas maging maayos ang pananatili ng kaniyang ama roon.
Hindi na rin nagtagal ang mag-ina sa hacienda at umalis na rin. Agad na inasikaso ni Lirah ang kaniyang ama at sinamahan ito sa master’s bedroom.
“Dito ka muna, Papa. Papunta na po ang personal nurse mo.” Bumuntonghininga si Lirah. “Kung bakit kasi kumuha ka pa no’n. Eh kaya naman kitang alagaan,” may himig ng pagtatampong sabi niya.
Napangiti si Don Fernan. “Ayos lang iyon, hija. Ayaw ko naman masyado kang mapagod nang dahil sa akin. Alam ko na may iba ka pang pagkakaabalahan dito. At isa pa, mas alam ng nurse ang mga pangangailangan ko.”
“Sige po. Sige. Basta wala munang trabaho, ha? Kailangan mong magpahinga. H’wag mo munang isipin ang kompanya.”
“Opo, doc.”
Napahagikhik si Lirah. Noong masiguro na niyang maayos na ang kaniyang Papa sa loob ng silid ay lumabas na rin siya. Agad siyang nagpatulong sa kanilang mga tauhan para linisin ang buong hacienda. Pinalipat niya ang kulungan ng ilang hayop na malapit sa mansion. Para hindi pumasok sa loob ang simoy ng hangin sa tuwing dudumi ang mga ito. Sigurado naman kasi siya na magpupunta ulit ang kaniyang Mama roon. At ayaw naman niyang maisip nito na hindi niya na aasikaso nang maayos ang hacienda.
Hindi rin nagtagal ay dumating na ang personal nurse na kinuha ng kaniyang papa. Siya mismo ang nag-asikaso rito at nagturo kung saan ang magiging silid nito. Pinaliwanag na rin niya ang mga kailangan ng kaniyang ama alinsunod sa doctor nito.
Noong matapos si Lirah ay nagluto na siya ng kanilang hapunan. Nagulat pa siya noong malaman na biglang dumating si Matias sa hacienda.
“Matias? Ano’ng ginagawa mo rito? Hindi ako makakauwi. Hindi ba sinabi ko na sa ‘yo kanina?”
Tumango si Matias. Nanlaki ang mga mata ni Lirah noong may ibinaba itong bag sa sahig. Nalilitong tiningnan niya ang asawa.
“Oo.”
“Eh ano ‘yan?”
“I decided, I will stay here too for a while.”
Ngumiti nang malapad ang binata. Halos lumuwa naman ang mga mata ni Lirah dahil sa gulat.
“H-Ha? Sigurado ka ba? Bakit? Kaya mo ba manirahan dito?”
“Of course! At isa pa, kung nasaan ang asawa ko. Dapat andoon din ako. This is what all supportive husband does.”
Napalunok si Lirah. Wala siyang ibang nasabi at napatitig na lang sa binata. Hindi niya alam kung bakit gano’n na lang ang malakas na pagkabog ng kaniyang dibdib. Sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya nang pagkalito sa kaniyang nararamdaman.
‘Kalma, Lirah! Hindi kayo totoong mag-asawa!’
Chapter 14
“Mukhang hindi ko na kailangang kausapin ang Ninong mo, Hija,” pabirong sabi ni Don Fernan.
Natigilan si Lirah sa pag-aayos ng pagkain nito sa maliit na lamesa. Tiningnan niya ang ama at nakitang nakangiti ito nang malapad habang nakatanaw sa ibaba— kay Matias kasalukuyang nagpapakain ng mga aso. Dahil hindi pa pwedeng gumalaw-galaw si Don Fernan ay dinalhan na lamang ito ng pagkain sa silid nito. At gusto nitong kumain sa teresa kung saan matatanaw ang halos kabuoan ng kanilang hacienda.
“Bakit naman, Papa? Ano ang sasabihin mo kay Ninong?”
“Mukhang masaya naman si Matias. Ngayon ko lang siya nakitang ganiyan.”
“Ho? Paano niyo naman nasabi? Eh parang gusto lang manggulo niyan. Ayaw niya lang magluto para sa sarili niya.” Sumimangot si Lirah.
Natawa si Don Fernan. “Kakaibang bata si Matias, Anak. Sa lahat ng anak ng Ninong mo ay siya lang ang malayo sa mga tao. Pero napaka masunuring bata. Bibihira ko nga iyang makita noon, at sa tuwing makikita ko pa nga ay tahimik lang at nakasimangot.”
“Pansin ko nga po. Hindi ko siya nakilala noong makita ko siya.” Naupo si Lirah sa tapat ni Don Fernan. “Kain ka na, Papa. Iinom ka pa po ng gamot.”
“Hay, sige na nga. Mukhang mas mahigpit ang doctor ko rito sa bahay eh.”
Napahagikhik si Lirah. Hinayaan na niyang kumain ang kaniyang ama habang pasimpleng sumisilip kay Matias. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang naging interesado rito dahil sa kinuwento ng kaniyang ama. Bigla ay nahiwagaan siya sa binata.
Pagkatapos kumain ni Don Fernan ay hinayaan na ni Lirah ang personal nurse nito ang mag-asikaso rito. Nagluto na rin siya ng hapunan nila at pagkatapos ay pumunta muna sa kulungan ng mga baboy.
“Chuchay! Nakakatayo ka na!” nakangiting sabi ni Lirah. Nilapitan niya ang malaking baboy at hinagod ang ulo nito. Panay ang iyak ng mga biik na nakadikit pa ang bibig sa suso ng malaking baboy. Agad kasi itong tumayo noong marinig ang boses ni Lirah. “Higa ka na ulit. Kawawa ang babies mo.”
Humuni ang baboy na para bang naunawaan si Lirah. Muli itong nahiga at hinayaan na ang mga biik na sumuso sa kaniya. Lalong napangiti si Lirah.
“Ang lalaki na nila.”
“Lirah!”
“Matias? Ano’ng nangyari sa ‘yo?”
Hinubad ni Matias ang suot na sando. Puno kasi iyon ng putik at ang pantalon nito. Natigilan naman saglit si Lirah noong mapatitig siya sa tiyan nito. Bigla niyang na alala noong unang gabi nilang magkasama. Agad na nag-init ang kaniyang tainga at siya ay tumingin sa alagang baboy.
“Nagpatulong kasi si Mang Kanor doon sa palayan. May pagkain na?”
Napanguso si Lirah. “Yes, Sir! Kanina pa po luto!”
Pinunasan ni Matias ang leeg pababa sa dibdib. “Mabuti naman. Nagugutom na ako eh.”
Napailing si Lirah. “Hindi ko alam na marunong ka palang magtrabaho sa palayan?”
“Oo naman. Noong bata pa ako, palagi rin akong sinasama ng mommy ko sa hacien—” Biglang nawala ang mga ngiti si Matias. “Ahm. Maliligo lang ako. Sabayan mo na ako sa pagkain, ha?”
Agad na nakaramdam nang pagtataka si Lirah dahil nakita niyang biglang lumungkot ang mukha ng binata. Nagmamadali rin itong tumalikod sa kaniya na para bang nahiya sa sinabi nito.
“Ano kayang nangyari do’n?”
Napabuga ng hangin ang dalaga. Minabuti na lamang niya na pumunta sa kusina upang mag-asakaso na ng pagkain nila ni Matias.
“Aba! Mukhang masarap ‘yan, ah!” Bigla na lamang sumulpot si Kiray mula sa sala. Mayroon itong dalang basket na puno ng prutas. “Pakain!”
“Sige. Maupo ka na riyan at ihahanda ko lang ito.”
“Thank you, bessy!” Ibinaba ni Kiray ang dalang basket sa ilalim ng lamesa. “Balita ko nandito raw ang asawa mo? Where na siya?”
“Naliligo.”
“Nakita mo?”
Agad na nanlaki ang mga mata ni Lirah. Tumawa naman nang malakas si Kiray.
“Bakit parang gulat na gulat ka? Nakita mo na, ‘no?”
“Uy, Kiray! Ang bibig mo naman!”
“Ayiee! Mukhang nabinyagan na ang bessy ko ah!”
“Tumigil ka nga! Hindi kita pakainin diyan!”
Tumalikod si Lirah. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang naging sensitive tungkol kay Matias.
Nakakainis! aniya sa kaniyang isipan.
Ilang sandali pa ay duamting na si Matias sa hapag-kainan. Nag-umpisa na rin silang kumaing apat dahil dumating din si Myrna. Tanging si Kiray lang ang maingay sa kanilang lamesa dahil panay ang tanong nito kay Matias. Si Lirah na lamang ang nahihiya dahil para bang ini-interview na nito ang binata.
“Nga pala, Matias. Wala ka bang girlfriend?” tanong ni Kiray.
Biglang inubo si Matias. Agad itong inabutan ni Lirah ng tubig. “H-Ha?”
“Girlfriend. Kasi ‘di ba arrange marriage lang kayo ni Lirah. Single ka ba noon? Or totoo ‘yong chismis na may asawa ka na rin?”
“Ano? Saan mo naman ‘yan nasagap?” nagtatakang tanong ni Matias.
“Sa social media. So, ano nga?”
“Hay naku, Kiray. Ano naman ngayon kung may dating nobya si Sir Matias? Eh mag-asawa na sila ni Lirah,” sabat ni Myrna.
“Curious lang, ‘Nay!”
Tiningnan ni Lirah si Matias. Hinintay niyang tumanggi ang binata ngunit bigla itong tumango. Agad na nakaramdam nang kirot sa kaniyang dibdib si Lirah.
“Hindi totoo na may asawa na ako. Pero nagkaroon ako ng girlfriend.”
“Oh? Sino? Nasaan siya? Alam ba niya na nakatali ka na sa best friend?”
“Kiray!” Pinandilatan ni Lirah si Kiray.
“Wala na. Actually, I haven’t seen her for three years now. Hindi ko na rin siya nakausap pa.”
“Break na kayo?”
Matipid na ngumiti si Matias. Hindi naman alam ni Lirah kung ano ang kaniyang mararamdaman dahil sa hindi nito kinumpirma ang tanong ni Kiray. Biglang bumagal ang pagnguya niya ng kanin at nag-iwas ng tingin.
“Ay, okay,” ani Kiray. “Alam mo itong bessy ko. Walang boyfriend ‘yan. NBSB! Kaya fresh na fresh ‘yan.”
“Kiray! Ano ba ‘yang pinagsasabi mo? Kumain ka na nga lang riyan!” saway ni Myrna.
Lumabi si Kiray. “Nagpapaliwanag lang eh.”
Bumuntonghininga si Lirah. Minabuti na lamang niyang tumahimik at ipagpatuloy ang pagkain. Hindi na rin naman kasi nagsalita pa si Matias. Hindi lang niya maiwasang makaramdam nang kakaiba dahil sa kaniyang nalaman. Kaya siguro ay parang galit ito sa kaniya noong una silang nagkita. Dahil nga ay may nobya pala ito.
Pero matagal na niyang hindi nakikita?
Napaingos si Lirah. Eh sila pa rin!
Three years na ang nakalipas kaya wala na ‘yon!
“Ah basta!” Agad na tumayo si Lirah mula sa pagkakaupo.
“Are you okay?” nagtatakang tanong ni Matias.
Nanlaki ang mga mata ni Lirah noong makitang nasa harap pa rin sila ng hapag-kainan. Pinilit niyang ngumiti at umiling.
“O-Oo— Ano. T-Tapos na ako. Sige! Babalik na lang ako kapag tapos na kayo!”
Dali-daling lumayo si Lirah mula sa lamesa at nagpunta sa kusina. Nakakahiya ka talaga, Lirah!
Chapter 15
“Kanina ka pa tahimik, ah? May problema ka ba?”
Natigilan si Lirah noong marinig niya ang boses ni Matias. Tumikhim siya at umayos ng upo. Tumabi naman ito sa kaniya kaya sinarado na niya ang librong binabasa niya.
“Bakit hindi ka pa natutulog? Maaga ka pa bukas, ‘di ba?” balik-tanong niya.
Nagkibit ng balikat ang binata. “Hindi pa ako inaantok.”
“Dapat kasi hindi ka na sumunod pa rito. Baka naninibago ka sa higaan mo.”
Ngumiti si Matias. “Okay lang.” Sumandig ito. “Ang ganda pala rito tuwing gabi.”
Nangunot ang noo ni Lirah. “Ha? Oo. Kasi fresh pa ang hangin?”
“Kasi napaka payapa ng gabi. Unlike in the city. Dito kahit sobrang dilim ng paligid ay hindi ka makakaramdam ng takot.”
Napatingin si Lirah sa paligid. Tanging ang ilaw lamang mula sa kanilang hacienda at ilang mga kulungan ng hayop ang liwanag sa paligid. Bukod doon ay wala nang ibang makikita kundi ang kadiliman ng gabi. Napaka tahimik na rin ng paligid kaya ito talaga ang oras nang pagbabasa ni Lirah.
“Tama ka naman diyan.” Huminga nang malalim si Lirah.
“Totoo ba ‘yong sinabi ni Kiray? Hindi ka pa nagkakaroon ng boyfriend?”
“Oo. Masama ba?”
“No! It’s… interesting actually. Ngayon lang ako ulit nakakilala ng babaeng hindi pa nagkakaroon ng boyfriend.”
Bahagyang natawa si Lirah. “Grabe naman ‘yon? Parang krimen na masyado kapag NBSB ka, ah?”
“You know, girls in the city are different. Malayong-malayo sa ‘yo.”
Biglang bumilis ang pagtibok ng puso ni Lirah. “G-Gano’n ba? Edi ang swerte mo nga. Ikaw nga may girlfriend. Alam niya ba na nagpakasal ka na?”
“She doesn’t need to know. Matagal na rin naman kaming walang komunikasyon.”
“Paano kung bigla siyang bumalik? Ano gagawin mo?”
“I don’t care.” Tumayo na si Matias. “I should sleep now. Pumasok ka na at malamok na rito sa labas. Good night.”
Nangunot muli ang noo ni Lirah. Kitang-kita niya ang pagkailang ni Matias sa tanong niya. Sinundan pa niya ito ng tingin hanggang sa makapasok ito sa loob ng mansyon.
“Ano kayang problema no’n?”
Bumuga ng hangin si Lirah at tinuloy na lamang ang kaniyang pagbabasa.
Ilang araw din ang nakalipas bago naging mabuti ang lagay ni Don Fernan. Sa ilang araw na iyon ay tinutukang maigi ni Lirah ang kaniyang ama. Hindi rin umalis si Matias sa hacienda at sinamahan si Lirah doon.
“Maraming salamat, Hijo, sa pag-babantay sa anak ko. Ngayon ay sobra akong napapanatag dahil ikaw ang naging asawa niya,” nakangiting sabi ni Don Fernan. Papalabas sila ng mansyon.
“She’s my wife now. She’s my responsibility, Tito.”
“You shouldn’t call me Tito anymore then. Why not start practicing calling me Papa?”
Napangiti si Matias. “Sure, Papa. Are you really sure that you’re okay now?”
“Yes. I need to go back to my company. Alam mo naman na wala akong ibang maasahan doon. Lalo na ngayon na matindi ang kinakaharap ng kompanya.”
“H’wag kang mag-alala, Papa. We will help you.”
“I’ll be happy.”
Hindi nagtagal ay may pumarang dalawang sasakyan sa harap ng mansyon. Agad na bumaba mula roon sila Donya Paulina at Liza. Lumapit ang mga ito kay Don Fernan na may ngiti sa kanilang mga labi. Na tila ba ay masaya talaga ang mga ito na maayos na ang kalagayan ng Don. Kahit na ni isang beses ay hindi dumalaw ang mga ito sa hacienda.
“Fernan! My love! How are you?”
“I’m happy to see that you’re okay now, Papa.”
Tumikhim si Lirah. “Nakahanda na po ang mga gamit ni Papa, Mama.”
“Mabuti naman.” Umarko ang kilay ni Donya Paulina. “Halika na, Mahal ko. Malayo pa ang byahe natin.”
“Hindi manlang ba muna kayo papasok sa loob para magpahinga?” tanong ni Don Fernan.
“Oo nga po. Nagpahanda ako ng meryenda niyo, Mama, Ate,” ani Lirah.
Iniikot ni Liza ang kaniyang mga mata. “No need! Alam mo naman na ayaw na ayaw ko rito. Ang baho!”
Agad na napatungo si Lirah dahil sa sinabi ng kapatid. Napailing naman ang Don.
“Liza, h’wag kang ganiyan. You love it here when you were young. Palagi nga kayong naglalaro ni Lirah doon sa kulungan ng mga manok noong kabataan niyo eh,” paliwanag ni Don Fernan. Pangiti-ngiti pa ito.
“Eww! Papa! Matagal na ‘yon. Let’s just forget about it. At isa pa, si Lirah lang naman ang nagi-enjoy rito. Hindi ko nga alam bakit hindi mo pa ito binebenta eh?”
“I agree, Fernan. Malaki ang maitutulong nang mapagbebentahan ng hacienda sa kompanya,” segunda ni Donya Paulina.
Nanlaki naman ang mga mata ni Lirah. Agad siyang umiling bilang protesta. Ngunit kinunotan lamang siya ni Liza ng noo.
“Hindi po ako papayag! Ayaw kong mawala ang hacienda! Paano na lang ang mga alaga ko? Ang mga taong umaasa rito? Hindi pwede!”
“Tama na ‘yan!” seryosong sabi ni Don Fernan. Tiningnan niya ang mag-ina. “You both know that I will never sell this land! Mawalan na tayo nang lahat pero hindi ko hahayaan na mawala itong hacienda!”
“But, Fernan—”
“Stop it, Paulina. Let’s go now.”
Nauna nang maglakad si Don Fernan papuntang kotse. Sinamaan naman ng tingin ni Liza si Lirah na nakatayo lang sa tabi ni Matias. Inirapan nito ang kapatid bago ito naglakad kasunod ang ina.
“We will talk about this soon, Lirah!” ani pa Donya Paulina bago tumalikod.
Nakaramdam nang kaginhawaan si Lirah noong makita na niyang papalayo na ang sasakyan ng mga ito. Napabuga siya ng hangin at nagpunas ng pawis.
“Grabe talaga ‘yang kapatid mo, Bessy! Pati ang Mama mo ay sobra na rin!” ani Kiray. “Naisipan pa talagang ibenta ang hacienda? Eh mas matanda pa ‘to sa ating lahat!”
Naikuyom ni Lirah ang kaniyang mga palad. “Hindi ako papayag na ibenta itong hacienda. Pumayag na ako sa gusto nilang magpakasal kahit hindi ko pa gusto. Hindi ako papayag na kuhain nila sa akin ang nag-iisang bagay na nagpapasaya sa akin!”
Napaluha na si Lirah. Malaki ang problema ng pamilya nila, oo. Ngunit hindi niya gustong mawala sa kanila ang lupaing ito. Hindi dahil sa malaki ang kinikita nila rito. Kundi dahil napamahal na sa kaniya ang lugar na ito. Halos dito na rin siya nagkaroon ng isip. Kaya kahit mawalan na siya ng boses ay ipaglalaban niya sa pamilya niya ang lupaing ito. Napaigtad siya noong may umakbay sa kaniya.
“It’s okay, Lirah. Don’t worry. Hindi ko rin hahayaan na mawala ito sa ‘yo.”
Napatingin si Lirah kay Matias. Nakangiti ito sa kaniya na para bang inaalo siya. Hindi rin alam ni Lirah kung bakit biglang gumaan ang pakiramdam niya dahil sa sinabi ng binata. Bigla tuloy siyang nakaramdam ng konsensya dahil sa sinabi niya rito.
“S-Sorry sa sinabi ko tungkol sa kasal natin.”
“Wala ‘yon.” Huminga nang malalim si Matias. “Anyway, ngayon ko lang na realize. Gusto mong mag-honeymoon tayo?”

